Thymine
Aaminin ko na nakaramdam ako nang sobrang pagkainis noong makita kong magkasama sina Rhian at Milo. Ayoko mang tanggapin pero mukhang nagseselos ako sa relasyon na mayroon silang dalawa. Hindi naman nila ako masisisi dahil nasanay akong ako lang ang taong inaalagaan ni Rhian. at wala nang iba pa.
Noong nakita ko na nagtatakbuhan ang mga kasamahan namin, malakas na ang kutob kong hinahabol sila ni Kamatayan kaya sumunod kami ni Yoola sa gawi nila. Akmang sasama na akong magtago pero nakita ko sila Rhian sa hindi kalayuan kaya unti-unti akong tumigil para palihim na sumunod sa kanila.
"Mukhang kahit saan sila magpunta, talagang nakasunod si Milo. Magkaibigan lang silang dalawa pero nahahalata ko ang malalagkit na tingin niya kay Rhian. Talaga bang may gusto siya rito? Magsama silang dalawa," naiinis na bulalas ko.
Hindi ako nagkamali nang inakala dahil ilang segundo pa lang ang nakalilipas pero nagpakita na sa kanila si Kamatayan. Hindi ko kasama si Yoola at ako lang ang mag-isang nagmasid mula sa malayo kaya pinilit kong tatagan ang loob ko. Wala akong ibang p'wedeng asahan noong mga oras na iyon.
Nakipagmatigasan sila at mabilis na tumakbo noong hawakan nang mahigpit ni Kamatayan ang itak niya. Palihim akong sumunod sa kanila para malaman kung ano ang mga susunod na mangyayari. Bahagya akong natigilan at halos takasan ng lakas noong nakita ko kung paano paulit-ulit na tinaga ni Kamatayan ang walang kalaban-laban na si Maxine.
"Thymine, ayos ka lang ba? Bakit parang biglang sumama ang pakiramdam mo? Biro lang ang sinabi mo, hindi ba? Inaasar mo lang ako na may p'wedeng mangyari sa atin ngayon. Bakit natigilan ka riyan? Ano bang nangyayari sa iyo?" magkakasunod na tanong sa akin ni Rhian.
Nang dahil sa sinabi niya ay nagawa kong makabalik sa wisyo. Muntik ko na ring hindi mapigilan ang sarili na umiyak. Kahit sandali lang kaming nagkasama ni Maxine, nakita ko na totoo siyang tao at determinado siyang makalabas sa impyernong lugar na ito. Pero nasayang ang paghihirap at mga isinakripisyo niya.
"W-Wala namang problema. Hindi mo na kailangan mag-alala sa akin dahil maayos ang pakiramdam ko. Naalala ko lang ang kalunos-lunos na sinapit ni Maxine kanina. Gusto ko rin siyang tulungan pero huli na ang lahat. Hindi kaagad ako nakalapit sa kinaroroonan niyo," mahinang paliwanag ko sa kaniya.
Nalulungkot talaga ako para kay Maxine at hindi ko maiwasang isumpa si Kamatayan ngayon. Siya ang may dahilan kaya nangyayari at nararanasan namin ang impyernong buhay na ito. Walang oras na mararamdaman naming ligtas kami at malayo sa kapahamakan. Nakakainis! Ang dami na niyang pinatay pero wala pa rin siyang balak na tumigil.
"Huwag mo nang isipin ang bagay na iyon. Nangyari na ito at hindi na natin magagawang ibalik pa. Kahit na lumuha pa tayo rito nang dugo, hindi nito magagawang baguhin ang lahat. Hangga't buhay at nandito si Kamatayan, hindi matatapos ang kalbaryong pinagdaraanan natin," mariing giit niya.
Gusto ko na lang ipikit ang mga mata ko at kalimutan ang lahat pero hindi ko p'wedeng ipagsawalang-bahala na lang. Nanganganib pa rin ako at ano mang oras ay maaaring sumulpot dito si Kamatayan. Walang awa siya kung pumatay kaya kailangan naming maging maingat. Hindi kami p'wedeng maging kampante.
"Isa pa, wala nang bago rito. Hindi ka pa ba nasanay na araw-araw na may namamatay sa mga kasamahan natin? Kung oras mo na para mawala sa mundo, wala ka nang ibang magagawa pa. Pero hangga't humihinga pa tayo, hindi pa tapos ang laban. Lalaban tayo hanggang sa tuluyan na tayong maging ligtas," determinadong dagdag pa niya.
Halos kalahati na ang nabawas sa grupo namin pero hindi pa rin tuluyang nawawala si Kamatayan. Sobrang liit nang pag-asa naming makaligtas pero gaya ng mga sinasabi nila, hindi pa kami dapat sumuko. Darating ang panahon na makakabalik ako sa dati kong buhay. Panghahawakan ko ito palagi nang sa gayon ay hindi ko na maisipang sumuko.
"Pasensya ka na rin kung muntik na akong sumuko kanina. Kung hindi ka pa dumating, siguradong napatay na ako ni Kamatayan. Nagpapasalamat talaga ako dahil hindi mo ako iniwanang nag-iisa, Thymine. Iniligtas mo ang buhay ko," nakangiting sabi niya at para bang kinurot nito ang puso ko.
Unti-unti akong lumapit sa kinaroroonan ni Rhian at dahan-dahan siyang niyakap mula sa likuran. Bahagya siyang nagulat subalit hindi ko na ito alintana pa, bagkus mas lalo ko lang hinigpitan ang pagkakayakap. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ko ito ginagawa pero sinusunod ko na lang ang katawan ko.
"T-Thymine, anong ginagawa mo?" naguguluhang tanong niya sa akin.
Mas hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kaniya na para bang ang tagal na noong huli kaming magkita. Wala na akong pakialam kung may mali ba sa ginagawa ko. Ang importante ay nagagawa kong iparamdam kay Rhian kung anong nararamdaman ko. Kung gaano ako kasuwerte na makasama siya.
"P'wede ba na ipikit mo muna ang mga mata mo? Hayaan mo lang akong gawin ito kahit sandali. Sa mga nangyayari ngayon, napagtanto ko na mabilis ang buhay. Kailangang sulitin bago mahuli ang lahat. Ayokong pagsisihan na hindi ko nagawa ang bagay na ito noong may pagkakataon pa ako," puno ng emosyong sambit ko sa kanya.
Walang namamagitan sa amin ni Rhian subalit itinuturing ko siya na isa sa mga importanteng babae sa buhay ko. Palagi siyang nasa tabi ko at nililigtas ako. Siya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay humihinga pa rin ako at patuloy na nakakaligtas. Ang dami kong dapat na ipagpasalamat sa kaniya pero hindi ko alam kung paano magsisimula.
"Thymine, ano bang nangyayari sa iyo? Hindi mo na ako kailangang yakapin para pasalamatan. Ginusto kong protektahan ka at ipagtanggol. Alam mo naman ang bagay na iyon. Importante ka sa akin kaya kahit buhay ko pa ang maging kabayaran, hindi kita pababayaan. Magkasama tayo sa laban na ito," mariing giit niya.
Akmang kakalas siya sa yakap ko subalit mas lalo ko siyang kinulong sa mga bisig ko. Walang kasiguraduhan kung anong kahihinatnan namin kapag lumabas ng kuwartong ito. Hindi namin masasabi kung makakaligtas pa rin ba kami o hindi na. Kahit ngayon lang, gusto kong yakapin nang ganito kahigpit si Rhian na para bang wala kaming kinakaharap na malaking problema.
"Siya nga pala, ngayon ko lang ito napansin. Nasaan ang kaibigan mo? Thymine, bakit hindi mo siya kasama? Huwag mong sabihin na napahamak siya kaya nag-iisa ka na lang? Ito ba ang dahilan kaya nagiging emosyunal ka ngayon?" nababahalang tanong niya sa akin.
Bahagya akong umiling at ipinatong ang baba ko sa balikat niya. Sinigurado ko na mararamdaman ng kaniyang tainga ang init ng hininga ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ko itong gawin pero ang sarap sa pakiramdam. Nakakaginhawa. Ang kumportable ng posisyon naming dalawa ngayon.
"Huwag kang mag-alala sa kalagayan ni Yoola dahil natutulog siya sa kabilang silid. Sinabihan ko rin siya na kahit anong mangyari, huwag niyang bubuksan ang pintuan. Nasa paligid din ang iba nating kasama kaya ligtas pa tayo sa ngayon," bulalas ko habang nilalaro ang kamay niya.
Batid kong naiilang siya kaya ipinagpatuloy ko pa ang ginagawa ko. Gusto ko siyang kulitin at sulitin namin ang sandaling ito para mas lalong makilala ang isa't isa. Baka bukas, wala na ako. Wala makapagsasabi kung anong itinadhana na mangyari bukas. Ang tanging gusto ko lang ay gawin ang mga bagay na gusto kong gawin sa buhay.
"A-Ano ba talagang nangyayari sa iyo, Thymine? Hindi ko na maiwasang makaramdaman nang pagkailang dahil sa posisyon nating dalawa ngayon. Bakit ba kailangan mo pang gawin ito? Hindi pa naman tayo mamamatay ngayon o bukas kaya kumalma ka. Magiging maayos lang ang lahat, ipinapangako ko iyan sa iyo," mariing giit niya sa akin.
Hindi ko na pinansin pa ang mga sinasabi niya. Masaya at kumportable ako sa sitwasyon naming dalawa ngayon. Wala si Milo at walang ibang pumipigil sa amin. Sisiguraduhin ko na masusulit namin ang gabi ngayon at walang pagsisisihan kinabukasan. Ngayong gabi, malaya kaming dalawa.
"Hindi ko mapigilang isipin na sa dami ng lalaki sa mundo, bakit ako ang naisipan mong protekhan? Ngunit kahit na ganoon man ay sobra akong nagpapasalamat sa iyo. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naprotektahan nang ganito ng isang babae. Alam mo naman na hindi ako ganoon kalakas kumpara sa iyo," nakangiting sambit ko sa kaniya.
Nangangalay na ang paa ko at bahagyang nanginginig ang tuhod ni Rhian kaya napagdesisyunan kong magtungo sa kama at hatakin siya. Napilitan siyang umupo siya sa kandungan ko habang nilalaro ko ang kaniyang buhok. Tahimik at kami lang dalawa. Kung p'wede lang na palagi itong mangyari.
"Ganito na lang ba ang gagawin natin, magtatago? Rhian, hanggang kailan natin 'to mapapanindigan? Gusto ko nang tuldukan ang lahat para matapos na. Para hindi na rin natin kailangang mabuhay sa takot at pangamba," mariing giit ko sa kaniya.
Tatakbo kami at magtatago para isalba ang buhay. Tatakasan si Kamatayan dahil wala kaming maisip na paraan para maisahan. Nakakainis! Paulit-ulit na lang ang senaryong ito at wala nang bago. Gusto ko nang makalaya sa tila kadenang pumipigil sa akin na gawin ang mga gusto ko. Nakakapagod nang magtago sa dilim.
"May katapusan at hangganan din ang paghihimagsik ni Kamatayan. Kumapit ka lang mabuti dahil darating ang araw na magiging normal na ang lahat. Walang panganib. Kahit naman ang buhay natin sa labas ng bahay na ito ay magulo. Walang gaanong pagkakaiba kaya ang dapat lang nating gawin ay lumaban," dagdag na pagpapaliwanag niya.
Saglit akong tumahimik habang kumportableng pinakikiramdaman ang katawan ni Rhian. Naririnig ko ang mabibilis na pagtibok ng puso niya. Naiilang pa rin siya sa posisyon namin ngayon pero hindi ko siya binibitawan. Saka lang ako natauhan nang may marinig kaming boses sa labas.
"Buhay na hinahangad ng lahat, sino nga ba ang karapat-dapat? Lahat ay maaari niyong pagtaguan subalit mahahanap ko pa rin kayo. Muli kong bibilangin ang numero at sa pagkakataong ito, siguradong may mamamatay na naman sa inyo!"
Kaagad na napatayo si Rhian dahil sa narinig na mga boses. Nagpalinga-linga kami sa paligid at pilit na hinahanap kung saan iyon nanggaling. Wala pa siya rito sa gawin namin pero nasa malapit lang siya. Naririnig ko na naman ang tunog nang sumasayad niyang itak sa sahig. Tunog pa lang nito, alam ko na kung sino siya. Hindi na kailangan pang pag-isipan.
"Tang ina! Thymine, maghanda ka! Nasa paligid lang siya at minamatiyagan tayo. Kailangan nating umisip ng paraan. Siguradong hindi niya hahayaan na maging payapa at tahimik ang gabi natin. Mangugulo at papatay siya," natatarantang sambit ni Rhian.
Nagsisimula na namang kumabog ang dibdib ko at sa pagkakataong ito ay hindi ito pangkaraniwan. Pabilis nang pabilis at animo'y kakapusin ako ng hangin. Nahihirapan akong kontrolin ang matinding emosyon na nararamdaman ko ngayon. Ang takot na bumabalot sa buong sistema ko. Tang ina! Paano na?
"Isang gabi, lilipunin ko kayong lahat! Tutusukin ang dalawa niyong mga mata at magtitira ng tatlong daliri sa kanan niyong paa. Hindi na titibok ang apat na sulok ng inyong puso! Iniisip ko pa lang ay nasisiyahan na ako. Hindi na ako makapaghintay na gawin ito sa inyo. Takbo!" bulalas ni Kamatayan.
Mas lalong lumalakas ang tinig at nakakarinig kami ng pagkalampag. Bahagyang gumagalaw ang kisame nang sulyapan ko ito kaya mabilis akong kumapit kay Rhian. Hindi ko ito kayang tagalan. Nababaliw na ako. Ang nakalolokong tawa ni Kamatayan ay parang sirang plaka na paulit-ulit kong naririnig sa ulo ko. Tang ina! Kailan ba ito matatapos?
"Anong nangyayari? Huwag mong sabihin na sa kisame siya bababa? Rhian, lumabas na tayo! Ano mang sandali ay mabubutas na 'yan! Hindi ko na kaya. Mamamatay na yata ako sa sobrang kaba!" natatarantang sambit ko.
Nagsisimula nang mabaklas ang mga kahoy sa kisame kaya bahagya kaming napaatras at walang pagdadalawang-isip na binuksan ang pintuan. Pakiramdam ko ay sasabog na ang puso ko ngayon. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Nahihirapan na rin akong huminga. Nakakainis anman! Hindi talaga nakikisama ang katawan ko sa mga ganitong sitwasyon.
"T-Tang ina!" hindi makapaniwalang bulalas ko.
Tumambad sa harapan namin ang nakangising mukha ni Kamatayan kaya mabilis kong itinulak ang pinto subalit nasalag niya agad ito. Hindi ko na alam kung saan dapat tumakbo sa pagkakataong ito. Thymine, mag-isip kang mabuti! Ano ba? Hindi p'wedeng tumayo ka na lang diyan!
"Limang saksak ang matatamo bago tuluyang mawalan ng hininga rito sa mundo. Sino sa inyo ang gustong mauna? Hindi na ako makapaghintay pa. Kamatayan ay ipapataw ko na," nakangising sambit niya.
Pigil ang paghinga ko at nakatutok lang ang mga mata sa pagwasiwas niya ng itak papunta sa direksyon namin ni Rhian. Namalayan ko na lang na bumagsak ang katawan ko sa sahig at kasabay nito ang siya ring pagbagsak ng isang lalaki sa itaas ng kisame. Ito na nga ba ang sinasabi ko, nandito na siya!
"I-Imposible!" hindi makapaniwalang sambit ni Rhian na ngayon ay nakahiga rin gaya ko.
Tumambad sa aming harapan ang bangkay ni Milo na sa wari ko ay pinaulanan ng magkakasunod na saksak. Tumatagas pa ang masaganang dugo sa kaniyang tagiliran nang bumagsak sa sahig. Hindi ko na alam ang gagawin. Parang gusto ko na lang pumikit at isipin na walang karumal-dumal na nangyayari ngayon.
"Anim ang papatayin, isa ang palalayain. Sino ang karapat-dapat na handugan ng buhay na iinasam ng lahat? Sino ang makakalaya sa bahay ko?" nakangising sambit niya.
Bago pa man niya tuluyang maipatama sa amin ang itak ay may humampas sa likuran niya gamit ang makapal na kahoy. Sinamantala na namin ni Rhian ang pagkakatakot at mabilis na tumayo. Kailangan namin makalayo sa lalong madaling panahon. Hindi na kami ligtas dito.
"Thymine, bilisan niyo! Tumakbo na kayo palabas! Lilituhin ko siya para hindi kayo maabutan. Bilisan niyo. Takbo na! Huwag na kayong lumingon pa rito!" bulalas ni Yoola habang hindi mapakali sa labas ng silid.
Magkahawak-kamay kaming lumabas ni Rhian at bahagya pang sinipa ang nakahigang katawan ni Kamatayan. Dinuraan ko rin siya bago kami muling tumakbo at iligtas ang buhay. Makabawi man lang sa kaniya bago kami muling tumakbo at magtago.
"Pitong beses niyo man akong saktan, kayo pa rin ay tiyak na may paglalagyan. Tumakbo lang hanggang gusto niyo, ngunit hanggang saan kaya dadalhin ng mga paa niyo? Sa tingin niyo ba ay magagawa niyo akong matakasan?" singhal ni Kamatayan sa aming likuran.
Mas binilisan pa namin ang takbo at hindi na nagpaligoy-ligoy pa. Kailangan naming makahanap ng ligtas na mapagtataguan para makaligtas ngayong gabi. Hindi kami titigilan ni Kamatayan hangga't hindi namamatay. Patuloy niya kaming hahabulin kaya kailangan na maisahan namin siya.
"Saan tayo pupunta? Lahat ng pinupuntahan natin ay mararating din ni Kamatayan. Hindi naman p'wedeng tumakbo lang tayo," nababahalang sambit ni Yoola.
Matapos niyang batuhin ulit nang matigas na libro si Kamatayan ay kaagad siyang tumakbo papunta sa amin. Nagsisimula na ring tumakbo ang mga kasamahan namin papunta sa iba't ibang direksyon. Mas malaki ang tiyansa na may makakaligtas sa amin kung maghihiwalay-hiwalay.
"Hindi ko alam kung hanggang kailan siya hihiga roon. Mabilis lang siyang makakabawi kaya kailangan na nating magmadali. Magagawa niya tayong habulin at kapag nangyari iyon, hindi ko na alam kung paano natin siya matatakasan," nababahalang sabi ni Yoola.
Abala ako sa pagsulyap sa paligid dahil nagbabakasakali na may mahanap kuwarto na p'wede naming pagtaguan. Malawak ang bahay kayo imposibleng makita agad kami. Magkakaroon pa kami nang sapat na oras para makapag-isip ng plano para makatas. Ang bawat segundong lumilipas ngayon ay sobrang mahalaga at walang dapat na masayang.
"Nasa ikawalong bilang na siya. Kapag umabot 'yan ng sampu, katapusan na natin. Sa tingin ko rin ay ala-una na ng madaling-araw. Saglit na lang ang hihintayin natin at siguradong makakaligtas tayo. Kaunting pagtitiis na lang," bulalas ni Rhian.
Mabilis kaming lumiko sa malapit na pasilyo subalit dahil sa pagmamadali, hindi ko namalayan ang nakausling pako. Tinangka kong umiwas subalit nauntog ako sa pader at nagpagulong-gulong pababa sa hagdan. Tang ina! Kung minamalas ka nga naman talaga. Jusko, Thymine!
"Thymine!" sigaw ni Yoola at mabilis na bumaba ng hagdan para sundan ako.
Ilang hakbang pa lamang ang nagagawa ni Yoola subalit kaagad na nagpakita sa kanila si Kamatayan kaya mabilis na tumakbo ang dalawa papunta sa kabilang direksyon. Hindi na nila ako nagawang puntahan. Mas mabuti na rin ito para hindi sila masaktan ni Kamatayan ngayong gabi.
"Sige lang, iligtas niyo ang inyong sarili. Kaya ko na ito! Huwag na kayong mag-alala pa sa akin!" determinadong sambit ko
Nanlalabo na ang paningin ko at bahagyang sumasakit ang katawan dahil sa paggulong kanina sa hagdan. Nakita kong unti-unting lumalapit sa akin si Kamatayan subalit wala na akong sapat na lakas para makatayo at tumakbo. Hindi ko na kaya pa.
"Hahayaan ko na lang na ang kapalaran ang magdikta ng magiging kapalaran ko. Bahala na kung anong mangyayari sa akin," nanghihinang sambit ko bago ako tuluyang bumagsak sa sahig at magsara ang talukap ng mga mata.