Chapter 17: Pinya

Inilagay ni Cairon ang aso sa likod ng pick-up truck bago pumuwesto sa driver seat. Habang nagmamaneho ay pasulyap-sulyap naman siya sa mapuputing hita ng dalagang nakahalukipkip at nakatingin sa tanawin sa labas, pati na rin sa kanilang dinaanan.

Inilibot niya ito sa kanilang corn field, manggahan, at pinyahan. Naisip niyang sa susunod na araw ay sa sunflower field at papayahan naman. Saktong-sakto dahil nagsisimula na silang mag-ani. Baka naman ay mag-e-enjoy ito sa panonood kung paano gawin iyon.

Kahit paano ay masaya siyang ipakita ang mga ito sa dalaga. Hindi niya mawari kung bakit. He just felt proud to show her around.

“Si Tita Este ang ang namamahala rito kasama ang ilang pinagkakatiwalaang mga tauhan namin simula nang mag-retire siya bilang aktres. Ang mga ito ang naipundar naming dalawang magtiya sa mga nakalipas na taon. Noong nasa showbiz pa siya ay ako ang nag-ju-juggle sa lahat ng responsibilad sa hacienda at enterprises ko. It was quite difficult, but I managed. Bilib ka na ba sa ‘kin?” aniyang kinindatan ang dalaga.

“Tch! Hambog nito,” tanging anitong inirapan siya.

‘Hmm. She doesn’t look impressed at all.’

Binati niya ang mga tauhan nila sa pinyahan at tumuloy sila sa isang kubo kung saan ang pahingahan ng pinagkakatiwalaang tauhan na si Tatang Juan na nasa sesenta anyos na. Masaya itong makita siya at ang kasama niyang magandang bisita.

“Tatang, girlfriend ko ‘to. Huwag n’yong pagnanasahan. Bawal. Ako lang puwede,” sabi niya nang pabiro at nakangisi sa matanda.

Nakita niyang napamaang ang dalaga pero hindi ito pumalag o nakapalag gaya kagabi. Binigyan siya nito ng matalim na tingin na binalewala niya lang.

Tumawa ang Tatang Juan niya.

“Mukhang hindi mo ‘to gelpren, Sir Cairon. Mukhang kailangan pa niyang dumaan sa ‘kin,” anitong sabay rolyo ng suot na long sleeves habang nakangisi.

Napatawa siya sa biro ng matanda. “Tatang, hindi na kailangan kasi nakagawa na kami ng ritwal. Akin na siya kaya ‘wag na kayong umangal!”

“A-ano’ng ritwal na pinagsasabi mo?” angil ng dalaga.

Napaaray siya nang siniko siya nito sa tagiliran. Napatawa tuloy si Tatang Juan na napatingin sa nagbu-blush na dalaga.

“Halika, hija. Ipagbabalat kita ng pinya at nang matikman mo ang tamis ng produkto ni Sir Cairon⸺kung hindi mo pa natitikman ‘yon,” sabay tawa na naman ng matanda nang makahulugan habang nakangisi ang binata.

Napailing na lang siya sa matanda habang nanlaki ang mga mata ng dalaga. Kung siya ang masusunod, unang gabi pa lang sana kung hindi lang ito hard-to-get, eh, natikman na sana nito ang produkto niyang may maipagmamalaki.

“Ay, ang ibig kong sabihin, ‘yong produkto namin dito na pagmamay-ari ni Sir Cairon,” mabilis na dagdag ng matanda. “Alam mo kasi, ito ang pinakamatamis na pinya sa buong Pilipinas!” anitong medyo sumeryoso na ang tono ng boses. Iginiit ang salitang pinakamatamis.

Malinaw na ipinagmamalaki talaga nito ang kanilang produkto lalo na’t ang matanda ang nakaisip ng paraan para mas mapatamis ang variety ng kanilang pinya ayon sa natutunan nito sa mga nakatatanda raw nito. Katulad na lang ng kung kailan magtatanim at sa tinatawag nitong “paglilihi” bago itanim ang mga pinya. Sa pagkakaalam ni Cairon ay ginagawa nito ang paggamit ng preskong shells ng itlog at nilalagyan iyon ng asukal saka doon ipapatong ang pinyang itatanim. Kaya kapag namunga ang pinya ay napakatamis ng mga ito.

Habang binabalatan ng matanda ang isang pinya ay dumating ang asawa nitong si Nanang Ambi. Masaya itong makita siya. Niyakap siya nito nang mahigpit na parang anak nito.

Ipinakilala naman niya si Derin dito.

“Ay, ang pagkaganda ng bago n’yong gelpren, Sir Cairon!” Titig na titig ito sa dalaga. Parang naii-starstruck.

Nang sulyapan niya si Derin ay nakita na naman niya ang pamumula ng pisngi nito. Sa paningin niya ay lalo lang itong gumanda.

“Siyempre naman, Nanang. Ako pa?” pang-aalaska niya.

Pinandilatan naman siya ng dalaga nang pasimple nang hindi na nakatingin ang matandang babae sa kanila. Parang gustong sabihin nitong sumusobra na siya at nasanay na siya. Inabuso na niya ang pag-angkin dito na girlfriend niya kahit hindi totoo.

Well, bakit hindi niya totohanin? Susubukan niya hanggang sa mapapa-oo niya ito. Hindi siya susuko.

Inilapag na ni Tatang Juan ang hiniwang pinya na nasa isang plato. Pinasalamatan nila ito at nagsimula na silang kumain.

“Hmm! Ang tamis nga po. Pinakamatamis na pinyang natikman ko ito!” saad ng dalaga na nag-thumbs up pa sa mag-asawa.

Napatawa siya nang marahan. Nakita niyang proud ang mag-asawa sa produktong itinanim ng mga ito at ng mga tauhan nila. Mahigit sampung taon na ring naninilbihan sa hacienda niya ang mag-asawa. Parang kapamilya na rin niya.

Napatingin siya sa dalagang enjoy na enjoy sa pagkain ng pinya. Tumulo pa ang juice sa gilid ng bibig nito. Ipinahid niya ang hinlalaki at natigilan ito. Hindi niya naman alintana ang mapanuksong tingin ng matandang mag-asawa.

“Para ka palang bata kung kumain ng pinya. Tumulo na, o,” obserba niyang pinahid ulit ito at sinimsim niya iyon pagkatapos na ikinamangha ng dalaga.

Napaiwas ito ng tingin dahil sa hiya at sa ginawa niya. Napatawa na lang siya nang mahina habang tinutuya ang dalaga. Gusto niya talagang tuksuhin ito. Lalo itong gumaganda kapag namumula ang pisngi sa pagkapahiya.

Nagpatuloy na siyang kumain habang hindi inihiwalay ang mga mata sa magandang mukha nito.

“Kung wala lang dito sina Tatang at Nanang hindi lang daliri ko ang papahid niyan, eh. Itong mga labi ko na,” wika niya pa.

Lalo itong pinamulahan ng pisngi habang napatawa sa kanyang sinabi ang mag-asawa. Gayunpaman ay matalim siyang tiningnan ni Derin at parang sinasabing “Peste ka talagang manyak ka!” kaya naman ay napatawa na naman siya rito.