Kabanata 14: Bisita
YNGRID
“Kaya ba tuwang-tuwa kanina ang amo ko na yon dahil sa akin? Dahil pinapanood niya akong nahihirapan mag-ayos ng mga papeles niya?!”
Hindi ko na mapigil ang bulalas dahil sa inis na nararamdaman ko. Hindi niya ba alam na masakit sa likod, nakakangalay ng batok, at masakit sa ulo ang pinapagawa niya sa akin? Pero sa isang banda ng utak ko naman ay deserve ko ito dahil personal maid naman niya ako.
“Pero kahit na personal maid niya ako ay dapat ay tinulungan niya pa rin ako! Paano kapag nagkamali ako? Sa akin siya magagalit, eh siya naman ‘tong hindi man lang ako tulungan kahit saglit. Ang sarap tirisin!”
Padabog akong umupo matapos kong ilabas ang hinanakit ko sa kanya. Imbis na intindihin ang nakita ko sa laptop niya ay nagpatuloy ako sa inuutos niya sa akin, binabasa ko ang iilan na papeles dito pero hindi ko maintindihan ang iba dahil magkaiba sila ng lenggwahe. Basta ang palagi kong nababasa ay puro mga transactions.
Habang busy ako sa ginagawa ko ay narinig ko ang pagbukas ng pinto at ang yabag ng mabait kong amo. Hindi na ako nag-abalang iangat pa ang ulo ko dahil alam ko naman na siya ang pumasok pero naiwan sa ere ang papel na hawak ko ng makita kong may inilapag siyang pagkain sa harapan ko.
Nang magtama ang mata naming dalawa ay nakangiti siya sa akin. “Ito ang dahilan kaya lumabas ako kanina. Napansin ko kasing alas-dose na at hindi ka pa nakain kaya kumuha ako pagkain at dalhan ka dito,” paliwanag niya kaya hindi ko namalayan bumibilis na naman ang tibok ng puso ko.
Kaya dahil sa taranta na baka marinig niya ito ay dali-dali akong umiwas ng tingin at nagpatuloy sa pag-aayos ng mga papeles. Nakakailang lipat pa lang ako ay naramdaman ko na ang mainit niyang palad na humawak sa mga kamay ko kaya nanlalaking mga mata ko ang sumalubong sa kanya.
“Oh? Ba’t ganyan ka makatitig sa akin? Alam kong gwapo ako pero alam ko na ‘yon. Umalis ka dyan at kumain, ako na ang bahala dito.” Saad niya pero para akong tuod dito sa kinauupuan ko dahil sa mainit na hatid ng kamay niya dahilan para muling magwala na naman ang puso ko.
“Ah, h-hindi na, ma-” Naputol agad ang sasabihin ko ng muling magsalita si Devron.
“Yngrid, sa oras na hindi mo ako sundin ay may mangyayaring hindi mo magugustuhan.”
Dahil don ay mabilis kong inalis ang pagkakahawak niya sa kamay ko at mabilis na naupo sa harapan niya. Alam kong kapag ganun na ang sasabihin niya ay may balak talaga siyang hindi maganda. Kaya mas magandang umiwas na ako bago niya gawin ito.
Mukha talagang may saltik ‘tong amo ko, eh. Gwapong may saltik.
Nang tingnan ko ang dinala niya ay bigla akong natakam dahil favorite ko ang pagkain na ito. Graham. Dahil atat na atat na ako ay hindi na ako nagdalawang-isip na kumain at hinayaan kong si Devron ang mag-ayos. Siya naman ang mapagod ngayon, bahala siya sa buhay niya, malaki na siya kaya na niya ang sarili niya.
Pagkatapos kong namnamin ang graham na dala sa akin ni Devron ay uminom na ako ng tubig, habang umiinom ako ay gumawi naman ang mga mata ko sa amo ko na ngayon ay nakatitig na lang sa akin. Tapos na ba ‘to sa ginagawa at ako naman ang napagtripan tingnan?
“Tapos ka ng mag-ayos ng papeles?” Tanong ko at muling uminom ng tubig dahil sobrang tamis talaga ng graham. Pero halos maibuga ko na sa mukha niya ang iniinom kong tubig ng marinig ko ang sagot niya.
“Ang ganda mo talaga, ‘di nakakasawang tingnan. Para ka talagang anghel na bumaba sa lupa, Yngrid.” Nakangiti niya pang saad at tagos sa kaluluwa ko ang mga titig niya kaya mabilis akong tumayo dahil sa kakaibang nararamdaman ko.
Luh? Kinikilig ba ako sa sinabi ni Devron?
“P-para kang ewan sa sinasabi mo. Bababa muna ako saglit.” Paalam ko at hindi ko na hinintay ang susunod niyang sasabihin dahil baka hindi ko na kayanin at tuluyan ng bumigay ang puso ko sa sobrang kilig. Charot.
Nang maisara ko na ang pinto ay pakanta-kanta pa ako habang papunta sa elevator. Nang makita kong may nakasakay dito ay naghintay muna ako ng ilang minuto. Sino kaya ‘to? Si Gelene o si Aubrey?
Tuluyan ng nagbukas ang elevator at halos tumigil ang paghinga ko ng makita ko kung sino ito. Si Kalista na maaliwalas ang mukha kanina ngayon ay biglang nagbago ng makita ako. Automatic na tumaas ang kilay niya at basta-basta na lang akong binunggo sa balikat ng makalabas siya sa elevator. Dahil sa lakas ng ginawa niya ay muntik ko ng mabitawan ang mga hawak ko, panigurado ng basag ito kung hindi ako naging maingat.
“Tsk, paharang-harang sa daan. Kitang may tao.” Parinig niya at tuluyan ng umalis sa harapan ko kaya ako naman ang napataas ang kilay sa narinig.
“Ay, kasalanan ko bang may tao pala. Akala ko kasi wala, eh. Ang taray, sa’yo ba tong bahay kung maka-irap sa akin.” Bulong ko na lamang at tuluyan ng pumasok sa elevator. Nang makababa na ako ay nakita ko si Gelene sa kusina kaya kinurot ko ito sa braso.
“Wow, si Yngrid na favorite ni Lord kay Sir Devron!” Pang-aalaska niya kaya malakas ko siyang hinampas sa braso at pinatahimik.
“Huwag ka ngang maingay, baka mamaya ay marinig tayo nila Aubrey. Bahala ka,” natatawang saad ko pero inirapan niya lang ako. Nang makita kong naghuhugas siya ng pinggan ay tinulungan ko na siya sa pag-aayos.
“Ay te, nakita mo ba si Ma’am Kalista?”
“Oo, bakit? Nakasalubong ko pa nga, eh.”
“Ang taray te, inirapan ako. Kung wala lang si Manang ay baka inirapan ko na rin siya. Akala mo kung sino, eh bisita lang naman siya dito.” Ramdam ko ang iritasyon sa boses ni Gelene kaya ng magsasalita na sana ako ay bigla na naman itong naputol.
“Yngrid, bakit ka nandito sa kusina? Hindi ba at nasa opisina ka ni Devron.” Nang tingnan namin kung sino ito ay si Manang na ngayon ay may hawak na isang baso ng tubig.
“Tinutulungan ko lang po si Gelene, babalik na rin po ako maya-maya doon.” Paliwanag ko pero inilingan niya lamang ako at maingat na tinulak palayo kay Gelene na ngayon ay nakangisi na tila ba nang-aasar.
“Ako na, bumalik ka na kay Devron,”aniya ni Manang na sinegunda naman ni Gelene.
“Oo nga, baka kanina ka pa hinihintay ni Sir.”
Dahil sa dalawang to ay napapailing na lang akong umalis sa kusina at tuluyan ng sumakay sa elevator, nang maalala kong nandito pala si Kalista ay nakasimangot na naman ako. Napakataray talaga ng babaeng ‘yon. Akala mo kung sino.
Nang makalabas na ako sa elevator ay hindi ko alam kung bakit sobra ang panlalamig ng kamay ko at grabe ang kabog ng puso ko. Dahil ba sa kaba o makikita ko na naman si Kalista. Nang akmang papasok na sana ako sa opisina ni Devron ay narinig ko ang pinag-uusapan ng dalawa.
“Pwede ba Kalista, umalis ka diyan, Puwesto ‘yan ni Yngrid. Maraming upuan diyan na pwedeng upuan.” Si Devron na nahihimigan ko ang iritasyon sa boses. Nasundan na naman ito ng boses ni Kalista.
“Ganiyan mo ba itarto ang magiging asawa mo, Devron?”
Nang marinig ko ‘yon ay halos mabingi ako at mabitawan ko ang doorknob na hawak ko. Ano raw? Mapapanagasawa?
Magiging asawa ni Devron si Kalista?