Thymine
Hindi ko maiwasang makaramdam nang sobrang pagkatuwa habang tahimik na nakaupo sa kotse at pinagmamasdan ang lugar sa labas. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito at ngayon ay unti-unti nang nangyayari. Pakiramdam ko ay ligtas na ako. Parang gusto kong mapaiyak dahil sa saya ngayon.
"Kamusta ka naman? Bakit pala may mga sugat ka sa katawan mo? Ang sabi mo pa kanina ay ilang araw ka nang hindi nakakakain nang maayos. Hindi ka rin maayos na nakakapagpahinga, hindi ba? Ano bang nangyayari? May nananakit ba sa iyo?" nagtatakang tanong sa akin ni Marlyn.
Bahagya akong natigilan sa pag-iisip nang marinig ang itinatanong niya. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kaniya ang tungkol kay Kamatayan. Kung paano ito walang awang pumapatay. Kung paano niya kami pinahirapan at binuhay sa matinding takot at pangamba. Siya ba ang dapat na unang tao na dapat kong pagkuwentuhan tungkol sa nangyari?
"Bakit natigilan ka? Thymine, hindi mo naman kailangang sabihin sa akin kung anong nangyari sa iyo. Gusto ko lang makatulong at baka maging magaan ang loob mo kung sakaling may makakausap ka. Pero hindi kita pinipilit na magsabi sa akin. Ayos lang, huwag mo na lang pansinin pa ang sinabi ko," muling sabi ni Maryln.
Nanatili na lang akong tahimik at hindi na nagkuwento pa sa kaniya. Mas magandang hindi na nila malaman pa kung sino o ano si Kamatayan. Isa pa, baka pababain nila ako sa sasakyan kapag nalaman nilang may posibilidad na hinahabol pa rin ako ni Kamatayan.
"Tama, mas mabuti nang ganito na wala silang alam. Sa mga awtoridad ako dapat na magsabi dahil sila ang may kakayahan na makatulong sa mga kasamahan ko. Ordinaryo lang sina Jerome at Marlyn kaya wala silang dapat na malaman," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Tahimik namang nagmamaneho si Jerome na para bang wala siyang kasama. Muli kong ibinaling ang tingin sa labas ng sasakyan. Sobrang haba pala ng bukirin na ito at siguradong hindi ko kakayaning maglakad. Pero dahil nakasakay kami sa kotse, hindi ko na kailangan pang maglakad sa mainit na daan.
Mabilis ang naging biyahe namin at ilang sandali na lang ay mararating na ang istasyon ng pulis. Nasa pampanga na kami ngayon at sakay pa rin ako ng kotse nila. Tahimik lang ang lahat at hindi na rin muling inungkat sa akin ni Marlyn ang tungkol sa nangyari. Mabuti na lang at hindi nila ako ginisa ng mga tanong dahil hindi ako sigurado na maitatago ko ito nang matagal sa kanila.
"Malapit ka na rito, hindi ba? Makakauwi ka na sa inyo ngayon at makakasama ang pamilya mo. Masaya ako para sa iyo. Magiging ligtas ka na rin dito dahil may mga awtoridad sa paligid na makatutulong sa iyo. Wala nang ibang makakapanakit sa binatilyong katulad mo," nakangiting sabi sa akin ni Marlyn at bahagya pang lumingin sa akin.
Ngumiti rin ako pabalik sa kaniya. Ang suwerte ko talaga na pagkatapos ng matinding paghihirap ko ay may taong tumulong sa akin. Hindi ko alam kung paano magpapasalamat sa kanila ngayon lalo na kay Marlyn. Pinagagaan niya ang loob ko at ipinararamdam na magiging maayos lang ang lahat.
"Natatandaan mo naman siguro kung saan ang eksaktong lugar ng bahay niyo, hindi ba? Mayroon namang mapagtatanungan diyan kaya madali ka nang makakauwi. Hindi mo na rin kailangan pang magpasalamat nang paulit-ulit, nakakarindi na. Tinulungan ka na namin kaya huwag ka nang magbigay ng perwisyo. Ang ingay mo," mariinf giit sa akin ni Jerome.
Kanina ko pa siya napapansin na aligaga at tila labag sa loob niya na pasabayin ako. Ang buong akala ko pa naman ay buong puso ang pagtulong niya pero mukhang napilitan lang siya dahil sa pangungulit ng kasama. At ngayon, halata na sa ikinikilos niya ang pagkairita sa akin. Hindi ko tuloy mapigilan na mapaisip kung may nagawa ba akong masama sa kaniya.
"Ano ka ba naman, Jerome? Iba na ang tabas ng dila mo at nakakasakit ka na. Magpakita ka naman ng respeto sa batang tinutulungan natin. Wala ka ba talagang awa sa kaniya? Tingnan mo ang sitwasyon ni Thymine ngayon. Kailangan niya ng tulong mula sa atin kaya huwag ka namang maging marahas," pagsasaway ni Marlyn sa kasama.
Kaagad itong nagpreno dahil sa narinig mula sa babae kaya muntik na akong mahulog sa upuan. Naiinis siyang binalingan ng babae at mukhang may mabubuo pang alitan. Hindi ko talaga maintindihan kung ano ba talagang problema sa akin ni Jerome. Ganoon na lang ba kalaki ang galit niya sa akin? Gusto na ba niya akong pababain?
"Jerome, ano bang problema mo? Napag-usapan na natin ito, hindi ba? Ano pang ipinuputok ng butsi mo? Nakakainis ka! Pumayag ka nang tulungan natin siya pero bigla kang nagkaganito? P'wede bang magmaneho ka na lang diyan? Magtiis ka nalang kung ayaw mo na may kasama tayo," bulalas ni Marlyn.
Gusto ko man silang awatin subalit mas pinili ko na lang na manahimik. Ako ang dahilan kung bakit sila nagtatalo ngayon kaya wala akong karapatan na manghimasok. Mas lalong lalaki ang gulo kapag nakisawsaw pa ako. Baka lalo pa akong pag-initan ni Jerome ngayon. Mahirap na kapag nagkataon.
"Ikaw ang problema ko, Marlyn! Masyado kang mabait kaya kahit sino ay tinutulungan mo. Anong malay natin kung mamamatay-tao pala 'yan? Marami na ang taong mapagsamantala sa panahon ngayon pero mukhang wala kang pakialam. Ang bilis mong maawa sa sitwasyon niya at hindi mo man lamang iniisip na baka mapahamak tayo dahil sa kapabayaan mo!" bulyaw ni Jerome.
Dumungaw ako sa labas ng bintana at natatanaw ko na ang istasyon ng pulis. Saglit akong nag-isip at napagdesisyunan kong lumabas na lang ng sasakyan. Malapit na ang pupuntahan ko at kaya ko na itong lakarin. Hindi ko kakayanin na lumala pa ang away nilang dalawa dahil sa akin.
"Masyado na po yata akong nakakaabala sa inyo. Kung mamarapatin niyo ay bababa na ako. Malapit na ang istasyon at kaya ko nang pumunta roon nang mag-isa. Huwag na kayong magtalo pa dahil sa akin. Salamat po sa lahat. Salamat sa pagpapasakay niyo sa akin," maariing giit ko sa kanila.
Bahagya silang natigilan dahil sa sinabi at mariing tumingin sa akin. Naaawa naman ako tiningnan ni Marlyn na para bang kasalanan niya kung bakit ako bababa ng sasakyan. Ngumiti na laman ako para hindi na siya mag-alala pa. Mas mabuti na ang ganito. Hindi na sila magtatalo kapag bumaba ako sa sasakyan.
"Huwag niyo na po akong pigilan. Seryoso, sobrang lapit na rito ng istasyon ng pulis kaya magiging maayos din ang lahat. Kapag bumalik na ang lahat sa dati at nagkita ulit tayo, ililibre ko kaya nang masarap na pagkain bilang pangbawi sa kabutin niyo," nakangiting sabi ko sa kanila bago mabilis na bumaba ng sasakyan.
Pasado ala-una na ng hapon at kumakalam pa rin ang sikmura ko. Hindi ko na alam kung kaya ko pa ba itong tiisin. Hindi na gaanong nanunuyo ang lalamuna ko dahil nakainom ako kanina ng tubig. Sa ngayon, kailangan kong makahanap ng sasakyan pauwi. May kaunti akong dalang pera pero sana magawan ko ito ng paraan.
"Mahigpit anim na minuto pa ang hihintayin ko bago dumating ang susunod na dyip. Saan kaya magandang maglibot ngayon? May tutulong kaya sa akin para makakain? Sandali nga, bakit hindi ko subukan? Mamamatay ako sa kutob kapag pinairal ko ang hiya," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Saglit akong nagpalinga-linga sa paligid at saktong napako ang tingin ko sa tindahan ng turo-turo. Nagmamadali akong tumakbo papunta ro'n na may ngiti sa mga labi. Sana pagbigyan niya akong makakain. Sakto ang tinda niya sa kumakalam ko tiyan. Sana pagbentahan niya ako kahit na may mga sugat ako sa katawan.
"Manong, pabili po ako ng kwek-kwek at matamis ang sawsawan. Pakilagay na lang po sa baso at samahan niyo na rin ng pantusok. Maraming salamat! Kanina pa kasi ako nagugutom at gusto ko nang makakain nang masarap na tinda mo," bulalas ko sa nagtitinda at bahagya pa siyang nginitian.
Hindi ko na alintana ang init ng araw at usok na nagmumula sa sasakyan. Binunot ko na sa bulsa ko ang isang daang piso na binigay sa akin ni Marlyn kanina. Gamitin ko raw ito para sa sarili ko. Pagkain naman ang isa sa pinakaimportante sa buhay ko ngayon kaya ayos lang na ito ang unang kong paggastusan. Isapa, sigurado namang may matitira para sa pamasahe ko.
"Ito po ang bayad. Siya nga pala, pabili rin ng inumin niyo. 'Yong buko po. Salamat talaga manong, hulog ka ng langit! Grabe, hindi ko na alam kung saan ako pupulutin kung hindi kita nakita rito. Makakakain na rin ako," nakangiting sambit ko.
Tinawanan lang ako ng nagtitinda na ngayon ay kasalukuyang nagluluto ng iba pang kutkutin. Ito ang paboritong puwesto ko tuwing napapadaan kami sa istasyon ng pulis dati. Sobrang sarap ng mga itinitinda niya at hindi ako magdadalawang-isip na paulit-ulit na bumalik dito. 'Yung mga simpleng fishball at kikiam ay nagagawa niyang espesyal. Ibang klase!
"Saan ka ba nanggaling at mukhang gutom na gutom ka na? Kunin mo na ito at sa'yo na 'yang pera mo. Huwag mo akong bayaran pa. Gamitin mo na lang sa ibang bagay ang pera mo na iyan. Nakakaawa kang bata," sambit sa akin ng lalaki.
Ang bango ng amoy ng mantika at ang sarap pakinggan nang pagkulo nito. Muli akong ngumiti sa kaniya habang pinagmamasdan siyang nagluluto. Hindi ko inaasahan na tutulungan niya rin ako at bibigyan ng pagkain. Masyado na yata akong naghirap sa bahay ni Kamatayan kaya ang suwerte ko ngayon.
"T-Talaga po, Kuya? Baka naman malugi kayo niyan kapag hindi mo tinanggap ang bayad ko. Maliit lang ang kita rito kaya sigurado ba kayo na hindi niyo na ako pagbabayarin?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
Kahit naman gusto kong maging libre ang kakainin ko ay hindi naman siya p'wedeng malugi. Siguradong may pamilya siyang pinapakain at kailangan niyang kumita para tustusan ang pangangailangan nila. Ayoko naman na mangyari iyon sa kaniya.
"Ano ka ba namang bata ka. Huwag mo na akong isipin. Pamasko ko na sa iyo iyan kahit malayo pa ang disyembre. Heto, kainin mo na habang mainit pa. Magpakabusog ka at nang hindi masayang ang panlilibre ko sa iyo," masayang sabi niya.
Inabot na niya sa akin ang binili kong kwek-kwek na may matamis na sawsawan. Kasama na rin dito ang inumin na gusto ko. Kaagad ko itong nilantakan at nginitian ang nagtitinda. Grabe! Hindi ko alam kung ilang linggo na ba akong hindi nakakain nang ganito. Pakiramdam ko ay sobrang gana ko ngayon at lahat nang ipapakain sa akin ay hindi ko tatanggihan.
"Ano ka ba? Walang humahabol sa iyo kaya hindi mo kailangang bilisan ang pagkain. Siya nga pala, parating na ang dyip diyan sa may kanto, kung sasakay ka man. Ang dumi na tuloy ng mukha mo. Ayaw mo kasing magdahan-dahan sa pagkain. Nguyain mo muna," natatawang sambit niya sa akin.
Nginitian ko na lang siya at hinayaan na magluto. Kahit naman gusto kong nguyain ito ay hindi ako p'wedeng magtagal. Kailangan ko munang umuwi sa bahay para malaman ng mga magulang ko na maayos lang ang kalagayan ko. Pagkatapos no'n ay babalik kami rito sa istasyon para humingi ng tulong.
"Kuya, maraming salamat ko sa pagkain. Kapag napadaan ulit ako rito, babayaran kita nang malaki. Tatandaan ko po ang inyong kabutihan. Sana kumita kayo nang malaki at amrami pang bumili sa masasarap mong itinitinda. Pagpalain kayo!" nakangiti kong sambit.
Saglit kong pinunasan ang labi ko nang sa gayon ay hindi ako maging gano'n karungis. Matapos ito ay nagmamadali akong nakipagsiksikan sa ibang pasahero nang dumating ang dyip. Kaunti na lang at makikita ko na ulit ang mga magulang ko. Hindi na ako makapaghintay pa.
"Huwag po kayong magtulakan dahil kasya ang dalawampu sa dyip na ito. Tig-sampu sa kanan at kaliwa. Ate, umusog ka ng kaunti, upong piso lang. Pakiayos ng mga gamit niyo para makaupo ang iba. Sige pasok lang, kasya pa!" bulalas ng dispatser.
Sobrang sikip sa loob at halo-halong amoy ang bumabalot sa paligid ko. Mayroong mga amoy araw at pawis. May iilang nangangamoy pa ang putok sa kilikili. Nakakasuka! Ito ang ayaw ko sa dyip pero wala naman akong ibang pamimilian. Isa pa, mamaya rin ay magsisimula nang magbabaan ang ibang pasahero.
"Puno na ang dyip kaya aalis na. Sa mga hindi nakaabot diyan, hintayin niyo ang kasunod. Magmadali kasi kayo nang sa gayon ay hindi nauunahan at naagawan. Sige na, p'wede na itong umalis at mamasada," wika ng dispatser.
Humawak na ako sa kapitan at nagsimula na ang pag-andar ng dyip. Sa bawat kantong nadaraan namin, may bumababa at may sumasakay din. Saka lang ako napangiti nang tuluyang makita ang paaralan ko. Ilang araw din akong hindi nakapasok dito.
"Para po! Dito na lang!" bulalas ko kaya mabilis na huminto ang dyip.
Bumaba agad ako at nagmamadaling pumasok sa paaralan namin. Saka ko lang naalala na naiwan ko sa bahay ni Kamatayan ang unipormeng suot ko. Hindi na bale, sigurado naman akong makakakuha ulit ako ng bagong pares. Ang importante ngayon, mahanap ko ang isang tao na tiyak na nag-aalala pa rin hanggang ngayon?
"Kuya, nariyan pa ba si Binibining Fiona Jimenez? Gusto ko sana siyang makausap ngayon, maaari ba? P'wede niyo po ba siyang puntahan kahit sandali? Alam ko rin na gusto na niya akong makita ngayon kaya pakitawag siya. Pakiusap po," nakikiusap na sambit ko sa guwardiya.
Dito sa paaralang ito kasalukuyang nagtatrabaho si Mama kaya umaasa ako na narito pa siya ngayon. Kailangan ko siyang makausap para makahingi ng tulong sa pulisya. Kailangan ko ng isang tao na maniniwala sa akin kahit na ano man ang mangyari. Ayokong isipin ng ibang tao na nababaliw na ako.
"Ikaw ba si Thymine Jimenez? Bakit nawala ka ng ilang araw? Sandali, tatawagan ko na ang hinahanap mo. Maghintay ka lang diyan. Sigurado akong nandito pa siya sa loob ng paaralan ngayon." sambit sa akin ng guwardiya bago magtipa ng numero sa kaniyang telepono.
Ilang minuto lang ang hinintay ko at natanaw ko na ang babaeng ilang araw ko nang hindi nakakasama. Wala pa rin siyang pinagbago at gaya ng dati, nagagawa niya akong paiyakin. Hindi ako makapagsalita ngayon. Sobrang nangulila ako sa kaniya. Ilang beses ko siyang tinawag noong nasa panganib ako nang sa gayon ay kahut papaano, gumaan ang loob ko.
"T-Thymine? Ikaw ba 'yan? Anak ko!" hindi makapaniwalang sambit niya.
Mabilis akong lumapit sa kinaroroonan niya at hinandugan siya ng mainit na yakap. Tuluyan na akong lumuha dahil sa sandaling panahon, lubos akong nangulila sa kalinga niya. Para bang nanlalambot ang puso ko ngayon at ang tangi ko lang gustong gawin ay yakapin siya nang mahigpit.
"Anong nangyari sa iyo? Saan ka ba nagpunta at hindi ka namin mahagilap ng papa mo? Masyado mo kaming pinag-alala, alam mo ba'yon? May masakit ba sa iyo? Sandali, kumain ka na ba? Ang laki ng ipinayat mo , anak ko," nag-aalalang sabi niya sa akin habang hinahagkan ako sa noo.
Ako na ang kumalas sa yakap namin at nginitian siya. May tamang panahon para sa mga ganitong eksena. Kahit na gusto ko siyang yakapin anng matagal ay hindi ko ito p'wedeng gawin. Tumatakbo ang oras at hindi dapat ito masayang. Ang mahalaga ngayon ay makahingi na kami ng tulong sa mga awtoridad.
"Mama, kailangan po nating magpunta sa pulisya ngayon. Do'n ko na po sasabihin sa inyo ang lahat ng nangyari sa akin. Sa ngayon, kailangan nating iligtas sina Rhian at Yoola. Hindi natin sila p'wedeng pabayaan dahil siguradong nanganganib pa rin ang buhay nila ngayon," nag-aalalang sambit ko.
Agad na kumunot ang noo ni Mama dahil sa sinambit ko. Alam kong punong-puno siya ng pagtataka subalit kailangan na naming magmadali. Mabilis ko siyang hinatak palabas ng paaralan. Bahala na kung anong mangyari. Ang dapat naming gawin ngayon ay ipagbigay sa mga pulis ang nalalaman ko tungkol kay Kamatayan.
"Sandali, saan ba tayo pupunta? Hindi pa tapos ang klase ko. Thymine, may masama bang nangyari kay Yoola? Kasama mo ba siya? Nasaan na siya?" nagtatakang tanong niya sa akin.
Agad akong pumara ng dyip papunta sa istasyon ng pulis kahit na walang pahintulot ni Mama. Sumakay ako kaya napilitan na rin siyang sumunod sa akin. Nasasayang ang oras sa tuwing wala kaming ginagawa. Kailangan na naming gumawa ng paraan ngayon para mailigtis sila.
"Opo, nasa panganib siya. Kailangan natin ng tulong mula sa mga awtoridad para maligtas sila. Magtiwala ka lang, Mama. Ipapaliwanag ko rin sa iyo ang lahat," mariing giit ko bago kami maupo sa loob ng dyip.
Kaunting pagtitiis na lang at siguradong makakahingi na ako ng tulo. Rhian at Yoola, kumapit lang kayo dahil parating na ang tulong. Ipinapangako ko iyan.