KABANATA 16: (IKAAPAT KWENTO NG LAGIM) THE CURSED TATTOO

Galit ang mukhang bumaling siya sa anak na takot na takot na nakatingala sa kanya.

"Kailan pa tumatawag ang walanghiyang ama mo?!" Galit na tanong niya sa anak habang nakayuko rito dahil nakasalampak ito sa sahig habang nakatayo siya sa harap.

Iyak lang ang isinagot nito sa kanya na mas lalong ikinagalit niya.

"Sagot!" Sigaw niya sa bata.

Humihikbi na ang bata at hindi pa rin nagsasalita. Inis na pinatayo niya ito at lumuhod dito.

"Kailan ninyo pa ako pinaglilihiman ng lola mo?" Hindi niya mapigilan ang sobrang galit na nararamdaman.

"M-mama, tama na po," patuloy sa pag-iyak ang bata.

Niyuyugyog niya ang balikat ng bata gamit ang dalawang kamay. Napahawak sa mga kamay niya ang bata para tumigil siya. Nahimasmasan siya nang matitigan ang nagmamakaawang mukha ng anak.

Agad na niyakap niya ang umiiyak pa rin na anak.

"I-I'm sorry, Princess. I'm sorry. Nakainom lang si Mama," sising-sisi siya sa ginawa.

Lately ay hindi na niya napipigilan ang matinding emosyon niya kapag nagagalit siya.

"Oh, bakit umiiyak ang bata?" Biglang tanong ng ina niya na kadarating lang.

Agad na nakalapit ito sa apo nito na yumakap naman nang mahigpit sa matanda. Tiningnan siya nang masama ng ina.

"Kung anumang pinagdadaanan mo, huwag mong idamay ang bata." Galit na sabi ng ina niya sa kanya.

Hindi na nagsalita pa na tumayo siya at umupo uli sa sofa. Tinungga niya ang naiwang laman ng bote habang nakatingin sa kawalan.

"Princess?" Narinig na lang niya na parang nagpa-panic ang boses ng ina.

Napatingin siya sa mga ito. Nakita niya na nakaharap na sa kanya ang anak. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makitang puro itim na ang kulay ng mga mata nito.

Oh No... No... No! Huwag ang anak ko!

Lumapit siya sa bata at lumuhod uli sa harap nito.

"P-princess?" Nanginginig ang boses na tawag niya rito.

Parang walang narinig ang anak niya na nananatiling nakatingin sa kanya.

"Princess! No, please!" Naghi-hsyterical na na sabi niya.

Nag-aalala na rin ang mukha ng ina niya. Agad siyang napalinga-linga sa paligid. Sinisiguradong walang mga bagay na makukuha ang anak na maaari nitong gamitin para saktan ang sarili.

"I'm sorry, Ma. Di na uulit. Susunod po ako, Master," Biglang sabi ng bata na mas lalong nagpahisterya sa kanya.

"Ma, hawakan mo ang dalawang kamay ni Princess. Huwag na huwag mo siyang bibitawan. Huwag mong hahayaang may mahawakan siyang kahit ano!" Utos niya sa ina.

Nagtatanong ang mga mata ng ina pero agad din namang hinawakan nang mahigpit ang anak niya.

Tumayo siya at tumakbo sa kusina. Kailangan na niyang burahin ang tattoo bago pa may masamang mangyari sa anak. Kinuha niya ang muriatic acid at bumalik sa sala. Ayaw niyang maalis sa paningin ang anak.

"Ma, kahit ano'ng gawin ko, huwag na huwag ninyong bibitawan si Princess! Saka ko na sasagutin ang mga katanungan mo," sabi niya uli sa ina.

Kita niya ang takot sa mukha ng ina habang pinipigilan ang apo na gustong kumawala rito. Mabilis na binuksan niya ang takip ng bote ng asido. Naaamoy pa niya ang matapang na amoy ng chemical na iyon.

"A-anak, ano ang gagawin mo?" Kinakabahang tanong ng ina niya.

Hindi na niya ito sinagot at agad na ibinuhos ang laman ng bote sa pulso niya.

"Ahhhhhh! Ahhhhh!" Malakas na sigaw niya dahil damang-dama niya ang pagkasunog ng balat niya.

Hindi na niya inisip na maaaring ikamatay niya iyon dahil natatakot na siya para sa buhay ng anak. Inubos niya ang laman ng bote sa pulso.

"Ahhhggghhhh!" Napapaiyak na siya sa sakit at halos mawalan ng malay.

Binitiwan niya ang bote nang wala na iyong laman. Tiningnan niya ang pulso at hindi siya makapaniwala sa nakita. Ang balat na nakapaligid lang dito ang nalalapnos.

Kita na niya halos ang buto ng kamay niya dahil sa asidong ibinuhos pero ang tattoo ay hindi man lang nabubura!

Takot na napatingin uli siya sa anak na sumisigaw na at nagwawala para makaalis sa pagkakahawak ng ina.

"Ma, please... Huwag mong bibitiwan si Princess," umiiyak nang sabi niya sa ina.

Bumalik siya ng kusina at agad na kinuha ang malaking pangtadtad ng karne ng ina. Kailangan niyang gawin iyon para sa anak. Inilagay niya ang kamay sa mesa.

"A-anak!" Biglang sigaw ng ina niya bago pa niya hambalusin ng tadtad ang kamay.

Nakita niyang bitbit nito ang anak niyang nagwawala pa rin. Nakita niyang may tali na ang dalawang kamay ng anak niya. Naaawa siya habang pinagmamasdan ang anak na karga ng ina.

"K-kailangan ko itong gawin, Ma, para kay Princess," sagot niya at agad na itinaas ang malapad na kutsilyo at ipinalo sa gitna ng tattoo sa pulso.

Napahiwalay agad ang naputol na kamay niya pagkatapos ng ilang beses na tadtad. Sumisirit pa ang dugo niya nang maalis ang kamay. Dinig na dinig niya ang pagsisisigaw ng ina niya pero hindi na niya pinansin. Nawalan na siya ng lakas dahil sa mga dugong nawawala sa kanya. Kinuha niya ang makapal na towel na nasa banyo at idinikit sa putol na kamay. Kinuha niya agad ang phone at tumawag ng ambulansiya.

Pagkababa ng phone ay nakita niya ang itim na usok na nanggaling sa kamay niya na naputol na tumilapon sa sahig. Maya-maya ay narinig nila ang maraming nakakapangilabot na sigaw kasabay ng mga itim na usok. Nilapitan siya ng ina habang nakatingin din sa itim na usok na umiikot sa kusina. Bigla itong pumasok sa bibig niyang nakanganga.

Tumirik ang mga mata niya. Hindi na niya kontrolado ang mga kilos niya pati ang ekspresyon ng mukha kahit alam na alam pa rin ng isip niya ang nangyayari.

"Bree! Bree!" Sigaw ng ina niya.

Pinahiga nito sa mesa ang anak niya dahil nawalan ito nang malay nang maputol ang mga kamay niya.

Biglang itinaas niya uli ang kutsilyong hawak at idinikit sa leeg habang nawala ang puti sa mga mata niya. Hindi niya mapigilan ang sarili dahil parang may sariling isip ang mga kamay niya.

"Bree! Huwag!" Mabuti na lang at napigilan ng ina niya ang kamay bago pa niya magilitan ang sariling leeg.

Biglang itinulak niya nang malakas ang ina sa tabi niya. Tumama ito sa ref at napahandusay sa sahig. Bumalik uli ang kamay niya sa leeg pero bago pa uli iyon makakilos ay natigilan siya.

"Ma?" Dinig niya ang mahinang boses ng anak na nagising na at nakatingin sa kanya kahit nakahiga pa rin sa mesa.

Princess... Sambit ng utak niya.

Ayaw niyang makita ng anak ang gagawin niya sa sarili. Alam niyang hindi na niya makokontrol ang mga kamay niya. Sa tingin niya ay kontrolado na iyon ng demonyong galing sa tattoo na pumasok sa kanya. Ipinikit na niya nang mariin ang mga mata nang dumiin na sa balat niya ang matalim na pangtadtad ng karne.

Paalam, anak...

Dama niya ang pag-agos ng dalawang butil ng luha sa mga mata niya.

"Ma? Huwag po." Narinig niya uling sabi ng anak.

Napadilat siya nang maramdaman ang mainit na kamay ng anak na nakahawak na sa isang kamay niyang nakababa. Kumuha ito ng upuan at tumungtong doon. Pinababa nito ang kamay niyang may hawak ng pangtadtad at himalang sumunod naman iyon. Nang ganap nang maibaba ang kamay ay agad na inihagis niya ang kutsilyo palayo.

Iniyakap niya ang isang braso sa anak. Yumakap na rin ito sa kanya nang mahigpit.

Umiiyak na hinalikan niya ang buhok at pisngi ng anak.

"I'm sorry, anak. I'm very sorry." Hindi maampat-ampat ang luha niya.

Umiiyak din ang anak niyang nakayakap sa kanya. Maya-maya ay tumirik uli ang mga mata niya at bumuka nang malaki ang bibig niya. Lumabas doon ang itim na usok na pumasok sa kanya kanina kasabay ng nakakapangilabot na sigaw ng parang halimaw. Maya-maya ay bigla itong lumabas at hindi na nila alam kung nasaan na ito.

Kinarga niya ang anak at nilapitan ang inang unti-unti nang nagkakamalay. Hirap man dahil sa putol na ang isang kamay niya ay inakay din niya patayo ang ina. Sabay-sabay silang lumabas na tatlo. Sakto namang naririnig na nila ang paparating na ambulansiya. Nakatawag pala ang ina niya bago siya sundan sa kusina.

Dinala kaagad sila sa ospital. Ayaw na niyang subukan ng mga ito na ibalik ang naputol niyang kamay. Pinapulot niya iyon sa ina at pinasunog.

Ngayon ay isang kamay na lang ang naiwan sa kanya pero hindi niya iyon pinagsisisihan. Handa siyang isakripisyo anumang meron siya para lang sa kaligtasan ng ina niya at ng pinakamamahal na anak.

Mula noon ay hindi na siya ginambala pa ng demonyo. Tuluyan na rin niyang pinabura ang natirang tattoo sa putol na kamay niya.

-WAKAS NG IKAAPAT NA KWENTO (THE CURSED TATTOO)-