Chapter 25. 1
Tumango na lang ako kay Tatay. Ang gulo, pero sana ay unti-unti ko nang malaman ang katotohanan. At syempre, ang pagkatao ni Eliha.
Pagkatapos kong maubos ang isang bote ng alak ay pakiramdam ko ay lasing na ako dahil grabe ang hilo na aking nararamdaman.
"Aalis na po ako!" paalam ko kay Tatay. Tumango lang naman siya.
Muli akong sumakay sa tambo. Pupuntahan ko na si Eliza.. pero pasikreto akong kikilos.
Habang nasa itaas ako ay pakiramdam ko ay mahuhulog ako dahil sa hilo.
Dahan-dahan akong bumaba sa likod ng mansyon ni Eliza. Sakto naman dahil bukas ang pinto sa likod. Dahan-dahan akong naglakad na walang maririnig na yapak. Sigurado kasi ako na nandito lang si Eliza sa paligid.
Bumungad sa akin ang sampung kwarto. Alin kaya ang sa kanya d'yan?
Binuksan ko ang itim na pinto. Bumungad sa akin si Eli habang natutulog. Nandito na pala siya, akala ko ay bumalik siya sa mansion ng mga Vampyres.
Sa kwarto ni Eli ay mayroon akong nakita na mga picture frame ni Eliha. Paano ko nalaman na si Eliha? Dahil ang mukha ko ang nandoon pero may nakalagay sa baba ng mga picture frame na pangalan na Eliha Parah. So magkamukha nga talaga kami.
Ano kaya ang mapapala ko sa kwarto na 'to? Baka kapag may ginalaw ako ay biglang magising si Eli. Bakit ba kasi siya nandito? Sana ay natulog na lang siya sa kwarto niya para walang sagabal.
Lumabas na ako ng kwarto. Papasok na sana ako sa kabilang kwarto pero nakita ko si Eliza na nakatalikod habang naghahalo sa malaking jar. Kaagad akong tumakbo papunta sa pinto palabas. Siguro naman ay maririnig ko pa rin ang mga sasabihin niya kahit medyo malayo ako.
"Kailangan kong maitago ang aking anak dahil nalaman na ni Keg ang aking sikreto. Traydor talaga ang hari na 'yun! Hindi maaari na makuha ni Keegan ang anak ko. At walang sinuman ang makakaalam ng totoo na si Eliha ay nandito lang sa aking mansyon. Pero makapangyarihan si Keg kaya dapat ko siyang maunahan," sabi ni Eliza.
Nandito lang pala si Eliha.. baka nasa ibang kwarto siya. Kailangan kong maunahan ang hari.
Maya-maya pa ay nakita ko si Eliza na pumasok sa kwarto kung saan natutulog si Eli.
Mabilis akong pumasok sa isang kwarto. Pagkapasok ko ay bumungad sa akin ang ibat-ibang dahon, kahoy, at manika. Tsaka ang creepy ng mga bungo.
Nang tumingin ako sa picture frame ay nakita ko ang mukha ni Eliza. I see, kanyang kwarto ito.
Lumapit ako sa mga libro sa gilid. Alin kaya sa mga ito ang ginamit ni Eliza sa akin? O ang ginamit niya para itago ang kanyang anak?
Kukunin ko pa lang sana ang isang libro pero naramdaman ko na may papasok kaya kaagad akong nagtago sa ilalim ng kama.
Nakita ko sa ilalim ang paa ni Eliza. Ang creepy ng mga daliri niya dahil ang haba ng kuko.
"Nakakainis ka, Keg! Hindi ko na alam kung paano ko pa itatago ang aking anak! Hind mo p'wedeng ibunyag sa lahat na si Eliha ko ay-" hindi na natuloy ni Eliza ang kanyang sasabihin. Hindi ko alam kung bakit pero bigla siyang lumabas sa kwarto. Ako naman ay kaagad na lumabas.
Sumilip ako sa pinto. Nakita ko na balisa siya habang umiikot. Napahawak naman ako sa bibig ko dahil nasusuka ako. Ang tapang kasi ng alak.
Makikita ako ni Eliza kung dadaan ako sa pinto. Sa bintana na lang. Sakto naman dahil nandoon ang tambo na nakaabang sa akin.
Nang makarating ako sa baba ay sumuka ako nang sumuka. Grabe, nakakahilo. Sa tingin ko ay kailan ko na muna na magpahinga. Pero gusto ko ay sa tabi ni Keegan.
Makalipas ang ilang minuto ay nasa tapat na ako ng mansyon nila. Nakakaiyak naman dahil hindi na ako parte ng mansyon na ito. Dinala ako ng sinasakyan ko sa bintana ng kwarto namin ni Keegan. Nakita ko si Keegan na nakaupo at umiiyak.
Huwag kang mag-alala, mahal, dahil gagawin ko ang lahat para maibalik lang sa 'yo ang totoo mong mahal. Hahayaan ko na ang nararamdaman ko sa 'yo. I think gagawin ko ito para may maisukli naman ako sa kabutihan mo. Hanggang sa muli, mahal.
Hinawakan ko muna ang tambo. Gusto kong maglakad sa madilim na lugar. Habang nakayuko ako na naglalakad ay may nakita akong naglalakad. Humarap ako rito. Nakita ko siya.
"Ano ang ginagawa mo rito? Masyadong delikado para sa 'yo," Keegan said.
Ngumiti lang ako sa kanya at patuloy nang naglakad. Ayaw ko na siyang pansinin pa kasi nakakasakit na siya ng sobra.
Ayaw kong dumating sa punto na sisihin ko na naman ang sarili ko kung bakit ako iniiwan ng mga nasa paligid ko at kung bakit nila ako sinasaktan. Pagod na pagod na akong mag-self blaming .
Nagulat ako nang biglang sumulpot sa harapan ko si Keegan. "Gusto ko lang sabihin na mag-ingat ka ngayon at sa susunod pang mga araw."
May tumulong luha sa mga mata ko. Nag-bow na lang ako sa kanya. Ayaw kong magsalita dahil baka humagulhol lang ako.
Habang naglalakad ako ay nakaramdam na naman ako ng hilo. At hindi ko namalayan na bigla akong napaupo. Naramdaman ko naman na tumakbo si Keegan papalapit sa akin.
"Eliha! Okay ka lang ba? T-teka, amoy alak ka." Inalalayan niya ako para makatayo. Pero nang makatayo ako ay inalis ko ang mga kamay niya sa braso ko.
Hindi pa rin ako nagsalita. Gusto kong maglakad.
Habang naglalakad ako ay pakiramdam ko ay may nakasunod sa akin. Sinusundan niya ba ako?
Maya-maya pa ay sumulpot sa harapan ko si Kein. Siya ay seryosong nakatingin sa akin. At lumingon siya sa likod ko at tumango.
"Kanina pa kita hinahanap, ano ang mga ginawa mo? Maayos ba ang iyong kalagayan?"
"Umuwi na lang tayo, Kein. Salamat dahil nag-abala ka pa na hanapin ako."
"Walang anuman, halika na."
Mabilis kaming naglaho. At mabilis na nakarating sa palasyo.
Humiga na ako sa kama. Teka! Nasusuka pa rin ako. Kaagad akong tumakbo sa bintana at doon sumuka. Ang lakas naman ng tama ng alak na 'yun.
Lumabas ako sa kwarto. Ang creepy ng palasyo, pakiramdam ko ay aatakihin ako ng mga ibang bampira.
Bababa pa lang sana ako sa hagdan nang bigla kong makasalubong si Kein.
"Akala ko ay nagpapahinga ka na. Ano ang iyong nais na gawin sa baba?"
"Nais kong magtanim. Mayroon ba kayong hardin dito?"
"Mayroon kaming hardin, halika, sasamahan kita."
Sabay kaming bumaba. Pagkababa namin ay dinala niya ako sa isang malawak na hardin na ang mga tanim ay mga bulaklak na hindi kulay itim. Ang kulay ng mga bulaklak ay pula.
"Kunin mo 'to." Inabot niya sa akin ang isang buto at paso na may lupa.
"Kagaya ba 'to ng mga bulaklak dito?"
"Oo, Eliha."
"Salamat. Ang pangalan nitong tanim na 'to ay Keegan."
"B-bakit naman? Lalo mo lang siyang maaalala."
"Hindi sa gano'n. Ang gusto ko kasi ay ibaon na sa lupa ang pagmamahal ko sa kanya. Kung ang iniisip mo ay babalikan ko ito dito ay nagkakamali ka."
"Gano'n ba? Naiintindihan kita. Huwag kang mag-alala, ang mga katulong dito ang mag-aalaga d'yan."
Hindi ko alam pero parang gusto kong umiyak. Ang emotional ko naman yata ngayon.
"Kein!"
"Ano ang magagawa ko para sa 'yo?"
"Mayroon lang akong katanungan."
"Ano?"
"Nagmahal ka na ba?"
Nang tingnan ko ang mukha niya ay bigla siyang nag-blushed.
"O-oo naman. Pero ang gusto kong pagmamahal at klase ng pagmamahal ay hindi para sa lahat."
"Ang lalim naman ng sinabi mo. Wala ba siya rito sa palasyo? O isa sa mga katulong niyo kaya hindi para sa lahat? Alam mo, ipaglaban mo siya. Ako kasi ay wala ng ipaglalaban."
Hinawakan niya ako sa ulo. "Huwag na muna tayong lumaban. Magpahinga muna tayo."
Napangiti ako sa isinagot niya. Hindi ko alam pero ang gaan ng loob ko sa kanya. At totoo na mabuti ang kanyang kalooban.
**
Kinabukasan.
Nasa baba na kami ni Kein. Pinapanuod ko siya habang umiinom ng inumin niya pati na rin ang kanyang ama.
Biglang sumulpot si Keegan sa harapan namin. "Gusto ko ng maging hari ngayon. Ayaw ko nang patagalin pa ang paghahanap sa aking Eliha."
"Ganyan nga! 'Yan ang nais ko! Sige, ngayon pa lang ay ihahanda na ng mga katulong ang pagdiriwang mamaya." Tumayo si Keg sabay kinamayan si Keegan.
"Eliha, nais ko sanang magtapat sa 'yo," Kein said.
Nagtaka naman ako, "Hindi kita maintindihan."
"Gusto ko sanang magtapat sa 'yo na gusto kitang pakasalan. Maaari ba?"
Hindi ako kaagad nakasagot. Imbis na tumitig ako kay Kein ay napatitig ako kay Keegan. Siya ay umiwas ng tingin na para bang walang pakialam sa sinabi ni Kein.
"T-talaga, anak? Nais mo siyang pakasalan? Kung 'yan ang gusto mo ay pagbibigyan din kita!" masayang sigaw ni Keg.
"P'wede bang bukas niyo na lang ihalal si Keegan? Nais ko sanang magkaroon muna ng pagdiriwang sa darating na kasal namin ni Eliha.. kung papayag siya."
Bumuntonghininga ako, "Oo naman! Papayag ako."
"Paalam, Keg." Mabilis na naglaho si Keegan. At kasunod na naglaho si Keg.
Kinurot ko sa tagiliran si Kein. "Totoo ba talaga 'yung sinabi mo?"
Tumawa siya nang tumawa, "Oportunidad mo na ito para gawin ang iyong plano. Sana ay magtagumpay ka. Wala akong ibang hiling kung hindi ang maging masaya ka."
Tumulo ang aking luha. Hindi ko kasi akalain na siya ang magiging tunay kong kaibigan.
"Mamaya ko na gagawin ang aking plano. Paano ang pagdiriwang mamaya?"
"Ako na ang bahala na magpalusot o kaya naman kumilos ka na ngayon. Mag-iingat ka."
Nag-bow ako sa kanya at kaagad na tumakbo papunta sa labas. Tumalon ako nang mataas nang makita ko ang tambo, nakasakay naman ako.
Wala pa ako sa kalagitnaan ng aking paglalakbay pero nakita ko si Eliza sa baba. Siya ay kumukuha ng prutas mula sa puno.
Bumaba ako. At habang siya ay nakatalikod ay kinuha ko ang tali sa basket niya. Mabilis ko siyang sinugod at kaagad na itinali sa puno.
"Ano bang problema mo?!"
"Sasabihin mo ba sa akin kung nasaan ang anak mo o susunugin kita habang nakatali sa puno? Baka nakakalimutan mo na hindi pa nawawala ang ibinigay mong kapangyarihan sa akin? Ngayon mo ako subukan."
"Hindi mo ako mapapatay."
"Bakit? Dahil pakiramdam mo ay mabuti ang aking kalooban?" Hinagisan ko ng maliit na apoy ang kanyang paa kaya takot na takot siya.
"Tumigil ka!"
Inilabas ko ang apoy sa dalawa kong kamay. At nakita ko sa mga mata ni Eliza ang takot.
Pumikit siya at bumuga ng malalim. "Si Eliha ay si Eli."
"A-ano?!"
"Tama ang iyong narinig. Ginamit ko ang mukha ng pinsan niya para itago ang kanyang pagkatao."
"Kung gano'n ay ibalik mo sa dati ang anak mo kung ayaw mong pati siya ay madamay rito."
"Pakawalan mo muna ako!"
"Kaya mo namang gamitin ang kapangyarihan mo kahit nakatali ka 'di ba?"
Dumura siya sa harapan ko pero kaagad akong nakaiwas.
Pumikit siya sabay mayroong violet na usok ang lumabas sa buong katawan niya. Siguro ay ginagawa na niya ang mahika.
Sa wakas ay makukuha ko na si Eliha.
"Pumunta ka sa mansyon namin, nandoon na ang hinahanap mo. Sana ay maging masaya ka."
"Nakakapagtaka naman dahil ang bilis mo siyang ibigay sa akin at kung tutuusin ay kaya mong alisin ang nakatali sa 'yo gamit ang mahika. Bakit?"
"Wala ka na do'n." Inalis niya ang tali sa katawan niya at biglang naglaho.
Nakakapagtaka. Ano ba kasi ang plano niya?
Mabilis akong nakarating sa mansyon nila. At sumalubong sa akin ang.. ang magandang Eliha. Kung ang buhok ko ay straight, ang sa kanya ay kulot. Grabe, ang expensive niyang tingnan. Para siyang si Kein, ang expensive nilang tingnan.
"Sino ka? Ikaw ba ay ipinadala ni Keegan dahil ang alam ko ay ngayong araw ang aming kasal," malumanay na sabi niya.
Now I know, alam ko na kung bakit mahal siya ni Keegan. Siya pala ay mabuting witch.
Biglang kumirot ang puso ko sa katotohanan na hindi siya aware na maraming araw na ang lumipas pero ang alam pa lang niya ay ngayon ang kasal nila.
"O-oo, a-ako n-nga, sumama ka sa akin dahil dadalhin kita sa kanya."
Ngumiti siya sa akin at mariin akong niyakap.
'Yung mga panahon pala na ikinasal kami ni Keegan ay nagdurusa siya. I think kahit na nasasaktan ako ngayon ay hindi niya rin naman deserve ang ginawa sa kanya ng kanyang ina.