KABANATA 19: (HULING KWENTO NG LAGIM) ANG BANGUNGOT NA DREAMBOY
Ilang gabi nang napapanaginipan ni Lilia ang lalaking iyon. Hindi niya kilala ang pagmumukha nito pero lagi na ay binibisita siya nito sa panaginip niya. Nagpakilala ito bilang si Leandro.
Simpatiko ito at kailanman ay hindi pa siya nakakatagpo ng ganu'n kagwapong lalaki sa totoong buhay. Kahit tanghali ay natutulog siya kapag tapos na ang gawain niya sa bahay. Buong araw kasing nasa sakahan ang mga magulang niya dahil parehong magsasaka ang mga ito.
Disi-otso anyos na siya at hindi nag-aaral dahil nasa pinakaliblib na baryo ang bahay nila. Ang pinakamalapit nilang kapitbahay ay bente minutos na lakaran pa mula sa bahay nila.
May magandang mukha si Lilia at kailanman ay hindi pa nagkakanobyo dahil malayo sa kabihasnan ang bahay nila. Kaya't masayang-masaya ang pakiramdam niya sa tuwing nakikita si Leandro sa panaginip. Lagi itong nakadamit ng itim at dinadala siya nito sa isang lugar na parang paraiso.
Katatapos lang niyang maghugas at mag-aala una pa lamang iyon ng tanghali. Nakangiting pumasok na siya ng kwarto at humiga sa kama. Gusto na niya uling makita si Leandro. Agad na ipinikit niya ang mga mata at maya-maya lamang ay nakatulog na siya.
Nasa lugar uli siya ng kanilang tagpuan. Napapalibutan ang lugar ng mga naglalakihang kahoy at iba-ibang uri ng mga bulaklak na hindi pa niya nakikita sa tanang buhay niya.
"Lilia," napalingon siya sa pinagmulan ng magandang boses na iyon.
"Leandro," agad na ngumiti siya rito.
Mabilis na nakalapit si Leandro sa kanya at niyakap siya nang mahigpit.
"Sabik akong makita ka lagi, Lilia," bulong nito sa tenga niya.
Gumanti siya ng yakap dito.
"Ako rin, Leandro," nakapikit na sabi niya.
Kahit panaginip lang iyon ay damang-dama niya ang init ng katawan nito habang nakayakap sa kanya. Inalis nito ang pagkakayakap sa kanya at tiningnan siya sa mga mata.
"Mahal kita, Lilia," madamdaming sabi ng lalaki.
Bigla ay parang naluluha siya sa sinabi nito. Hinawakan nito ang mukha niya saka siya hinalikan sa mga labi. Malambot ang mga labi nitong dumikit sa kanya. Agad na umawang ang bibig niya para palalimin nito ang halik sa kanya.
Pakiramdam niya talaga ay totoong hinahalikan siya nito. Napaungol siya nang naging mapangahas ang mga kamay nito.
"Lilia! Lilia!"
Bigla siyang napadilat nang maramdamang may tumatapik sa mga pisngi niya. Nakita niya ang ina niyang nakatunghay sa kanya na parang nag-aalala.
"Binabangungot ka yatang bata ka."
Agad na bumangon siya at wala sa loob na dinama ang mga labi.
"Umuungol ka habang natutulog. Kanina pa kita ginigising pero hindi ka magising-gising," patuloy na sabi nito.
Walang imik na inayos niya ang buhok at tumayo. Inayos muna niya ang higaan.
"Buti naman at napauwi ako kundi ewan ko na lang kung magigising ka pa," sabi ng ina niya na nagpatiuna nang lumabas ng kwarto.
"Samahan mo na nga pala muna ako doon sa bayan at may bibilhin ako."
Wala siyang nagawa kundi ang samahan nga ito kahit gusto niyang matulog uli para makasama si Leandro. Pumunta sila sa malaking tindahan sa bayan na laging pinamimilhan ng ina niya. Isang oras ang biyahe papunta sa bayan galing sa lugar nila.
"Oh, Milagros, buti napadaan ka uli. Matagal kang di napadpad dito, ah," agad na bati ng may-ari ng tindahan na isang matandang lalaki.
Matagal na itong biyudo at lahat ng anak nito ay nasa Maynila na naninirahan. Alam niyang may gusto ito sa kanya pero kinikilabutan lang siya dahil kaedad lang ito ng ama niya na halos singkwenta na.
"Hindi kasi kami nakapag-ani agad kaya't natagalan ang balik ko dito Igme."
"Mabuti naman at dala mo ang anak mong si Lilia. Magandang hapon saiyo, Lilia," matamis ang ngiting ibinigay ng matanda sa kanya.
"Magandang hapon din po, " kiming sagot niya.
"Naku, ilang beses ko na bang sinabi sa iyo na huwag mo na akong pinu-po. Tumatanda masyado ang pakiramdam ko," nakangiting sabi nito na pinasadahan ng may pagnanasang tingin ang katawan niya.
Hindi na siya umimik at lumayo na lang dito. Nagsimula na ring mamili ang ina niya. Kumuha na rin siya ng mga kakailanganin niya. Nang bayaran na nila ng mga iyon ay hindi pinabayaran ng matanda ang mga kinuha niya bagkus ay dinagdagan pa nito ang mga iyon.
"Nakakahiya naman po," tatanggi sana siya.
"Huwag ka nang mahiya, Lilia. Masaya akong ibigay sa iyo ang mga iyan," malambing na sabi ng lalaki at hinawakan pa ang mga kamay niya.
Mabilis na binawi niya agad ang mga kamay. Hindi naman nakaligtas sa mga mata ng ina ang ginawa ng may-ari pero hindi ito nagsalita. Pakiramdam niya ay alam din ng ina ang pagkakagusto ng matanda sa kanya kaya't lagi siya nitong isinasama kapag bumibili roon dahil lagi silang nakakamura at minsan ay nalilibre pa.
Mga dalawang oras silang nanatili sa bayan bago umuwi. Magdidilim na nang makauwi sila sa kanila. Nadatnan nila ang ama niyang naghihintay sa kanila sa labas ng bahay.
"Andami naman niyang bitbit ninyo. Konti lang naman iyong perang dala mo, Milagros, di ba?" nagtatakang tanong nito at tinulungan na sila sa pagbitbit ng mga dala papasok ng bahay.
"Alam mo naman si Igme kung bibili tayo. Kulang na lang ay ipadala ang lahat ng mga paninda niya," nakangiting sabi ng ina nang mailagay na sa mesa ang mga bitbit.
"Aba'y maswerte talaga ang mapapangasawa nu'n uli," masayang sabi ng ama niya na tumingin sa kanya nang makahulugan.
"Ahm, magluluto na po ako," sabi niya para makaiwas sa pinag-uusapan ng mga ito.
Agad na nagsaing siya at nagluto ng ulam bago pa man tuluyang dumilim. Hindi kasi abot ng linya ng kuryente ang lugar nila kaya't gasera pa rin ang gamit nila. Nang makakain ay mabilis na hinugasan niya ang mga pinggan. Sabik na sabik na siyang makapiling uli si Leandro.
Pagkakain ay nag-usap lang saglit ang mga magulang niya tungkol sa bukid at pagkatapos ay pumasok na ng kwarto para matulog. Laging maaga silang natutulog dahil maaga rin sila bumabangon.
Hinintay muna niyang makatulog nang tuluyan ang mga magulang saka siya pumasok ng sariling silid. Nagbihis siya agad. Napili niyang isuot ang manipis na kamiseta. Lagi kasi ang suot niya sa panaginip ay ang damit na suot niya habang natutulog.
Palihim na binili niya iyon kanina. Puti ang kulay nu'n at hanggang tuhod lang niya. Hindi siya nagsusuot ng bra kapag natutulog kaya't dama niya ang pagsayad ng damit sa dibdib niya.