KABANATA 23: (HULING KWENTO NG LAGIM) ANG BANGUNGOT NA DREAMBOY

Hindi rin naman niya masisisi ang mga magulang. Gusto lang ng mga itong magkaroon siya ng magandang buhay at maiaalis sa kahirapan ng buhay nila kahit mananatiling magsasaka ang mga ito.

Napaisip siya nang malalim. Ang matanda na lang talaga ang makakapitan niya sa ngayon. Ito ang magiging solusyon sa problema niya at mailalayo din siya nito sa lugar na gusto na rin niyang isumpa. Mabibigyan din niya ng kasiyahan ang mga magulang kapag natupad niya ang pangarap ng mga ito para sa kanya.

Napagpasyahan niyang isagawa na ang plano bukas na bukas din. Gusto na niyang maalis sa lugar na iyon at kalimutan ang lahat. Hindi rin naman niya kayang ipalaglag ang nasa sinapupunan kahit pa nga anak ito ng isang demonyo. May parte niya ang masaya na magiging ina na siya. Saka na niya iisipin ang gagawin kung sakali ngang lumabas na halimaw ang magiging anak.

Sinagot niya si Mang Igme agad, ang matandang matagal nang nagpapalipad hangin sa kanya. Hiningi agad nito ang mga kamay niya sa mga magulang niya. Nakita niya ang gulat sa mga mukha ng mga ito pero hindi naman nagtanong pa dahil masaya ang mga magulang niya sa kaalamang iyon.

Isang magarbong kasalan ang naganap sa kanilang baryo pagkatapos ng isang buwan. Hindi nakadalo ang lahat ng anak ni Igme dahil busy ang mga ito sa kanilang trabaho sa Maynila. May lima kasing anak ang matanda at isa na lang sa mga ito ang wala pang pamilya.

Dinumog ng halos lahat ng tao sa baryo nila ang handaan sa kanilang kasal. Marami ang naging masaya sa kasal nila at marami din naman ang nagsasabing pera lang ang habol niya. Wala siyang pakialam sa mga sinasabi ng mga ito.

Ang importante ay maialis siya nang tuluyan ni Igme sa lugar na iyon. Plano nitong dalhin siya sa Maynila upang doon na manirahan. Kahit ayaw ng mga magulang niya na mapalayo sa mga ito ay wala din namang magagawa ang mga ito dahil kagustuhan din niya iyon.

Bukas na agad ang alis nila ng bago niyang asawa. Pagod na pagod siya pagkatapos ng kasal. Nakahiga siya sa kama katabi ng matanda at nakatulala sa kisame. Katatapos lang nitong angkinin ang katawan niya uli.

Biglang sumingit sa utak niya ang mukha ni Leandro. Nalungkot siya pero bigla ding kinalibutan nang makita naman ang halimaw na mukha nito, ang siyang totoong anyo ng lalaking minahal.

Napapikit siya nang mariin at mabilis na napahawak sa kwintas na binigay ng albularyo. Hindi na siya kailanman ginambala ni Leandro o ng halimaw sa panaginip mula nang suot-suot niya ang kwintas na iyon. Agad na lumipat ang kamay niya sa sinapupunan niya. Hindi pa halata ang umbok ng tiyan niya pero dama niya na may laman na nga iyon.

Mabilis na lumipas ang mga buwan.

Kasalukuyan niyang ini-ere ang bata sa loob ng tiyan. Hindi siya pumayag na sa ospital manganak. Natatakot kasi siya sa batang lalabas ng sinapupunan niya. Isang matandang babae ang nagpapaanak sa kanya ngayon sa loob ng bahay nilang mag-asawa.

"Ayan na. Lumabas na ang anak ninyo!" Masayang sambit ng nagpaanak sa kanya.

Kahit nanghihina ay pilit niyang iniangat ang ulo para masilayan ang mukha ng bata... o ng halimaw. Ipinakita naman ng matandang babae ang napakagandang sanggol. Napapikit siya habang nakahinga nang maluwag nang hindi nangyari ang kinakatakutan niya.

Lumapit na rin sa Igme at kinuha ang bagong silang na sanggol.

"Ang ganda ng..."

Napadilat siya uli nang isang nakakakilabot na sigaw ang sumunod sa sasabihin sana ng asawa. Narinig din niya ang pagsigaw ng matandang babae. Nanlaki ang mga mata niya nang ang bagong silang na sanggol ay nakadikit sa duguang leeg ng asawa. Tatakbo pa sana ang babaeng nagpaanak sa kanya nang tumalon ang sanggol dito at ito naman ang sinunggaban. Nakita pa niya ang pag-agos ng dugo sa leeg nito.

Hindi siya nakakilos sa sobrang takot lalo nang lumingon ang nakakatakot na mukha ng sanggol. Bigla itong tumalon sa kama at dahan-dahang lumapit. Nanginginig ang buong katawan niya nang matitigan ang anyo nitong may matutulis na ngipin na may bahid pa ng dugo. Tumigil ito sa dibdib niya at maya-maya ay inilapit ang duguang mukha sa dibdib niya.

Kitang-kita niya kung paanong nagpalit ng anyo ang halimaw pabalik sa isang sanggol na mukhang anghel. Maamong-maamo na ang mukha ng sanggol na nakapikit. Ang tanging naiwang bakas na naiwan dito ay ang duguang mukha dahil sa pagsugod nito kay Igme at sa matandang babae kanina.

Dahan-dahang inangat niya ang kamay para hawakan ang inosenteng mukha ng sanggol.

"A-anak..."

Hindi niya maikakaila ang kakaibang nararamdaman para sa anak sa kabila ng nasaksihan kanina. Bigla ay umiiyak na niyakap niya ito.

"Anak, huwag kang mag-alala. Puprotektahan ka ng nanay," pangako niya rito habang karga ito.

Biglang dumilat ang sanggol at pumalit agad ang nagliliyab nitong mga mata at ang nakakatakot nitong mukha.

Ngumiti siya rito.

"Kamukhang-kamukha mo ang ama mo. Ipapakilala na kita agad sa kanya," pagkasabi nu'n ay hinila niya ang kwintas na suot para maalis iyon sa katawan.

Pinaghele niya ang sanggol. Sabay pa silang napapikit nito.

Pagdilat niya ng mga mata ay tumambad sa kanya ang pamilyar na lugar. Bigla siyang napangiti at napatingin sa sanggol na karga.

"Lilia?"

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses na iyon. Nakita niya ang gwapong mukha ni Leandro na dahan-dahang lumalapit sa kanila. Hindi nito inaalis ang tingin sa sanggol.

Emosyonal na ibinigay niya ang anak sa ama nito. Unti-unting nagpalit na naman ng anyo ang sanggol kasabay ni Leandro.

Buong pagmamahal niyang hinaplos ang mukha ni Leandro sa tunay nitong anyo.

Karga-karga na ng halimaw ang anak nito. Tumingin ito sa kanya kapagkuwan.

"Salamat sa magandang regalo. Ngayong naibigay mo na ang nais ko ay wala ka nang silbi sa akin," napahalakhak na sabi ng halimaw na si Leandro.

"A-ano'ng ibig mong sabihin?"

"Hindi ka na maaaring magmahal ng iba dahil akin na ang puso mo."

Bago pa siya nakapagsalitang muli ay bigla nitong dinakma ang dibdib niya at kinuha ang pumipintig-pintig pa niyang puso.

Nanlaki ang mga matang napahandusay ang wala nang buhay na katawan ni Lilia.

"Tikman mo ang puso ng ina mo. Napakatamis niyan."

Ibinigay ni Leandro ang pusong dinaklot nito sa sanggol na agad namang sinunggaban ng hayok na halimaw.

Umaalingawngaw ang nakakakilabot na sigaw ni Leandro tanda ng isang tagumpay.