Thymine
Sobrang saya ko ngayon dahil nakasama ko na rin si Mama. Ilang gabi rin akong nangulila sa kaniya pero ngayon ay katabi ko na siya at abot-kamay. Hindi ko pa rin tuluyang mapaniwalaan ang mga nangyayari. Sobrang bilis ng lahat. Parang kahapon lang ay tumatakbo pa ako sa bahay ni Kamatayan pero ngayon ay malaya na ako.
"Ano ba talagang nangyari sa iyo, Thymine? Hindi mo ba alam kung gaano kami nag-alala noong hindi ka nakauwi sa bahay? Maayos lang ba ang pakiramdam mo? Wala bang masakit sa iyo? Jusko Thymine, dumaan kaya muna tayo sa ospital? Ipagamot mo muna iyang mga sugat mo," nag-aalalang sabi sa akin ni Mama.
Bahagya naman akong umiling at kaagad na hinawakan ang dalawang kamay niya para hindi na siya gaanong mag-alala pa. Alam kong dapat na mag-alala siya sa akin dahil ilang araw akong nawala pero saka na ang bagay na iyon. Marami pa kaming dapat na gawin.
"Maayos lang po ang pakiramdam ko. Sina Rhian at Yoola ang dapat nating unahin. Hindi natin masasabi na ligtas sila dahil ano mang oras ay p'wede silang atakihin ni Kamatayan at patayin. Hindi niyo naman po gusto mangyari iyon, hindi ba?" pabulong na sabi ko kay Mama.
Mabuti na lang at hindi kami gaanong napapansin ng ibang pasahero sa dyip. Bahagya namang tumahimik si Mama dahil sa sinabi ko. Alam kong mahirap paniwalaan ang tungkol kay Kamatayan kaya mamaya ko na ipapaliwanag sa kaniya ang lahat. Isa pa, malapit na rin ang istasyon ng pulis.
"Para po! Dito na lang kami bababa," mabilis na sabi ko bago ko hawakan ang kamay ni Mama para bumaba.
Magkahalong saya ang nararamdam ko ngayon habang naglalakad kami papasok sa istasyon ng mga pulis. Kung kanina ay desidido na akong pumunta rito para makahingi ng tulong, ngayon ay hindi ko maiwasang kabahan. Maraming p'wedeng mangyari pero dahil nandito na kami ay kailangan kong subukan. Siguradong naghihintay na rin ang mga kasamahan ko sa tulong na ihahatid ko.
"Umayos ka nga, Thymine! Huwag kang masyadong kabahan dahil baka hindi sila maniwala sa sasabihin mo. Maging kalmado ka lang. Alalahanin mo na sa iyo nakasalalay ang tulong na hinihintay nila Rhian. Umayos ka!" pagkukumbinsi ko sa sarili ko.
Nangangatog ang mga tuhod ko habang naglalakad kami papunta sa opisina ng hepe. Sa kaniya raw namin ilapit ang hinaing na ito dahil siya ang mas higit na makatutulong sa amin. Ito rin siguro ang dahilan kung bakit ako nangangatog sa kaba ngayon.
Paano kung hindi ako paniwalaan ng hepe at isipin na nagbibiro lang? Anong gagawin ko kapag nagkataon? Paano ko siya kukumbinsihin na totoo si Kamatayan at marami na ang namatay dahil sa kaniya? Tang ina naman! Bakit ba ito kaagad ang naiisip ko?
"Thymine, ayos ka lang ba? Huminga ka muna nang malalim at alisin ang kabang nararamdaman mo. Hihingi na tayo ng tulong para mailigtas si Yoola. May tiwala ako sa iyo anak. Alam kong may gumugulo sa isipan mo at kung talagang nasa panganib si Yoola, mas kailangan nating ng tulong," diretsong pagpapaliwanag ni Mama.
Hindi mapigilang maglakbay ng isipan ko sa tuwing tumatama ang paa ko sa semento. Nilalamig ako at tila paulit-ulit na binubuhusan ng malamig na tubig. Wala naman akong ginagawa na masama pero bakit ganito ang pakiramdam ko ngayon? Gusto ko lang humingi ng tulong.
"M-Magiging maayos naman po ang lahat, hindi ba? Makakahingi tayo ng tulong kay hepe at magkakasama nating ililigtas ang mga kaibigan ko. Gano'n po ang mangyayari, tama po? Mama, natatakot pa rin ako dahil baka mabigo tayo. Paano na lang sina Rhian at Yoola? Anong mangyayari sa kanila?" nagtatakang tanong ko.
Kinakabahan ako nang husto ngayon dahil malaki ang posibilidad na makaharap ko na naman si Kamatayan. Gustuhin ko man na huwag sumama ngunit hindi ito maaari gayong ako ang tatayong saksi. Ako ang may alam sa lahat ng mga karumal-dumal na gawain ni Kamatayan. Nasaksihan ko ang lahat.
"Maaari na kayong pumasok sa opisina ni hepe dahil pinahintulutan na niya kayo. Siya nga pala, sampung minuto lang ang binigay niyang palugit para magpaliwanag ang anak mo. May iba pa siyang importanteng bagay na aasikasuhin kaya bilisan niyo na lang," wika ng babaeng kalalabas lang sa silid.
Bahagya kaming nagkatinginan ni Mama ngunit bago pa man masayang ang oras ay mabilis kong hinawakan ang pihitan ng pintuan. Kung gusto kong iligtas ang mga kaibigan ko ay kailangan ko itong gawin. Ako lang ang malaya sa amin kaya dapat gawin ko ang lahat sa abot ng makakaya ko para tulungan sila.
"Kaya mo iyan, Thymine! Maging totoo ka lang at sabihin mo lahat nang nalalaman mo. Ipakilala mo sa kanila kung sino nga ba si Kamatayan. Dapat na mabalaan sila at matapos na ang kademonyohan niya. Para kay Rhian at iba mo pang mga kasama1" pagpapalakas ng loob ko sa sarili.
Dahan-dahan kong ipinihit ang pinto bago magpakawala nang malalim na buntong-hininga. Ito na ang pagkakataon na matagal kong hinintay. Sa wakas ay magagawa ko nang ipakilala sa kanila si Kamatayan at magkakasama namin itong tatanggalan ng maskara.
"Hindi na po ako magpapaligoy-ligoy dahil kailangan ko po ng tulong niyo. Iligtas natin ang mga kaibigan ko sa tiyak na kapahamakan. Tugisin natin si Kamatayan. Magtulungan po tayong patayin at wakasan ang pagpapahirap niya sa mga inosenteng tao. Tulungan niyo po ako," determinadong sambit ko nang makapasok sa silid.
Bahagyang nag-angat ng tingin ng hepe sa akin at mabilis kong nasilayan ang ngisi sa gilid ng kaniyang labi. Pilit kong tinatatagan ang aking loob kaya kahit na nasisindak ako sa ginagawa niya, nanatili pa rin akong kalmado.
"Thymine, magbigay ka naman sa kaniya ng respeto! Alam kong nag-aalala ka para kay Yoola subalit hindi ibig sabihin nito na wala ka nang ipapakita na modo. Umayos ka! Hindi kita pinalaking bastos. Kumalma ka muna," singhal sa akin ni Mama at bahagya pang hinatak ang braso ko.
Ininda ko na lamang ang sakit at nanatiling pinako ang tingin sa hepe. Nakangisi pa rin siya sa akin subalit ilang sandali lamang ang lumipas ay tumayo siya sa upuan. Ito na ang hinihintay ko. Umaasa ako na paniniwalaan at tutulungan niya ako. Ito na ang huli kong pag-asa para tuldukan ang kademonyohan ni Kamatayan.
"Hayaan mo na kung ganiyan ang naging kilos niya sa harapan ko. Interesado rin ako sa sinasabi niya. Sabihin mo, ano ba talagang nangyari at nagkakaganiyan ka? Sino itong sinasabi mo na Kamatayan at gusto mong tulungan kita na patayin? Ano bang ginawa niya sa ito?" nagtatakang tanong niya sa akin.
Hindi ko mapigilang mapangiti dahil ramdam ko na tutulungan na niya ako sa problemang ito. Kaunting pagkukumbinsi na lamang at tiyak na hahanapin na namin ang bahay ni Kamatayan. Mas malakas ang mga pulis at may sapat na kaalaman sa pakikipaglaban kaya siguradong matatalo nila si Kamatayan. Naniniwala akong malapit nang matapos ang lahat.
"Totoo po ang nga sinabi ko kanina sa inyo, hepe. Kailangan ko talaga ng tulong para mailigtas ang mga kaibigan ko. Parang awa niyo na, hanapin natin si Kamatayan. Hindi na ligtas ang sitwatsyon nila sa bahay na iyon at siguradong takot na takot na rin si Yoola. Pakiusap, tulungan niyo ako," pagkukumbinsi ko sa kaniya.
Unti-unti siyang naglakad papunta sa kinaroroonan ko at bahagyang tinapik ang balikat ko. Ang mestisong kulay ng kaniyang balat at mas lalong tumitingkad dahil sa sinag ng araw. Diretso pa rin ang kaniyang tindig na mahahalatang hepe. Hindi ako makatingin nang diretso sa mga mata niya.
"Bata, hindi kita matutulungan kung ganiyan ka. Sabihin mo sa akin ang nangyari sa kaibigan mo nang sa gayon ay makagawa ako ng aksyon. Wala si Kamatayan sa mundong ginagalawan natin ngayon. Kung gusto mo akong maniwala sa kuwento mo, bigyan mo ako ng ebidensya na magpapatunay na totoo ang lahat," seryosong sambit niya sa akin.
Akmang magpapaliwanag pa ako subalit bigla na lang kaming nakarinig ng pagkalampag na nanggagaling sa labas. Nagmamadali kaming lumabas ng silid at tinahak ang likurang bahagi ang opisina. Hindi ko alam kung anong eksaktong nangyayari pero masama ang pakiramdam ko ngayon. Siguradong may hindi tama.
"Bakit kasi ayaw niyong maniwala sa akin? Nandito si Kamatayan! Tinutugis niya tayo at hindi siya titigil hangga't wala siyang napapatay. Ilang beses ko ba kailangang magpaliwanag para maniwala kayo? Sigurado siya ang may gawa nang ingay sa labas. Nanganganib na tayo!" mariing giit ko sa hepe.
Wala na kaming oras para magbulag-bulagan at umastang maayos lang ang lahat. Buhay na ang pinag-uusapan kaya dapat na naming seryosohin ang nangyayari. Hindi ito isang laro na madaling takasan at hindi na balikan pa. Seryosong bagay ang nangyayari ngayon.
"Huwag na kayong sumunod sa akin dahil ako na lang ang titingin kung saan nanggaling ang ingay na 'yon. Kapag hindi pa ako nakabalik sa loob ng limang minuto ay humingi kayo ng saklolo. Naiintindihan niyo ba ako? Kailangan nating magtulungan," pag-uutos niya sa amin ni Mama.
Hinawakan niya ang baril na nakasuksok sa tagiliran at buong tapang na binuksan ang pintuan papunta sa likurang bahagi ng opisina niya. Gustuhin ko mang sumunod subalit mahigpit ang pagkakahawak sa akin ni Mama. Mukhang siya ay natatakot na rin sa mga posibleng mangyari. Malakas ang kutob ko na may masasaktan na naman ngayon.
"Thymine, ano ba itong nangyayari sa iyo? Saan ka ba talaga nanggaling at sobrang nanganganib ang buhay ngayon? Ikaw bata ka. Anong gulo itong pinasok mo at hanggang dito ay sinusundan ka? Paano na lang kung mapahamak ka dahil diyan sa sinasabi mong Kamatayan?" nag-aalalang sabi niya sa akin.
Bahagya kong kinukurot ang hita ko dahil sa labis na tensyon na nararamdaman. Mahigit dalawang minuto na ang nakalipas subalit hindi pa rin nakakabalik ang hepe. Wala kaming ideya kung anong nangyayari sa kaniya. Ayoko mang isipin pero baka napahamak na siya nang dahil sa akin. Mukhang ako ang nagdala kay Kamatayan dito.
"Mama, maiwan na po muna kayo rito. Papasok na rin ako at susundan ang hepe para alamin ang kalagayan niya. Huwag po kayong mag-alala dahil maraming beses na akong pinagtangkaan ni Kamatayan na patayin pero hindi siya nagtatagumpay. Kaya ko na po ang sarili ko," determinadong bulalas ko.
Buong lakas kong hinatak ang braso ko at matapang na sumunod sa hepe. Kumakabog man ng malakas ang aking dibdib ay kailangan kong maghanda sa maaaring mangyari. Hindi ako p'wedeng maging pabaya. Kailangan kong manatiling ligtas nang sa gayon ay matulungan sina Rhian at Yoola.
"Thymine, si Kamatayan lang 'yan. Panahon na para harapin mo siya kaya kakayanin mo 'to. Para sa mga kaibigan mong naging biktima niya. Hustisya para sa lahat ng mga pinatay niya. Ngayon ka pa ba susuko kung kailan malapit nang matapos ang lahat? Kaya mo 'yan!" determinadong sambit ko.
Malaki ang espasyo rito sa loob kaya hindi ko agad natanaw kung nasaan ang hepe. Mas lalo pang tumindi ang kaba na nararamdaman ko dahil sa malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa balat ko. Tang ina naman! Heto na naman ang kaba sa dibdib ko na siya nagpapahirap sa paghinga ko.
"Hepe, nasaan po kayo? Kung naririnig niyo man ako, sumigaw kayo. Pakiusap, mahirap hulaan kung saan kayo matatagpuan," bulalas ko at bahagya pang nilakasan ang boses.
May nakita akong makapal na kahoy sa gilid kaya walang pagdadalawang-isip na kinuha ko ito. Kakailanganin ko ito kung sakaling may sumulpot na kung ano at atakihin ako. Ito ang magsisilbing armas ko para ipagtanggol ang sarili mula sa panganib.
"Tang ina!" mahinang bulalas ko.
Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak sa kahoy nang makarinig ako ng kaluskos sa hindi kalayuan. Namumuo na ang pawis ko sa katawan dahil sa kaba at init ng araw. Tahimik ko ring pinapakiramdaman ang buong paligid dahil baka may biglang sumulpot at hampasin ako.
"Yuko!" mabilis na bulalas ng hepe sa akin.
Sa hindi malamang dahilan ay basta na lang akong napayuko. Binalot na naman ng kaba ang dibdib ko at halos hindi na ako makahinga.
Saka ko lamang nalaman kung bakit ako pinayuko ng hepe dahil isang itak ang dumaan sa harapan ko. Lumilipad ito at halatang bumuwelo ang may hawak kanina bago ibato sa direksyon ko. Tang ina! Muntik na ako. Kung hindi pa sumigaw ang hepe ay siguradong napuruhan na ako.
"Tang ina! Hindi ba sinabi ko na huwag kang susunod sa akin? Hindi ka talaga marunong makinig! Ang simple lang ng utos ko pero nagawa mo pa rin akong suwayin. Juskong bata ka!" naiinis na bulalas ng hepe.
Kaagad akong lumapit papunta sa direksyon niya nang sa gayon ay maproteksyunan niya ako. Nakarinig ako ng pagkalansing ng kutsilyo sa hindi kalayuan kaya mabilis akong sumulyap sa hepe. Hindi maganda ito. Siguradong mapapalaban kami ngayon.
"Dito ka lang sa likod ko. Masyado siyang mapangahas kaya hindi madaling talunin siya. Sa tingin ko ay siya rin ang tinatawag mong kamatayan. Mahihirapan tayong talunin siya ngayon pero hindi imposible na maisahan natin siya," mariing giit sa akin ng hepe.
Halos pigil na ang paghinga ko habang hinihintay na lumabas ang may gawa ng pagkalansing ng mga kutsilyo. Sa bawat yabag niya ay naririnig ko ang pagkadurog ng mga tuyong dahon. Dahan-dahan lang siya kung maglakad pero nakikilala ko ang mga galaw niya. Siguradong si Kamatayan iyon.
"I-Imposible! Ikaw ang nasa likod ng maskara? I-Ikaw si Kamatayan?" hindi makapaniwalang sambit ko nang masulyapan siya.
Hindi ko ito kayang tanggapin. Imposible! Paanong nangyari ang bagay na ito? Bakit siya ang pumapatay? Paano ko ito mapaniniwalaan?