KABANATA 17: (IKALIMANG KWENTO NG LAGIM) DIET
Baboy...
Balyena...
Iyon kadalasan ang mga naririnig niya sa mga tao kapag napapadaan siya sa harap ng mga ito simula pa pagkabata. Nakikita niya ang mapanghusgang mga tingin ng mga ito habang nagbubulungan at nagtatawanan.
Ilang beses na niyang sinubukang mag-diet at mag-exercise. Bumili na rin siya ng mga gamot na nakakapayat daw pero hindi naman effective lahat. Napagod na rin siya kaya't hinayaan na lang din niyang lumobo pa lalo ang sarili sa kakakain dahil iyon na lamang ang nakakapagpapasaya sa kanya.
Mag-isa siyang nakatira sa bahay nila dahil ang mga magulang niya ay parehong nagtatrabaho sa abroad. Ibinibigay nito ang lahat ng gusto niya. Nasa sala siya noon at nilalantak na naman ang isang bucket ng manok habang iniinom ang isang litro ng softdrinks mag-isa nang may nag-doorbell. Tumayo siyang habang bitbit ang isang piraso ng manok at binuksan ang pinto.
Napatitig ang babaeng napagbuksan niya ng pinto. Hindi nito maialis ang tingin sa bibig niyang panay ang nguya.
" Sino po sila?" tanong niya kahit may laman ang bibig.
" Ito ba ang bahay nina Sonia at Arturo?" tanong nito.
Sa tingin niya any nasa mid-fifties na ang edad ng babae.
" Dito po. Bakit po?" nagtatakang tanong niya dahil mga magulang niya ang hinahanap nito.
" Ikaw ba si Lyka, iyong anak nila?" masayang tanong nito.
Lalo siyang nagtaka at tumango lang habang kumakagat uli ng manok.
" Naku, anlaki-laki mo na. Di mo na siguro ako nakikilala. Ako si Tiyang Mara mo. Isang taon ka pa lang yata nu'ng huli kitang nakasama. Ilang taon ka na, ineng?" masigla pa rin ang boses na tanong ng babae.
" Twenty po," maikling sagot niya dahil hindi nga niya nakikilala ang babae.
" Ako ang naging yaya mo mula nang ipinanganak ka hanggang sa mag-isang taon ka. Umalis ako sa probinsiya kaya't hindi na kita nabantayan pa hanggang sa paglaki mo," nakangiting sabi nito.
Pilit niyang inaalala kung may nabanggit ba ang mga magulang tungkol dito dati pero parang wala naman siyang natatandaan.
" Nandiyan ba sila para makausap ko?" sumilip pa ito bahagya sa loob.
" Ay, wala po. Pareho po silang nagtatrabaho sa Dubai," sagot niya.
" Paano iyan? Lumuwas pa naman ako rito kasi may aasuikasuhin lang ako at kailangan ko ng matutuluyan ng mga ilang linggo," napatingin pa ito sa malaking bag sa tabi nito.
Naaawa naman siyang napatingin sa babae lalo't nakita niyang mukhang uulan pa nang malakas.
" Pumasok na ho muna kayo at tatawagan ko na lang sina Mommy," nilakihan niya ang awang ng pinto.
Agad na pumasok nga ito bitbit ang malaking bag.
" Ikaw lang mag-isa rito?" tanong pa nito.
" Opo. Teka lang ho at tatawagan ko si Mommy," sabi niya.
Mabuti na lang at sinagot agad ng ina ang tawag niya. Agad na binanggit niya ang bisita. Sumang-ayon naman ang ina niya na may nag-aalaga sa kanya na malayong kamag-anak ng daddy niya at hindi na nito matandaan ang pangalan. Sinabi niyang doon raw muna tutuloy ang bisita habang may inaasikaso. Agad namang pumayag ang ina at mabilis na nitong ibinaba ang phone.
Nakangiting bumaling na siya sa bisita pagkatapos ng tawag.
" Pumapayag na ho si Mommy na dito muna kayo tutuloy hanggang matapos iyong dapat ni'yong asikasuhin."
" Salamat naman," lumuwang pa lalo ang ngiti nito.
Inaya niya itong kumain pero tumanggi ito at sinabing tapos na itong kumain. Nakaupo na ito sa harap niya habang ipinagpatuloy niya ang pagkain.
" Hindi naman sa nakikialam ako, noh? Pero sa tingin ko ay dapat tigilan mo na ang pagkain ng mga ganyang pagkain," biglang sabi ng babae na nakatitig pa sa kanya.
Natigil ang pagsubo niya at napatingin na rin dito. Maya-maya ay ngumiti lang siya rito at hindi na umimik pa habang walang anumang ipinagpatuloy na ang pagkain uli.
Pinatuloy niya sa isang kwarto ng bahay nila si Tiyang Mara at hinayaang magpahinga iyon. Pumasok na rin siya sa kwarto niya. Hindi nagtagal ay nakatulog na rin siya dahil sa sobrang busog.
Madilim na nang magising siya. Bumangon siya dahil nakaramdam na naman siya ng gutom. Pagkalabas ng kwarto ay may naaamoy na siyang masarap. Sinundan niya ang amoy at napadpad siya sa kusina nila. Nakikita niyang nagluluto si Tiyang Mara.
" Buti at gising ka na. Nakapagluto na ako. Kumain na tayo," nakangiting sabi nito na may bitbit na isang plato na punung-puno ng adobo.
Kumalam agad ang sikmura niya. Inilagay nito iyon sa mesa at binigyan na rin siya ng plato. Umupo na rin ito sa harap niya pagkatapos. Kumuha agad siya ng adobo at naglagay sa plato.
" Nasaan po ang kanin?" nagtatakang tanong niya nang walang kanin sa mesa.
Ngumiti ito at kumuha na rin ng pagkain para rito.
" Hindi mo na kailangan ng kanin. Espesyal ang karne na iyan. Alam mo bang mas mataba pa ako kesa sa'yo dati? May nakapagsabi sa akin na kumain ka lang ng maraming karne at huwag ng kumain ng kanin ay tiyak na papayat ka," paliwanag pa nito.
Tututol sana siya dahil hindi siya sanay na kumain nang walang kanin pero hindi na lang din siya umimik. Sumubo muna siya ng konti para tikman iyon.
Kakaiba nga ang lasa at sobrang sarap. Dinamihan na niya ang pagkain nang tuloy-tuloy. Nakatitig lang ang babae sa kanya na parang siyang-siyang nakamasid habang kumakain siya. Andami niyang naubos at himala ngang hindi na siya naghanap pa ng kanin.
" Magmula ngayon ako na ang bahalang magluto ng mga dapat kainin mo. Tiyak na papayat ka rin agad-agad," sabi pa nito nang maubos niya ang nasa plato.
" Sige po, Tiyang Mara. Ang sarap po ng luto ni'yo at kakaiba siya. Ano'ng klaseng karne ba iyon?"
" Karne iyon ng baka," maikling sagot nito.
Ah, kaya pala...
Ilang beses pa lang naman siyang nakakain ng baka kaya pala hindi niya agad matukoy kung ano'ng karne ang niluto nito.
Isang linggo na mula nang dumating si Aling Mara. Lagi nga ay ito ang nagluluto ng mga pagkain niya. Napapansin din niyang parang lumuluwang na ang mga damit niya at gumagaan ang pakiramdam niya.
Nakangiting lumabas siya ng gate dahil suot niya ang damit na binili ng Mommy niya last year na hindi magkasya sa kanya. Masayang-masaya talaga siya nang magkasya na ito ngayon.
Natigilan siya nang biglang sumalubong sa kanya ang kapitbahay nilang si Lynne.
" Lyka, hindi ba naligaw ang pusa ko diyan sa inyo?" nag-aalalang tanong nito sa kanya.
Umiling lang siya at dumiretso na ng alis. Isa rin kasi ito sa mga taong mahilig mang-bully sa kanya.