KABANATA 12: (IKAAPAT KWENTO NG LAGIM) THE CURSED TATTOO
Kasama niya ang anak nang pumunta siya ng convenience store malapit sa bahay nila. Bibilhan niya ito ng pagkain sa utos na rin ng Mama niya dahil magta-tantrums na naman ang bata kapag malaman nitong aalis ang ina. Inaamin niyang minsan ay nasasaktan siya dahil mas malapit ang loob ng anak niya sa nanay niya. Pupunta kasi sa kumare nito ang ina niya at hindi nito dadalhin ang bata dahil baka gabihin ito roon.
Hila-hila niya sa kamay ang anak nang bigla siyang banggain ng isang lalaki. Tiningnan niya nang masama ang payat na lalaki na dilat na dilat ang mga mata. Imbes na humingi ng sorry ang lalaki ay dinilaan pa nito ang mga labi habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. Inirapan niya ito at kinarga na ang anak para lumayo sa lalaki.
Pumunta na sila sa cashier nang may mapili ng pagkain para sa anak. Ibinaba niya muna ang anak para kunin sa maliit na bag ang pitakang may lamang pera. Nagtaka pa siya dahil bukas ang bag niya. Kinakabahan siya nang hindi niya makita ang wallet. Mabuti na lang at nasa bulsa niya ang cellphone.
Malilintikan talaga siya sa nanay niya dahil ibinigay na nito sa kanya kanina ang ipambabayad nila sa kuryente na mahigit isang libo. Siya kasi ang inuutusan nitong magbayad. Napatingin siya sa payat na lalaki na nakatayo sa harap ng mga tindang alak. Napatingin din sa kanya ang lalaki at ngumisi pa ito na parang nakakaloko.
Sigurado siyang ito ang kumuha ng wallet niya nang banggain siya nito kanina.
"Wait lang, Miss, ha?" hinging paumanhin niya sa cashier.
Galit na galit na nilapitan niya ang lalaki habang hila ang anak.
"Ibalik mo sa akin ang pitaka ko!" nagtatagis ang mga bagang na sabi niya sa lalaki.
Tumingin lang ito sa kanya na parang walang anumang nangyari.
"Huwag kang mang-aakusa, Miss. May ebidensiya ka ba? Wala ka lang yatang pambayad kaya gumagawa ka ng istorya. Kung gusto mo, bibigyan na lang kita ng pera basta ba may kapalit," manyak na manyak ang dating ng pagkakasabi nito habang tinititigan na naman siya ng bastos na lalaki.
Akmang sasampalin niya sana ang lalaki nang mahawakan nito ang kamay niya bago pa iyon dumapo sa pisngi nito. Sisigawan niya sana ito sa mukha nang matigilan. Biglang naging blangko ang ekspresyon ng mukha nito nang tumingin sa kanya. Nang tingnan niya ang mga mata nito ay wala na siyang makitang puti sa mga iyon. Naging purong itim na ang dalawang mata ng lalaki.
"Patawarin mo ako. Hinding-hindi na ito mauulit," sabi nito na parang robot dahil wala iyong emosyon katulad ng pagmumukha nito.
May dinukot ito sa likod ng pantalon. Nakita niya ang wallet galing doon at ibinigay sa kanya. Nagtatakang kinuha niya ang pitaka at tiningnan agad ang laman kung kumpleto pa. Wala namang nawala.
"Masusunod ang kagustuhan mo, Master," biglang sabi nito saka tumalikod sa kanya.
Lumabas ito ng convenience store. Kinarga niya ang anak at sinundan ito sa labas. Dire-diretso ang lakad nito. Nakita niya ang isang malaking truck na dadaan. Akala niya ay titigil ang lalaki pero dumiretso ito sa daan na hindi man lang lumilingon.
"Hoy! May truck!" sigaw niya rito.
Tuluy-tuloy ang pagtawid nito sa kalsada. Napahumindik siya nang sumalpok na nang tuluyan ang katawan nito sa truck. Agad na tinakpan niya ang mga mata ng anak nang masagasaan na ng malaking sasakyan ang katawan ng lalaki. Nanlaki ang mga mata niya habang nakikitang nilamog-lamog ng truck ang katawan nito. Nakita pa niya ang pagkakadagan ng isang gulong sa ulo nito. May tumilamsik pang parte na galing sa ulo nito malapit sa kanila. Sa tingin niya ay ang utak iyon mismo ng lalaki.
Narinig na lang niyang may mga nagsisigawan. May iba rin palang nakakakita sa pangyayari. Hindi na siya nakakilos habang takip-takip pa rin ang mga mata ng anak. Yumuko pa siya sa parte na tumilamsik malapit sa kanila. Doon na siya parang nasusuka. Agad na tumalikod siya at sumuka nang sumuka. Naalis na niya ang kamay sa mga mata ng anak at ibinaba niya muna ito.
Narinig na lang niya ang pagsigaw ng anak dahil tumingin pala ito sa kalsada. Mabilis na kinarga niya uli ang bata kahit sukang-suka pa rin siya. Umiiyak na ito habang karga niya. Dumagsa na ang mga tao doon. Mabibilis ang mga hakbang na naglakad siya pauwi sa kanila.
Nang makarating ng bahay ay agad na pinaupo niya ang anak at pinainom ng tubig. Tumigil naman ito sa pag-iyak pagkatapos. Nanghihinang napaupo na rin siya sa sofa habang nakatingin sa kawalan.
Hindi maalis-alis sa utak niya ang eksena kanina. Parang wala sa sarili ang lalaki nang tumawid ito ng kalsada. Nagsimula iyon nang hawakan siya nito sa kamay. Napatingin siya sa kamay na hawak nito kanina. Napansin niya ang tattoo na parang... humihinga?
Napaatras siya sa takot. Matagal na napatitig siya sa tattoo. Namamalik-mata lang siguro siya dahil hindi naman iyon gumagalaw na. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakatulala habang ang anak niya naman ay naglalaro na sa harap niya. Nakalimutan na yata nito ang nakita kanina.
Wala siyang sinabihan tungkol sa kakaibang nangyari sa kanya dahil kahit siya mismo ay hindi alam kung paano nangyari iyon. Mahihirapan siyang kumbinsihin ang kahit na sino na parang may kinalaman siya sa pagpapasagasa ng lalaking iyon.
Ilang araw din siyang hindi pinatulog ng pangyayari. Halos gabi-gabi siyang binabangungot at nakikita pa niya ang nakakatakot na mukha ng lalaki sa panaginip. Pilit na niyang kinakalimutan iyon kaya't mas madalas ay sa boyfriend niya siya natutulog kapag gabi.
Nagising siya na wala na sa tabi si Rodel nang umagang iyon. Maaga itong pumasok dahil tinawagan ito ng amo. Inot-inot na tumayo siya at lumabas ng maliit na kwarto nito. Nakita niya na may pagkain na sa mesa na may takip. Nakangiting umupo na siya at sinimulan na ang pagkain. Nasa kalagitnaan siya ng pagkain nang biglang bumukas ang pinto.
Napatingin siya dahil sa malakas na pagkakatulak no'n. Nakita niya ang isang lalaki na may malaking katawan. Sinipa nito ang pinto para mabuksan. Natigilan siya dahil hindi niya kilala ang lalaki. Maya-maya ay may babaing tumabi rito na malaking-malaki ang tiyan.
"So, ikaw pala ang bagong kinahuhumalingan ni Rodel?" mataray na tanong ng babae na lumapit na sa kanya.