Chapter 26.
ELIHA
Ipinagpabukas na ang pagdiriwang ng engagement party sana namin ni Kein. Pero sinabi ko kay Kein na may bago kaming plano na imbis na sa amin ay para na lang kay Eliha at Keegan.
**
"Para sa akin ba talaga itong magandang bestida na ito?" Eliha asked. Ang inosente ng boses niya at siya mismo.
Nandito kami ngayon sa kwarto na tinutuluyan ko. Ang gagawin ko lang naman sa kanya ay ang ayusan siya. Si Kein naman ay nasa labas dahil inaasikaso niya ang pagdiriwang mamaya.
"Oo para sa iyo 'yan. Alam ko na magiging masaya ka kapag nakita mo ang iyong magiging asawa." Hinimas ko ang maganda niyang buhok habang nakatingin sa bintana.
"Salamat!" Masaya niyang sabi habang nakatingin sa salamin. Hindi siya bampira kaya mayroon siyang repleksiyon sa salamin.
Kinausap ko kagabi si Kein, itinanong ko kung mayroon bang maayos na hiwalayan gamit ang papel o batas nila para sa aming kasal. Ang sabi niya ay wala naman daw, depende raw kung iiwan na ng asawa. Kaya siguro wala ng pakialam sa akin si Keegan dahil p'wede niyang pakasalan si Eliha kahit kailan niya gusto.
Bakit naman kasi ako masasaktan? Extra lang naman ako sa pagmamahalan nila. At wala akong karapatan na humadlang. Tsaka mabuti ang mangkukulam na kasama ko ngayon, hindi kaya ng konsensya ko na pagtaksilan siya.
Nahihirapan na magbihis si Eliha kaya tinulungan ko siya. "Ang ganda! Bagay na bagay sa 'yo."
"Salamat. Pero ano ba ang iyong pangalan?"
"Ako si Eliha."
"Talaga?! Parehas pala tayo ng pangalan at.. medyo magkamukha tayo."
Hindi ako sumagot. Ipinagpatuloy ko na lang ayusin ang kolorete sa mukha niya.
Pero hindi ko matiis ang katahimikan, "Alam mo, ako na ang pinakamasaya na nilalang ngayon dahil magiging masaya si Keegan.. at syempre, ikaw."
"Ako rin! Nakakatuwa na nandito ka kahit na hindi pa tayo magkakilala masyado. P'wede ba akong magtanong?"
"O-oo naman, ano 'yun?"
"Ikinasal ka na ba? Ano ang pakiramdam? Nakakakaba ba?" sunod-sunod na tanong niya habang nakangiti ng malaki.
Ang totoo niyan ay oo. Lahat na yata ng emosyon ay naramdaman ko. Kahit na alam ko sa sarili ko na hindi ko lubusang kakilala si Keegan ay masayang-masaya ako noong unang araw na ikinasal kami.
"H-hindi pa ako ikinakasal."
"Gano'n ba? Sana ay dumating ang araw na ikaw naman ang ikasal! Mabuti kasi ang iyong kalooban."
"S-salamat." Patuloy kong inayos ang buhok niya. Nilagyan ko pa ng mga bulaklak.
Pagkatapos ng ilang minuto ay maayos na ang kanyang makeup pati na rin ang kanyang bestida.
"Halika na sa baba, Eliha. Ihahatid na kita sa kanya. Handa na ang lahat."
Tumango lang siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit.
Nakalimutan ko palang i-describe ang kasuotan ng mga nasa dipsa chupar vampire world. Sa katunayan, medieval clothing ang kanilang araw-araw na isinusuot.
Hinawakan ko sa kamay si Eliha para alalayan pababa sa hagdan.
Habang kami ay bumababa ay sumasabay sa aming paglakad ang musika.
Makalipas ang ilang segundo ay natanaw ko na sila Keegan at Kein. At syempre, ang mga kawal na saksi sa kasal na gaganapin.
Kitang-kita ko sa mga mata ni Keegan ang kinang na simbolo na siya ay masayang-masaya. Napangiti ako sa katotohanan na ninakaw ng sumpa iyong kinang sa mga nata niya na inilaan sa akin noong kami ay ikinasal. At ngayon, ay ibabalik na sa kanya.
Nang makababa kami ay sinalubong ako ni Kein. Si Eliha naman ay dahan-dahan na naglakad papalapit kay Keegan.
Tumingin sa akin si Kein na para bang naaawa siya sa akin. Pero pinakitaan ko siya ng isang malaking ngiti.
Nagtagpo na si Keegan at Eliha. Sila ngayon ay nakaharap na sa lalaking nakaitim.
Hinawakan ni Keegan sa pisnge si Eliha habang nanginginig ang kanyang mga kamay. "Ang tagal kong naghintay sa 'yo, aking pag-ibig."
"Bakit naman matagal? 'Di ba nga ay kahapon lang pumayag ang aking ina?"
Hindi sumagot si Keegan, bagkus mariin niyang hinalikan sa labi ang kanyang minamahal.
"Mabuhay ang bagong kasal!" sigaw ng lalaki.
Masayang humarap sa amin ang mag-asawa. Ang mga bulaklak na nagmula sa taas ay tila ba'y ulan na bumabagsak sa kanila.
Ang lahat ng nandito ay nagpalakpakan.
Nanginginig ang aking katawan, pakiramdam ko ay hindi ko kaya na humarap sa likod. Gusto ko na lang kasing umiwas. Nagsimula na rin na manginig ang aking mga kamay. At nararamdaman ko na tutulo na ang aking luha pero kailangan kong pigilan dahil wala akong karapatan.
Sa totoo lang, masakit palang magmahal. Mas gusto ko na lang na sinasaktan ako ni Dad keysa sa ganito ang nangyayari dahil at least si Dad ay kahit gano'n ay mahalaga pa rin ako sa kanya. Mayroon lang naman siyang disorder.
Pero kailangan ko ba talagang sabihin 'to sa sarili ko? Sila ba ay naisip man lang ang nararamdaman ko? Ang hirap kasi sa akin ay hindi ako selfish pagdating sa nararamdaman ng iba.
Nagulat ako nang bigla akong hilahin ni Kein. Naramdaman ko na lang na magkadikit na ang aming katawan. Hinimas niya ang likod ko. Alam ko na kahit wala siyang sinasabi ay alam niya ang nararamdaman ko.
Hinayaan ko na ang luha ko na tumulo dahil hindi naman makikita ng mga nilalang dito ang aking mga mata dahil sinakop na ng balikat ni Kein.
Gumagalaw ang aking balikat dahil humahagulhol na ako. Sa totoo lang ay hinahayaan ko na lang na gumalaw ang balikat ko keysa naman marinig nila ang tunog ng iyak ko.
Ang hirap palang umiyak ng walang tunog dahil mas masakit.
Si Kein ay hinimas ang balikat ko. "Nandito lang ako para sa 'yo."
"Eliha!" masayang sigaw ni Eliha.
Lilingon na sana ako pero pinigilan ni Kein ang ulo ko. "Bakit? Nag-uusap pa kasi kaming dalawa," palusot ni Kein.
"Gano'n ba? Sige! Salamat nga pala sa inyong dalawa! Aalis na rin kami!" masayang wika niya.
"Mag-iingat kayo," saad ni Kein.
"Ano ang nangyayari sa kaharian ko?!" galit na tanong ni Keg.
Napabitaw ako kay Kein at palihim na tumingin sa bagong kasal. Si Eliha ay gulat na gulat samantalang si Keegan naman ay masaya lang na nakangiti.
"Ama, hindi na magiging hari si Keegan dito dahil nahanap na niya si Eliha. Sa katunayan ay kakakasal lamang nila ngayon," paliwanag ni Kein.
"Ano?! Mga lapastangan kayo!"
"Haring Keg, mayroon daw po kayong gaganapin na pulong sa ibang mga bampira," sabat ng isang kawal.
"Gano'n ba? Sige," tumingin siya sa amin. "Hindi ko pa nakakalimutan ang pagtataksil ninyo!" Mabilis siyang naglaho.
"Keegan, maaari ba tayong mag-usap?" seryosong tanong ni Kein.
"Oo, halika. Mahal, maupo ka muna d'yan, hintayin mo ako." Naglakad si Keegan papalabas. Kaagad namang sumunod sa kanya si Kein.
"Eliha!" Lumapit sa akin ang asawa ni Keegan at hinawakan ang dalawa kong kamay. "Excited na ako para mamaya! Alam mo na, iyong ginagawa ng mag-asawa para magkaroon ng anak! Alam mo, pangarap ko talaga ang magkaanak. Tsaka mabuti na lang talaga dahil pumayag na si ina sa aming pagmamahalan."
Tumawa ako, "Masaya ako para sa iyo!"
"Bakit parang sapilitan ang 'yong tawa? Tsaka namumugto pa ang iyong mga mata," malungkot na wika niya.
Hinimas ko ang balikat niya. "Hindi 'no, okay lang ako. Gusto mo ba ng tubig? Teka lang, kukunan kita."
Nagbigay galang siya sa akin sa pamamagitan ng pag-bow.
Ang totoo niyan ay pupuntahan ko si Kein at Keegan.
Sumilip ako ng kaunti sa pintuan. Nagulat ako nang biglang suntukin ni Kein si Keegan.
"A-ano bang suliranin mo sa akin?!" nagtatakang tanong ni Keegan.
"Wala ka na ba talagang nararamdaman para kay Eliha? Kahit kaunti! Wala ba? Ang kapal naman ng mukha mo na humarap pa sa kanya! Gusto ko man siyang pigilan pero ayaw niya!"
"H-hindi ko naman gusto na masaktan siya. Para sa akin ay siya ay importante sa buhay ko at hindi 'yun magbabago. Si Eliha ay naging parte ng buhay ko at hindi ko siya makakalimutan."
"Pero nasasaktan mo pa rin siya, alam mo ba?! Para lang hindi ka maging hari ng kasamaan dito sa palasyo ng aking ama ay si Eliha pa ang gumawa ng paraan para mahanap ang iyong minamahal! Oo! Gano'n ka niya kamahal! Alam niya kasi na ayaw mo rin ang trono ng aking ama. At mahal na mahal ka niya kaya niya 'yun nagawa."
Hindi sumagot si Keegan, yumuko lang siya.
Mabilis akong tumakbo papunta sa kusina para kumuha ng tubig ni Eliha.
Pagkalabas ko ay magkahawak na ng kamay si Keegan at Eliha. At mukhang nagpapaalam na sila kay Kein. Pumasok na lang ulit ako sa kusina dahil ayaw ko na silang makita pa.
Ang tanging hiling ko lang sa buwan at sa mga bituin ay ang maging masaya sila.
Sumulpot sa harapan ko si Kein. I was shocked when he carried me.
We quickly disappeared. I just saw that we were already in the room.
"Magpahinga ka na muna," he whispered.
"Oo ikaw rin."
"P'wede ba na dito muna ako sa kwarto mo? Nais ko kasing patulugin ka."
"Oo naman, pero kung okay lang sa 'yo. Hindi ka ba naiilang sa akin, Kein?"
"Hindi naman, para sa akin kasi ay ikaw ay babae kong kaibigan." Inalalayan niya ako para makahiga sa kama. At siya siya ay umupo sa tabi ko.
Sinimulan niyang himasin ang buhok ko. "Alam mo ba, Eliha, buong buhay ko ay itinatago ko kung sino nga ba ako."
Na-curious ako kaya humarap ako sa kanya. "Ano ang ibig mong sabihin? Nandito lang ako para makinig."
"Maiintindihan mo ba ako?"
"Oo naman! Hindi kita huhusgahan."
"Eliha, hindi babae ang aking gusto o nais na mahalin."
"Naiintindihan ko, ang gusto mo ay lalaki, tama ba?"
Tumango siya at yumuko.
Oo nagulat ako kasi hindi halata na gay si Kein. Masculine kasi ang kanyang gender expression.
"Alam mo, masaya ako kasi inamin mo sa akin ang iyong kasarian. Kung iniisip mo na huhusgahan kita ay nagkakamali ka, masaya ako para sa 'yo."
"Pasensya na, pakiramdam ko kasi ay na-disappoint ka sa akin."
"Oo nagulat ako pero ang ma-disappoint? Hindi. Bakit? Kasi ikaw 'yan, ikaw na ikaw 'yan na nararapat lamang na mahalin at pahalagahan. Kung ako man ang unang nakaalam nito ay huwag kang mag-alala dahil ako ang unang tatanggap sa 'yo. Hayaan mong yakapin kita, simbolo na ikaw ay karapat-dapat na irespeto." Niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan ko siya sa noo.
"Ano ka ba?! Nakakaiyak!" sigaw niya sabay hinawi ang kanyang buhok kahit na hindi mahaba. 'Yung sigaw na katulad sa mga karaniwan na gay na nakakasalamuha ko sa aming mundo. He is so cute. Masaya ako na nailabas na niya ang totoong siya.
"Hinahangaan kita!" Tinulak ko siya sabay tumawa ako nang tumawa. Ang ending ay nagkurutan kaming dalawa at nagbatuhan ng unan.
Naghabulan kami sa kwarto habang masaya. At natawa ako nang mas naging wild si Kein dahil kumuha siya ng pambabae na kasuotan sa cabinet at isinuot niya 'yun.
Tumitig ako sa kanya habang masaya siyang umiikot. Masayang-masaya siya habang suot ang isang nagandang bestida. Woah, he is so amazing. Hindi ko akalain na sa kabila ng lahat, may mga nilalang pala talaga na may itinatagong kaligayan na hindi nila mailabas dahil sa mapanghusgang mundo.
Sinabayan kong umikot si Kein. "Magpakasaya tayo ngayon!"
"Oo, dahil nararapat iyon sa mga katulad natin na mabuti ang kalooban!" sigaw niya sabay sumayaw nang sumayaw. Nakakatuwa talaga siya.
"Kein, nararamdaman ko na hindi pa alam ng iyong ama ang iyong kasarian. Handa ka na bang sabihin sa kanya?"
"Alam na niya, kahit hindi niya sabihin. Kaya nga ayaw niya akong maging hari dahil nais niya ay lalaki talaga ang mamuno."
"Hindi naman makatuwiran ang kagustuhan ng iyong ama. Kahit sino ay p'wedeng mamuno kahit na ano pa ang kasarian nila. Lahat naman tayo ay pantay-pantay sa ating mga responsibilidad. Sana ay maisip 'yun ng iyong ama."
"Tama ka. Saan ka nga nagmula? Sa mundo ng mga tao?"
"Oo, bakit?"
"Sa mundo niyo ba ay mayroon din na ganitong pagtrato kapag hindi naaayon sa gusto nila ang kasarian?"
"Ang totoo niyan ay oo. Tsaka ang mas malala pa ay grabe manakit ang ilan sa kanila ng dahil lang sa hindi nila kaparehas ng kasarian. Pero mayroong edukasyon sa aming mundo, ang layunin no'n ay turuan at ibahagi ang kaalaman ng bawat guro sa kanilang estudyante ang tungkol sa ibat-ibang kasarian, ang kahalagahan nito, ang mga karapatan nila, at iba pa na makakabuti sa bawat isa."
"Nakakamangha naman pala sa mundo niyo. At sana ay maiwasan na ang maling pagtrato ng dahil lang sa kakaiba sa pananaw at paningin nila." Kinurot niya ang ilong ko. Hindi ko alam pero biglang sumagi sa isip ko si Keegan sa ginawa ni Kein.