KABANATA 13: (IKAAPAT KWENTO NG LAGIM) THE CURSED TATTOO

Kilala niya ang babae dahil sinabi ni Rodel ang tungkol sa ex nito. Pinakita nito ang picture ng babae sa kanya pero hindi nabanggit ng lalaki na buntis ang ex nito.

"Ah, hindi pala sinabi sa iyo ng damuho na may nabuntis siya. Alam mo bang hindi sinasagot ng gagong iyon ang mga tawag ko? Malapit ko nang ipanganak ang anak niya pero wala man lang perang ibinibigay ang walang silbing lalaking iyon!" lumalakas na ang boses ng babae.

Napalunok siya. Nakita niyang lumapit na rin ang kasama nitong lalaki na sa tingin niya ay kapatid nito dahil magkamukha ang dalawa.

"W-wala si Rodel dito at nasa trabaho," tanging naisagot niya.

Paismid na pinagmamasdan siya ng babae.

"Ano ba'ng nakita ng lalaking iyon sa iyo? Para kang babaing galing sa preso," pang-uuyam nito na naglalakbay ang mga mata sa mga tattoo niya sa katawan.

Inis na tumayo siya dahil parang iniinsulto na siya nito gayong wala naman siyang ginagawang masama rito. Wala na ito at ang boyfriend niya nang pumasok siya sa buhay ng lalaki.

"Magdahan-dahan ka sa pananalita mo!" Galit na ring sabi niya sa babae.

Pinandilatan lang siya nito ng mga mata.

"Or ano? Ano, ha?" nanghahamon ang mga tingin nito.

Malalim na huminga siya bago tumalikod sa babae. Ayaw niya itong patulan lalo't parang kabuwanan na nito. Baka mapano pa ang ipinagbubuntis nito at dalhin pa iyon ng kunsensiya niya. Bago pa man siya nakatalikod nang tuluyan ay hinila nito ang buhok niya.

"Tatalikuran mo ako? Humarap ka sa akin, babae!" pasigaw na sabi nito.

"Aray! Bitiwan mo ako!" Napahawak na rin siya sa buhok na hila nito para maibsan ang sakit ng pagkakahila nito sa buhok niya.

"Agnes!" awat naman ng lalaki sa tabi nito.

Pilit niyang hinihila sa kamay nito ang buhok niya pero parang mas lalong nauulol sa galit ang babae. Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay. Dama niya ang pagkakabaon ng mga matutulis na kuko nito sa pulso niya.

"B-bitiwan mo ako! Kundi papatulan na talaga kita!" Banta niya.

Mabuti na lang at parang nakinig ang babae dahil bigla siya nitong binitiwan. Napatingin agad siya sa mukha nito para paalisin ang mga ito. Nagitla siya nang humarap dito nang tuluyan dahil bigla na naman itong parang wala sa sarili na nakatingin sa kawalan. Kinabahan pa siya nang makitang nawala na naman ang puti sa mga mata nito at natatabunan na iyon ng itim.

"Agnes? Napaano ka?" Nagtataka ring tanong ng lalaki.

Walang imik na nakatitig lang siya sa babae.

"Patawad. Hindi ko na uulitin. Ikaw ang masusunod, Master," lumabas iyon sa bibig ng babae na parang wala pa rin sa katinuan.

Dumadagundong na lalo ang puso niya dahil iyon din ang huling tinuran ng lalaki sa convenience store bago ito nagpakamatay.

Oh no! Huwag naman sana... piping dalangin niya.

"B-bantayan mo siya baka kung ano ang gawin niya," sabi niya sa lalaki.

Nagtataka man sa tinuran niya ay hindi nga inaalis ng lalaki ang tingin sa babaeng nasa tabi nito. Hndi nila inaasahan ang sumunod na pangyayari dahil bigla nitong kinuha ang maliit na kutsilyo sa mesa. Iyon iyong kutsilyong pinanghiwa niya ng kalamansi kanina. Pagkakakuha nito ng kutsilyo ay sunud-sunod ang ginawa nitong pagsaksak sa tiyan nito.

"Ahhhhh! P-pigilan mo siya! Pigilan mo siya!" sigaw niya sa lalaki na nagulat din sa nakita.

"Agnes, bitiwan mo iyan!" tulirong sabi ng lalaki na pilit hinahablot ang kutsilyo sa kamay ng buntis na babae.

Itinulak lang siya ng babae na ikinatumba ng malaking lalaki. Hindi niya akalain na gano'n kalakas ang babae. Hindi na niya mabilang kung ilang beses nitong pinagsasaksak ang tiyan nito. Umaagos na ang dugo sa sahig at may bahid na rin ng dugo ang mukha at damit niya dahil tumitilamsik ang dugo kada tanggal nito ng baon ng kutsilyo sa tiyan.

Mabilis na pumasok siya ng kwarto para kunin ang cellphone at tumawag ng mga pulis. Nanginginig pa ang mga kamay niya habang pumipindot. Lumabas siya uli habang nasa tenga ang phone at hinihintay na may sumagot. Nakita niya nang lumapit ang lalaki sa babae na sinasaksak pa rin ang tiyan nito.

"Hello," narinig niyang sagot sa kabilang linya.

Sasagot na sana siya pero hindi na nakapagsalita pa dahil nakita niya nang biglang gilitin ng babae ang leeg nito.

"Agnes!" palahaw na iyak ng lalaking kasama nito.

Nakita niya ang pangingisay ng buntis habang patuloy sa pag-agos ang dugo galing sa tiyan at leeg nito.

Nahihintakutang nanatiling nakatingin lang siya sa karumal-dumal na pangyayari sa harap niya.

"Hello?" tanong uli ng nasa kabilang linya.

Palakas nang palakas ang palahaw ng lalaki habang yakap-yakap na nito ang babae. Sumalampak na sa sahig ang lalaki at hindi binibitiwan ang katawan ng duguang babae. Dilat ang mga mata ng buntis nang unti-unti itong matumba kanina.

Hindi na niya alam kung ano ang mga pinagsasabi niya sa phone. Nang maibaba ng nasa kabilang linya ang tawag ay unti-unti rin siyang nawawalan ng lakas. Bigla siyang umupo sa sahig at nagsimula na ring umiyak.

Alam niyang may kinalaman na naman siya sa nakakakilabot na pangyayaring ito pero hindi niya matukoy kung paano iyon nangyari.

Hindi nagtagal ay dumating nga ang mga pulis at ambulansiya. Nakatulala na ang lalaki nang tanungin ng mga pulis. Kahit siya ay hindi rin makausap nang matino. Nakita niyang dumating si Rodel na humahangos. Hindi niya naman ito tinawagan kaya't hindi siya sigurado kung sino ang nakapagsabi rito tungkol sa nangyari.

Nanghihilakbot ang hitsura ng lalaki nang makita ang katawan ng babaeng naliligo sa sariling dugo. Mabilis na lumapit ito sa kanya at niyakap siya nang mahigpit.

"A-ano'ng nangyari?" agad na tanong nito.

Umiling-iling lang siya at napaiyak muli.

"H-hindi ko alam. Hindi ko alam!" Yumakap na siya nang mahigpit sa lalaki habang patuloy sa pag-iyak.

Sinamahan siya nito sa presinto para mainterbyu ng mga pulis. Sinabi niya lang ang nakita niya na pareho din ng ikinuwento ng lalaki na napag-alaman nga niyang kapatid ng babae. Pinauwi na siya ng mga pulis dahil na rin sa nakuhang kumpirmasyon sa lalaki na ang kapatid nito ang may kagagawan ng nakakapangilabot na pagkamatay nito.

Hinatid siya ng boyfriend niya sa bahay nila dahil ayaw niyang umuwi sa bahay nito lalo't ando'n pa ang nagkalat na dugo ng babae. Sa bahay ng Tita na lang din daw muna uuwi ang lalaki dahil hindi rin ito makakabalik sa nirerentahan nito sa kaalamang namatay do'n ang ex at ang magiging anak sana nito.