Thymine
Sobrang bilis ng mga pangyayari at hindi ko inaasahan kung papaano ang gagawin. Nararamdaman ko si Kamatayan at sigurado akong hindi siya titigil hangga't hindi niya ako napapatay. Natatakot na ako. Hindi ko na alam kung hanggang kailan ba ako makakaligtas at makakaalis dito.
"Wala na ba siya? Wala na ba si Kamatayan? Ligtas na ba ako?" mahinang bulong ko sa isipan.
Wala akong anumang ideya kung papaano nawala ang matinding takot na nararamdaman ko. Basta ang alam ko lang ay niyayakap ako ni Rhian at pilit na pinapakalma. Sinusubukan niyang pawiin ang takot na nararamdaman ko dahil kay Kamatayan.
Gusto ko nang umuwi at bumalik sa dati kong buhay. 'Yond tipikal na estudyante na pumapasok sa paaralan tapos mamomroblema sa dami ng ipinapagawa. Gusto kong mabuhay nang normal. Ayoko na nang ganito. Habang tumatagal mas nag-aalangan na akong makakaligtas pa.
"Hanggang kailan ko ba kailangang magtiis at umasa na gigising ako isang araw na tapos na ang lahat? Wala na si Kamatayan. Walang panganib o kahit na anong banta sa buhay. Isang taong malaya sa lahat ng mga gusto niyang gawin sa buhay," muling bulong ko.
Hindi ko maiwasang isipin ang mga bagay na ito. Ilang beses na akong muntik mapahamak dahil kay Kamatayan. Sa tuwing nagtatagpo ang mga landas namin ay mas lalo akong natatakot. Hindi pa ako tuluyang makakaligtas hangga't nasa paligid lang siya.
"Mabuti pa si Rhian, kahit na saang sitwasyon siya mabuti ay hindi siya nagiging apektado. Nagagawa niya pa ring maging masaya at punong-puno ng pag-asa ang mga mata niya. Paano niya ba ito nagagawa? Saan siya kumukuha ng lakas?" mahinang tanong ko sa sarili habang pinagmamasdan siya.
Hindi alam ni Rhian na gising na ako sa mga oras na ito. Pilit ko lang na ipinipikit ang mga mata ko dahil hindi ko kayang tingnan ang paligid. Masyado itong payapa at masaya na siyang taliwas sa nararamdaman ko ngayon. Walang kasiguraduhan ang buhay ko kaya wala pa akong karapatan na maging masaya.
Kitang-kita ko ang saya sa mukha ni Rhian habang pinapaypayan niya ang hindi ko nakikilalang lalaki. Nagkakatuwaan silang dalawa habang naghihiwa ng karne ang lalaki. Masaya at parang walang iniisip na problema. Kailan ko kaya ito mararanasan na maging amsaya at hindi natatakot sa biglaang pagdating ni Kamatayan?
"Ano ka ba naman Milo, baka masugatan ka niyan sa ginagawa mo. Hindi na nga ako magsasalita dahil mukhang naiistorbo na yata kita. Huwag kang masyadong malikot dahil nahihirapan akong sundan ka para paypayan," sambit ni Rhian.
Sa halip na magreklamo ay mas pinili ni Milo na tingnan si Rhian at nagpakitang gilas pa rito sa paghihiwa. Parang sa tingin niya sobrang galing ng ginagawa niya ngayon. Hindi hamak na mas magaling pa magluto si Mama kumpara sa kaniya. Wala siyang binatbat doon pagdating sa kusina.
"Huwag ka sabing malikot, Milo. Ano ba, baka matalsikan ako ng mantika sa mukha. Mas lalo kang pinagpapawisan sa ginagawa mo. Huwag kang makulit, baka masugatan ka ng kutsilyo," nag-aalalang sabi ni Rhian habang pinapaypayan si Milo.
Hindi ko alam pero pakiramdam ko matagal na silang magkakilala. Mukhang mas malapit pa ang relasyon nilang dalawa kumpara sa amin ni Rhian. Ni minsan hindi siya tumawa nang ganiyan kapag kasama ako. Kung sabagay, sinasamahan niya lang naman ako para protektahan at iligtas.
"Sisiguraduhin kong mamamangha ka sa akin habang nagluluto ako. Mahusay ba akong maghiwa ng mga karne at gulay? Perpekto ang mga hiwa niyan at aakalain mong gawa ng propesyunal. Magaling ako, ano?" nagmamalaking tanong niya kay Rhian at mas binilisan pa ang ginagawang paghihiwa.
Inis ko silang tiningnan bago muling magtalukbong sa kumot. Hindi na lang nila ituon ang kanilang atensyon sa ginagawa, masyadong mahaharot. P'wede namang magluto nang tahimik at walang ginagawa ingay. Sana sa ibang kuwarto na lang sila pumunta kung magtatawanan lang.
"Ano ba, Milo? Masusugatan ka talaga niyan dahil sa ginagawa mo. Alam ko namang magaling ka na at hindi mo na kailangang ipagmalaki sa 'kin. Wala ka nang dapat pang patunayan dahil alam naman ng lahat kung gaano ka kagaling. Umayos ka nga, baka mapahamak ka pa sa pagpapakitang-gilas mo," nag-aalalang sabi sa kaniya ni Rhian.
Hindi ko naman alam na ganito pala mag-alala si Rhian. Ang buong akala ko ay sa akin lang siya ganito pero mukhang nagkamali ako. Bahagya pa niyang hinawakan ang kamao ni Milo bago tingnan sa mata na siyang tanda na pinapatigil niya ito sa ginagawa. Grabe, mukhang gustong-gusto pa ito ni Milo.
"Ikaw Rhian, nag-aalala ka pala sa akin? Ano bang gagawin mo kung sakaling masugatan ako? Tatakbuhin mo ba ang buong lugar para makakuha ng gamot? Kaya ka siguro nag-aalala kasi ayoko mo akong masaktan. Ang sarap naman sa pakiramdam niyan," nangiting sabi pa ni Milo at bahagyang hinawakan ang puso niya habang hawak ang kutsilyo.
Nakakainis! Sana matusok ang mata niya ng kutsilyong hawak niya ngayon. Hindi ba siya kinikilabutan sa mga sinasabi niya? Hindi niya ba napapansin na masyado na siyang maharot gayong lalaki siya? Mabuti sana kung may relasyon silang dalawa ni Rhian. Ang sakit nilang tingnan sa mata.
"Siyempre naman, nag-aalala ako sa iyo. Lahat ng mga taong malalapit sa akin ay pinahahalagahan ko at hindi ko hahayaan na masaktan. Kahit maliit na sukat lang 'yan, nakahanda akong tumakbo para humanap ng gamot. Kaya umayos ka, huwag mong hayaan na mag-alala ako sa iyo," pagpapaliwanag ni Rhian.
Maalalahanin pala talaga si Rhian? Grabe, akala ko ako lang ang inaalala at pinoprotektahan niya. Bakit ba kasi hindi ko naisip na may mga iba pa siyang kaibigan bukod sa akin? Kung malapit pala silang dalawa ni Milo, dapat doon na siya nakipagsiping at hindi sa akin. Halata namang talo na ako kay Milo kung ipagkukumpara kaming dalawa.
"Huwag nga kayong maglandian diyan. Milo, tapusin mo na ang ginagawa mo. Ang bagal niyong magsikilos. Anong oras na pero hindi pa natin natatapos ito. Malapit nang lumabas ang mga kasamahan natin kaya mamaya na ang harutan," pagrereklamo ng babaeng naghuhugas ng mga lagayan.
Bahagyang nagpigil ng tawa si Rhian at tinakpan pa ang kaniyang bibig para mapigilang bumungisngis. Hindi niya tuloy magawang paypayan si Milo na ngayon ay basa na ng pawis dahil sa katatawa. Ano bang problema nila? Bakit parang mas magkasundo sila?
"Sinabi ko naman kasi sa iyo, Milo. Ayan tuloy napapagalitan ka. Masyado ka sing maharot. Kung nakinig ka lang sana sa akin, hindi ka na niya mapapansin pa," bulalas ni Rhian pero halatang pinipigilan niya ang pagtawa.
Ano ba talagang problema nilang dalawa? Bakit sila tumatawa? Wala namang nakakatawa sa sinabi ng babae kanina. Nag-aalala lang ito dahil baka kapusin sila sa oras dahil sa ginagawa nina Milo at Rhian. May problema ba roon kaya sila natatawa?
"Glenda, bakit hindi mo na lang ipagpatuloy 'yang paghuhugas mo? Marami pang nakatambak na lalagyan diyan. Huwag mo na kaming problemahin pa. May sarili kang giangawa riyan kaya ayan ang pagtuunan mo ng pansin," mariing giit ni Milo.
Sa kuryosidad ko ay bahagya kong ibinaba ang kumot at sumilip sa ginagawa nila. Hindi ko mapigilang makaramdam ng inis kay Milo, masyadong malandi, kalalaking tao. Sobrang lapit niya kay Rhian at akala mo naman may relasyon silang dalawa. Hindi siya marunong lumugar.
"Kung 'yan ang gusto niyo, hindi ko na kayo guguluhin pa. Pero kapag kinapos tayo sa oras, kayong dalawa lang ang sisisihin namin. Isa pa, saglit lang itong ginagawa ko at hindi kailangang pagtuunan ng pansin. Hindi naman ito ang mismong kakainin natin mamaya," pagpapaliwanag pa ni Glenda.
Tumalikod na ulit ito at muling bumalik sa paghuhugas niya. Kahit na hindi siya humarap sa akin ay sigurado akong nabastos siya sa sinabi ni Milo. Gusto lang naman niyang maging mabilis ang ginagawang pagluluto pero parang siya pa ang nagmukhang masama.
"Huwag mong minamaliit 'yang ginagawa mo. Importante na maging malinis ang mga sasalinan natin ng pagkain mamaya. Hindi lang pagkain ang dapat na pinahahalagahan kung hindi pati na rin ang paglalagyan nito. Sana naiintindihan mo ang ipinupunto ko," pangangaral ni Milo.
Hindi na lamang umimik pa si Glenda sa sinabi ni mIlo. Mukhang wala na siyang balak pang palakihin ang kaunting pagtatalo kaya kahit siya ang nasa tama, mas pinili niyang manahimik na lang. Nakakainis din kasi ang ugali ni Milo, akala mo kung sinong mabait pero mapagpanggap lang naman.
"Rhian, p'wede bang bilisan mo ang pagpaypay? Sandali, huwag na lang pala. Hawakan mo na lang ang damit ko. Masyado kasing mainit dito sa kusina. Makakatulong yata kung tatanggalin ko ito," biglaang sabi ni Milo na siyang ikinagulat ko.
Unti-unti siyang nagtanggal ng pang-itaas na damit habang nang-aakit na tinitingnan si Rhian. Maraming nagtutuluang pawis sa maputi at maskuladong katawan ni Milo. Wala namang masama na magtanggal ito ng damit dahil mainit talaga sa kusina pero bakit ganoon siya makatingin kay Rhian? Ano bang problema niya?
"Bakit ka naghubad ng damit? Milo, ang dami mong alam sa buhay. Maghiwa ka ng mga karne. Kung ano na ang mga iniisip mo. Ang dami pa namang tao rito," naiinis na sambit ng lalaking nagbubukas ng kalan.
Nagpatuloy pa rin sa ginagawa niya si Milo na hindi na ito pinansin pa. KItang-kita ko kung papaano niya malagkit na tingnan si Rhian habang ginagawa niya ito. Inaakit niya ba si Rhian? Akala ko ba naiinitan lang siya kaya naisipan niyang maghubad ng damit? Ito ba talaga ang plano niya?
"Bahala ka nga riyan. Mukhang nagpapalakas ka kay Rhian kaya ginagawa mo ang bagay na 'yan. Kung 'yan ang gusto mo, hindi na kita guguluhin pa. Mukhang epetibo naman 'yan ginawa ko. Tingnan mo ang reaksyon ni Rhian," dagdag pa na sabi ng lalaki.
Sa sinabi niyang ito ay muling bumalik ang atensyon ko kay Rhian. Kitang-kita ko ang pagkatulala sa mukha niya at napako ang paningin niya sa maskuladong katawan ni Milo. Nabitawan pa niya ang hawak na pamaypay sa sobrang pagkabigla. Talaga bang si Rhian itong nasa harapan ko?
"Rhian, ano sa tingin mo? Maganda at maskulado ba ang katawan ko? Pinaghirapan ko iyan para kung sakaling maghubad ako, hindi ako mapapahiya. Rhian, ayos ka lang ba? Bakit parang hindi ka makapagsalita riyan?" nagtataka niyang tanong kay Rhian.
Talaga bang kailangan niya pa itong tanungin? Halata na naman ang sagot dito. Nagpapalakas ba talaga siya? Siguro may gusto siya kay Rhian kaya siya nagkakaganito. Ang usapan papaypayan lang siya habang nagluluto pero mukhang may ibang plano ito si Milo.
"Akala mo naman kung sinong guwapo. Tingin niya ba talaga may pag-asa silang makabuo ng relasyon ni Rhian? May pahubad-hubad pang nalalaman. Siya na ang may maskuladong katawan, pakialam ko sa kaniya," naiinis kong bulong sa sarili.
Hindi pa rin nagsasalita si Rhian at tila napako na ang atensyon niya kay Milo. Huwag niyang sabihin na nahuhulog na ang loob niya rito dahil lang sa maskuladong katawan? Hindi ba ako ang dapat niyang tinitingnan ngayon kung maayos na ba ang kalagayan ko? Ang galing naman, mukhang nakalimutan na niyang nandito rin ako.
Naiinis akong bumangon sa kama bago magsalita at humarap sa kanila. Hindi ko na kayang tiisin pa ito. Mukhang nagkakamabutihan na naman sila kaya ano pang ginagawa ko rito? Hindi naman na ako kailangan pa. May iba nang poprotektahan si Rhian at hindi na ako iyon.
"Mauuna na ako, Rhian. Maayos na ang pakiramdam ko, maraming salamat sa pag-aalala mo sa 'kin. Hindi ko makakalimutan lahat ng mga naitulong mo sa akin at kung kinakailangan na habang buhay akong magpasalamat ay gagawin ko. Aalis na ako," mariing giit ko sa kaniya.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa na pihitin ang pintuan para lumabas. Wala na akong pakialam kung mag-isa akong lalabas dahil hindi ko na kayang tiisin ang mga nangyayari rito. Wala naman silang pakialam sa akin dahil sino ba naman ako? Isang paslit na hindi marunong tumayo sa sariling paa.
Bigla namang bumalik sa sarili niya si Rhian matapos kong magsalita. "Thymine, mabuti naman at gising ka na. Sandali, hintayin mo ako. Huwag ka munang umalis. Teka lang, Milo. Sandali lang Thymine!" nagmamadaling sabi ni Rhian.
Akmang susundan niya ako subalit pinihit ko na agad ang pintuan para lumabas. Sinulyapan ko muna siya bago lumabas ng pintuan. Tama na siguro ang pagsasama naming dalawa. Ngayon lang pumasok sa isip ko na masyado kong kinukuha ang oras ni Rhian at nawawalan na siya para sa sarili niya.
"Mas mabuti nang ganito. Kung talagang may pagtingin siya kay Milo, sino ba naman ako para pigilan siya? Wala akong ibang ginawa kung hindi humingi ng tulong sa kaniya kaya tama na ang ganito. Thymine, ito ang pinakamagandang gawin," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Bago ako tuluyang lumabas sa silid ay nagawa ko pang magsalita. Kahit na sa huling pagkakataon ay kailangan kong ipakita na masaya ako para sa kanilang dalawa. Hindi ako apektado. Wala akong karapatan na maging apektado dahil tagapagtanggol ko lang si Rhian.
"Magpakasaya ka, Rhian. Hindi mo na ako kailangang intindihin pa. Kaya ko naman talagang protektahan ang sarili ko. Sarili mo muna at kasiyahan ang piliin mo sa ngayon. Ayos na hayaan mo akong mag-isa. Masaya ako para sa iyo," nakangiti kong sambit.
Isinira ko na ang pintuan at mabilis na nilisan ang silid. Malalaking yabag ang ginagawa ko habang tinatahak ang daan papunta sa unang palapag. Hindi ko na kailangan pa ng tulong niyo. Lalaki ako at kailangan kong kayanin ang lahat. Hindi na dapat ako pinoprotektahan pa.
"Ano naman kung ngumingiti si Rhian sa Milo na 'yon? Nakakainis silang tingnan. Hindi naman gano'n ka-maskulado ang katawan, maputi lang. Akala mo kung sinong guwapo. Nakakainis talaga. Bakit ba umiinit ang dugo ko sa tuwing naalala ko ang magkalapit nilang mukha? " naiinis kong sambit habang binabagtas ang hagdan.
Kung titigan niya si Rhian kanina, parang hinuhubaran na niya. Ang lagkit pa kung makatingin at may nalalaman pang kagat-labi. Ano siya, bata? Hindi bagay sa kaniya. Mas mabuting magluto na lang siya dahil do'n siya magaling, gaya ng sinasabi nila. Nakakainis! Bakit ba doon ako dinala ni Rhian?
"Kumalma ka nga, Thymine. Ano naman sa iyo kung masaya silang dalawa? Hindi ka naman talaga ganoon kalapit kay Rhian. Tandaan mo na ang tanging nagbubuklod sa inyong dalawa ay ang pagliligtas niya sa iyo mula sa kamay ni Kamatayan. 'Yon lang," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Nagpatuloy lang ako sa paglalakad habang pilit na kinakalimutan silang dalawa. Saglit akong napatigil sa pagbaba ng hagdan dahil ngayon lang pumasok sa isip ko ang lahat. Masyado akong maraming iniisip kaya nakalimutan ko ang bagay na ito.
"Sandali nga, bakit ba ako naiinis kung may ibang kasama si Rhian? Ano bang pakialam ko? Mas maganda nga ito na wala sa tabi ko si Rhian. Hindi kaya may gusto ako sa kaniya kaya ako nagkakaganito? Hindi, imposible 'yon. Pero hindi naman p'wedeng wala lang ito," naguguluhang sabi ko sa sarili ko.
Nakakainis naman! Hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Hindi naman ako ganito sa tuwing may ibang kasamang lalaki si Rhian dati. Wala akong pakialam kung saan o kung sino ang kasama niya. Magkaibigan lang naman kaming dalawa. 'Yon lang at wala nang iba.
"Malinaw naman na poprotektahan at ipagtatanggol ka lang niya. Ano ka ba naman, Thymine? Bakit bigla kang nalilito? Dahil ba nagsiping kayong dalawa? Isa lang iyong malaking pagkakamali. May gusto lang siyang patunayan kaya niya ginawa iyon. Hindi ka niya mahal, ano ba?" naiinis kong sabi sa sarili.
Mababaliw na ako sa mg iniisip ko ngayon. Bakit ba kasi kailangan ko pang makilala si Milo? Nakikita ko siya sa grupo pero hindi ko naman akalain an malapit sila ni Rhian sa isa't isa. Kung nalaman ko lang nang mas maaga, hindi na sana ako nagkakaganito. Nakakainis talaga!
Iniumpog ko na lang ang ulo ko sa hawakan ng hagdan. Mababaliw na talaga ako. "Ano ka ba, Thymine? Bakit ganiyan ka na mag-isip ngayon? Ayusin mo ang sarili mo, nakakahiya ka. Kailan ka pa naging naging ganito? Magkaibigan lang kayo ni Rhian kaya wala kang karapatan an mainis," naiinis kong sambit habang paulit-ulit na inuuntog ang ulo ko.
Kahit kailan ay hindi ako nakaramdam nang ganitong inis. Hindi ko na alam kung ano ba talagang nangyayari sa akin. Simula noong may mangyari sa pagitan namin ni Rhian, pakiramdam ko may nagbabago sa akin. Nag-iiba ang tingin ko sa kaniya at hindi naman dapat ito nangyayari.
"Umayos ka nga, Thymine. Huwag kang malilito dahil naging malinaw ang relasyon niyo. Magkaibigan lang kayo ni Rhian," muling pagkukumbinsi ko sa sarili.
Bahagya kong itinigil ang ginagawa ko nang may naramdaman akong presensiya sa hindi kalayuan. Nagsimulang bumilis ang pagkabog ng dibdib ko. Hindi ako p'wedeng magkamali, siguradong may naramdaman ako.
"Sino kayo 'yon?" kinakabahang sambit ko at mabilis na bumaba ng hagdan.
Tumatakbo na ako at ang tanging nasa isip ko ngayon ay makalayo sa lugar na kinalalagyan ko kanina. May nakita akong mga kasamahan na naglalakad kaya mas binilisan ko pa ang pagtakbo. Mas magiging ligtas ako kung sasama sa kanila dahil marami kami.
"Mga kasama! Hintayin niyo ako! Sandali lang, ako ito, si Thymine!" sigaw ko sa kanila.
Rinig na rinig ang pagtunog ng sahig na gawa sa kahoy dahil sa mga yabag ko. Hindi ko na rin naman ito alintana pa, ang mahalaga ay marating ko agad ang mga kasamahan ko. Kinakabahan ako dahil baka naglilibot si Kamatayan sa buong paligod at makita niya ako.
"S-Sandali lang naman. Huwag kayong magmadali!" muling sigaw ko.
Malapit ko na silang maabutan at kaunting distansiya na lang ang namamagitan sa amin. Ilang segundo rin ang lumipas bago nila tuluyang mapansin ang presensiya ko. Bahagya silang tumigil sa pagtakbo para hintayin ako. Mabuti na lang.
"Thymine, ikaw pala 'yan. Bakit ka ba tumatakbo?" nagtatakang tanong ng kasamahan kong lalaki.
Hindi kaagad ako nakasagot sa kaniya dahil siguradong tatakbo na naman sila kapag sinabi kong hinahabol ako ni Kamatayan. Hindi rin naman ako sigurado sa bagay na ito kay mas mabuting huwag ko na lamang sabihin pa. Bahala na.
Hinabol ko muna ang hininga ko bago magsalita. Ang bilis nila masyadong tumakbo. "Wala naman. Saan pala kayo patutungo? P'wede ba akong sumama sa inyo? Wala naman akong ibang gagawin," nakangiti kong tanong.
Mas mabuti na ito na kahit papaano ay may makakasama ako. Hindi ko na lang sasabihin ang dahilan kung bakit hindi ko kasama ngayon si Rhian. Ako lang din ang mahihirapang magpaliwanag.
"Papunta kami ngayon sa silid ng isinumpa. Kailangan naming kumuha ng mga damit para may magamit tayo mamaya," pagsagot niya sa akin.