KABANATA 22: (HULING KWENTO NG LAGIM) ANG BANGUNGOT NA DREAMBOY

Tiningnan nito ang palanggana bago tumingin sa kanya.

"Kailan mo nakita ang totoong anyo niya at paano?"

Matagal bago siya nakasagot.

"Kagabi lang po nu'ng... h-hinahalikan niya ako," atubiling sabi niya.

Tumitig ang matanda sa kanya.

"Halik lang ba ang ginawa sa iyo?"

Tumango siya.

"Mabuti naman. Ang nakita mo ba ay may mga sungay at buntot na may pulang mata at maiitim na balahibo?" tanong uli nito.

Nagtatakang napatingin siya sa matandang albularyo.

"Paano ninyo pong nalaman?" gulat na tanong niya.

"Tingnan mo," sabi ng matanda na pinatingin sa kanya ang hugis ng tulo ng kandila sa palanggana ng tubig.

Nakita nga nya du'n ang hugis ng halimaw.

"Isa siyang halimaw na nabubuhay lang sa panaginip. Madalas sa kanila ay inaangkin ang mga babaeng gusto nila para magkaroon ng anak na mabubuhay sa lupa. Mabuti naman at hindi ka pa naangkin ng demonyong iyon bago mo natuklasan ang tunay niyang katauhan," sabi pa nito.

Napalunok siya sa nalaman. Hindi niya inamin ang totoong nangyari. Ayaw niyang mag-alala ang mga magulang.

"Eto, isuot mo iyan kada gabi. Hindi ka na malalapitan ng halimaw na iyon," inabot nito sa kanya ang isang kwintas na may maliit na bote na may lamang papel at langis sa loob.

Tinanggap niya iyon at agad na isinuot.

"Huwag na huwag mong kakalimutang isuot iyan kapag matutulog ka na," dugtong pa nito.

Tumango siya sa matanda. Wala talaga siyang planong alisin iyon sa katawan kahit hindi pa siya matutulog. Hindi na niya kayang makita ang totoong anyo ni Leandro.

Mula nang binigyan siya ni Ka Temyong ng kwintas ay hindi na niya nakikita si Leandro o mas tamang sabihing halimaw na dumadalaw sa panaginip niya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa katauhan ni Leandro. Hindi niya alam kung maniniwala siyang totoo ang mga nangyari sa kanila ng halimaw. Hindi na siya umaalis ng bahay kahit samahan ang ina sa bayan ay hindi na niya ginagawa.

Hindi na rin siya masyadong umiimik. Takot na takot pa rin siyang matulog kada gabi. Mga isang buwan din niyang pinapatabi ang ina sa pagtulog. Kahit sabihin pang suot niya lagi ang kwintas na bigay ng matandang albularyo ay hindi pa rin siya mapanatag.

Dalawang buwan na mula nang makilala niya si Leandro sa panaginip. Naiwan siyang mag-isa sa kubo nila dahil nasa sakahan pa rin ang mga magulang. Kasalukuyan siyang kumakain nang bigla niyang natutop ang bibig dahil sumama ang sikmura niya.

Napatakbo siya sa hugasan ng pinggan nila. Isinuka niya lahat ng kinain. Ang asim ng sikmura niya. Kahit wala na siyang maisuka ay duwal pa rin siya nang duwal. Kulang na lang ay isuka niya pati ang bituka niya. Nanghihinang nanghilamos siya ng mukha nang sa wakas ay tumigil din ang pangangasim ng sikmura niya.

Wala sa loob na bumalik siya upuan at iniligpit ang pinagkainan. Ilang araw na siyang nananamlay. Iniisip naman niyang normal lang iyon dahil hindi pa siya nakakalimot sa bangungot niya tungkol sa halimaw. Naisipan niyang pumasok ng kwarto at natulog. Inaantok siya lagi. Mahigpit ang hawak niya sa kwintas habang ipinikit ang mga mata.

Maagang umuwi ang mga magulang niya at katatapos lang niyang magluto ng kakainin nila nang gabing iyon. Inihanda na niya ang pagkain nila sa mesa. Agad na dumulog ang mga magulang niyang hapong-hapo sa buong araw na trabaho sa sakahan.

"Kumusta ka naman dito, anak? agad na tanong ng ama niyang si Andoy habang kumukuha ng pagkain at inilalagay sa plato nito.

"Mabuti naman po ako dito, itay," kiming ngumiti pa siya sa ama niya.

"Nu'ng isang araw pala ay nakasalubong ko si Edna. Iyong kaibigan mong nasa Maynila na. Umuwi pala siya nu'ng Sabado at binisita ang kapatid niya. Naku, ang laki na ng tiyan. Buntis na pala siya," balita ng ina niya.

"Talaga po?" nagulat na tanong niya.

Matagal na niyang hindi nakikita ang kaibigan niyang iyon mula nang lumuwas ito ng Maynila para magtrabaho nu'ng makapagtapos sila ng High School.

"Oo, kinukumusta ka nga niya. Masyadong maselan pala ang pagbubuntis niya. Mag-aapat na buwan na ang tiyan niya pero panay pa rin daw ang pagsusuka niya. Lagi rin daw siyang napapagod kaya't pinayuhan siyang magpahinga muna kaya naisipan niyang umuwi muna rito hanggang sa makapanganak siya,"dugtong pa ng ina niya.

Nagsusuka? Laging pagod? Di kaya, buntis din siya? Kailan ba siya huling dinatnan?

Marahas na umiling siya. Hindi maaari dahil sa panaginip lang lahat ang nangyari sa kanila ng halimaw. Pero hindi di ba't sabi din ni Ka Temyong ay isang demonyo ang dumalaw sa kanya sa panaginip? Ang demonyong kagaya ni Leandro ay inaangkin ang mga babaeng natitipuhan ng mga ito para magkaroon ng anak na mabubuhay sa mundo ng mga tao.

Hindi maaari!

Agad na napatayo siya sa realisasyong iyon.

Nagulat na napatingin ang mga magulang niya sa kanya.

"Oh, saan ka pupunta? Hindi ka pa nakakain?" tanong ng ama.

"B-busog pa po ako. Punta muna ho ako ng kwarto at medyo sumama ang pakiramdam ko," paalam niya sa mga ito at agad na tumalikod.

Nagkulong siya agad ng kwarto. Tuliro ang utak niya habang nakaupo sa kama. Paano nga kung buntis siya? Sino ang ipapakilala niyang ama? Hindi niya maaaring sabihin ang tungkol sa pag-angkin sa kanya ng demonyo sa panaginip.

Alam niyang mabilis na kakalat sa bayan ang balita at mamimiligro ang buhay nila at madadamay pa ang mga magulang niya. Kailangan niyang gumawa ng paraan bago pa man lumobo nang tuluyan ang tiyan niya.

Ano'ng klaseng paraan? Bigla siyang napahawak sa sinapupunan niya. Parang may nararamdaman siyang kakaiba nang gawin niya iyon. Hindi niya napigilan ang pagtindig ng mga balahibo niya.

Matatanggap niya kaya ang magiging anak niya? Paano kung mukha din itong halimaw? Kaya ba niyang patayin ang dugo at laman niya?

Gusto niya pa ring makaalis doon at kailangan din niya ng solusyon sa problema para maiwas sa gulo ang mga magulang. Biglang pumasok sa utak niya si Mang Igme. Kinilabutan siya sa naiisip pero may iba pa ba siyang pagpipilian?

Lagi na siyang pinaparinggan ng mga magulang niya tungkol kay Mang Igme. Alam niyang gustong-gusto ng mga ito ang matanda para sa kanya.