Kabanata 15: Pag-iwas

Yngrid

MAKALIPAS ang dalawang araw na marinig ko 'yon ay umiwas muna ako kay Devron. Ayokong mas mapalapit sa kanya dahil may magiging asawa na pala siya, ngayon alam ko na kung bakit mainit ang dugo sa akin ni Kalista. Ayaw niyang may babaeng umaaligid sa mapapangasawa niya.

At sa dalawang araw na nakalipas ay hindi naman ako pinapatawag ni Devron kahit na halata niyang iniiwasan ko siya, kapag kasi magsasalubong ang landas naming dalawa ay ako na agad ang umiiwas na pinagtataka na nila Manang lalo na si Gelene.

"Yngrid, be. Hindi naman sa nanghihimasok ako, ha. Pansin ko lang nitong nakaraang araw na hindi kayo nagpapansinan ni Señorito, 'diba Personal Maid ka niya? Anyare?" Panguusisa ni Gelene ng minsang nagtagpo ang landas naming dalawa sa kusina. Ako ay naghuhugas ng pinggan habang siya naman ay pinupunasan ang mga ito.

"Ah, nagpaalam naman ako na dito naman para matulungan ko kayo at saka hindi ko naman iniiwasan si Señorito, hindi lang talaga nagtatagpo ang landas naming dalawa dahil marami siyang ginagawa," pagdadahilan ko kaya napatango na lamang siya at nagpatuloy sa ginagawa niyang pagpupunas. Kaya sinamantala ko ang pagkakataon at ako naman ang nagtanong.

"Gelene, 'diba tatlong taon ka ng nagtatrabaho dito sa mansion?" Pagtatanong ko kaya tumango naman siya kaya nagpatuloy ako.

"Araw-araw bang nandito si Ms Kalista? Narinig ko kasi na… na magkasintahan pala sila at magpapakasal na," deretsong sagot ko kaya gulat namang napatingin sa akin si Gelene at mabilis akong pinaharap sa kanya.

"Totoo?" Bakas ang gulat sa boses niya at nagpatuloy. "Pero sa pagkakaalam ko ay hindi naman girlfriend ni Kalista iyang si Señorito at saka pinapakalat niya lang na sila na pero hindi naman talaga," dugtong niya pa kaya nakahinga naman ako ng maluwag.

Teka, bakit nakahinga naman ako ng maluwag? Dahil ba hindi totoo ang narinig ko kahapon o dahil hindi ko na iiwasan si Devron?

"Sigurado ka?" Paguulit ko pa kaya napatango naman siya at naningkit ang mata niya dahil don ay alam ko na ang susunod na gagawin niya.

"Ikaw ha, narinig mo ang sabi-sabi na magpapakasal na silang dalawa. Huwag kang mag-alala, be na sa'yo ang huling alas hindi totoo 'yon," pang-aasar niya kaya hinampas ko siya sa braso dahilan para mas lalo niya pa akong asarin.

"Hoy tigilan mo ako dyan! Baka mamaya ay nandito sila Aubrey panigurado ng pag-iinitan tayo at saka curious lang ako," pagdadahilan ko pero kinurot niya lang ako sa tagiliran at nagpatuloy.

"Tigilan mo rin ako, Yngrid. Alam ko namang may gusto ka na kay Señorito," pangaalaska niya pa kaya nanlaki ang mata ko at nanlamig.

"P-paano mo naman nalaman?"

"Sus, napapansin ko na kapag magkasama kayong dalawa parehong maaliwalas ang mukha niyo tapos kitang-kita ko ang saya sa mata niyong dalawa. Lalo ka na, kapag tinitingnan mo ang Señorito ay kitang-kita sa mata mo na masaya ka at gusto mo siya." Paliwanag niya kaya napangisi ako at napakamot sa noo.

Halatang-halata na pala ako.

"Tsk. Gusto ko lang naman ang Señorito pero may limitasyon naman dahil Amo ko siya at katulong ako dito. Dapat alam ko kung saan ako lulugar," mahabang litanya ko at nakita ko naman ang pag-irap niya.

"Delikado ka na, be. Pero kung dumating man sa panahon na lumalim na ang nararamdaman mo sa kanya ay susuportahan kita." Nakngiting saad niya kaya natawa na lang ako.

"Magtrabaho na tayo, Gelene. Huwag na tayong umasa pa, baka masaktan lang sa dulo," pagbibiro ko pa at sabay kaming natawa.

"Nako! Kung alam mo lang Yngrid… kung alam mo lang kung paano tumingin sa'yo si Devron."

Hindi ko na pinansin ang sinabi niya at nagpatuloy sa ginagawa kong paghuhugas, alam ko namang binibiro niya ako at kailangan masanay na ako dahil alam na ni Gelene na may gusto na ako kay Devron. Kailangan ko lang maging maingat.

Pero ang totoo ay takot na takot ako dahil sa oras na lumalim ang nararamdaman ko kay Devron ay alam kong hindi niya ako masasalo, kaya dapat alam ko na ang limitasyon sa buhay niya.

Habang nakatuon ang atensyon ko sa ginagawa ko ay bigla na lang nagsalita si Manang sa likuran namin dahilan para malaglag ang baso sa lababo dahil sa gulat. Mabuti na lamang at hindi nabasag.

"Yngrid, gupitin mo muna ang mga damo don sa garden, baka mamaya ay biglang mapatambay ang Señorito kailangan malinis 'yon," utos ni Manang kaya tumango na lamang ako at pinunasan ang kamay ko sa towel.

Mabuti at natapos na kami ni Gelene sa pag-aayos kaya kinuha ko ang gunting at diretso na palabas ng garden. Napangiti na lang ako ng makita ko ang mga nagagandahang bulaklak kaya umupo na ako at ginupit ang mga ligaw na damo. Habang naggugupit ako ay kumanta ako para hindi ako mabored sa ginagawa ko.

"Wise men say, only fools rush in but I can't help… falling in love with you." Pagsisimula ko at nagpatuloy, confident naman ako dahil alam kong maganda naman ang boses ko.

Naalala ko noong bata ako ay lagi kong kinakantahan si Papa kapag umuwi siya galing trabaho, dahil kapag narinig niya ang boses ko ay nawawala ang pagod niya at kalmado na ang lahat.

Kaya simula ng mangyari ang aksidente na 'yon ay araw-araw akong kumakanta para mawala ang takot at pagod sa bawat araw na dumadaan sa akin. Para sa akin, kapag kumakanta ako ay nakakalimutan ko ang lahat ng mga bagay na iniisip ko.

Tinutulungan ako nitong tumakas sa reyalidad kahit panandalian lamang.

"What a lovely voice," saad ng kung sino kaya mabilis akong lumingon sa tabi ko at halos mapugto ang hininga ko ng makita ko si Devron na nasa tabi ko lamang at halos magdikit na ang labi naming dalawa kung hindi lang ako dumistansya.

"Señorito," bulong ko at naramdaman ko na ang mabilis na pagtibok ng puso ko na sana ay hindi niya marinig dahil delikado ako sa mga oras na ito.

Magmula ng dalawang araw ko siyang iniiwasan ay ngayon lang ulit kami nagkaharap ng ganito kaya grabe ang kabang nararamdaman ko. Amoy na amoy ko tuloy ang pabango niya dahil malapit lang kami sa isa't-isa.

"Hindi ba sabi ko sayo ay Devron na lang ang itawag mo sa akin kapag tayo lang dalawa," paos niyang wika kaya napalunok naman ako at umiwas ng tingin para ipagpatuloy ang ginagawa ko.

"Hindi naman po tayong dalawa ang nandito ngayon, Señorito kaya wala po akong karapatan na tawagin ka sa pangalan mo," pormal kong paliwanag gamit ang nanginginig kong boses kaya narinig ko ang malamig niyang pagtawa.

Shet! Kinakabahan na ako dito. Batman, ikaw na ang bahala sa akin ngayon.

"Really? Yngrid, bakit mo ako iniiwasan?"

Hindi ko napaghandaan ang naging tanong niya kaya saglit akong napatigil sa ginagawa kong paggugupit at napakagat labi. Anong idadahilan ko? Mag-isip ka Yngrid!

"Hindi namann kita iniiwasan, Señorito. Busy ka at busy ako kaya hindi nagtatagpo ang landas nating dalawa. So, hindi talaga kita iniiwasan," pagdadahilan ko at ng lakas loob ko siyang tingnan ay halos lumabas ang kaluluwa ko dahil sa lamig ng titig niya sa akin. Dapat pala tumahimik na lang ako.

"Ah so yung kapag magtatagpo ang landas nating dalawa ay hindi na pag-iwas 'yon, Yngrid? Akala mo hindi ko napapansin na kada magkikita tayong dalawa ay iiwasan mo ako. Ano bang problema, Yngrid? Sabihin mo sa akin?" Kahit naiinis na ay kalmado pa rin ang boses niya dahilan para mas tumriple pa ang pagtibok ng puso ko.

Palihim kong inikot ang paningin ko sa loob ng mansyon dahil may makarinig sa pagtatalo namin ni Devron, nakahinga naman ako ng maluwag dahil wala naman pala. Nang akmang magsasalita na ako ay pareho kaming napatingin kay Aubrey na kakapasok lang dito kaya mabilis kong inalis ang pagkakahawak ni Devron sa braso ko at dumistansiya. Kitang-kita ko tuloy kung paano umigting ang panga niya.

"Señorito, nandito po si Ms Kalista, hinahanap ka," aniya at basta na lamang umalis kaya napatingin akong muli kay Devron ng marinig ko ang sinabi niya.

"Damn that woman, kailan niya ba ako tatantanan."

Gusto ko sanang ngumiti pero pinaseryoso ko ang mukha ko dahil baka mas lalo siyang mainis sa akin ngayong kinokonpronta niya na ako.

"Sige na, Señorito. Naghihintay na sa'yo ang mapapanagasawa mo," may bahid kong pang-aasar na ngayon ay madilim na ang mukha ng iwanan ko siya sa garden.

Paniguradong mas lalo pa siyang maiinis sa akin.

DUMATING na ang gabi at malapit na kaming magpahinga. Simula ng iwan ko si Devron sa garden ay hindi ko na muli siyang nakita. Hindi ko alam kung saang lupalop na naman siya ng bahay pupunta.

Habang inaayos ko ang hapag ay nagulat na lang ako ng kulbitin ako ng kung sino kaya ng tingnan ko kung sino ay si Gelene na ngayon ay parang natataranta.

“Be, nakakatakot si Senyorito ngayon,” bakas ang takot sa boses niya kaya kumunot naman ang noo ko sa inaasta niya.

“Ano bang nangyari?”

“Rinig na rinig kong sinigawan niya si Aubrey, be. Kanina pa raw badtrip si Sir simula nong lumabas ng mansion hanggang sa makaalis si Kalista tapos inutusan niya kasi si Aubrey, eh nagkamali lang naman kaya ayun sinigawan si Aubrey tapos pinalabas sa opisina niya. Saktong nasa labas kaming lahat non rinig tuloy namin ang galit na boses niya,” kwento ni Gelene kaya nanlamig naman ako.

Mukhang galit ko yata ang isang dragon pero posible namang ako ang dahilan ng galit niya eh inasar ko lang naman siya kay Kalista. Hala, baka mamaya ipatawag ako… lagot ako.

“Tapos na ang trabaho niyo, pwede na kayong magpahingang lahat,” rinig kong saad ni Manang kaya napatango naman kami ni Gelene, akmang aalis na rin sana ako pero napatigil na lang ako ng magsalita muli si Manang.

“Yngrid, pumunta ka sa opisina ng Senyorito, pinapatawag ka niya,” huling saad ni Manang at tuluyan na kaming iniwan ni Gelene. Nagkatinginan naman kaming dalawa at itinulak na lang ako basta sa hagdan kaya sinamaan ko siya ng tingin.

“Kaya mo na ‘yan, be. Malaki ka na.” Pagpapalakas niya ng loob sa akin kaya inirapan ko na lang siya at nanlalamig na umakyat para pumunta sa opisina ng Senyorito.

Mas lalong dumoble pa ang kaba ko ng nakarating na ako kaya huminga ako ng malalim at naglakas loob na kumatok at ng marinig ko ang boses niya ay dahan-dahan kong pinihit ang seradura at pumasok na.

Nang makapasok ako ay ang malamig niyang mata na akala mo ay tumagos sa kaluluwa ko ng tumama ito sa katawan ko kaya nagsimula ng manginig ang mga tuhod ko. Nakatayo lang ako sa tapat niya pero mas lalo pa akong naintimidate ng senyasan niya akong umupo at mabilis ko namang ginawa.

“Yngrid, pinatawag kita dito para pag-usapan natin ang dalawang araw mo ng pag-iwas sa akin. And this time I will give you a punishment that you deserve.”