Thymine
Isa itong pagkakataon kung saan iba ang kasama kong maglibot sa halip na si Rhian. Wala rin akong ideya kung ligtas ba s apupuntahan namin pero wala na naman akong ibang pamimilian pa. Mas malaki ang tiyansang mapahamak ako kung ako lang ang mag-isang maglilibot.
"Mas mabuti na ang ganito na iba ang kasamahan ko ngayon nang sa gayon ay dumami ang mga p'wede kong kausapin. Masyado akong naging malapit kay Rhian at hindi ko namamalayang malayo ang loob ko sa kanila," mahinang bulong ko sa sarili.
Naniniwala ako na kung mas marami akong kaibigan, mas malaki ang tiyansa ko na makaligtas sa kamay ni Kamatayan. Maraming tutulong sa akin at hindi ako hahayaan na mapahamak. Gano'n ang kadalasang ginagawa ng mga magkakaibigan kaya ito ang panghahawakan ko sa ngayon.
"Hindi mo masusubukan kung hanggang saan ang kaya ko kung patuloy akong aasa sa tulong ni Rhian. Ito na ang tamang panahon para ipakita ko sa lahat na kaya kong tumayo sa sariling paa. Makakaya ko ito," pagpapalakas ng loob na sabi ko sa sarili.
Kasalukuyan na naming tinatahak ngayon ang tahimik na mga pasilyo. Ngayon din ay paroroon kami sa sinasabi nilang silid ng isinumpa. Ngayon ko lang narinig ito at sa pagkakatanda ko ay hindi pa namin ito napupuntahan noong nilibot namin ang buong bahay. Silid ng isinumpa? Anong klaseng silid iyon?
"Ligtas naman sa silid ng isinumpa. hindi ba? Ngayon ko lang kasi ito narinig. Wala rin akong ideya na doon pala kayo kumukuha ng damit na isinusuot namin. Wala naman si Kamatayan sa lugar na iyon, tama ba? paninigurado kong tanong sa kanila.
Maganda nang maging malinaw sa simula pa lang. Wala akong anumang ideya sa kung anong kapahamakan ang naghihintay sa akin sa silid na iyon. Hindi rin naman nila gugustuhin na makita akong nawawala sa sarili dahil sa presensya ni Kamatayan.
Bahagyang tumigil ang isang lalaki at tinapik niya ang balikat ko. "Ano ka ba, Thymine. Magiging ligtas tayo sa lugar na iyon. Huwag ka lang lumayo sa amin kahit na anong mangyari at walang magiging problema. Alam namin kung saan tayo p'wedeng magtago kung sakaling sumugod si Kamatayan," pagpapaliwanag niya sa akin.
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sinabi niya. Wala rin naman akong balak na umalis o lumayo sa kanila dahil alam kong ikapapahamak ko iyon. Hindi pa ako masyadong pamilyar sa lugar na ito at marami pang sikreto ang hindi ko nalalaman.
"Bakit pala tahimik pa rin dito kahit umaga na? Nasaan na ba ang iba nating kasamahan at tila tayo lang ang naglilibot? Hindi ba sila lalabas ng silid ngayon? Buhay pa naman sila, 'no? Marami pa kayo noong umalis kami ni Rhian," nagtatakang tanong ko sa kanila.
Ano ba naman itong iniisip ko? Marami naman mga ibang posibilidad kaya hindi namin sila kasama ngayon. Bakit ba tinanong ko pa kung buhay pa sila? Parang masamang kasamahan tuloy ako ngayon na may itinatagong sama ng loob. Nakakainis ka, Thymine!
"P-Pasensya na, hindi ganoon ang ibig kong sabihin. Nagtataka lang talaga ako na hindi natin sila kasama ngayon. P-P'wede niyo namang huwag na lang pansinin ang sinabi ko," naiilang na paliwanag ko sa kanila.
Nakakahiya! Parang gusto ko na lang tumakbo palayo dahil sa kahihiyan na ginawa ko. Kung bakit ba naman kasi walang preno ang bibig ko. Jusko naman, Thymine! Hindi mo na mababawi ang mga sinabi mo/
Bahagya naman akong nginitian ng babae naming kasama. Nangunguna ito sa paglalakad subalit binagalan niya para masabayan ako sa paglalakad. Hindi maiwasang kabahan dahil baka sigawan niya ako pero kaagad namang nawala iyon nang magsalita ang babae.
"Thymine, hindi ka na dapat nagtataka kung wala sila rito. Karamihan sa mga kasamahan natin at natutulog pa ngayon sa silid. Mamaya pa sila lalabas pagkatapos kumain ng agahan at maayos ang sarili. Huwag mo na muna silang isipin pa," pagpapaliwanag niya sa akin.
Sa sinabi niyang 'yon ay hindi ko napigilan ang sarili ko na tingnan siya. Kaunting distansya lang naman ang pagitan namin kaya't madali kong masusulyapan ang mukha niya. Nakikita ko na siya noon sa silid pero hindi ko gaanong nakakausap nang ganito.
"Hindi ko talaga sinasadya ang paraan ng pagkakasabi ko kanina. Hindi ako nagalit sa inyo noong nagkaisa kayo na palabasin ako sa silid dahil ako ang nakatakdang patayin ni Kamatayan. Salamat din dahil kahit na ganito, isinama niyo pa rin ako sa pglilibot," nahihiyang paliwanag ko.
Ito rin ang ipinagtataka ko kanina dahil ang akala ko noon ay hindi nila ako papansinin. Hindi sila titigil sa pagtakbo dahil ako ang nakatakdang patayin ni Kamatayan. Ayaw nilang madamay sa kamalasan ng kapalaran ko pero mukhang nagkamali ako sa bagay na iyom.
"Ano ka ba naman, Thymine. Tigilan mo na ang pag-iisip nang kung ano dahil kasamahan ka pa rin namin kahit na anong mangyari. At isa pa, nagawa mong makaligtas sa kamay ni Kamatayan kagabi kaya bilib kami sa iyo. Natakasan mo ang sarili mong kamatayan," nakangiti niyang sabi sa akin.
Hindi ko maiwasang mapaawang ang labi dahil sa sinabi niya. Nararamdaman kong mabait siya sa akin. Habang patuloy kaming naglalakad ay hindi mawala ang ngiti sa labi ko. Ang sarap pala talaga sa pakiramdam nang may nakakaintindi sa sitwasyon mo. Hindi nila ako iniwasan kahit na sinusundan ako ng panganib.
"Siya nga pala, paano mo nga pala nalaman ang pangalan ko? Sa pagkakatanda ko kasi, hindi pa ako nagpapakilala sa inyo. Hindi ko nga rin alam kung anong mga ngalan niyo. Hindi pa tayo pormal na nakakapagpakilala sa isa't isa," nagtatakang sabi ko sa kanila.
Hindi naman kasi dapat ako sasama kung wala akong naramdaman na presensiya sa paligid kanina. Hindi ko nga madalas kausapin ang mga kasama ko ngayon kaya wala akong ideya kung dapat silang pagkatiwalaan. Kahit na mukha silang mababait, kailangan ko pa ring maging maingat.
"A-Ang pangalan mo ba? Hindi na iyon mahalaga. Sikat ka sa mga kasamahan natin dahil lagi kayong magkasama ni Rhian. Wala kang ideya na kilala ka ng lahat kahit na hindi ka pa nagpapakilala sa amin. Huwag mo nang intindihin pa ang bagay na iyon," muling paliwanag niya at hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi niya.
Hindi ko maiwasang magtaka sa ikinikilos niya. Alam ko na hindi ko dapat siya pagdudahan pero hindi ko ito maiwasang. Tama siay, wala akong anumang ideya kung gaano ako kakilala sa grupo. Maaaring ang iba sa kanila ay may mga masamang balak gawin sa akin. Hindi ko tuloy siya maiwasang tingnan nang diretso ngayon.
"Alam ko ang ganiyang tingin, Thymine. Hindi mo kailangang mag-alala dahil hindi ka namin ipapahamak. Pinangangalagaan ka ni Rhian, mapapahamak kami kung sakaling saktan ka. Nakita mo naman siguro kung gaano kami kabahan noong hindi ka niya makita, hindi ba?" nakangiting bulalas niya sa akin.
Ganito ba ang iniisip nila sa tuwing kasama ako? Natatakot sila na may mangyaring masama sa akin dahil siguradong malalagot sila. Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay masaya at ligtas ako ngayon. Ibig sabihin lang nito ay magiging ligtas ako basta may kasama akong isa sa kanila.
"S-Sino nga ulit ang kinatatakutan niyo? Kung bakit kailangan niyo akong protektahan at huwag hayaan na may mangyaring masama. Siguradong pasasalamatan ko siya at tatanawin na malaking utang na loob ang lahat. Hindi naman ako 'yong tipo ng tao na kailangan ng tulong kaya magpapasalamat ako," hindi makapaniwalang sabi ko.
Hindi ko alam na may ganito pa lang tao na handang gawin ang lahat para iligtas ako. Kahit takutin pa niya ang mga kasamahan namin ay ginawa niya para lang hindi ako mapahamak. Ang sarap lang sa pakiramdam na hindi ako nag-iisa sa bahay na ito.
"Seryoso ka ba sa itinatanong mo na 'yan, Thymine? Talaga bang hindi mo siya kilala o nagpapanggap ka lang? Hindi mo kilala si Rhian? Lagi kaya kayong magkasama at ikaw ang bukambibig niya. Huwag mo nga akong lokohin," natatawa pa niyang sabi.
Ang buong akala ko ay kahit panandalian, magagawa kong hindi isipin si Rhian pero mukhang nagkamali na naman ako. Sa halip na mapangiti ay nakaramdam ako ng inis dahil sa sinabi niya. Kailangan ba talagang bukambibig nila si Rhian sa bawat sulok ng bahay na 'to? Sino ba siya para pag-usapan?
"Bakit ganiyan ang mukha mo? Nag-away na naman ba kayo ni Rhian? Napansin ko kasi nag-iba bigla ang timpla ng mukha mo noong sinabi ko ang pangalan niya. Tama ba ako nang pagkakaintindi sa sitwasyon niyang dalawa ngayon? Maayos lang ba ang kalagayan mo?" nag-aalalang tanong niya.
Ganoon na ba kahalata ang ikinikilos ko? Alam kaagad niya na may nangyayari sa pagitan namin ni Rhian ngayon kahit na wala naman akong sinasabi. Nakakainis talaga! Mukhang kahit na anong gawin ko ay hindi ko na ito matatakasan pa. Parang nakatali na ang buhay ko kay Rhian. Nakakainis na buhay naman ito.
"P-Paano mo naman nalaman ang bagay na iyan? Nakita mo ba kaming pumasok sa kusina? Doon niya kasi ako dinala noong mawalan ako ng malay. Doon mo ba kami nakita?" nagtataka kong tanong sa kaniya.
Posible itong naiisip ko dahil wala akong malay noong dalhin nila sa kusina. Hindi ko alam kung sino ang mga nakakita sa amin. Wala rin akong ideya sa kung anong nangyari noong mga sandaling iyon. Ang tanging natatandaan ko lang ay ang nakangiting mukha nina Rhian at Milo. Talagang nakakasira ito ng ulo.
"Hindi na kailangang tanungin pa iyan. Halata naman na nag-away kayo. Hindi ka sana nag-iisang naglalakad sa bahay ni Kamatayan kung magkasundo pa kayo ni Rhian. Hindi ka rin namin dapat kasama ngayon sa paglilibot. Nakukuha mo naman ang punto ko, hindi ba?" pagpapaliwanag niya pa sa akin.
Hindi ko na lamang pinansin pa ang mga sinabi niya at mas binilisan ko na lang ang paglalakad ko na parang walang narinig. Mas lalo lang akong naiinis kapag pinag-uusapan si Rhian. Magsama sila noong Milo na akala mo kung sinong guwapo. Hindi ba p'wedeng kalimutan na lang namin siya?
"Wala na akong pakialam sa kanila kahit magsiping sila ngayon. Mukha namang may gusto talaga sila sa isa't isa. Magpakasaya sila hangga't gusto nila. Wala na akong pakialam. Nakakainis!" mahinang bulalas ko na sapat lang para marinig ng babaeng kausap ko.
Hindi ako makapag-isip nang maayos sa tuwing sumasagi silang dalawa sa isipan ko. Pakiramdam ko ay nawawalan ako ng gana na siyang ipinagtataka ko. Wala naman akong kinalaman sa kanila kaya bakit ba sobra akong naaapektuhan?
"Thymine, saan ka pupunta? Naririto na tayo sa silid ng isinumpa. Hindi mo na siguro namalayan dahil nilalamon ka ng matinding inis. Kumalma ka na muna riyan. Sige, hindi na namin itatanong pa kung anong nangyari," mariing giit ng babaeng kausap ko.
Masyado na pala akong halata sa ikinikilos ko. Mas lalo nilang malalaman kung patuloy akong mapapakita ng kakaibang kilos. Baka pati sila ay malito sa nararamdaman ko. Tama na itong ako lang ang nababaliw habang iniisip ang problema ko. Hindi na ako mandadamay pa ng iba.
"Pasensya na. Iniisip ko kasi kung anong masarap kainin mamayang tanghalian. Kayo ba, hindi pa kayo nagugutom? Malapit na silang matapos magluto kanina noong umalis ako sa kusina. Kayo ba, hindi niyo iniisip kung anong kakainin natin?" nagtatakang tanong ko sa kanila.
Tumawa na lang ang mga kasamahan dahil sa sinabi ko. Ang isa sa kanila ay pinihit na ang pintuan habang ang isa naman ay lumapit sa akin bago ako tapikin sa likuran. Ano bang nangyayari? May mali ba akong sinabi? Gusto ko lang namang ibahin ang usapan.
"Thymine, hindi ka pa ba nasasanay? Ito na ang ikalimang araw mo rito sa bahay ni Kamatayan. Hindi ka naman nagkaroon ng pagkakataong mamili ng kakainin, 'di ba? Bakit pa kami mag-iisip ng uulamin kung hindi naman makakapili? Kung ano ang inihanda, 'yon na," kaswal na paliwanag niya sa akin.
Saglit akong napaisip kaya hindi ko maiwasang alalahanin ang mga pagkain na kinain ko sa huling apat na araw. Sa pagkakatanda ko, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong pumili ng pagkain na gusto ko. Saka iisang putahe lang din ang nakita kong niluluto nila kanina. Bakit ba ito pa ang naisip kong itanong?
"Tama ako, 'di ba? Napaghahalataan ka na talaga, Thymine. Halika na nga sa loob at kumuha na tayo ng mga damit para makaalis na. Magmadali na tayo dahil siguradong ilang sandali na lang ay magigising na ang mga kasamahan natin. Huwag mo na siyang isipin pa," natatawang sambit ng babaeng kausap ko kanina.
Nakakainis naman! Ano ba naman 'tong pinaggagawa ko? Pahamak kasi 'yang si Milo, kalalaking tao ang landi. Kung hindi siya naging maharot kanina, hindi sana ako nababaliw nang ganito. Kasalanan niya ang lahat at walang ibang dapat na sisihin kung 'di siya lang.
"Huwag niyo na lang intindihin ang sinabi ko. Kuhanin na natin ang mga damit na kailangan para makaalis na tayo. Baka kung sino pa ang makasalubong natin sa labas kapag hindi tayo nagmadali. Hindi pa naman ligtas dito," pag-iiba ko ng usapan at ako na mismo ang pumasok sa loob ng silid.
Palaisipan pa rin sa isipan ko kung bakit ito tinatawag na silid ng isinumpa. Normal lang naman ang loob at wala akong napapansing kakaiba. Nakapagtataka naman na ganito ang itinawag sa silid. Iisipin tuloy ng iba na delikado sa loob at hindi na sila mangangahas na pumasok.
"Pumupunta kaya rito si Kamatayan tuwing umaga? Magiging ligtas kaya ang panandaliang pananatili namin sa lugar na ito?" mahinang tanong ko sa sarili.
Hindi ko maiwasang isipin ang mga ganitong bagay. Baka naman kasi may malalim na dahilan kung bakit isinumpa ang tawag sa silid na ito. Ayokong isipin pero parang may nararamdaman akong kakaiba pagpasok ko. Hindi ako makakampante na lang. Kailangan kong mas maging maingat.
"Huwag niyong masyadong hawakan ang mga gamit dito sa loob. Karamihan dito ay antigo at kapag nasira niyo, mananagot tayo kay Kamatayan. Kunin niyo lang ang mga kailangan. Nagkakaintindihan ba tayo? Mas maging maingat tayong lahat," paalala sa amin ng kasamahan naming lalaki na sa tingin ko ay lider ng grupo.
Tumango na lamang ako at ipinagpatuloy ang paglilibot sa paligid. Naghahanap din ako ng rason kung anong kakaiba sa silid na 'to. Maaaring may mahahanap akong makapagtuturo sa lahat ng misteryo.
"Pakinggan mo si Klian. Kailangan nating sundin ang mga sinasabi niya dahil gaya ni Trench, matagal na rin siya rito. Marami na rin siyang alam sa buong lugar kaya maasahan natin siya," bulong sa akin ng babaeng kausap ko kanina.
Bahagya naman akong natigilan dahil sa sinabi niya. Ang buong akala ko ay sila Trench, Rhian at Wince lang ang matagal na sa lugar na ito pero mayroon pa palang iba. Ngayon ko lang din narinig ang pangalan ni Klian. Mukhang mas magiging interesado ito.
"Dito ka na lang muna, kukuha na kami ng mga gagamitin nating damit mamaya. Mag-iingat ka. Huwag kang basta hahawak ng anumang bagay. Sige na, maiiwan muna kita rito," pagpapaalam sa akin ng babae.
Hindi ko na lang siya pinansin at nagpalinga-linga sa paligid. Abala naman sila Klian sa pagkuha ng mga nakaimbak na damit sa mga aparador. Lumipas ang ilang minuto pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong nakikita na bagay na makatutulong sa amin para malabanan si Kamatayan.
"Wala naman pala akong mapapala sa pagpunta ko rito. Mas mabuti siguro kung tulungan ko na lang sila sa pagkuha ng mga damit para mas mabilis kaming makaalis. Saka na lang ako maghahanap ng ibang bagay," bulong ko sa sarili ko.
Akmang lalapit na ako sa kanila nang may biglang pumukaw sa atensyon ko. May nakaipit na papel sa gilid ng isang aparador malapit sa bintana. Hindi ako p'wedeng magkamali sa nakita ko. Sigurado akong papel iyon. Ano kayang nilalaman no'n?
"Ano 'yon? Hindi ko naman malalaman kung titingnan ko lang. Sandali nga, wala naman sigurong masamang mangyayari kung kukunin ko iyon. Tama, maaaring may importante itong nilalaman," pagkukumbinsi ko sa sarili ko.
Sinulyapan ko muna ang mga kasamahan ko at napansin kong abala pa sila sa pagkuha ng mga damit. Nagpagpasyahan kong lapitan at pulutin ang papel na aking nakita. Kailangan kong malaman kung akong nilalaman no'n.
Unti-unti akong naglakad papalapit dito at kaagad na pinulot. Hinipan ko muna ito dahil napapalibutan ng alikabok. Saan kaya ito nanggaling at bakit ito napunta rito? Wala talagang mangyayari kung titingnan ko lang. Papel lang ito kaya wala namang masama kung pinulot ko.
"Sandali, bakit parang nakita ko na ito? Saan ko nga ba ito unang nakita? Bakit kalahati lang, nasaan na ang karugtong? Ano ba 'yan, nasaan kaya ang kasama nitong papel? Bahala na nga, ito na lang muna ang pagtutuunan ko ng pansin," mariing giit ko.
Nagtatalo ang isipan ko kung bubuksan ba ito subalit hindi kalaunan ay napagpasyahan kong basahin na. Wala namang masama kung babasahin ko. Ako lang din ang nandito kaya walang ibang makakaalam.
"Kung ikaw ay nakapasok sa bahay ni Kamatayan, may paraan para makalabas ka ng hindi niya nalalaman."
Bakit parang ang lalim magsalita ng taong sumulat sa papel na hawak ko ngayon? Posible kaya na ang taong ito ay dating nasa loob ng bahay ni Kamatayan at ngayon ay nakalabas na? Tinutulungan niya ba kami?
Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba dahil sa nabasa ko. Akmang ipagpapatuloy ko na ito nang may bigla akong nasikong banga sa aparador na kaagad na bumagsak at nabasag sa sahig.
"P-Patay! Anong gagawin ko?" nangangatal kong sambit habang tinitingnan ang nabasag na banga.
Sa takot ko ay panandalian kong binitawan ang papel na binabasa at kaagad na kumuha ng walis at pandakot para sa nabasag na banga. Kailangang maging malinis ito at walang ibang makaalam sa nangyari.
"Jusko naman, Thymine! Bakit ba hindi ka nag-iingat? Paano ka naging ganito kapabaya? Nakakainis naman!" naiinis kong sabi sa sarili.
Nanginginig ang tuhod ko at hindi alam kung anong gagawin. Sakto namang nakita ako ng mga kasamahan ko at hindi sila makapaniwala sa nakikita. Tang ina! Siguradong malalagot ako nito ngayon. Ilang beses nila akong pinaalalahanan pero may nabasag pa rin ako.
"Thymine, bakit mo binasag 'yang banga?" natatarantang tanong ni Klian.
Sa tono ng pananalita nito ay hindi ko maiwasang makaramdam ng matinding kaba. Nagpipigil siya ng galit pero kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagkataranta at matinding takot. Talaga bang mahala ang banga na nabasag ko? Jusko, Thymine!
"Kailangan na nating umalis agad. Nasisiguro kong papunta na rito si Kamatayan. Hindi niya magugustuhan ang nangyari. Siguradong babalikan ka niya, Thymine," natatarantang sabi ng babaeng kausap ko kanina at mabilis na hinatak ang kamay ko para tumakbo papalayo.
Walang tigil sa malakas na pagtibok ang puso ko dahil sa sinabi nila. Hindi ko maintindihan ngunit kinakabahan na ako dahil paparating na si Kamatayan. Ako ang may kasalanan kung bakit ito nangyayari. Ako ang tumawag sa kaniya.
Rhian, nasaan ka na ba? Tulungan mo ako.