KABANATA 18: (IKALIMANG KWENTO NG LAGIM) DIET

Kasalukuyang nasa library siya at nagbabasa ng libro nang lapitan ng kaklase niyang si Rodney.

" Hi, Lyka! Pwede bang tumabi at magpatulong sa'yo sa Math?" nakangiting tanong nito na parang nagpapa-cute.

Hindi siya halos makapagsalita dahil matagal na niya itong crush at sa katunayan ay ngayon lang siya pinansin nito. Hindi na nito hinintay na sumagot siya at umupo na agad sa tabi niya.

Lagi nitong hinahawakan ang kamay niya habang tinuturuan niya ito. Hindi siya makapaniwala nang sabihin nitong sasabay ito sa pag-uwi niya para sa bahay nila ipagpapatuloy ang pagtu-tutor niya rito.

Mabuti na lang at hindi niya nakita ang Tiyang Mara niya nang pumasok sila ni Rodney ng bahay. Sinuhestiyon ng lalaki na sa kwarto niya sila mag-aaral. Pagkapasok pa lang ng kwarto niya ay agad siya nitong hinalikan.

" R-rodney!" nagulat na sabi niya nang hapitin nito ang beywang niya habang hinahalikan siya.

" Ano'ng sekreto mo at bigla kang sumi-sexy sa paningin ko?" paanas na tanong ng lalaki.

Hindi na siya nakasagot nang naging malikot pa ang mga kamay nito. Pagkatapos ng mainit na tagpo sa kwarto niya ay nagpaalam na agad ang lalaki. Hinatid pa niya ito hanggang labas ng gate.

Nakangiting pumasok siya ng kwarto at saka lang niya nakita si Tiyang Mara.

" Tiyang, nakapagluto na po ba kayo?" mas lumuwang ang ngiti niya nang itanong iyon.

Effective nga ang diet ni Tiyang Mara sa kanya. Kinabukasan ay hindi niya nakita si Rodney pero nawala rin ito agad sa isipan niya dahil mas maraming lalaki na ang nagpapapansin sa kanya. Iba na naman ang kasama niya nang umuwi nang araw na iyon.

Ilang araw na rin siyang umuuwi na iba-iba ang lalaking isinasama sa bahay. Sa tuwina ay laging nauuwi sa maiinit na tagpo ang nangyayari sa kwarto niya. Araw-araw din ay napapansin niyang pumapayat talaga siya.

" Tiyang Mara, bakit iba uli ang lasa nito? Parang mas masarap na siya kesa nu'ng unang pinatikim mo," sabi niya sa babae habang panay ang subo.

" Mas espesyal kasi iyan na karne ng baka saka fresh na fresh," nakangiting sabi lang nito at tinitingnan lang siya habang kumakain.

Naparami yata masyado ang kain niya nang gabing iyon kaya't nagising siya na masakit na masakit ang tiyan. Bumaba siya para pumunta ng C. R. Pagkalabas niya C. R ay nagulat pa siya nang parang may ingay siyang naririnig galing ng kusina.

Nagtatakang pumunta siya roon para silipin kung nagluluto ba ang tiyang niya.

Thug! Thug! Thug!

Lumalakas ang tunog na naririnig niya habang papalapit. Nakikita niya ang nakatalikod na babae habang tumataas-baba ang isang kamay nito na parang may tinatadtad. Iyon pala iyong maingay.

Nakangiting lumapit siya para biruin ito na isang buong baka na yata ang binili nito sa palengke kaya't nahihirapan ito sa pagtadtad. Bigla rin siyang natigilan nang biglang may nahulog galing sa mesa at gumulong sa paanan niya.

Bigla siyang napasigaw nang ang dilat na mga mata ng kaklaseng si Renan ang tumambad. Ang pugot na ulo pala nito ang nasa paanan na niya ngayon. Takot na napatingin siya kay Tiyang Mara na napalingon sa kanya na may mga bahid pa ng dugo ang mukha.

" Nandiyan ka pala, Lyka. Nahihirapan talaga ako diyan sa lalaking iyan. Pakitulungan mo na lang ako at ilagay mo ang ulo niya du'n sa kumukulong tubig. Tutal, ikaw din naman ang kakain niyan," parang walang anumang sabi ng babae.

Napatakip siya ng bibig at napadilat lalo sa narinig.

" Ay, oo nga pala. Hindi mo pala alam. Iyong mga lalaking dinadala mo rito, iyon pala ang mga pinapakain ko sa'yo. Nauubusan na kasi ng mga pusa ang mga kapitbahay ni'yo," dugtong nito at lumapit sa kanya.

Nahihintakutang napaatras pa siya pero yumuko lang ito at pinulot ang ulo ng lalaki.

Hindi siya makakilos sa kinatatayuan habang ang babae naman ay ipinagpatuloy lang ang pagtatadtad sa katawan ng kaklase niya. Gusto niyang maduwal. Napaigtad pa siya nang marinig ang phone niya sa taas.

Hindi siya pinapansin ng babae kaya't patakbong inakyat niya ang kwarto at nag-lock ng pinto saka sinagot ang tawag sa phone. Ang Mommy niya ang tumatawag.

" M-mom..." parang maiiyak na sagot niya.

" Lyka, nandiyan pa ba iyong bisita na sinasabi mo? Kung andiyan pa, paalisin mo na agad at tumawag ka ng pulis," nagpa-panic ang boses ng ina.

Hind na siya makapagsalita dahil panay ang tingin niya sa pinto dahil baka umakyat ang babae at pupunta sa kwarto niya.

" Lyka! Paalisin mo na iyan dahil nang i-check namin ng daddy mo ang mga kamag-anak niya ay nabalitaan naming pinatay pala niyan ang lahat ng mga anak niya kaya't lumayas sa kanila."

Tinatakpan niya ang bibig para pigilan ang hikbi dahil sa takot. Nanginginig ang mga kamay niya. Maya-maya ay naririnig niya ang mga yabag nito palapit sa kwarto niya.

" Lyka, nandiyan ka pa ba?"

Nabitawan na niya ang phone nang biglang kumalabog ang pinto. Mabilis na tumayo siya at sumilip sa binatana. Hindi na nagdalawang-isip na tumalon siya roon. Inaasahan na niyang magiging masama ang bagsak niya pero hindi lupa ang binagsakan ng katawan niya.

Napatingin siya sa binagsakan at napasigaw nang mga katawan ng mga lalaki na walang ulo ang andu'n.

" Lyka, nakapagluto na ako!"

Napaangat ang tingin niya sa bintana at nakita niyang nakasilip doon ang babae. Mabilis na bumangon siya at tumakbo palabas. Nagpasaklolo agad siya sa mga kapitbahay na tumawag agad ng mga pulis.

Mabilis namang rumesponde ang mga pulis at nadakip ang babae na parang wala na nga sa sariling katinuan. Iyak lang nang iyak ang nagawa niya at hindi na umuwi ng bahay nila.

Inilipat na siya ng tirahan ng mga magulang. Hindi niya sinabi kahit kanino ang tungkol sa mga putaheng pinapakain sa kanya ng Tiyang Mara niya. Magmula noon ay hindi na siya gaanong nakakakain ng normal dahil lagi niyang naiisip ang mga ibinibigay nito sa kanya.

Ayaw na talaga niyang mag-diet!

-WAKAS NG IKALIMANG KWENTO (DIET)-