Kabanata 22: Danger
Yngrid
"LAKAD!" Mariing sigaw niya habang nakatutok pa rin ang baril niya sa likod ko kaya wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya dahil kung hindi ay baka malamig na akong bumulagta dito sa kagubatan.
Palaisipan pa rin sa akin kung paano kami nasundan ni Kalista dito sa beach, hindi ko alam kung paano niya nalaman na nandito kaming dalawa ni Devron at kung paano niya kami nahuli. Palihim na lamang akong napakagat labi ng itulak niyang muli ako kaya nadanggil sa isang sanga ng puno ang binti ko at dumugo ito.
Gusto ko sana siyang samaan ng tingin at sigawan pero pinigilan ko dahil may armas siya habang ako naman ay wala. Ilang minuto pa kaming naglalakad dito sa masukal na gubat at ngayon ko lang napansin na may isang maliit na kubo don at halos mapasubsob ako sa lupa ng malakas na naman niya akong itulak kaya sinamaan ko na talaga siya ng tingin.
“Ano bang problema mong babae ka?” Nanggagalaiti kong saad pero hindi ko napaghandaan ang sampal na ginawa niya dahilan para mauntog ako sa kahoy na katabi ko at nakita kong dumaloy ang dugo dito dahilan para mapangiwi ako sa sobrang sakit.
Shet wrestler ba ‘tong si Kalista? Ang sakit ng pagkakasampal niya parang humiwalay saglit ang kaluluwa. Kung wala lang sigurong baril ito ay nasampal ko na rin siya ng malakas.
“Mang-aagaw kang babae ka! Isa ka lang namang katulong!” Pagsisigaw niyang muli pero napaiwas agad ako ng sampalin niya ako kaya buhok ko naman ang pinagdiskitahan niya at malakas itong hiniklat dahilan para umangat ang mukha ko sa ginawa niya.
“Inagaw mo sa akin si Devron! Mang-aagaw ka! Ano bang meron sa’yo, ha?! Nilandi mo ba siya?” Galit na galit niyang sigaw habang sinasabunutan ako. Kitang-kita ko tuloy ang ugat sa leeg niya at ang pamumula ng mukha niya sa ginagawa sa akin. Ang mala-anghel nitong mukha ay puno na ngayon ng galit at sakit.
Imbis na sumagot ay hinayaan ko na lamang siya sa ginagawa niya sa akin. Lamog na lamog na ang katawan ko at ramdam ko ang pananakit ng sugat sa noo ko dahil muli na naman niya akong tinulak at natamaan ito. Gusto ko man siyang gantihan ay inaalala ko ang baril na hawak niya.
Baka sa oras na mawala siya sarili niya ay tuluyan niya na akong barilin. Ayoko namang magpadalos-dalos dahil buhay ko ang nakasalalay dito. Baka kapag nakipag-agawan ako ay baka ako pa ang muna, hindi na tuloy nila makikita ang kagandahang taglay ko.
Yngrid, nasa bingit ka na ng kamatayan nakuha mo pang magbiro.
“Tang-” Hindi ko na naituloy ang pagmumura ko ng may isaboy sa akin si Kalista ng tingnan ko ito ay makakapal na pera ito na ngayon ay nakakalat sa harapan ko kaya galit ko naman siyang tiningnan.
Anong akala niya sa akin ay bayaran na babae?
“1 bilyon, layuan mo si Devron,” nakangising saad niya kaya sinamaan ko siya ng tingin at hindi ko na mapigilang magsalita. Ramdam ko na rin ang gigil dahil sa ginawa niya.
“Kahit anong ibigay mo pa sa akin, Kalista. Hinding-hindi ko ipagpapalit ang pagmamahal ko kahit pa ang pera na ‘yan. Mahal na mahal ko si Devron kaya hindi mo ako madadaan sa ganan,” matapang na saad ko dahilan para matawa siya at tahimik naman akong napaigik ng malakas na naman niya akong sampalin.
“Kahit pa ang buhay ni Devron ang kapalit ay hindi mo siya iiwan?” Pagbabanta niya kaya dahil sa narinig ko ay nandilim ang paningin ko at sinugod na rin siya. Rinig na rinig ko ang pagtili niya dahil sa biglaang pagsugod ko sa kanya.
Dahil kanina pa ako nagtitimpi ay malakas ko siyang sinampal sa magkabilang pisngi niya dahilan para mapaupo siya sa lupa kaya marahas kong inangat ang mukha niya na ngayon ay nakikitaan ng sakit at takot.
“Kuhanin mo na ang lahat sa akin, Kalita pero huwag ang lalaking mahal ko. Huwag na huwag lang si Devron. Ipapakita ko sa’yo kung sino talaga ako,” puno ng diin kong pagbabanta at malakas siyang hinampas sa lamesa at kinuha ko ang pagkakataon na agawin ang baril niya at tumakas.
Hindi pa man ako nakakalayo ay narinig ko na ang galit niyang sigaw at sunod-sunod na pagputok ng baril sa direksyon ko kaya mabilis ko itong iniiwasan.
“I will kill you, Yngrid! You bitch!”
Hindi ko na alintana ang mga batong nakaharang sa daan ko, ang mga sanga na sobra ay sumasabit sa damit ko na mabilis ko namang tinatanggal dahilan para madagdagan pa ang sugat sa katawan ko. Napaigik na lang ako ng tamaan ako ng isang bala sa balikat, mabuti na lamang at daplis lang ito kaya nagmadali akong bumangon at muling tumakbo.
Kahit takot na takot ay sinikap kong makaalis sa masukal na gubat na ito, hindi ko alam kung tama pa ba ang daan na tinatahak ko. Mahigpit pa rin ang pagkakahawak sa baril na hanggang ngayon ay hindi ko mabitawan dahil sa sobrang takot na nadarama ko.
Saglit akong napasandal sa isang puno at napahawak sa balikat ko na ngayon ay dumudugo, nanalangin na rin ako na sana ay dumating na si Devron para ilayo ako sa mga taong humahabol sa akin. Habang nakasandal ako malaking puno na ito ay mas lalong dumoble ang mga putok ng baril kaya huminga ako ng malalim at inihanda ang sarili ko sa maaaring mangyari sa akin.
Sana ay maabutan ako ni Devron.
“Ayun ang babae!” Rinig kong sigaw ng kung sino kaya ng lumingon ako ay nanlaki ang mata ko at walang pagdadalawang isip na tumakbo papalayo. Dahil sa ginawa kong ‘yon ay inunahan na ako ng kaba at takot kaya hindi ko na alam kung tamang daan pa ba ang tinatahak ko.
Habang binibilisan ko ang pagtakbo ay muli akong lumingon para tingnan ang mga kalalakihan na humahabol sa akin pero napasigaw na lang ako ng may sumalubong sa akin at ikinulong niya ako sa matigas niyang mga braso. Amoy palang ay alam ko na kung sino. Dahil sa ginawa niyang ‘yon ay nakaramdam ako ng panlalambot kaya tuluyan ko ng binitawan ang baril at humilig sa dibdib niya.
“Baby, you’re safe now.” Bulong niya at bago pa ako makasagot ay nanlabo ang paningin ko at tuluyan ng dumilim ang paligid ko dahil sa pinaghalong takot at kaba na nararamdaman ko sa mga oras na ito.
“WHAT will you do, Dev?” Isang babae ang nagsasalita sa gilid ko pero hindi ko maulinagan dahil mabigat pa rin ang talukap ng mga mata ko. Ang katawan ko ay mabigat pa rin at ramdam ko ang init na lumalabas dito. Nilalagnat ba ako?
“Kailangan ko muna siyang ilayo sa akin,” rinig kong sagot ni Devron kaya nakaramdam ako ng kirot sa puso ko at ang pag-init ng mata ko. Ayoko, ayokong malayo kay Devron. Kahit ano pang hirap ang kaharapin ko ay handa kong salubungin para lang samahan siya.
“Sa tingin mo ay papayag siya?” Si Iris, siya ang kausap ni Devron na ngayon ay mababakas ang pangamba at pag-aalala sa boses niya. Base pa lang sa mga salitang binitawan niya ay tutol din siya sa magiging desisyon ng kapatid niya.
Devron sana ay matauhan ka, ayokong lumayo sa’yo kahit ang kapalit pa nito ay buhay ko. Handa ako, handang-handa akong saluhin ang lahat para sa’yo, para lang makasama ka.
“Kahit ayaw niya ay kailangan kong gawin, Iris. Mahal na mahal ko si Yngrid pero kailangan ko muna siyang ilayo dahil mas lalong gumugulo ang sitwasyon natin. Isinama na nila si Yngrid, dalawang beses na’to. Ayokong sa huli ay tuluyan ko na talaga siyang hindi maabutan.” Bakas ang takot sa boses niya kaya naramdaman ko na ang pagtulo ng luha ko.
Masyado na akong nasasaktan sa narinig ko. Pareho kaming nahihirapan ni Devron pero patuloy niya pa rin akong pinaglalaban, kaya hindi ako papayag na ilalayo niya ako. Gusto kong kaming dalawa ang lalaban sa pinasok ko ngayon.
“Alright, kung ‘yan ang gusto mo ay wala na akong magagawa. Pero sana ay mag-usap muna kayo. Tawagin mo na lang ako kapag may kailangan ka,” paalam ni Iris kaya tuluyan ko ng binuksan ang mga mata ko at ang bumungad sa akin ay ang likod ni Devron na ngayon ay nakatingala at umiigting ang panga.
“Dev,” paos kong tawag kaya mabilis niya akong binalingan ng tingin at tinawid ang distansya naming dalawa. Kitang-kita ko ang panginginig ng kamay niya at ng hawakan ko ito ay sobrang lamig nito. Sa kabila ng sakit na nadarama ko at narinig ko kanina ay pilit kong ngitian siya para hindi na siya mag-alala pa.
“Baby, how’s your feeling?” Malambing niyang pagtatanong kaya bumangon ako sa pagkakahiga at yumakap sa kanya. Inayos naman niya ang pwesto naming dalawa kaya nakahilig na ako sa dibdib niya. Dahil don ang sakit na nadarama ko ay napalitan ng kapayapaan.
“Narinig ko ang pinag-usapan niyo ni Iris at kung tatanungin mo ako kung papayag ako na lumayo sa’yo ay ayoko.” Imbis na sagutin ang una niyang tanong ay iba ang ipinahiwatig ko. Naramdaman ko naman na humigpit ang pagkakayakap niya sa akin at ang malakas niyang pagbuntong hininga.
“Yngrid, pangalawang beses ka ng napapahamak dahil sa akin. At sa oras na pumalya ako o nahuli ay baka tuluyan ka na talagang mawala sa akin,” panimula niya kaya ipinikit ko ang mga mata ko at taimtim na nakinig sa kanya.
“Kaya kailangan muna kitang ilayo sa akin dahil lumalala na ang sitwasyon. Alam kong kapag nakahanap sila ng tyempo ay tuluyan ka ng mawala sa akin. Naiwala na kita ngayon, hindi na ako papayag na makawala ka pa ulit sa akin ngayon,” pinal niyang saad kaya inangat ko ang mukha ko at hinawakan ang pisngi niya.
“Dev, makinig ka sa akin, Ayoko, ayokong lumayo sa’yo. Kaya nga nandito ako sa tabi mo ngayon dahil pareho natin haharapin ang lahat. Please, huwag mo akong ilayo sa’yo, ayoko. Ayokong mawala ka sa akin,” pagmamakaawa ko at tuluyan ng umiyak sa harapan niya.
Dahil sa ginawa kong ‘yon ay mariin siyang pumikit na akala mo ay pinipigilan ang sarili sa maaari niyang gawin. Nang imulat niya ang mga mata niya ay napabuka ako ng bibig ng makita ko ang nagbabadyang luha sa mga mata niya.
At sa kauna-unahang pagkakataon ay umiiyak sa harapan ko ang isang tao na kinatatakutan at tinitingala ng lahat. Kitang-kita ko kung paano tumulo ang mga luha niya kaya nanginginig kong pinunasan ito gamit ang dalawa kong palad. Kitang-kita ko ang takot at pangamba sa mga mata niya ng muli siyang tumitig sa akin.
Dahil don ay nanghina ako at pareho na kaming umiiyak. Sa bawat hikbi na lumalabas sa bibig niya ay siya namang ikinadudurog ng puso. Mas masakit pala kapag lalaki na ang umiiyak at sa mismong harapan mo pa. Niyakap ko siya ng sobrang higpit para iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa, nandito ako para samahan siyang lumaban.
Ramdam na ramdam ko na ang pagod at takot niya pero itinatago niya iyon dahil ayaw niyang panghinaan ng loob ang mga taong nasa paligid niya, ayaw niyang ipakita na mahina rin siya. Dahil para sa kanya ay tinitingala siya ng lahat at sa kanya sila kumukuha ng lakas. At ngayong dalawa na lang kami sa apat na sulok ng silid na ito ay hindi niya na kaya at sa akin na siya tuluyang bumigay.
Nakita ko na ang isa sa kahinaan ni Devron.
“Yngrid baby, natatakot ako na baka kapag nawala ka lang saglit sa paningin ko ay tuluyan ka na talagang mawala sa akin, takot na takot ako kanina habang hinahanap kita. Halos mabaliw ako dahil hindi kita matagpuan pero nagpasalamat na lang ako dahil agad kitang naikulong sa mga bisig ko bago ka nila paulanan ng mga bala.” Tumigil siya saglit at mas lalo pa akong niyakap ng mahigpit na akala mo ay mawawala nga ako sa tabi niya.
“Nong makita ko ‘yon ay pumasok agad sa isip ko na kailangan muna kitang ilayo dahil alam kong hindi ka nila tatantanan. Alam nila na ikaw ang kahinaan at kalakasan ko kaya ikaw ang pupuntiryahin nila sa mga oras na ito. That’s why I need you to understand me this time, baby. Let me finish this and I promise to you that I will marry you once everything is done. In this world full of pain and darkness, you’re my miracle, Yngrid. You’re my miracle.”