Thymine
Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ba sobrang emosyunal ko kanina noong magkasama kami ni Rhian. Pakiramdam ko ito ang dahilan. Naiwan akong mag-isa kasama ang walang awa at kinatatakutan na si Kamatayan. Ano na lang ang gagawin ko? Paano ko magagawang makaligtas sa pagkakataong ito?
"K-Kamatayan," hindi makapaniwalang bulalas ko nang makita siya.
Dahan-dahan lang siyang naglalakad papunta sa kinahihigaan ko pero ramdam ko ang nakatatakot niyang aura. Nanginginig na ang mga tuhod ko ngayon at kasabay din nito ang halos pagsabog ng puso ko. Hindi ko kayang tingnan siya. Tingin pa lang niya ay sapat na para magbigay sa akin ng libo-libong boltahe ng kaba.
"Kamusta ka naman? Nakahanda ka na ba sa magiging kapalaran mo ngayong gabi? Marami na akong napatay at hindi ako magdadalawang-isip na isunod ka sa kanila. Kilala mo na naman ako. Ako si Kamatayan, at lahat ng tutugisin ko ay tiyak na may paglalagyan," nakangising sabi niya.
Pawis na pawis na ako at hindi na malaman kung anong dapat na gawin. Gusto kong tumakbo at iligtas ang sarili ko pero masyado na akong mahina ngayon. Kaninang umaga pa kami tumatakbo at hindi rin ako nakapag-agahan o tanghalian. Pagod at gutom na ako kaya paano ko siya magagawang takasan?
"M-Maawa ka sa akin. G-Gusto ko pang mabuhay. Pakiusap, hayaan mo na akong makabalik sa dati kong buhay. Ayoko na sa bahay mo. Ayoko na sa lahat nang tradehya at panganib na mayroon dito," nanghihinang pakiusap ko sa kaniya.
Kung kinakailangan kong lumuhod, magsumamo at magmakaawa sa kaniya ngayon para lang buhayin niya ako ay hindi na ako magdadalawang-isip na gawin ito. Desperado na akong makaligtas at mabuhay. Nararamdaman ko na malapit na ang katapusan ko kaya kahit anong paraan ay kakapitan ko na.
"Alam mong marami na ang nagsabi sa akin niyan. Nagsasawa na raw sila sa bahay ko at gusto nang umalis. Bakit ba ganiyan kayo? Hindi ko kayo maintindihan. Maayos at kumportable naman ang bahay ko. Malawak pa at p'wede kang tumakbo kahit saan. Ano bang ayaw niyo rito?" nagtatakang tanong niya sa akin.
Hindi ko alam kung seryoso ba siya o pinaglalaruan lang ako ngayon. Talaga bang hindi niya alam kung bakit gusto na naming umalis sa bahay niya? Hindi niya ba napapansin na takot kami sa kaniya? Pinapatay niya kami kaya ano ang inaasahan niyang magiging reaksyon namin? Dapat ba kaming matuwa dahil malawak ang bahay niya?
"P-Pinaglalaruan mo ba ako? A-Ano bang plano mong gawin sa akin ngayon? Hindi ba p'wedeng bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon para makaligtas. A-Ayoko pang mamatay. Hindi pa ako handa," nagsusumamong sabi ko.
Bahagya akong umatras papalayo habang nakatingin sa kaniya. Binabantayan ko rin ang pagkakahawak niya sa itak dahil baka bigla na lang niya itong ihambalos sa akin. Kailangan kong maging alisto dahil buhay ko ngayon ang nakataya rito. Hindi niya ako dapat mapatay ano man ang mangyari.
"Nag-iisip ka rin pala kahit papaano. Akala ko habang buhay ka nang aasa kay Rhian para iligtas ka pero mukhang nagkamali ako. Akala mo ba hindi ko alam na palihim mo kaming sinusundan kanina? Hinayaan lang kita dahil gusto kong mangyari ang lahat ayon sa plano ko," nakangising pagpapaliwanag niya sa akin.
Sa sinabi niyang ito ay bahagya akong natigilan. Hindi kaagad ako nakabawi at nagtataka ko siyang tiningnan. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin sa kaniya. Ang buong akala ko ay hindi niya napansin ang presensya ko pero nagkamali ako. Masyado akong naging kampante.
"A-Alam mong sinusundan ko kayo? P-Pero bakit hinayaan mo lang ako? Bakit hindi mo ako pinatay? Kung ginawa mo 'yon, wala na sana ako sa harapan mo. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo iyong gawin. Dahil ba makikita ka ni Rhian kapag pinatay mo ako?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.
Para tuloy panandalian kong nakalimutan ang sitwasyon ko ngayo. Gusto kong malaman kung anong rason niya para hayaan ako sundan sila. Kung pinatay na niya ako, hindi ko na sana natulungan si Rhian. Wala akong ano mang ideya sa plano niya pero kailangan ko ng eksplanasyon. Hindi ganito mag-isip ang Kamatayan na kilala ko.
"Sa tingin mo ba hahayaan ko lang na masira mo ang plano ko? Kilala kita, Thymine. Alam ko kung gaano ka kahina. Takot ka sa akin kaya hanggang tingin ka lang sa malayo. Kahit na sumunod ka pa, wala namang mababago. Isa pa, plano ko rin naman na makita ka kung papaano mo tutulungan si Rhian. At hindi nga ako nagkamali dahil nagpakita ka," pagpapaliwanag niya.
Tuluyan nang napaawang ang bibig ko dahil sa naging eksplanasyon niya. Hindi ko inaasahan na nakaplano na pala ang lahat. Ang buong akala ko ay nagawa ko siyang maisahan pero umasa lang pala ako sa wala. At ngayon, katapusan ko na. Siguradong hindi na ako bubuhayin ni Kamatayan ngayon.
"Masyado nang mahaba ang nagiging pag-uusap natin. Hindi mo ako magagawang linlangin, Thymine. Hindi mo na magagawang takasan pa ang kapalaran mo ngayon. Ito ang nakatadhanang mangyari kaya magpasalamat ka na lang. Hindi na kita tatanungin pa kung handa ka na dahil wala ka na rin naman pamimilian," mariing giit niya bago ako ngisian nang nakakaloko.
Akmang tatayo na ako para tumakbo pero huli na ang lahat. Nakalapit na siya sa akin kaya ipinikit ko na lang ang mata ko at tuluyang humiga sa sahig. Kahit masakit, tatanggapin ko na ang masaklap na kapalaran na ito. Ipinikit ko na ang mata ko at ilang sandali lang ay tuluyan na akong binalot ng kadiliman.
Samantala, unti-unti akong nagising dahil sa init ng araw na tumatama sa balat ko. Bahagya pang sumasakit ang ulo ko ngayon subalit pinilit kong buksan ang mga mata ko. Hindi ko alam kung anong eksaktong nangyayari kaya kailangan ko itong alamin.
"Sandali, nasaan ba ako?" naguguluhang tanong ko sa sarili.
Wala akong maalala sa kung ano ba talagang nangyari sa akin kagabi. Ang alam ko lang ay kaharap ko si Kamatayan at hindi na siya nagdadalawang-isip na patayin ako. Naguguluhan ako. Bakit ang tahimik ng paligid at parang walang trahedya na paparating? Nakakapanibago ang kapayapaan.
"Aray!" bulalas ko nang kuritin ang sarili.
Hindi ko maiwasang magulat dahil dito. Hindi ako isang kaluluwa ngayon dahil nasasaktan pa rin ako. Sinubukan kong huminga at nararamdaman ko rin ito. Buhay ako, sigurado ako sa bagay na iyan. Pero ano ba talagang nangyayari sa akin? Nasaan ako at bakit sobrang init ng araw?
"A-Ano ba talagang nangyayari? Hindi ko pa rin maintindihan ang lahat. Dapat ko na bang tuluyang buksan ang mata ko? Wala na ba talaga si Kamatayan sa paligid? Totoo ba itong nangyayari?" magkakasunod na tanong ko sa aking sarili.
Sinubukan kong gumulong at kaagad na napamulat nang mapansin na damo ang tumama sa balat ko. Hindi ako p'wedeng magkamali sa naramdaman ko. Bigla akong napatayo sa pagkakahiga at halos umawang ang bibig nang malaman na nasa labas na ako. Wala na ako sa loob ng bahay ni Kamatayan.
"Tang ina! Totoo ba itong nakikita ko? Thymine, baka naman nananaginip ka lang. Imposible, paano 'to nangyari? M-Malaya na ba ako? Teka sandali, baka naman imahinasyon ko lang ang lahat? Pero hindi, ramdam na ramdam ko ang init ng araw kaya totoong nangyayari ito," hindi makapaniwalang sambit ko.
Muli kong kinurot ang sarili at sa pagkakataong ito ay nasaktan pa rin ako. Walang duda, hindi ito isang masayang panaginip. Tumayo ako at do'n ay mas lalong tumindi ang hinala ko. Damang-dama ko na ang lamig ng hangin. Sa tingin ko rin ay pasado alas-diyes na ng umaga.
"Paano nangyari na napunta ako rito? Paano ako nakalabas sa bahay ni Kamatayan? At saka, nasaan na ba ang bahay na iyon? Sinong naglabas sa akin? Talaga bang hindi ako napatay ni Kamatayan? Buo pa naman ang katawan ko at walang kulang sa akin," naguguluhang sambit ko.
Ang hirap paniwalaan ng lahat. Parang kanina lang ay tumatakbo ako dahil hinahabol ni Kamatayan pero ngayon ay nandito na ako sa labas. Malaya at malayo sa panganib mula sa kaniya. Tang ina! Hindi ko kayang iproseso ang lahat. Masyadong mabilis, ang hirap sabayan.
"Thymine, hindi ka naman nananaginip, hindi ba? Pero kung imahinasyon ko lang ang lahat, sana hindi na ako makawala rito. Mas gusto ko ang lugar na ito dahil hindi ko na nararamdaman si Kamatayan. Hindi ko kailangang mabuhay na may takot sa dibdib," masayang sabi ko sa sarili.
Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito at ngayon ay abot-kamay ko na ang lahat. Tahimik at payapa ang lugar na kinaroroonan ko ngayon. Makakahinga na ako nang maluwag. Hindi ko na kailangan pang tumakbo para lang iligtas ang buhay ko. Magagawa ko nang maging malaya.
"Sa wakas ay natapos na rin ang lahat. Wala na akong ibang iisipin pa na baka nanganganib na naman ang buhay ko. Hindi ko alam kung kanino magpapasalamat dahil sa naging sitwasyon ko ngayon pero kung sino man ang nagligtas sa akin, sobra akong nagpapasalamat sa iyo!" bulalas ko at bahagya pa itong isinigaw.
Nagpalinga-linga ako sa paligid at napag-alaman kong nasa bukirin ako ngayon. May mga baka at kalabaw na nagkalat sa paligid. Mabuti na lang talaga at hindi umulan kagabi kaya walang gaanong putik sa paligid. Kung nagkataon, siguradong puro putik na ang damit ko. Nagpagulong-gulong pa ako kanina.
"Nasaang lupalop ba ako ng mundo ngayon? Wala akong ano mang ideya kung saan pupunta. Nakakainis! Wala ring mga sasakyan na dumadaan. Saan ako pupuluti ngayon? Thymine, mag-isip kang mabuti. Kailangan mong maging malikhain ngayon," bulalas ko sa sarili.
Kahit na malayo na ako kay Kamatayan ngayon ay hindi pa rin tapos ang problema ko. Marami pa akong dapat na solusyunan ngayon dahil baka ito pa ang maging dahilan nang pagkamatay ko. Kumakalam na ang sikmura ko at nanunuyo rin ang lalamunan.
"Juskong buhay naman ito. Nakalaya nga ako mula kay Kamatayan pero naiwan naman ako nag-iisa sa malawak at tahimik na lugar na ito. Saan at paano ba ako makakahingi ng tulong sa sitwasyon ko ngayon?" naiinis na bulalas ko at bahagya pang sinipa ang maliit na bato sa harapan.
Sa tingin ko ay nasa parang ako ngayon at hindi ko alam kung saan dadalhin ng mga paa. Wala akong ideya kung saan ang daan palabas ng mahabang bukirin na ito. Wala rin akong dala na kahit ano. Nakakainis naman! Ang buong akala ko ay magiging maayos na ang lahat pero hindi pa rin pala.
"Saan kaya ako makahanap ng pagkain? Sana naman ay may mga mabuting tao na makakita sa akin at patuluyin sa bahay nila. Hindi ko na alam kung paano tatakbo ang buhay ko ngayon. Paano ba ako makakakain? Sandali nga, patayin ko na lang kaya ang mga baka? Mukhang wala naman dito ang may-ari," wala sa sariling sambit ko
Mukhang wala namang nagbabantay kaya malaya akong magagawa ang gusto kong gawin sa baka. Kailangan ko lang maghanap ng mga kahoy na gagamitin panglingas. Alam kong hindi ito magiging madali pero wala na akong ibang pamimilian pa. Kailangan kong makakain dahil baka mamatay na ako sa gutom.
"Wala talagang nagbabantay? Sige, magkakatay ako ng baka! Balita ko, masarap daw 'yan. Pantawid gutom sa kumakalam na sikmura. Hindi na masama. Matagal na rin noong huli akong nakakain nang ganitong karne. Siguradong malinamnam ito. Tiba-tiba ako ngayon sa pagkain!" masayang sabi ko.
Sinadya kong lakasan ang pagkakasabi dahil nagbabakasakali akong may makarinig sa akin at malaman ang kung ano ba ang kalagayan ko ngayon. Hindi ko naman talaga gustong katayin ang kawawang baka na ito. Nagbabakasakali lang ako na may makakapansin sa akin pero wala talagang ibang tao rito maliban sa akin.
"Mukhang wala talagang tao rito. Ako na nga lang ang hahanap ng paraan kung paano maisasalba ang buhay ko. Walang mangyayari sa akin kung mananatili lang akong nakaupo at maghihintay ng isang himala. Sandali nga, kamusta na kaya sina Rhian at Yoola? Nagawa kaya nilang makaligtas?" nagtatakang tanong ko sarili ko.
Kumuha ako ng manipis ngunit mahabang sanga ng kahoy sa malapit na puno at nagsimulang isulat ang pangalan ko sa buhangin. Nakapagpagpag na ako kanina kaya iilang buhangin na lang ang nasa katawan katawan ko. Ang hirap pala talagang mabuhay nang nag-iisa. Siguradong mababaliw ako kapag nangyari sa akin ito.
"Bakit kaya Thymine ang ipinangalan sa akin ng mga magulang ko? Mahilig kaya sila sa siyensya kaya gano'n? Madalas tuloy akong tinutukso. Hindi naman daw ako lamang-loob o dugo at mas lalong wala akong kinalaman sa siyensya. Ang sigurado ko lang ay ako si Thymine, isang mahinang lalaki na umaasa sa proteksyon ng isang babae," wala sa sariling sambit ko.
Ganito pa talaga ang epekto ng ilang araw na walang maayos na pagkain. Pakiramdam ko ay nababaliw na ako sa sobrang gutom at uhaw na nararanasan sa mga sandaling ito. Hindi ko na alam kung makakaya ko pa ba. Sana talaga ay may dumaan sa gawing ito nang sa gayon ay magawa kong makahingi ng tulong.
"Wala pa rin bang daraan dito? Mukhang inilabas lang yata ako sa bahay ni Kamatayan para mamatay dito sa bukirin. Kung sabagay, kapag nakita ng mga awtoridad ang bangkay ko, mahihirapan silang malaman kung sino ang salarin. Nako naman, Thymine! Ano ba iyang mga iniisip mo?" naiinis kong sabi.
Bahagya akong umupo at pasimpleng tumingin sa bughaw na langit sa itaas. Hindi ko na alintana pa ang mainit na araw na tumatama sa balat ko. Ngayon ko na lang ulit naranasan na mainitin sa labas. Noon kasi, hindi ko ito gaanong nagagawa dahil sa tambak na gawain sa eskwelahan.
"Nasaan kaya ang bahay ni Kamatayan? Gusto kong mabigyang-linaw ang lahat at tanggalin ang maskara niya. Siguradong nandoon pa rin sila Rhian kaya kailangan nila ng tulong ko. Sandali, nasa bulsa ko pa ba ang sulat na nakita ko? Baka may malaman ako mula roon," nagtatakang tanong ko.
Nakita ko ang kalahati ng sulat no'ng lumabas ako para hanapin at iligtas si Rhian. Sa pagkakaalam ko, ipinasok ko 'yon sa bulsa ng pantalon ko. Hindi ko na kasi ito nagawa pang basahin dahil naging abala ako sa pagmanman kay Kamatayan. Nakakainis naman! Ano kayang nakasulat doon?
"Sana nandito pa, malaki ang maitutulong no'n kung magkataon man. Tadhana, ayusin mo ang kapalaran ko. Huwag mo akong biguin, pakiusap lang. Kailangan ng tulong ng mga kasamahan ko. Hayaan mong ako ang gumawa ng paraan para makaligtas sila," nagsusumamong sambit ko sa sarili ko.
Sinubukan kong kapain ang laman ng bulsa ko subalit puro buhangin lang ang nararamdaman ko. Wala akong mahawakang papel kaya bahagya akong napaupo sa upuang gawa sa kahoy. Nakakainis na buhay talaga! Hindi na ako nilubayan ng kamalasan. Paramg nasisiyahan pa ito na paglaruan ang kapalaran ko.
"Akala ko naman, mahahanap ko na ang kasagutan sa katanungan ko. Rhian, patawad kung hindi agad ako makakabalik para iligtas kayo ni Yoola. Pero huwag kang mag-alala dahil hindi ko kayo pababayaan. Manatili lang kayong ligtas dahil darating din ang tulong. Gagawin ko ang llahat para mangyari ang bagay na iyon," determinadong sambit ko.
Bahagya akong napayuko habang pilit na sinisisi ang sarili ko dahil sa pagkawala ng sulat. Nawawalan na ako ng pag-asa na tatahimik muli ang buhay ko at babalik sa dati. Hangga't hindi ko naililigtas sina Rhian at Yoola, wala akong karapatan na maging masaya. Marami na silang naisakripisyo para sa akin kaya dapat na tulungan ko sila.
"Thymine, 'yan ang pangalan ko. Kailangan ko ng tagapagtanggol at tagapagligtas. Kailangan ko si Rhian sa buhay. Thymine, tingnan mo kung gaano ka kahina. Nakakahiya ka. Siguradong pagtatawanan ka ng lahat kapag nalaman nila na umaasa ka lang sa tulong ng isang babae," naiinis kong sambit sa sarili.
Pinakiramdaman ko lang ang paligid at mabilis na napatayo nang makarinig ng busina sa hindi kalayuan ng kalsada. Mabilis akong tumakbo papunta rito at inabangan ang sasakyan. Pakiramdam ko ay biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Nabuhayan ako bigla.
"Tulong! Tulungan niyo ako! Kuya! Ate! Pasakayin niyo ako;" nagsusumamong sambit ko.
Sinadya kong pumuwesto sa pinakagitna ng kalsada upang makuha ko ang atensyon nila. Wala na akong pakialam kung maasagasan man. Ang mahalaga, mapansin nila ako. Ito na ang pagkakataon ko para makaalis sa lugar na ito. Hindi ko ito dapat sayangin pa.
"Tang ina! Ano bang problema mo? Bakit ka humaharang sa dinaraanan namin? Kung gusto mong magpakamatay, huwag mo kaming idamay! Tahimik sa lugar na ito kaya p'wede kang magpakamatayn mag-isa. Mga kabataan nga naman talaga," bulalas sa akin ng lalaking nagmamaneho.
Hindi siya tumitigil sa pagbusina dahil hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ako sa daraanan nila. Ito na ang pagkakataon para makahingi ng tulong kaya hindi ko hahayaan na masayang ito. Matagal din akong naghintay bago sila dumating. Sana lang pumayag sila sa gusto kong mangyari. Sana tulungan nila ako.
"Pakiusap, tulungan niyo akong makabalik sa siyudad. Kailangan ko nang umuwi sa pamilya at mga kaibigan ko. Pasakayin niyo na po ako. Para niyo nang awa, hayaan niyo akong makasama ulit ang pamilya ko. Pakiusap," nagsusumamong sambit ko sa kanila.
Bahagya namang natigilan ang lalaki sa pagbusina kaya palihim na napangiti ako. Kaunting pagkukumbinsi na lang ang kailangan kong gawin at pasasakayin nila ako. Kaunting pagmamakaawa pa. Kaya mo 'yan, Thymine! Alalahanin ko kung bakit ka nabubuhay ngayon. Kailangan mong makabalik sa siyudad at humingi ng tulong.
"Ilang araw na po akong walang maayos na pagkain at tulog. Nagsisimula na rin pong mangitim ang gilid ng mga mata sa sobrang puyat. Tulungan niyo po ako. Kailangan ko nang makapagpahinga. Ayoko na sa lugar na ito," nagsusumamong sambit ko sa kanila.
Nag-uusap ang dalawa sa loob ng kotse at sa tingin ko ay nagdedesisyon siya kung pasasakayin ba ako o hindi. Gusto ng kasama niya na pasakayin ako ngunit nagdadalawang-isip ang lalaki. Kumapit ka lang, Thymine. Makakauwi ka na sa bahay niyo. Kaunting panahon na lang at magagawa mong mailigtas sila Rhian.
"Saan ba ang bahay mo sa siyudad? Hanggang kapitolyo lang kami ng Pampanga. Hindi ka naman maihahatid kung mas malayo pa ro'n," diretsong sambit ng lalaki sa akin na siya namang ikinatuwa ko.
Tuluyan na akong napangiti at lumapit sa kanilang dalawa. Malapit na akong makabalik sa pamilya ko at makakahingi na ng tulong para mailigtas sina Rhian at Yoola. Ganiyan nga Thymine. Magiging maayos din ang lahat kaya kumapit ka lang. Wala na si Kamatayan sa paligid mo.
"Tamang-tama po, pareho tayo ng pupuntahan. Sa kapitolyo rin po ako nakatira. Malapit po sa istasyon ng pulis. P'wede na po ba akong makasabay? Hindi na po kayo mahihirapang ihatid ako," pagsang-ayon ko sa kanila.
Tuluyan na akong pinagbuksan ng lalaki ng pintuan papasok sa sasakyan. Buong pasasalamat naman akong pumasok dala ang ngiti sa mga labi ko. Makakauwi na ako sa bahay. Babalik na ang dati kong buhay.
"Maraming salamat po sa kabutihan na ipinakita at ipinamalas niyo sa akin. Habang buhay ko itong tatanawin na malaking utang na loob. Salamat po talaga. Hindi niyo alam kung gaano niyo ako napasaya ngayon. Hindi ko ito kailan man magagawang makalimutan," muling sabi ko sa kanila.
Walang mapagsidlan ang tuwa na nararamdaman ko dahil makakakain na ulit ako nang masasarap na putahe. Muli akong makakahiga at makakapagpahinga sa malambot na kama. Makakahingi na ako ng tulong sa awtoridad.
"Siya nga pala, ako si Marlyn at ang kasama ko naman ay si Jerome. Ikinagagalak kitang makilala. Binatang-binata ka pa. Siguradong nag-aalala na sa iyo ang pamilya mo. Huwag kang mag-alala dahil tutulungan ka namin," nakangiting sambit sa akin ng babae.
Bahagya akong nagpakawala nang malalim na buntong-hininga bago ngumiti sa babae. Pakiramdam ko ay kinakapos ako ng hangin sa loob ng sasakyan. Sobrang gaan sa pakiramdam na may mga tao pa rin na nakahandang tumulong kahit hindi sila magkakilala.
"Thymine, 'yan po ang pangalan ko. Ikinagagalak ko rin na makilala kayong dalawa. Hulog kayo ng langit sa akin. Kung alam niyo lang po kung gaano kahirap ang mga pinagdaanan ko. Salamat talaga at dumating kayo," nakangiting sambit ko at bahagyang niyakap ang sarili ko.
Sa wakas, tuluyan na akong nakalabas sa bahay ni Kamatayan. Malaya na ako. Wala na siya at hindi ko na kailangan pang alalahanin. Sana magtuloy-tuloy na ang mga pangyayaring ito. Magagawa kong mailigtas ang iba ko pang kasamahan. Kapit lang, Thymine. Matatapos din ang lahat ng ito.