Chapter 16

Nang mawala siya sa paningin ko, pinahid ko ang basa kong pisngi at malaki ang hakbang na bumaba ako. Sa banyo ako dumiritso pagkababa ko. Nagkulong ako sa stock room dahil naiiyak na naman ako sa huling sinabi ni Ethan. Tama naman iyong sinabi niya, na baka may makakita sa amin, na mayroong CCTV camera, pero hindi ko maiwasang masaktan sa lamig ng boses niya nang sabihin niya iyon at basta nalang ako tinalikuran.

Ganito ang ginagawa ko sa kanya. Ngayon, sa akin na niya ginagawa nasasaktan ako. Mabigat sa loob ko na siya mismo ang iiwas sa akin. Nasanay kasi ako na ako ang palaging umiiwas, ang palaging lumalayo, ang palaging nambabalewala.

“Absent ba si, Lil?” boses iyon ni ate Grace mukhang iihi siya.

“Hindi. Sabay nga kami pumasok kanina e,” sagot ni Jessa. “Baka hindi pa tapos maglinis, inutusan yun ni Ma'am Mia kanina.”

Hindi na nasundan ang pag-uusap nila. Nang tumahimik ang loob doon lang ako lumabas para maglinis sa mga cubicle. Nang matapos sa paglilinis bumalik ulit ako sa loob ng stock room para mag mukmuk.

Gusto kong puntahan si Ethan. Gusto kong itanong sa kanya kung galit ba siya sa akin. Nagtatampo. Kung ano ang nagawa kong kasalan kung bakit biglang nagkaganon siya. Hindi ako mapakali. Dapat ipagpasalamat ko ang bagay na ito pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit nasasaktan ako?

Nang mag lunch break namin hindi ako umakyat para mananghalian. Dito parin ako sa stock room nagkukulong, dinadamdam ang huling pag-uusap namin ni Ethan. Hindi man lang ako nakaramdam ng gutom kahit ala una na ng hapon. Sumandal ako sa pader, ipinikit ko ang aking mata. Itulog ko na lang ang bigat na naramdaman kong ito.

“Lil,” ang nagtataka na mukha ni Ma’am Mia ang nabungaran ko pagmulat ko ng aking mata. “Hindi ka nag luch break?”

Umiling ako. “Busog pa ako, ma’am.”

“Sigurado ka?” tumango ako. “Kanina pa kita hinahanap, umakyat pa ako sa taas akala ko hindi ka pa tapos sa ginagawa mo.”

“Dito ako dumiritso pagkatapos,” tumayo ako at sumunod sa kanya palabas ng cr. “Umidlip ako, napagod ako, ang dumi sa taas.”

Umismid siya. “Sinabi mo pa. Wala akong mautusan na sumunod sayo doon, biglang na busy dito sa food court kanina.”

“Ayos lang yun ma’am. Kere ko naman.”

Lumiko si Ma'am Mia dahil titingin pa raw siya sa mga area. Si Amy ang nadatnan ko pagkapasok ko sa diswashing. Prenteng naka upo naka patong pa ang isang paa sa upuan. Hinila ko ang upuan at doon pumuwesto sa likod ng pader na hindi nakikita sa labas. Para akong lantang gulay na pasalampak na umupo.

“Kapagod ngayong araw, ang daming trabaho walang pahinga,” mahinang reklamo ni Amy, nakapikit ang mata at halatang pagod.

“Maraming absent, eh.” buntong-hininga na sagot ko. Itinanday ko ang paa ko sa paa niyang nakapatong sa upuan at pumikit din. Hindi naman siya nagreklamo kaya hinayaan ko nalang ang paa ko na nakatanday doon.

“Nagugutom ako,” aniya. "Ang tagal pa ng snack break."

“Ako rin,” sagot ko, saktong kumulo ang tiyan ko. “Hindi ako nag lunch break, wala akong gana kumain.”

“Bili tayo siomai.”

Umingos ako. “Wala akong pera.”

“May dala ako rito, pahiramin kita.”

"Sige, basta sa sahod ko na bayaran, ha. Gutom na gutom na talaga ako,” ani ko nakapikit parin ang mata. "Noong isang araw ko pa gustong kumain ng siomai."

Isang tikhim ang nagpabalikwas sa amin sa pagka upo. Muntik pa akong mahulog nang malaglag ang paa ko na nakatanday sa paa ni Amy. Biglang namutla si Amy nang mapagtanto kung kanino nagmula ang tikhim na iyon. Habang ako, hindi magkandamayaw kung paano pahupahin ang bilis ng tibok ng puso ko nang magtagpo ang aming tingin.

“Good afternon, Sir. “nauutal na sambit ni Amy.

Tumango siya. Seryoso ang mukha. “Maki-gamit ako ng telepono,” kaswal na saad niya.

Nang tumalikod siya sa amin, may kirot na gumuhit sa puso ko. Nagmadali akong lumabas bago pa tumulo ang luha ko. Pinanindigan na niya ang sinabi niya, kailangan ko na iyon tanggapin. . . At maging masaya.

Tinulungan ko si Amy na magligpit nang makitang halos lahat ng table bakante na at maraming liligpitin. Pinilit kong iwinaksi sa aking isipan ang sakit na naramdaman ko. Dapat una palang hindi ko na inilapit ang sarili ko sa kanya. Dapat una palang pinigilan ko na ang puso ko na lalong mahulog sa kanya, sana hindi ako nasasaktan ngayon.

Alam na ng sarili ko na laro lang ang lahat sa kanya, na iba ang gusto niya, kahit pa sinabi niya sa akin na gusto niya ako dapat hindi ako nagpadala sa bugso ng damdamin ko. Ako lang rin ang nasasaktan ngayon. Sinundan ko siya ng tingin ng makalabas siya sa diswashing area at diridiritso na pumasok sa department store hindi man lang ako nagawang sulyapan.

“Nanginginig parin ako sa kaba, gago!” natatawa na sinundan ko si Amy ng tingin na naghilamos ng mukha. “Pakiramdam ko humiwalay ang kaluluwa ko nang makita si Sir Jake kanina.”

“Mag relax ka nga doon, baka mahimatay ka d’yan mamaya,” ani ko. Nanghingi ako ng maligamgam na tubig sa tenant at pinainom iyon sa kanya. “Uminom ka muna, gaga ka. Namumutla ka.”

“Sino ba ang hindi mamutla, CEO yun oy.”

Pina upo ko siya. “Pakalmahin mo sarili mo. Ako na muna ang maghugas.”

Piniling ko ang aking ulo. Ayaw ko mag assume na ako ang sadya niya kaya siya pumasok rito at nag alibi na makigamit ng telepono. Malamang, masama ang loob niya sa akin kanina kaya ‘bat ko iisipin na ako ang sadya niya? Ang lamig nga ng pakikitungo niya. Malakas akong bumuntong-hininga at itinuon nalang ang atensyon sa ginagawa.

"Lil."

"Miss Valerie,” alanganin na sambit ko sa pangalan niya nang lingunin ko siya. After nang night swimming ngayon lang ulit kami nagkita kaya naiilang ako.

“Valerie na lang. Ang sagwa pakinggan ng Miss Valerie,” aniya at pumasok. "Pinabigay ni Sir Ethan," binigyan niya ako ng makahulugan na tingin ng dumungaw si Amy sa amin. " Para raw sa inyo."

"Ah, eh. S-Salamat." Nahihiya na tinanggap ko iyon.

Mahina siyang tumawa. “Alalang-alala ang puta, minadali ba naman ako na bumaba at bumili ng siomai at pizza dahil gutom ka raw,” mahinang dugtong niya.

Namumula ang pisngi na umiwas ako ng tingin sa kanya. Kung ganun, narinig niya kami ni Amy kanina. Nakaramdam ng tuwa ang puso ko. Kahit ganun ang pakitungo niya sa akin, kahit hindi ako sigurado kung seryoso ba siya, I felt happy, dahil concerned siya sa akin.

“Aalis na ako. Marami pa akong gagawin. Kainin niyo ‘yan, ha, aniya. " May sinabi pa pala siya," bulong niya. " Doon ka raw kumain sa tapat ng CCTV, gusto niya makasiguro kung kakain ka talaga."

“Pero baka malaman ‘to ng HR-,”

“Siya na raw ang bahala,” aniya at kumindat pa sa akin bago tuluyang umalis.

Umiiling na pinigilan ko ang mapangiti. Edi, siya na ang sweet. Pero hindi ko susundin ang bilin niya na sa tapat ako ng camera kumain. Bahala siya.

“Speachless parin ako sa kabaitan ni CEO,” sambit ni Amy habang ngumunguya. “Bihira lang ang boss na ganyan.”

Nagkibit-balikat lang ako at kumain na rin. Isang box ng large pizza ang binili niya at dalawang order ng assorted siomai. Talagang sinadya niyang damihan ang binili para hindi halata na isang tao lang dapat ang pakainin niya. Dahil nag ca-crave ako ng siomai, inubos namin ni Amy ang isang order at itinira ang isa para sa ibang kasama namin. Ang pizza hindi namin kinain dahil busog na kami. Solve ang gutom ko, na siya rin ang dahilan kung bakit nawalan ako ng gana kanina.

“Sinong may birthday?” nangingislap ang mata na tanong ni Astro nang makita ang box ng pizza.

“Baka walang laman,” si Rey.

“May laman ‘yan. Bigay ni CEO, para raw sa ating lahat,” sagot ni Amy.

Agad nilang nilantakan ang pizza at siomai pagkasabi ni Amy. Para silang mga batang gutom na hindi nakatikim ng masarap na pagkain. Nakikain na rin si Ma'am Mia at panay ang papuri nila kay Ethan.

Nang maghapon, nauna na akong mag akyat sa taas para maglinis. Sinadya kong mauna dahil gusto kong magpasalamat kay Ethan. Sininyasan ako ni Miss Valerie na dumiritso na sa loob.

Huminga ako ng malalim at kinalma ang sarili bago pinihit ang pinto. Nag angat siya ng tingin ngunit agad ring binalik sa ginagawa ang tingin nang malaman na ako ang pumasok. Pagkatapos nang ginawa niya balik cold treatment na naman siya? Lihim akong napabumuntong-hininga at tumuloy. Sa banyo kaagad ako dumirtso.

Natigil ako sa paghakbang palabas ng banyo ng magsalita siya.

"Buntis ka?" Tanong nito sa malalim na boses.

Umangat ang kanyang ulo nang hindi ako nakasagot dahil sa pagkabigla. Tinaasan niya ako ng kanyang dalawang kilay.

"Ha? Anong buntis?” nagtataka na tanong ko pabalik.

"I heard nag-crave ka ng siomai kaya inutusan ko si Valerie na bumili at ibigay iyon sayo. So. . Are you. . ."

Nagsalubong ang kilay ko. Hindi porket nag crave buntis na kaagad? "May sperm ba ang diliri mo para ma buntis ako?”

He blinked many times sa sagot ko. Umalon ang kanyang lalamunan at biglang umiba ang klase ng titig niya sa akin. I felt awkward. Nabigla rin ako sa lumabas sa bibig ko ngunit huli na para bawiin ko ang sinabi ko.

“Whatever,” aniya at bumalik sa ginagawa. “‘Wag mo nga ako kausapin,” napangaga ako ng biglang tumaas ang boses niya. “ Nagtatampo parin ako sayo. Ang manhid mo hindi mo man lang naramdaman na nagseselos ako.”

Biglang bumukas ang pinto, dumungaw si Miss Valerie. “Ang boses niyo, abot hanggang labas,” at sinara ulit iyon.

Pinaningkitan ko siya ng mata. “Bakit ka naman magseseslos, wala namang tayo.”

Nakita ko ang pagguhit ng sakit sa mga mata niya “Oo nga, ‘bat ko ba nakalimutan 'yun,” walang buhay na usal niya.

Hindi na ako nakapagpasalamat sa kanya. Naduduwag ako na ako ang unang magbukas ng bagong salita dahil mukhang nawalan na siya ng interes na makipag-usap sa akin pagkatapos nang mga sinabi ko sa kanya.

Ipinagpatuloy ko nalang ang paglinis ng office niya. Sinundan ko siya ng tingin ng tumayo siya at walang salita na lumabas ng office niya. Naninikip ang dibdib ko na tinapos ang trabaho ko.

Binigay ko na naman siya ng panibagong dahilan para lalong sumama ang loob niya sa akin. Panibagong dahilan para lalo niya akong iwasan.

Tama nga iyang ginagawa mo Ethan. Na ikaw mismo ang lalayo sa akin nang hindi ako mahihirapan sa pag-isip kung paano ka iiwasan.