Rhian
Ang kaninang nakakailang pero masayawang sitwasyon namin ni Thymine ay unti-unting nagbago. Hindi ko ito inaasahan na mangyayari dahil ang akala ko ay hindi siya lalabas ngayon. Tapos na ang oras ng paglabas niya kaya nagtataka ako kung bakit ko siya nararamdaman. Ngayon lang ito nangyari kaya bahagya rin akong nagulat.
"R-Rhian, anong gagawin ko? Natatakot ako sa kaniya. H-Hindi... ayoko pang mamatay," takot na takot niyang sabi at mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya.
Sobrang bilis ng mga naging pangyayari dahil kanina masigla pa siya at nagagawa akong asarin. Halatang kinatatakutan niya si Kamatayan at kahit na malayo pa ito ay ganito na ang epekto sa kaniya. Ilang beses na rin kasi siyang pinagtangkaang patayin kaya hindi na ako nagtataka pa.
"Kumalma ka muna. Akong bahala sa iyo. Si Rhian ako, hindi ba? Ipinanganak ako para protektahan at iligtas ka. Walang mangyayaring masama," pagpapakalmang sabi ko sa kaniya.
Siya ang mas naiipit sa sitwasyon namin ngayon dahil na rin sa sinabing paalala ni Trench kagabi. Hindi dahil nakaligtas kami kagabi at umaga na ngayon, walang kasiguraduhan na makakaligtas na siya. Kailangan pa rin naming mag-ingat sa mga posibleng mangyari ngayon.
Wala pa ring nagbabago sa paligid pero hindi ko na gaanong nararamdaman si Kamatayan. Mukhang sinabi niya lang ang bagay na iyon para takutin at ipaalala kay Thymine na hindi pa rin siya nawawala. Mabuti na nga lang din at hindi na siya nagpakita pa dahil siguradong hindi agad kami makakatakbo.
"Tumayo ka na riyan, Thymine. Malayo na tayo kay Kamatayan kaya ligtas ka na. Wala na siya at hindi ko na nararamdaman pa. Makakahinga ka na nang maluwag. Magtiwala ka sa akin dahil hindi kita niloloko," mariing sabi ko nang tuluyan kaming makalayo sa lugar iyon.
Hindi ko maiwasang mapatingin kay Thymine sa mga oras na ito. Takot na takot siya at halos hindi na malaman ang gagawin. Nawawala siya sa sarili na parang sa tingin niya ay nasa paligid pa rin si Kamatayan gayong nakalayo na naman kami. Naaawa ako sa kaniya. Sobrang laki ng epekto ni Kamatayan sa sitwasyon ngayon.
"K-Kamatayan? I-Ikaw ba 'yan? P-Pinuntahan mo ba ako para p-patayin?" kinakabahang tanong niya.
Hindi ko na siya kayang tingnan pa dahil parang dinudurog ang puso ko ngayon sa nakikita. Ako ang mas na nasasaktan sa nangyayari kay Thymine. Kung p'wede ko lang kunin lahat ng sakit at takot na nararamdaman niya ay ginawa ko na. Masyado na siyang maraming dinadala sa buhay. Hindi niya dapat ito nararanasan.
"Ako ito, si Rhian. Kakampi at kasama mo sa lahat. Tagapagtanggol mo. Hindi mo ba ako nakikilala? Ako 'yung parang pato kung maglakad kanina. Tawang-tawa ka pa nga sa akin," pagbibiro ko pang sabi sa kaniya.
Kung ito lang at tanging paraan para mapakalma siya, nakahanda akong magmukhang tanga para lang dito. Siguradong nasa tabi niya palagi ang mama niya noong nasa labas pa siya. Kailangan niya ng kalinga at pagmamahal sa mga ganitong sitwasyon pero malayo ang pamilya niya. Wala silang kaalam-alam sa nangyayari kay Thymine.
"Lumayo ka sa 'kin! Huwag kang lalapit. P-Pakiusap, huwag mo akong papatayin. Hindi pa ako handa. Ayoko na nang ganito kaya pakawalan niyo na ako!" natatakot na bulalas niya at bahagya pa akong itinutulak papalayo.
Niyakap ko na lang siya at sinusubukan kong pakalmahin. Alam kong hirap na hirap na siya pero wala naman akong ibang magagawa sa ngayon kung hindi ang tulungan siya. Wala pa akong naisasagawang perpektong plano para makatakas kami.
"Nasaan na ba si Mama? G-Gusto ko nang umuwi sa bahay. Ayoko na rito. Napapagod na akong tumakbo, magtago at paulit-ulit na iligtas ang sarili ko. A-Ayoko na..." naluluhang sabu niya sa balikat ko.
Nagpatuloy lang siya sa pag-iyak habang hinahaplos ko ang likod niya nang sa gayon ay kahit papaano gumaan ang loob niya. Kailangan niya ng makakapitan at nakahanda ako. Sa lahat ng mga pagdaraanan niya pa sa bahay na ito ay sisiguraduhin kong kasama niya ako. Hindi ko siya iiwanan na mag-isa.
"Magiging maayos din ang lahat. Magtiwala ka sa mga sinasabi ko dahil totoo ito. Hindi mo ito lalabanan nang mag-isa dahil sasamahan kita. Pangako 'yan, Thymine," paniniguradong sabi ko.
Bahagya na siyang tumigil sa pag-iyak at nanahimik. Sa tingin ko ay unti-unti na rin siyang kumakalma dahil sa ginawa ko. Mabuti na ito nang sa gayon ay makakapagpahinga na siya. Naubos ang lakas niya dahil sa sobrang takot kaya kailangan niya itong bawiin.
"Thymine, tama na ang pagluha mo. Hindi mo na kailangang matakot pa dahil ligtas na tayo sa kamay ni Kamatayan. Malayo sa panganib ang lugar na ito," paniniguradong sambit ko habang patuloy na hinahaplos ang kaniyang mukha.
Bihirang puntahan ni Kamatayan ang lugar na ito dahil hindi siya interesado at mas gugustuhin niya pang libutin ang buong bahay kaysa pumunta sa kusina. Ito ang isa sa pinakaayaw niyang lugar na puntahan kaya sigurado akong magiging ligtas kami rito. Walang gaanong panganib na naghihintay.
Nasa ikalawang palapag pa rin kami at ngayon ay kasalukuyang nakahiga sa kama. Nakatingin sa amin ang ilan sa mga nakatoka ngayon sa paghahanda ng pagkain. Ngayon ko lang din napansin ang oras at pasado alas-otso na ng umaga. Ilang oras na lang ay lalabas na ang mga kasamahan namin para kumain at maglibot.
"Rhian, kamusta na 'yang kaibigan mo? Parang takot na takot pa rin siya kahit na ligtas na kayo ngayon. Ngayon ko lang nakita na magkaganiyan ang isa sa mga kasamahan natin. Hindi ko tuloy maiwasang maawa sa sitwasyon niya," nag-aalalang sabi sa akin ni Milo.
Nginitian ko na lang siya at bahagyang tinapunan ng tingin. Hindi ko namalayan na nakatingin pala siya sa aming dalawa ni Thymine. Masyado na siguro akong maraming iniisip at kung minsan ay nawawalan ako ng pakialam sa paligid.
"Maayos na ang kalagayan ni Thymine. Ganito talaga ang nangyayari sa kaniya sa tuwing nararamdaman niya si Kamatayan. Takot na takot siya rito at mabilis siyang nawawalan ng lakas. Hayaan mo, babalik din siya mamaya sa dati at makakausap nang matino," paniniguradong sambit ko sa kaniya.
Si Milo ang nakakita sa aming dalawa ni Thymine noong muntik na kaming atakihin ni Kamatayan. Hindi siya nag-atubiling humingi ng saklolo sa kaniyang mga kasamahan nang mapansing walang malay si Thymine at nanghihina ako. Kung wala sigurong tulong na dumating, hindi ko na maisip kung anong masamang nangyari sa amin.
"Mabuti naman kung ganoon. Ang buong akala ko pa ay hindi siya kaagad kakalma pero nagkamali ako. Mukhang malapit talaga kayong dalawa sa isa't isa gaya nang nababalitaan ko. Ngayon ka lang din naging ganito kaprotektado sa isang tao," bulalas niya sa akin.
Hindi ko na pinansin pa ang huli sinabi niya at sa halip ay ngumiti ako nang matamis. Mas magandang huwag na siyang mag-alala pa dahil hindi na niya ito kailangang problemahin. Nakikita na naman ng lahat kung gaano ko protektahan si Thymine kaya wala na akong dapat na ipaliwanag pa sa kanila.
"Salamat nga pala, Milo. Kung hindi kayo dumating ay baka nahirapan kaming takasan si Kamatayan. Mabuti na lang at napadaan kayo sa gawing 'yon. Maraming salamat ulit sa ginawa niyong pagtulong sa amin," nakangiti kong sambit.
Alam kong nakita nila kanina ang reaksyon ko kaya madali nilang naintindihan na nasa malapit lang si Kamatayan. Nanginginig ang kaliwang braso ko kanina at tanda na nasa paligid lang si Kamatayan. Hindi ako makakilos nang maayos kanina kaya laking pasasalamat ko sa pagdating ng grupo ni Milo.
"Ano ka ba naman Rhian, hindi mo na kailangang magpasalamat sa amin. Batid ko na kung kami ang nasa kalagayan niyo, tutulungan mo kami. Isa pa, bakit naman hindi ka namin tutulungan? Ang dami mo na kayang nagawa sa grupo na lagi naming ipinagpapasalamat," nakangiti niyang sagot sa akin.
Wala namang kaso sa akin ang mga bagay na ginagawa ko para sa kanila. Alam ko naman na darating ang panahon na sila naman ang tutulong sa akin at tingnan mo nga naman ang pagkakataon, nangyari na. Hindi ko kailanman pagsisisihan lahat ng mga ginagawa kong pagtulong sa lahat.
"Siya nga pala, may ikinakaharap na problema sa suplay ng pagkain, hindi ba? Narinig ko ito kay Wince kahapon. Naayos na ba ito? Tayo ang mahihirapan kapag hindi kaagad ito nagawan ng paraan. Siguradong may magugutom sa atin," nagtatakang tanong ko sa kaniya.
Napapansin ko na rin ang mga kakaibang nangyayari sa bahay na ito na dati ay wala naman. Maayos ang bigayan ng suplay ng pagkain dati pero ngayon ay parang ginigipit kami. Sa pagkakantanda ko naman may mga namamatay sa kasamahan namin kaya nakapagtataka na wala pa ring dumarating ngayon.
"Ito na nga ang pinoproblema namin ngayon. Ilang araw na ang lumipas pero wala pa ring karagdagang suplay. Mababaliw na nga kami sa paghahati nito dahil kakarampot na lang ang natitira. Hindi ko alam kung ilan araw na lang ba ang itatagal nito," nababahalang paliwanag sa akin ni Milo.
Kasalukuyang nakatayo si Milo habang naghahanda ng mga putaheng lulutuin sa araw na 'to. Kahit na abala siya sa paghihiwa ng mga gulay at karne ay nagagawa niya pa ring sumulyap at kausapin ako. Kung sabagay, importante ang bagay na ito kaya dapat na masolusyonan agad.
"Ano bang ginagawa ng pinuno siya? Hindi ba siya ang dapat na ang-aasikaso ng lahat? Hindi biro ang bagay na ito. Baka sa gutom mamatay ang iba nating kasamahan at hindi sa kamay ni Kamatayan. Nasaan na ba si Trench ngayong kailangan siya ng grupo?" muling tanong ko sa kaniya at bahagya pa akong tumayo mulo sa pagkakaupo.
Dapat ay kasama na nila ito ngayon para ayusin ang problemang kinahaharap ng grupo. Siya ang mas nakakaalam kung kailan darating ang suplay ng pagkain. Hindi niya dapat ito hinahayaan na mangyari dahil sigurado akong maraming maaapektuhan.
"Hindi pa rin siya bumabalik sa silid. Wala nang ibang bumalik sa kuwarto kagabi kaya hindi namin alam kung saan siya hahanapin. Gusto na naming matapos ang problema sa pagkain pero wala kaming ideya kung kailan ito darating," mahinang sabi niya.
Dahan-dahan akong tumingila sa itaas ng kisame at nagbabakasakaling makaisip ng posibleng maging paraan. Hindi ito dapat na magtagal. Ayokong isipin na may balak si Kamatayan na patayin kami sa gutom kaya ginigipit kami ngayon. Hindi ito patas gayong nagpapakahirap kaming makaligtas mula sa kamay niya.
"Siya nga pala, maayos na ba ang pakiramdam mo? Nakatulong sana ang nilagay naming maligamgam na tubig sa kaselanan mo. Mahapdi pa rin ba? Sabihin mo lang kung masakit para matulungan ka namin," nag-aalala niyang tanong sa akin.
Bahagya kong inayos ang pagkakatayo ko at sinuot ang tsinelas. Tumayo ako at nakangiti silang tiningnan. Maayos na sana ang lahat pero ipinaalala pa nila ang sakit sa kaselanan ko. Hindi ko na nga ito gaanong iniinda nang sa gayon ay hindi na sila mag-alala pa. Masyado nang maraming nangyayari.
"Maayos na ang pakiramdam ko. Hindi na siya gaanong mahapdi kaya maayos na akong nakakakilos. Ano bang maitutulong ko sa inyo? Kailangan njyo pa ba nang magluluto? Sabihin niyo lang," nakangiti kong tanong at sinimulang maglakad papunta sa kanila.
Ang isa ay naghuhugas ng mga plastik na lalagyan habang ang isa naman ay sinisindihan ang kalan. Ang dalawa pa nilang kasamahan ay abala sa paglilinis ng mga gulay at karne na kaagad nilang binibigay kay Milo para hiwain.
"Ang dami niyong ginagawa pero hindi halata sa mga mukha niyo ang pagod. Kakailanganin niyo ng tulong ko kaya huwag na kayong mahiyang magsabi. Kakain din naman ako mamaya kaya dapat na tumulong ako sa paghahanda," pangangatuwiran ko pa.
Maliit lang ang espasyo sa loob pero sapat na ito para sa paghahanda ng pagkain, Hanggang pito o walong tao lang din naman ang pumapasok dito kaya hindi sila gaanong nahihirapan gumalaw. Sayang nga lang dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatago sa silid na ito. Nilalagyan ng kandado sa labas tuwing gabi nang sa gayon ay walang ibang makapasok.
"Hindi mo na kami kailangang tulungan pa. Magpahinga ka na lang sa tabi ng kaibigan mo. Kaya na namin ang trabahong 'to, hindi mo na kailangang mag-abala pa. Hindi ka pa gaanong nakababawi ng lakas kaya umupo ka na lang," nakangiting sambit sa akin ni Milo.
Akmang sasamaan ko siya ng tingin pero kaagad niya akong pinigilan. Isa si Milo sa madalas kong nakakausap dahil hindi siya mahirap pakisamahan. Kilala niya akong matigas ang ulo at talagang nagpupumilit kaya hindi pa man ako nakakapagreklamo ay tumutol na siya.
"Huwag mo nang tangkain pa, Rhian. Hindi ka namin hahayaan na tumulong dito dahil mahina pa ang katawan mo. Humiga ka na at magpahinga roon. Hindi rin naman ikaw ang nakatoka sa paghahanda ng pagkain kaya ipaubaya mo na sa amin ang lahat," pagpapaliwanag niya sa akin.
Maayos ang mga gamit sa silid na ito at halatang palaging nililinis. Maganda rin ang pagkakasalansan ng mga gamit sa kusina kaya hindi magulong tingnan at masakit sa mata. Isa itong kusina sa maituturing na maayos na silid sa buong bahay. Ito ang mas inaalagaan dahil dito inihahanda ang pagkain.
"Bakit nga pala may kama kayo rito sa kusina? Nagtataka lang ako dahil wala namang kama rito sa tuwing ako ang nakatoka sa paghahanda ng pagkain. Ngayon ko lang ito napansin sa loob ng kusina. Sino bang may-ari nito?" nagtatakang sambit ko kay Milo.
Siya lang ang napili kong kausapin dahil abala sa kanilang mga ginagawa ang iba pa niyang kasamahan. Si Milo lang ang nag-aabalang kausapin ako kaya nasa pagluluto ang atensyon niya. Ayoko rin namang manahimik na lang sa isang tabi dahil naiilang ako.
"Dito kasi madalas natutulog si Karen. Itinatayo niya lang ang kama sa tuwing iba ang nakatoka sa paghahanda ng pagkain. 'Yan siguro ang dahilan kaya't hindi mo napapansin sa tuwing nagpupunta ka rito. Malinsi naman 'yan kaya huwag kang mag-alala," nakangiti paliwanag sa akin ni Milo.
Muli nitong pinagpatuloy ang paghihiwa sa mga karne. Hindi ko alam kung bakit ang guwapo niya tingnan habang naghihiwa. May iilang butil ng pawis ang tumutulo sa kaniyang tainga, pababa sa kaniyang leeg. Ano ba naman itong iniisip mo, Rhian? Tumigil ka nga.
"Rhian, huwag mo nga akong titigan nang ganiyan. Hindi ako makapagpokus sa ginagawa kong paghihiwa. Alam ko namang guwapo ako, hindi mo na ako kailangang titigan pa. Sige ka, baka bigla ka an lang mahuling at mahulog sa akin," natatawa at pabiro niya pang sambit.
Halos mamula ako sa sinabi niya dahil hindi ko rin inaasahan ang ginawa ko. Bigla akong nakaramdam ng kahihiyan sa mga pinaggagawa ko. Hindi ko naman kasalanan na titigan si Milo dahil nakakaakit talaga siyang tignan habang naghihiwa. Marami rin sa mga kasamahan namin ang nadadala sa karisma niya.
May katangkaran din ito at maputi ang balat. Katamtaman lang ang katawan subalit hindi ito naging hadlang para masira ang taglay niyang natatanging wangis. Marunong pa siyang magluto na talagang nakakadagdag sa kagwapuhan niya. Ano ba naman ito, bakit ko ba siay pinagmamasdan?
"Hoy, hindi kaya kita tinitingnan. Masyado kang bilib sa sarili mo. Kung ayaw mo akong patulungin sa paghahanda ng pagkain, bahala kayo. Masipag pa naman ako. Mas mabilis sana kayong matatapos kung kasama ako," mariing giit ko at akmang babalik na sa kama nang tawagin ako ni Milo.
Agad akong lumingon sa kaniya at ipinakita ang matamis kong ngiti. Mukhang balak na niya akong patulungin sa ginagawa nila. Mabuti na 'yon dahil nakakatamad kung hihiga lang ako sa kama. Hindi ako sanay sa ganito.
"Nakapagdesisyon ka na ba? P'wede naman akong tumulong sa inyo kahit hindi ako ang nakatoka. Alam niyo rin na masarap akong magluto kaya wala kayong magiging problema. Makabawi man lang ako sa ginawa niyong pagtulong sa akin," mariing giit ko.
Mabilis akong lumapit sa kinaroroonan nila para tumulong pero kaagad ding nawala ang ngiti sa labi ko nang muli na naman nilang buksan ang tungkol sa nananakit kong kaselanan. Nakakainis! Ang buong akala ko pa naman ay nakalimutan na nila ito at hindi na itatanong pa.
"Bakit ba nananakit 'yang kaselanan mo kanina? Saka saan ba kayo nanggaling ni Thymine? Hindi kaya bumalik kagabi sa kuwarto kaya siguradong may iba kayong pinagtaguan. Tama ako, hindi ba? Magkuwento ka naman, Rhian," mabilis na sabi ni Milo.
Bahagya akong tumalikod para bumalik sa kama. Wala akong balak na sagutin ang itinatanong nila dahil siguradong ako lang ang maiipit. Marami silang itatanong na tipong kailangan ko pang sabihin kung ano ang eksaktong mangyari. Kailanman ay wala akong ibang pagsasabihan ng dahilan ko kung bakit ako nakipagsiping kay Thymine.
"Nawalan na ako ng gana. Mukhang hindi niyo na naman kailangan pa ng tulong ko kaya magpapahinga na lang ako rito sa kama. Gisingin niyo na lang ako kapag tapos na kayo sa pagluluto. Sabay na tayong bumalik sa silid," mariing giit ko at akmang hihiga na sa kama nang muling tawagin ni Milo.
Bahagya ko siyang sinamaan ng tingin at wala akong pakialam kung magalit siya. Alam naman niyang ayaw kong pag-usapan ang bagay na iyon pero inungkat na naman niya. Balak ko na itong kalimutan sa ngayong pero palagi niyang ipinaaalala sa akin. Nakakainis siya!
"Ang dali mo namang magtampo, Rhian. Sige na, hindi ko na tatanungin pa kung anong nangyari sa inyong dalawa ni Thymine kagabi. Pero lumapit ka muna sa akin, kailangan ko ng tulong mo ngayon," bulalas niya.
Saglit ko siyang tiningnan bago tumayo at unti-unting lumapit sa kinatatayuan niya. Subukan niya lang talagang magtanong pa tungkol sa bagay na 'yon at talagang makakatikim siya sa akin. Kahit siya pa ang tumulong sa amin ay wala na akong pakialam.
"P'wede mo ba akong paypayan? Masyado kasing mainit ang singaw dito sa silid. Pawis na ako at baka biglang umalat ang karne dahil sa pawis ko. Hindi niyo naman gustong kumain nang maalat, hindi ba? Baka matuluan," pagbibirong sambit niya sa akin bago iabot ang isang pamaypay.
Nagtatalo ang isipan ko kung dapat ko ba 'yong kunin pero mukhang wala naman akong pamimilian. Nakakadala kasi ang mga ngiti niya at sinamahan pa ng singkit niyang mga mata. Saka mabuti na rin ito kaysa naman umalat ang ulam namin dahil sa pawis niya.
Basa na rin ang kaniyang suot na sando at para na siyang naliligo sa sariling pawis. Wala naman sigurong mawawala kung tutulungan ko siya.
Kinuha ko na ang pamaypay na inaabot niya bago magsalita. "Pasalamat ka at mabait ako. Nakakaawa ka kasi kaya tutulungan na kita. Wala itong ibig sabihin," nakangiti kong sambit sa kaniya bago siya tuluyang paypayan.