KABANATA 14: (IKAAPAT KWENTO NG LAGIM) THE CURSED TATTOO
Pahikbing ikinuwento niya sa ina ang pangyayari. Mabuti na lang at hindi niya ito nakaringgan ng anumang sermon at dinamayan lang siya nang tahimik.
Ikinuwento na rin niya ang lahat simula do'n sa lalaking nagpasagasa. Sinabi niyang kapareho ang mga sinabi nito sa sinabi ng ex ng boyfriend niya bago ang mga pangyayari. Napahawak siya sa tattoo sa pulso dahil nang araw na namatay ang ex ng boyfriend niya ay naramdaman niya uling parang huminga ang tattoo sa pulso niya.
"Stressed ka lang kasi nakita mo ang dalawang napakasamang pangyayari sa harap mo mismo," sagot nito pagkatapos niyang magkwento.
Nasa kwarto sila ng lalaki sa bago nitong nilipatan. Katatapos lang nilang magniig nang magkwento siya rito. Inaasahan na niyang hindi ito maniniwala dahil kahit siya ay hirap paniwalaan ang sinabi niya pero hindi naman pwedeng nagkataon lang ang lahat.
"May kontak ka ba do'n sa kamag-anak ng bangkay na may ganitong tattoo?" tanong niya sa boyfriend.
"Bhe, huwag mo nang isipin pa ang tungkol sa tattoo, okay? Kung gusto mo takpan na lang natin iyan ng ibang tattoo," sagot nito.
"May kontak ka ba?" ulit niya sa tanong.
Bumuntunghininga ito bago sumagot.
"Sasamahan na lang kita sa bahay no'n. Kaklase ko dati ang pamangkin no'ng bangkay," napilitang sagot nito.
"Salamat," tumingala pa siya sa lalaki nang sabihin iyon.
Sinamahan nga siya ng nobyo na puntahan ang kaklase nito. Sinabi nito na galing daw ang Tito nito sa liblib na bukid para mag-hike kasama ng mga barkada nito. Umuwi raw ito na masayang ipinakita sa kanila ang bago nitong tattoo. Kwento ng Tito nito na isang matandang ninuno ng mga tribu sa lugar na iyon ang may gawa ng tattoo.
Ayaw daw nitong pumayag no'ng una pero napilitan na rin nang alukin nila ito ng malaking pera. Ang pera ay gagamitin ng mga ito para mapaayos ng mga tribu ang napinsala nilang mga pamamahay dahil sa bagyo no'ng nakaraang buwan.
Sikat daw kasi talaga ang matanda noong unang panahon sa pagta-tattoo at sinaunang gamit ang pinapang-tattoo nito. Tumigil daw ito nang may mapanaginipan itong isang demonyo na galing sa isang tattoo. Twenty years na raw tumigil ang matanda sa pagta-tattoo dahil sa panaginip na iyon.
Dama raw nito na may masamang mangyayari kung babalik ito sa ginagawa. Tinawanan lang daw ito ng Tito nito at ng mga kasamahan ng Tito nito sa hike. Hinayaan lang daw ng Tito ng lalaki na ang matanda ang bahala sa disenyo. Para pa nga raw nagdedeliryo ang matanda habang ginawa iyon sa pulso ng Tito ng dating kaklase ni Rodel.
Magmula raw noon ay lagi nang balisa ang Tito nito. Ang nakakapanindig balahibo pa ay isa-isang namatay ang mga kasama nito sa hike dahil sa mga madugo at nakakapangilabot na aksidente. Takot na takot daw ang Uncle nito at bigla na lang daw isang araw ay pinutol nito ang kamay na may tattoo at ginilitan ang sarili nitong leeg.
Nagkatinginan pa sila ng nobyo dahil sa kwento ng lalaki.
Dahil sa narinig ay mas lalo siyang nakumbinsi na may kinalaman talaga ang tattoo sa dalawang pangyayaring nasaksihan niya. Pagkauwi nila ay nakapagpasya na siya. Gusto niyang alisin o dili kaya'y palitan ang tattoo sa pulso niya.
"Sigurado ka?" tanong ng nobyo nang sabihin niya ang gusto niyang mangyari.
Determinadong tumango siya sa lalaki.
"Gusto kong palitan mo na siya ngayon kung hindi mo siya kayang tanggalin. Ayaw ko na siyang makita na naka-imprinta sa akin," sabi niya sa nobyo.
Nasa bahay na sila ni Rodel. Naghihintay siya sa sala habang kinuha nito ang gamit sa kwarto. Umupo na ito sa tabi niya na bitbit ang mga gamit sa pagta-tattoo.
"Ano ang gusto mong ipalit ko diyan?" tanong nito.
"Ikaw na ang bahala," maikling sagot niya. Wala na siyang pakialam kahit ano ang ilagay nito basta maalis lang ang marka ng demonyo sa kanya.
Kinuha nito ang kamay niya at tiningnan uli ang tattoo. Maya-maya ay narinig na niya ang ingay ng gamit nito. Idinikit na nito ang dulo ng malaking karayom sa balat niya nang biglang nabali iyon. Pareho pa silang nagulat ni Rodel dahil tumapon pa ang kalahati ng karayom sa kung saan.
"Tsk! Ngayon pa talaga 'to nagloko," inis na sabi ng lalaki.
Kumuha ito ng ipampapalit sa karayom. Katulad nang nauna ay nabali na lang ito bigla nang walang dahilan.
"R-rodel," natatakot nang tawag niya rito.
Napatingin sa kanya ang lalaki.
"Papapalitan ko na lang ang mga ito sa pinagkunan ko. Mga lumang stocks yata ang ibinigay nila sa akin," walang anumang sabi nito saka iniligpit na ang mga gamit.
Hindi nga natuloy ang pagpapalit ng disenyo ng tattoo niya. Sa susunod na Linggo pa raw makakapunta si Rodel sa kakilala nitong pinagkunan nito no'n. Kumbinsido siyang ang demonyo na tattoo ang may kagagawan no'n. Ayaw nitong palitan nila ang disenyo. Napatitig siya sa tattoo. Bigla siyang kinilabutan nang parang nakipagtitigan ang demonyo sa kanya. Mabilis na kinuha niya ang panyo sa bulsa at itinali sa pulso niya. Ayaw na niyang makita ang tattoo na iyon.
Wala siyang nagawa kundi ang maghintay hanggang sa mapalitan na ang tattoo niya. Pumunta siya ng simbahan kinabukasan. Hindi siya relihiyosong tao pero parang kailangan niyang magdasal dahil takot na takot siya para sa pamilya niya lalo na para sa anak niya.
Papalabas na siya ng simbahan nang mamataan niya si Rodel na parang galing din sa simbahan. Napangiti siya at tatakbo sana palapit dito nang matigilan. Biglang may lumapit na babae rito at umabrisyete agad sa braso ng lalaki.
Sweet na sweet ang dalawa!
Biglang may bumangong galit sa loob niya.
Tama nga ang ex nito, napakawalanghiya ng gago!
Mas lalo pa siyang natigilan nang mapansin ang medyo umbok na tiyan ng babae. Agad na lumapit siya sa mga ito.
"Walanghiya ka!" sigaw niya sa lalaki.
Nagulat ito at nanlaki ang mga mata pagkakita sa kanya.
"Bree, magpapaliwanag ako," sabi nito na hahawakan sana siya sa kamay.
Umiwas siya at sinampal niya ito nang malakas.
"Sino ka ba?!" galit na sigaw ng babaeng kasama ni Rodel.
Binalingan niya ito at ngumisi sa babae.
"Ako lang naman ang girlfriend ng gagong ito!" Pasigaw pa rin na sagot niya sa babae.
Nagsimula nang makiusyuso ang mga tao sa paligid nila. Imbes na matameme ang babae ay ngumiti pa ito nang nakakaloko.
"Talaga? Eh, ako? Kilala mo ba ako?" tanong nito sa kanya.
Napahalukipkip siya at hinihintay na sagutin nito ang sarili nitong tanong.