KABANATA 11: (IKAAPAT KWENTO NG LAGIM) THE CURSED TATTOO

Binisita niya ang bagong boyfriend na assistant ng isang embalsamador. Nakatatlong palit na siya ng boyfriend sa loob ng anim na buwan. Lagi kasi siyang nahuhulog sa mga lalaking pinaglalaruan lamang siya. Madalas sabihin ng Mama niya na mahirap humanap ng lalaking seseryoso sa kanya lalo pa't may tatlong taon na siyang anak.

Ang walanghiyang ama ng kanyang anak ay nakapag-asawa na at sa ibang bansa na naninirahan. Hindi na rin siya naghahabol pa ng sustento dahil lagi nitong itinatanggi na anak nito ang bata.

Dagdag pa ng Mama niya na sa hitsura niyang iyon ay wala talagang matinong lalaki na lalapit sa kanya. Hindi kasi siya lumalabas na walang makapal na eyeliner. Ang katawan din nya ay tadtad ng mga tattoo at may hikaw din siya sa ilong.

Lagi siyang pinapayuhan ng ina na baguhin na ang ayos at baka sakaling makabingwit na rin siya ng tamang lalaki para sa kanya. Lagi rin naman niyang pinapalabas lang sa kabilang tenga ang mga payo ng ina. Hindi na niya ito pinapatulan dahil ito rin naman ang bumubuhay sa kanilang mag-ina.

Alas diyes na no'n ng gabi at sinadya niyang gano'ng oras pumunta sa pinagtatrabahuan ng boyfriend dahil mag-isa na lang ito sa trabaho. Alas otso ng gabi umuuwi ang amo nito. Sinorpresa niya ang boyfriend kaya't hindi na siya kumatok.

Binigyan kasi siya nito ng susi roon. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto kung saan ginagawa ng mga ito ang trabaho. Nakita niya itong titig na titig sa isang kamay ng bangkay na nasa bakal na mesa.

"Hmmm, malapit na akong magselos niyan, ha?" biglang sabi niya nang tuluyan nang makalapit dito.

Napangiting napaangat ng tingin si Rodel.

"Bree!" tawag nito sa pangalan niya.

Agad na niyakap siya nito at hinalikan sa mga labi. Pagkatapos ng mainit na halik nito ay excited na hinawakan nito ang isang kamay niya at inakay siya papalapit sa bangkay na tiningnan nito kanina.

"Halika, tingnan mo. Alam kong magugustuhan mo ito," nakangiting sabi nito.

Nakangiting nagpaakay din naman siya sa lalaki. Kinuha nito ang isang kamay ng bangkay at ipinakita sa kanya ang pulso nitong may malaking tattoo.

"Di ba, ang ganda? Kakaiba ang tattoo niya," sabi nito na parang manghang-manghang nakatitig sa tattoo ng bangkay.

Hindi na rin niya naialis ang tingin doon. Isa iyong mukha ng demonyong pulang-pula ang mga mata na parang buhay na buhay. Anlaki ng bunganga nitong nakabuka na parang hihigupin ka. Ang mga pangil nito ay matutulis na malalaki.

Hindi na kaiba sa kanya ang mga gano'ng tattoo dahil may mga tattoo rin siyang kagaya no'n pero kakaiba ang dating ng tattoo na iyon. Kung sino man ang gumawa no'n ay masyadong magaling dahil para itong buhay na larawan na nasa kamay ng bangkay.

Napakunot-noo siya nang mapansin ang malaking sugat sa may pulsuhan ng bangkay. Isa iyong malaking tahi na para bang idinugtong lang ang kamay nito.

"Kami na ang tumahi niyan kasi nang dumating ang bangkay ay putol ang kamay niya. Puro dugo pa nga iyang tattoo kanina na para bang puno iyan ng sugat. Actually, hindi halatang tattoo iyan kanina. Akala namin ay isang malaking sugat lang iyan. Pero no'ng malinis na namin ay iyon nga may tattoo pala. Ang sabi no'ng kamag-anak ng bangkay ay pinagsasaksak daw niya ang tattoo niya pagkatapos ay tinaga para maputol. Pagkatapos niyang putulin ang kamay niya ay ginilitan niya ang sariling leeg," kwento ni Rodel.

Hinawi pa ng lalaki ang nakatabing sa bangkay para makita niya ang sugat nito sa leeg na pruweba na ginilitan nga nito ang sarili. Nangilabot siya lalo't nakita niya ang mukha ng bangkay na nakatirik pa ang mga mata.

"B-ba't ganyan ang mga mata niya?" kinikilabutang tanong niya.

"Hindi rin namin alam. Ganyan na siya nang dalhin dito, eh," sabi ng boyfriend niya at tinakpan na uli ang mukha ng bangkay.

Hinimas niya ang mga braso dahil sa naninindig na mga balahibo.

"Hindi ka ba natatakot dito? Wala ka bang planong maghanap ng bagong trabaho?" tanong niya sa lalaki.

Nakangiting hinila siya nito at niyakap sa beywang.

"Ito na ang kinamulatan ko mula nang bata pa ako. Sanay na ako sa trabaho ko rito," pagkasabi no'n ay hinalikan siya uli sa mga labi.

Tinugunan na rin niya ang halik nito at yumakap pa sa leeg ng binata. Matagal bago nito binitiwan ang bibig niya.

"By the way, kinuhanan ko na ng picture ang tattoo niya. Saan mo gustong gawin ko ang tattoo na iyon sa katawan mo?" tanong nitong hindi naaalis ang ngiti.

Suma-sideline din kasi sa pagta-tattoo ang boyfriend. Ito ang nag-tattoo ng huling tattoo niya kaya't nakilala niya ito hanggang sa naging boyfriend.

"Talaga? Hmmm, parang wala ng space para sa tattoo ang katawan ko kundi dito na lang din sa may pulso ko. Mas bagay nga yata iyan sa pulso ko," nakangiti na ring sabi niya.

"Okay, sa Sabado ng gabi, do'n tayo sa bahay para sa pagpapa-tattoo mo," hinalikan na siya uli nito nang mabilis sa mga labi.

Sabado.

Excited na nagtungo siya sa nirerentahan ng boyfriend umaga pa lang. Malaking tattoo ang inilagay nito sa palapulsuhan niya. Lagi nitong tinitingnan ang picture ng kamay ng bangkay sa cellphone nito para magaya ang tattoo. Sobra isang oras ang ginugol nito sa pag-tattoo sa kanya. Nang matapos ay sabik na tinititigan niya ang gawa ng boyfriend. Napaawang ang mga labi niya dahil kopyang-kopya nito ang tattoo.

"Ang galing mo talaga, bhe!" masayang sabi niya rito.

Gaya ng inaasahan niya ay hindi na naman siya tinigilan ng sermon ng nanay niya nang umuwi siyang may bago na namang tattoo.

"Oh, ano na naman iyang nasa kamay mo? Hay naku, baka mamaya niyan sa mukha ka na maglalagay ng tattoo," salubong nito sa kanya nang mapansin ang tattoo niya.

Hindi niya ito pinansin at nakangiting nilapitan ang anak niya na pinapakain ng ina.

"I miss you, Princess!" Hinalikan niya sa pisngi ang anak saka pinisil ito roon.

"Mama!" nakangiting sabi ng anak at maya-maya ay napakunot-noong napatingin sa pulso niya.

"Sakit, Mama?" inosenteng tanong nito na hahawakan sana iyon pero iniiwas niya dahil bago pa lang iyon at medyo maga pa.

"Nope. Hindi nasaktan ang Mama. Drawing lang ito, anak," nakangiting sagot niya.

"Kumain ka na?" tanong ng inay niya.

"Kumain na ako, Ma. Matutulog na lang muna ako. Night, Princess. Sunod ka maya kay Mama, ha?" paalam niya sa anak saka hinalikan uli ito sa pisngi at umalis para pumasok na ng kwarto niya.

Nang makahiga ay nakangiting tinititigan niya uli ang bagong tattoo.

Ang galing talaga ng boyfriend ko, naisip niya.

Tumayo siya para patayin ang ilaw at nahiga uli. Ipinikit na niya ang mga mata kaya't hindi niya napansin ang tila pagliliyab ng tattoo sa pulso niya.