Chapter 17

“Ugh! Ka pagod!”

Himutok ni Jean bitbit ang isang tray na puno ng plato, inilagay niya iyon sa lababo at bumalik ulit sa labas para magligpit. Si Ate Grace ang taga separate, ako ang taga hugas ng mga kutsara si Rose ang taga punas at ilagay sa electric utensils sterilizer. Subrang busy namin ngayon. Ika-dalawang gabi na ng midnight sale at may pakulo ang department store kaya walang tigil rin ang mga kumakain dito sa food court.

“Thank you. Makakain na rin sa wakas.” Nagpalakpak pa ng kamay si Aljon at sinalubong nila ni Sony si Valerie, sumimangot naman ang dalaga, panigurado tinutukso na naman nila ito.

“Ano ang gusto niyong hapunan?” tanong niya pero sa akin nakatingin. Tumaas ang sulok ng labi ko at pinagpatuloy ang paghugas ng mga kutsara dahil sumigaw si Jean sa labas na wala na raw kutsara doon.

“Pwede mag request ng letson, Miss?” Binatukan ni Miss Toneth si Rey na kakapasok lang.

“Mahiya ka naman. Nilibri na nga tayo mag request ka pa,” saad nito at inambahan pa. Napakamot si Rey sa kanyang ulo sabay iwas. “Magkano ba ang budget ni, Sir, Val?”

Napasinghap ako nang iwinagayway ni Valerie ang credit card na hawak. “As usual, credit card ang ibigay dahil wala raw siyang cash. Ako na naman ang mag aabuno.”

“Kung ano nalang na ulam na makita d’yan sa tenant,” ani Ma’am Toneth.

“Mang Inasal nalang.”

Tuwang-tuwa naman ang mga lalaki sa suhestiyon ni Valerie. Tinaasan ko siya ng kilay nang tingnan niya ako. Inutusan na naman siguro siya ni Ethan. Hindi ko alam kung pati ang ibang department ang may libreng pakain o kami lang na mga housekeeping. Nagulat nalang ako kagabi na pumunta rito si Valerie at sinabing sagot ni Ethan ang hapunan namin.

Mula kahapon hanggang ngayon, hindi ko siya nakita. Busy raw siya sabi ni Valerie. Pabor din iyon sa akin, at sana magtuloy-tuloy na ang pag-iwas niya. Kaya lang ito na naman ang bagong pakulo niya, ang papuntahin rito si Valerie na may dalang pagkain o ‘di kaya ay itatanong sa akin kung ano ang gusto kong kainin.

Nakakahiya. Ilang beses ko rin tinanggihan si Valerie pero ayaw sumunod sa akin dahil siya raw ang mananagot kapag hindi siya sumunod sa utos ni Ethan. Para hindi ako makatanggi, lahat nalang ng mga kasama ko isinali niya para hindi raw halata na ayaw akong magutom ni Ethan.

"Ma'am Valerie, pwede palit tayo ng trabaho kahit isang araw lang," saad ni Astro habang kumakain kami.

" Oo ba. Basta ang kapalit, akin ka ng isang gabi.”

Nagtawanan kami ng magkunwari na nasusuka si Astro sa sagot ni Valerie. Lahat kami rito magkasundo na si Valerie. Sa tuwing magdadala siya ng pagkain, nakikain na rin siya at aalis lang kapag tapos nang kumain o kaya kapag pinapatawag siya ni Ethan, pero madalas dito siya tumatambay dahil boring raw sa taas wala siyang maka-usap.

“I hate you, talaga.”

Nilingon ko siya. Magkatabi kami habang kumakain, kami nalang ang naiwan dahil nagpahuli ako. “Luh! “

Bumusangot ang mukha niya. “Nasira diet ko dahil sayo. After ng midnight sale mag leave ka ng one week, ha.”

"Bakit”

“Para makapagpahinga rin ang katawan ko sa puro kain.”

Hindi ko napigilan ang matawa. “Kausapin mo yang boss mo. Pati ako nasira na rin diet ko,” mahinang sabi ko sa kanya.

“Ano na ba ang score niyong dalawa? Panay landian kayo e.”

Napa ubo ako nang mabulunan ako sa sinabi niya. “Wala.”

Hindi natuloy ang panunudyo niya ng samaan ko siya ng tingin. Walang score at wala ng landian pang magaganap dahil pagkatapos ng gabing ito tuluyan na akong iiwas sa kanya. Mahirap na baka may makahalata sa simpleng galawan niya.

Bumalik si Valerie sa taas dahil pinatawag siya ni Ethan. Bumalik na rin kami sa aming mga area. Bandang alas diyes wala na masyadong tao sa food court. Nag out na rin ang first batch. Umakyat muna ako sa canteen para tumawag sa bahay dahil mamaya pang alas dose ang out ko. BInuksan ko ang locker ko at kinuha ang cellphone doon.

"Hi," masayang bungad ko nang sagutin niya ang tawag ko. " Kamusta ka? Late parin ako maka uwi mamaya. I miss you. "

Lumingon ako sa aking likuran nang maramdaman na may tao doon. Binundol ng kaba ang puso ko nang makita ko si Ethan na nakasandal sa pader sa mismong likuran ko. Hawak ang kanyang cellphone at nandoon ang kanyang atensyon.

"I miss you, too. I love you."

Binalik ko ang tingin sa aking harapan. " Love you, too."

"Ha? Ano ‘yun. Hindi ko marinig."

"I love you, too," ulit ko sa mahinang boses.

"Hindi ko marinig mahina ang boses mo."

"Sabi ko I love you, too. Ang bingi mo," ngumuso ako ng marinig ang hagikhik niya sa kabilang linya. " Ba-bye na. May work pa ako. Ingat ka," at ibinaba ang tawag.

"Naintindihan ko na kung bakit."

Nanigas ang katawan ko nang marinig ang mahinang boses ni Ethan. Puno ng lungkot at hinanakit. Nang lingunin ko siya, nakalikod na siya, naglakad pababa. ipiniling ko ang aking ulo, nag a-assume na naman ako, baka mali lang ang pagdinig ko sa emosyon ng boses niya. Ibinalik ko ang aking cellphone at bumalik na rin sa ibaba.

Wala ng masyadong tao sa food court. Nag close na rin ang ibang tenant dahil ubos na ang kanilang paninda kaya salitan kami sa pag idlip dahil antok na talaga kami. Medyo masakit na rin ang ulo at nahihilo na dahil sa antok pero nilalaban ko parin. Nakatayo sa gilid ng pintuan, inaabangan ko kung bababa ba rito si Ethan pero nangalay na ang paa ko kahit anino niya hindi ko nakita.

Nakita ko na siya sa taas pero hindi parin nakontento ang mata ko, hinahanap ko parin siya. Umaasa parin ako na bumaba siya rito sa kabila ng mga narinig niya. Hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Gusto ko siyang iwasan at lumayo sa kanya pero kapag wala siya at hindi ko nakikita, hinahanap ko ang presensya niya.

“Sa wakas, uwian na.” hiyaw ng mga kasama ko at nagmadaling tumalima.

Para akong isang lantang gulay habang inaasikaso ang mga gamit ko. Antok na antok na ako at pagod. Gusto ko ng humilata sa kama. Saglit akong napahinto sa paghakbang nang makasabay ko si Ethan. Gumilid ako para makadaan siya pero nanatili siya sa kanyang dinadaanan habang busy ang atensyon sa kanyang cellphone na hawak.

Ang awkward. Kami lang kasi dalawa. Walang nagsalita, walang imikan. Tanging tunog lang ng mga yabag namin ang umaagaw sa katahimikan. Hanggang sa makarating kami sa highway nakasunod parin siya sa akin nang hindi umiimik. Lakad takbo ang ginawa ko ng makita ko si Benjo. Naka sampa ito sa kanyang motor habang nakatukod ang magkabilang braso sa manibela. Umayos siya ng pagka upo nang makita ako.

Inabot niya sa akin ang helmet. “Ang tagal mo,” humihikab na reklamo niya.

“Tara na. Antok na ako,” ani ko at sumampa sa motor.

Bago kami umalis, nakita ko sa gilid ng aking mata na nakatingin sa aming gawi si Ethan. Dala sa sinag ng ilaw, nakita ko ang samo’t saring emosyon sa kanyang mukha. Umiwas agad ako ng tingin at yumakap sa baywang ni Benjo nang paandarin niya ang motor.

“Sa bahay ka na mag agahan bukas,” inaantok na saad ko at bumaba sa motor nang makarating kami sa tapat ng bahay.

“Ayoko,” tanggi niya kaagad. "Sawa na ako sa ulam niyong chopsoy.”

“Next time nalang kita ilibre,” natatawa na sambit ko. “Salamat. Good night.”

“Okey dokey.”

Hindi ko na ginising si nanay. Nagmadali akong maglinis ng katawan pagkatapos sumalampak kaagad sa kama. Dala sa antok at pagod nakatulog kaagad ako. Pagkagising ko kinabukas, mag isa nalang ako, may nakahain ng pagkain sa lamesa at nakahanda na rin ang baon ko. Ang aga naman umalis ni nanay.

Nakalutang ang isip ko habang nakasakay sa jeep hanggang sa dumating ako sa tapat na Millanic. Inaantok parin ako. Pagod parin ang katawan ko at parang hindi umipekto sa akin ang energy drink na ininom ko.

"Sabog ka parin, Lil. Kahit ang pagsuklay hindi mo na nagawa."

Kinapa ko ang ulo ko. Tama nga si Rose, hindi ko nasuklay ang buhok ko. Basta ko nalang iyon pinuyod at naglagay ng lipgloss sa labi at nag pulbo. Napangiwi na nakatingin si Rose sa akin.

"Sa baba na ako mag ayos, ma late na tayo," saad ko.

Nagmadali kaming bumaba at mabilis na nag biometric bago mag perma ng DTR.

"Ang aga mong namasyal dito ah," ani ko nang pumasok si Valerie dito sa dishwashing area.

"As usual," kibit-balikat na sagot niya.

"Busog ako, " bumusangot ang kanyang mukha. "Busog talaga ako, Val, masayang na naman ang dala kong baon, hindi ko naman makain mamaya dahil busog na ako. "

Para siyang bata na nagpapadyak na inagawan ng candy. "Kausapin mo siya. Sabihan mo, " aniya.

" Ikaw na magsabi. Umiiwas nga ako sa kanya e."

" Wahhh! Ayoko na. Mag resign na ako, " atungal niya.

Hindi pwede na ganito palagi ang gagawin ni Ethan. Maging unfair iyon sa ibang mga department na bawal kumain habang sa trabaho. Samantalang kami, binibilhan, pinapayagang kumain anumang oras.

Ako lang naman ang dahilan. Hindi ko naman ginugutom ang sarili ko para alalahanin niya ang oras ng pagkain ko.

Naniniwala na ako na may gusto siya sa akin pero hindi parin ma alis sa isipan ko ang narinig ko sa office niya. Sa tuwing na aalala ko iyon, nasasaktan parin ako.

"Sabay tayo mag lunch mamaya, ha," tumango ako. " Alis na ako. Mag isip pa ako kung ano ang idahilan ko sa kanya kung bakit tumanggi ka."

"Sabihin mo sa kanya ang totoo."

Tulad ng sabi ni Valerie, sumabay siya sa akin mag lunch break. Hindi ko alam kung bakit naging close kaming dalawa. Siya ang pumalit kay Ethan na parang linta makadikit sa akin.

Wala siyang baon kaya bumili siya. Magkaharap kaming dalawa. Palagi akong may baon na kanin at ulam kaya hindi na ako bumibili dito sa canteen.

"Oh!"

Napalingon ako ng makita ang gulat niyang mukha. Muntik ko ng mabitawan ang baunan ko ng makita si Ethan na pumasok rito sa canteen. Maski ang ibang empleyado ay napalingon rin, at gaya ko nagulat rin sila. Ito ang unang beses na kakain si Ethan rito. Umiwas ako ng tingin at itinuon sa aking baunan ang atensyon. Inilapag ko iyon sa lamesa at binuksan.

"Wala ng chopsoy. Kanina pa raw ubos," ani Valerie.

"Si, Lil, Miss Val, chopsoy lagi ang ulam."

Nasamid ako sa sariling laway ng sumabat si Sony. Sakto rin ang pagbukas ko ng baunan ko ng magsalita siya kaya wala na akong rason para mag deny na hindi chopsoy ang ulam ko.

"Sa baba nalang ako kakain," kaswal na sagot ni Ethan.

"Ubos na rin doon," tumayo si Valerie. " Umupo ka na d'yan," tukoy niya sa tabi ko. " Manghiram ako ng plato ng kutsara."

"May extra ako," pigil ko kay Valerie. "May plastic na kutsara at tinidor ako," kinuha ko iyon sa aking bag at inilapag sa ibabaw ng baunan ko. "Hindi yan nagamit."

Pigil ang ngiti na bumalik sa pagka upo si Valerie. Tila, napako ako sa aking kinaupuan nang tumabi sa akin si Ethan.

" Thanks, " saad niya, sakto lang na marinig ko iyon.

" Girls scout yan si, Lil, laging handa. May paper plate pa nga yan doon sa locker niya e. "

Sinamaan ko ng tingin si Sony." Kaysa naman makigamit ako ng plato at kutsara dito, hindi ko naman alam kung sino ang gumamit no'n."

Inilabas ko ang paper plate na lagi kong dala at inilapag iyon sa harapan ni Ethan. Dahil marami ang kanin ko, hinatian ko siya.

" Kumain ka na, " mahinang utos ko ng matapos ko lagyan ng kanin ang paper plate. Inusong ko palapit sa kanya ang tupperware na may lamang ulam na chopsoy. "Sayo na 'yan."

Tinaasan ko ng kilay si Valerie ng umakting itong nabulunan. "Marami yan, kumain ka kung gusto mo," ani ko.

"Sabi ni Sony kanina ito ang lagi mong ulam. Favorite mo?" saad ni Valerie matapos kumuha ng ulam. "Favorite 'to ni, Sir, eh. Diba?" Aniya at tumingin kay Ethan.

Maliit akong ngumiti. " Hindi ko paborito 'yan pero paborito nila sa bahay kaya iyan ang palagi naming ulam tuwing umaga. "

Hindi ko akalain na pati sa ulam parehas kayo ng paborito. Tahimik na ipinagpatuloy ko ang aking pagkain kahit nahihirapan akong lunukin ito dahil sa magkahalong emosyon na naramdaman ko dahil katabi ko ang lalaking pilit kong iniiwasan pero pagkakataon ang gumagawa ng paraan para kami ay magkasama.