Chapter 18: Tsismis
Ayaw mang aminin ni Derin ay nag-enjoy siya sa paglibot nila ni Cairon kanina sa manggahan at pinyahan. Ang babait at sobrang maalalahanin din ang mga katiwala nito sa bawat taniman.
Doon na sila nag-dinner sa bahay ng katiwala nito sa manggahan na si Tatang Nacio dahil sa imbitasyon nito kaninang hapon bago sila nagtungo sa pinyahan. Kinatay nito ang dalawang manok at ni-lechon para sa kanila. Siyempre may share naman si F na tuwang-tuwa sa kinakaing buto.
“Kapag may oras ‘yang si Sir Cairon, binibisita niya kami at tinatanong kung anu-ano ang mga kailangan namin, lalo na sa pamilya namin,” sabi ng asawa ni Tatang Nacio na si Nanang Piling.
Nag-uusap ang dalawang lalaki sa labas ng bahay habang tinutulungan niyang magligpit ang matandang babae sa may kusina.
“Noong hindi pa niya nabili ang manggahan, ang hirap-hirap ng buhay namin dahil ang kuri-kuripot ni Don Jaime, ‘yong ama ni Senyorita Cammy.”
Bumilog ang mga labi niya sa sinabi nito.
“Sumilangit nawa ang kaluluwa niya,” sabay na napaanda ito.
“Eh, naging nobya naman niya si Cammy at sa tingin ko para namang mabait ‘yon,” komento niya. Kulang na lang ay kumibit at umismid siya.
‘Bakit parang may grudge ako kay Cammy? Wala naman siyang ginawa sa ‘kin na masama.’
Napatawa nang mahina ang ginang. “Hmm… medyo mabait na hindi,” kumibit naman na ani Nanang Piling. Natutop nito ang labi kahit may sabon ang kamay. Tuloy ay napadura ito at napatawa siya. “Ang tsismosa ko kasi,” sabi nito.
Nakangiti lang siya rito.
“Hindi naman sa nililibak ko siya o ano, ha? Si Senyorita Cammy kasi ay maluho. Mabait siya lalo na kapag nasa harapan niya si Sir Cairon pero ang totoo niyan, eh… gusto niya lang talagang pikutin si Sir Cairon kahit noon pa. Malas lang niya dahil nakipaghiwalay ang amo ko sa kanya. Pero kapag nababalitaan niyang nandito si Sir Cairon, tawag nang tawag ‘yan sa kanya para maakit ulit.” Umikot ang mga mata ng medyo payat na matanda.
“Ah, pero baka mahal niya lang po si Cairon.”
“Ewan ko lang. Sa kabilang banda, kahit hiwalay na sila ay lagi pa rin siyang bumibisita kay Senyorita Cammy. Iyon nga lang, ang sabi-sabi ayaw ni Sir Cairon na makipagbalikan sa kanya.”
Naisip ng dalaga na siguro iyon ang dahilan kung bakit ipinakilala siyang girlfriend ng lalaki dahil ayaw na nitong makipagbalikan sa ex.
Hinayaan niyang magkuwento ang ginang. Hindi naman sa gusto niyang mamulot ng impormasyon o ano. Kahit paano ay mas nakikilala niya ang binata at ang ex nito.
‘Well, who are you kidding, Derin? Nanghahagilap ka lang ng tsismis. Aminin mo na kasi,’ tuya ng isip niya.
***
Hindi mapigilan ni Derin ang sariling huwag mapatitig sa lalaking nagmamaneho nang pauwi na sila sa mansion mga pasado alas nuwebe na ng gabi. Nagkasarapan ang kuwentuhan nila ni Nanang Piling. Ang daldal. Nalaman niyang pinapag-aral ni Cairon ang nag-iisang anak na lalaki ng mag-asawa sa Manila. Engineering daw ang kinukuha at sa susunod na taon na raw ga-graduate.
“Nai-in love ka na ba sa ‘kin kaya titig na titig ka na lang nang ganyan?” sabi nito bago siya sulyapan.
Napatikhim siyang nag-iwas ng paningin.
‘Heck. Alam niya palang kanina ko pa siya tinititigan.’
Hindi kasi ito umimik habang nagmamaneho sa lubak-lubak na daan.
“In love mong mukha mo!” pakli niya rito.
Ang mga mata niya ay napalipat sa napakadilim na daan. Kung hindi dahil sa headlights ng pick-up truck ay malamang nangangapa sila sa dilim in the middle of nowhere. Pero baka naman hindi. Siguro ay kabisado ng lalaki ang daan dito dahil sakop iyon ng malaking lupain nito.
Napatawa sa kanya ang lalaki. Mga kalahating oras din ang biyahe nila bago sila nakarating sa mansion. Sinalubong sila ni Mang Matias para ibalik sa hawla si F. Hindi naman akalain iyon ng binata nang marinig niya ang sinabi nito.
“Bakit hindi kayo umuwi Mang Matias. Ako na ang bahala kay F. Gabing-gabi na, o,” anito.
“Eh, responsibilidad ko naman kasi si F, Sir Cairon,” protesta nito.
“Dito na lang kayo matulog tawagan n’yo na lang si Aling Marta para hindi ‘yon mag-aalala.”
“Opo, Sir,” anito.
“Kumain na ba kayo?” pahabol ng lalaki nang papalayo na ang may edad na hardinero at iginiya ang aso.
“Opo, Sir! Pinasalo pa ako ni Madam Este kanina.” Nagpaalam na ito nang tuluyan sa kanila at nawala na sa kadiliman.
Bumaling sa kanya ang binata nang magsimula siyang maglakad patungo sa kabahayan. Hinawakan siya nitong bigla sa kamay.
“Nag-enjoy ka ba sa pamamasyal natin?” tanong nito sa kanya nang may paglalambing sa boses.
Hindi niya alam kung paano pakikitunguhan kapag ganito ito. Mas gugustuhin pa niya ang bastos na manyak na bersyon nito at alam niya kung ano ang sasabihin o gagawin.
Tumikhim siya bago nagsalita. “Hmm. Medyo,” pilit na sabi niya habang nagbawi ng kamay.
Tumawa ito. “Medyo lang?”
Hindi siya umimik. Pinagbuksan siya nito ng tarangkahan at pinaunang pumasok sa loob bago nito ini-lock ang pinto.
“Goodnight,” sabi na lang niyang inignora ang tanong nito.
Nagsimula siyang pumanhik nang sumabay ito sa kanya nang patalikod. Nakapamulsa pa ito sa board shorts na suot.
“Ihahatid na kita sa kuwarto mo,” kindat na anitong kinagat ang ibabang labi.
‘Jusme. Ang suggestive talaga ng mahalay na lalaking ito.’
Binigyan niya ito ng masamang tingin. “As if namang mawawala ako,” pagtataray niya. “Kahit malaki itong mansion mo, hindi ako maliligaw, ano?”
“Ako na lang kaya ang ihatid mo? Nasa third floor naman kasi ang kuwarto mo at nasa second floor lang sa ‘kin. May ipapakita ako sa ‘yo,” anitong kumindat na naman.
Parang gusto niyang matawa. Ewan niya sa kung anong kadahilanan. Sa kilig o sa ewan. Pero umandar na naman ang pagkamanyakis nito, alam niya. Nang-eengganyo talaga ang hinayupak sa kanya. Halata naman iyon.
“Tigilan mo nga ako diyan sa kakikindat at pang-aakit mo. Hindi mo ako maaakit!”
“Ows? Talaga? Sampolan nga natin,” anitong biglang hinapit ang baywang niya.
Agad na dumapo ang labi nito sa labi niya na parang magnet. Namilog ang mga mata niya sa ginawa nito. ‘Di na naman siya nakapaghanda. Palagi na lang siyang nako-caught off guard ng lalaki. Ngayon ay hindi na naman siya makagalaw at napapikit na naman siya ng mga mata para namnamin ang halik nito.
‘Get a grip, Derin!’ sigaw ng lohikong utak niya.