Wince
Hindi ito ang unang beses na may pinagtalunan kaming malaking bagay ni Rhian. Kilala ko siya na matatag ang loob at hindi nagpapatalo kahit na anong mangyari. Ang buong akala ko pa naman ay gagawin niya ang lahat para lang pigilan ako sa pagpapaalis ko sa kanilang dalawa ni Thymine. Bakit basta na lang siyang umalis?
"Wala pa ring bumabalik sa mga lumabas ng kuwartong ito. Hindi kaya napahamak na sila o naging biktima ni Kamatayan? Ayokong isipin ang mga posibleng mangyari pero hindi ko maiwasan," nabahahalang sabi ni Dahlia.
Tama siya, wala na muling kumatok sa pintuan sa buong magdamag. Nag-aalala ako sa naging kalagayan nina Rhian at Trench pero sigurado akong gagawin nila ang lahat para makaligtas. Hindi sila basta magpapapatay kay Kamatayan. Ligtas sila, 'yan ang alam ko at tanging panghahawakan ko.
"Kahit na nainis ako sa kanila, hindi ko pa rin maiwasang mag-aalala dahil baka may masamang nangyari sa kanila. Siguradong uusigin ako ng konsensya ko kapag nakita ko ang malamig na bangkay nila. Kinakabahan ako habang iniisip ang bagay na 'yon," dagdag pa ng isa kong kasamahan.
Nakakainis naman. Para kasalanan ko tuloy ang lahat kung bakit nangyayari ang bagay na ito. Ako ang naging dahilan kaya lumabas sila ng silid at maaaring napahamak. Kung bakit ba naman kasi ako nagpadala sa inis na nararamdaman ko. Hindi sana ito mangyayari kung mas naging kalmado ako.
"Huwag nga kayong magsalita nang ganiyan. Alam kong makakaligtas sila. Hindi ko naman ito gagawin kung alam kung mapapahamak sila. Malakas ang tatlong iyon kaya huwag niyo na silang alalahanin pa," pambabasag ko sa pag-aalala nila.
Kami ang mas mahihirapan kung iisipin pa namin ang mga bagay na ito. Mas kailangan naming pagtuunan ng pansin ngayon ang bagong umaga na dumating. Panibagong mga pagsubok at hamon ang kailangan naming pagdaanan ngayong araw. Panibagong kalbaryo. Panibagong kapahamakan na naman.
"Magiging maayos pa rin ba ang lahat sa atin? Nakaligtas tayo ngayon kaya magagawa pa rin natin ito mamaya, hindi ba? Ilang araw na akong narito sa bahay ni Kamatayan pero wala pa rin akong nakikitang pag-asa na makakaalis tayo sa impyernong lugar na ito," nanghihinang sabi pa ng kasamahan ko.
Sumisikat na ang araw subalit nananatili pa rin kaming nasa loob ng silid at nagtatago. Tahimik at walang nais bumasag ng katahimikan. Nakakapanibago ang ganitong sitwasyon. Madalas ay maingay sila at pinag-uusapan ang mga kung ano-anong bagay. Ngayon ay natatakot sila sa magiging kapalaran.
"Ano ba kayo? Huwag kayong panghinaan ng loob dahil makakaligtas pa rin tayo. Lagi natin itong ginagawa at lagi natin itong gagawin hanggang sa tuluyan na tayong makalabas at makaligtas. Hindi pa tapos ang laban natin kay Kamatayan kaya dapat malakas pa rin tayo," pagkukumbinsi ko sa kanila.
Hindi ako sanay na walang ingay na naririnig. Walang mga bangayan at nagkakasundo ang mga kasamahan ko. Masyado silang nanghihina ngayon. Wala namang bago sa lugar na ito at kahit na anong gawin namin ay tiyak na hahabulin pa rin kami ng bagsik ni Kamatayan. Ito lang ang tanging paraan na makakapitan namin sa ngayon.
"Hindi mo kami masisisi na natatakot ngayon. Ikaw lang ang may kakayahan na magtanggol sa amin kay Kamatayan. Wala sina Rhian at Trench dito. Ikaw lang ang inaasahan namin kaya hindi namin maiwasang mabahala. Paano kung sumugod si Kamatayan kahit umaga? Anong gagawin natin?" magkakasunod na tanong ni Dahlia.
Ito ba ang dahilan kung bakit parang mas kinakabahan sila ngayon? Natatakot sila na baka hindi ko kayaning mag-isa si Kamatayan? Kung sabagay, ngayon lang nangyari ang bagay na ito dahil madalas kasama ko si Rhian o si Trench na namamahala sa buong grupo. May tiwala naman ako sa sarili ko. Makakaya namin itong malampasan.
"Guys, kaunting paghihintay na lang at nasisiguro kong p'wede na ulit tayong lumabas ng silid at maglibot-libot. Kakayanin natin ito. Magagawa nating posible ang mga imposibleng bagay. Mas marami tayo kaya mahihirapan si Kamatayan kung sakaling may papatayin siya sa atin. May mga lalaki rin tayong kasama," sambit ko sa kanila.
Nagsitanguan lang sila at muling bumalik sa pagtitig sa kawalan. Hindi ko na sila pinansin pa at naglakad-lakad na lang. Kung ayaw nilang magsalita ay wala na akong magagawa. Ang mahalaga ay nasabi ko na ang gusto kong sabihin. Kailangan lang namin mas maging malakas ngayon.
Sa ngayon, ang tumatakbo sa isipan ko ay sila Trench, Rhian at Thymine. Hindi pa rin sila bumabalik sa silid. Nagbubukang-liwayway na pero walang bakas nila. Kung naging biktima sila ni Kamatayan ay siguradong may makakarinig sa amin pero tahimik pa rin ang buong lugar hanggang ngayon.
"Sa tingin ko, hindi naman na kailangang sumunod ni Rhian kay Thymine dahil hindi naman sila magkaano-ano. Mapapahamak lang siya dahil siguradong ang lalaking 'yon ang papatayin o napatay na ni Kamatayan. Sana hinayaan mo na lang sila ritong dalawa, Wince. Hindi naman siguro malalaman na nandito tayo," biglaang bulalas ng isa naming kasamahan sa akin.
Nagulat naman ako sa sinabi nito. Hindi ko alam kung ano bang dapat kong sabihin sa kanila. Ako ang nagpaalis kaya siguro mas maganda na panindigan ko na lang ito nang sa gayon ay hindi masira ang tiwala nila sa akin. Tama, ganito na lang. Hindi naman siguro magagalit nang malala sa akin si Rhian.
"Sa tingin niyo ba, maaawa ako sa kanilang dalawa? Kahit na atakihin pa sila ni Kamatayan, wala akong pakialam. Hindi dapat natin sila kasama sa iisang kuwarto kung isa sa kanila ang nakatakdang patayin. Mapapahamak lang tayo," mariing paliwanag ko sa kanila.
Kahit na nag-aalala ako sa kalagayan nila, hindi dapat ako pabago-bago ng isip sa mga kasamahan namin. Kailangan nilang magtiwala sa akin dahil siguradong magkakagulo ang lahat. Kailangan ng isang panandaliang namumuno sa isang grupo para mapanatili ang kaayusan nito.
Sa inis ko ay agad akong lumapit sa isa naming kasamahan. Nakatulala lang ito na parang may iniisip na mahalagang bagay.
"Kamusta? Bakit hindi ka natutulog gaya ng iba? Kailangan mong magpahinga para magkaroon ka ng sapat na lakas para takasan si Kamatayan. Hindi tayo p'wedeng maging pabaya ngayon. Mahalaga ang bawat isa sa bilang natin kaya ingatan mo ang katawan mo," pangagaral ko rito.
Karamihan sa mga kasamahan ko ay natutulog at tanging lima na lang kaming nananatiling gising. Sanay na ang katawan ko sa kaunting tulog kaya hindi ako madaling dalawin ng antok. Sa ganitong paraan ko sila poprotektahan. Alam kong umaga na pero hindi pa maituturing na ligtas kami. Marami pang p'wedeng mangyari.
"Kailangan kong maging alisto. Kailangang gising ako kung sakaling magtungo rito si Kamatayan. Hindi p'wedeng magpabaya na lang ako dahil ayoko pang mamatay. Hindi naman sa wala akong tiwala sa inyo pero mas mabuting mas maging maingat," nababahalang sabi nito.
Napangiti na lang ako sa tinuran niya. Kung sabagay, mas mabuting handa sakaling bigla kaming bulagain ni Kamatayan.
"Ano ka ba, kaya nga ako mananatiling gising para bantayan kayo. Ako ang nagsisilbi niyong tagapagbantay. Ala-sais pa lang, matulog ka muna," nakangiti kong sambit sa kaniya.
Sa pagkakatanda ko, kasabayan siya ni Thymine sa pagdating sa bahay na 'to. Kung ipaghahambing sila, parang mas matagal na sa bahay na 'to si Thymine sa tabas ng dila. Hindi ako halos makapaniwala nang sagutin nito si Trench. Ang buong akala ko pa ay nananaginip lang ako. Nakakagulat siya.
"Wince, mauna na muna kami. Kailangan na naming magpunta sa kusina para maghanda ng agahan. Pagkakasyahin pa natin ang mga pagkain. Wala pa rin tayong sapat na imbak ngayon kaya kailangang magtipid. Ikaw na muna ang bahala rito," pagpapaalam ng isa kong kasamahan.
Sa sinabi niyang ito ay doon ko naalala na isa ito sa importanteng pagtuunan ng pansin. Hindi dahil nababawasan kami at may mga namamatay ay ibig sabihin din nito na darami ang pagkain. Madalas ay hindi ito sumasapat kaya nahihirapan kaming pagkasyahin.
"Mga ilang araw pa kaya ang itatagal nito? Hindi ko na rin alam kung may mga alternatibo pa bang mga paraan para masolusyonan ito. Pasensya na kayo dahil wala akong ideya sa perpektong plano para rito. May tiwala ako sa inyo kaya kayo na muna ang bahala." pagsagot ko sa kanila.
Napaisip na lang ako dahil ikaapat na araw na subalit wala pa ring hilaw na pagkain na dumarating sa bahay na 'to. Wala pa ring bagong saltang mga tao, nakakapagtaka na. Dati, sa ganitong araw ay maayos na ang lahat. May nangyayari na ba? May tumutugis na sa kanila?
"Posible kayang matutuldukan na ang lahat kaya nangyayari ang bagay na ito? Hinahanap na ba ng mga awtoridad kaming nawawala? Posible bang nangyayati na iyon?" nagtataka kong bulong sa sarili ko.
Ayokong umasa dahil wala pa namang kasiguraduhan kung totoo ang bagay na ito. Maaaring naiisip ko lang ang posibleng rason kung bakit parang may mali ngayon dito sa bahay ni Kamatayan. Hindi ito kailanman nangyari kaya naninibago ako at hindi maiwasang mag-isip ng kung ano.
"Nasaan na ba si Trench? Kailangan na naming pag-usapan ang problemang kinakaharap namin ngayon. Nauubos na ang nakaimbak naming pagkain at hindi magtatagal ay magugutom kami. Hindi ko na alam ang gagawin. Nakakakainis naman!" naiinis kong muling bulong sa sarili.
Sa akin napupunta ang responsibilidad na dapat ay kay Trench. Katiwala niya lang ako at siya ang mas nakakaalam ng lahat. Hindi ko pa kayang mamuno mag-isa kaya dapat bumalik na siya sa lalong madaling panahon. Ako ang naiipit sa sitwasyon namin ngayon.
"Kailan ka ba babalik dito, Trench? Hindi ko na alam kung magagawa ko pang matagalan ang lahat. Huwag ka namang ganiyan. Ang hirap mangapa sa dilim at hindi pa ako sigurado kung may nakahanda bang liwanag para sa akin. Bakit mo ba ginagawa sa akin ito? Alam mo namang hindi pa ako handa," muli kong bulong at sa pagkakataong ito ay bahagya ko pang kinagat ang pang-ibabang labi.
Mabilis namang lumapit sa akin ang lalaking kausap ko kanina at kahit na hindi niya sabihin, nararamdaman kong pagod na siya. Bakit ba kasi hindi na lang siya magpahinga at ipagkatiwala sa akin ang lahat? Hindi ko naman siya hahayaang mapahamak.
"Wince, hindi ko na kayang pigilan pa. Matutulog muna ako sandali. Ikaw na munang magbantay sa amin. May tiwala sa iyo, Pasensya ka na kung hindi ako makakatulong," nahihiyang sambit niya at halata na ang pagkaantok.
Hindi rin nakayanan ng kausap ko ang labis na antok kaya kaagad itong pumunta sa upuan niya pagkatapos itong sabihin para magpahinga. Nagpalinga-linga rin ako sa paligid at napansin kong tulog pa sila. Ito na ang nakakabinging katahimikan. Ako na lang ang nag-iisang gising
Umalis na rin ang mga gising kanina dahil sila pala ang nakatokang maghanda ng pagkain ngayong araw. Wala na rin naman akong gaanong gagawin kaya napagpasyahan kong lumabas na muna ng silid. Wala namang mangyayaring masama sa kanila kahit na iwanan ko kahit sandali.
Tahimik pa ang palapag kaya hindi ako gaanong nawawala sa konsentrasyon. Nakakalma ang isipan ko sa mga pagkakataong ito. Pakiramdam ko ay wala akong ibang inaalala. Walang mga problema at payapa ang lahat. Kung p'wede lang na ganito ang sitwasyon bawat minutong dumaraan.
Nasa ikatlong palapag kami ngayon kaya napagpasyahan ko munang pumasok sa palikuran para umiihi. Pinihit ko na ang pintuan para pumasok at mabuti na lang ay walang gumagawa ng milagro sa mga oras na ito. Madalas akong nagugulat sa lugar na ito dahil ilang beses na rin akong may nahuling mga umuungol at nagpapakasaya.
"Mabuti na lang at walang nakaisip na magtago rito. Maagang masisira ang araw kung nagkataon," mahinang bulalas ko matapos makapasok sa loob.
Matapos gumamit ng palikuran ay napagpasyahan kong bumaba sa ikalawang palapag. Kitang-kita ko ang sinag ng araw na tumatagos sa dingding ng hagdanan. Panibagong araw na naman sa mga taong nasa labas, habang kami ay nakikipagpatintero kay Kamatayan. Nakakainggit. Kung sana lang ay p'wedeng bumalik ang lahat sa dati.
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaunting sakit at lungkot. Mabuti na lang at naiwaksi ko agad ito sa isipan ko. Kailangan kong tatagan ang loob dahil hindi ako p'wedeng magpakita ng anumang kahinaan sa kanila. Kailangan kong maging matatag. Mapaninindigan ko ito.
"Hanggang kailan kaya kami magtitiis at iisipin na magiging maayos din ang lahat? Hindi ko maiwasang isipin na sobrang daya ng tadhana. Bakit naman kasi kami ang mga napili na magdusa sa lugar na ito? Anong kasalanan ang nagawa namin sa buhay?" biglaang bulalas ko habang naglalakad sa mga tahimik na pasilyo.
Kung titingnang mabuti, aakalain mo na isa talagang abandonadong bahay ang lugar na ito dahil sa mga nakakalat na sirang gamit. Walang mag-iisip na pugad ito ni Kamatayan at kapahamakan lang ang dala nito sa amin.
"Ano ka ba naman, Wince. Umayos ka nga. Hindi ito ang oras para sa mga bagay na iyan. Kailangan mong gawin ang lahat ng paraan para maging matapang. Ikaw ang inaasahan nila. Huwag mo silang bibiguin," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Tuluyan na nga akong nakababa ng ikalawang palapag at agad akong napasulyap sa kuwarto ng milagro. Usap-usapan ito sa buong bahay dahil lahat ng pumapasok dito ay gumagawa ng milagro, kagustuhan man nila o hindi. Hindi ko alam kung may katotohanan ba ito o haka-haka lang,
"Ano kayang mayroon sa silid na 'yan? Bakit tinatawag itong kuwarto ng milagro? Masarap bang matulog diyan? Hay, ano ka ba naman, Wince? Kung ano-ano na lang ang pumapasok sa isipan mo. Pero teka nga, totoo ba talaga ang mga sinasabi nila?" nagtataka kong tanong sa sarili ko.
Mababaliw ako sa ginagawa ko ngayon. Hindi ko alam kung bakit ba nito ko naisipang dumaan. Namalayan ko na lang na dito ako dinala ng mga paa ko. Nakakainis naman. Kung ano pa tuloy ang pumapasok sa isipan ko ngayon.
Agad kong binuksan ng isang pintuan nang mapansin kong bahagyang bumubukas ang pintuan ng milagro. Iniharang ko ang pintuan para hindi ako makita ng kung sino mang lalabas sa silid na 'yon. Nagulat ako rito at hindi ako kaagad na nakabawi. Totoo ba ang nakikita ko? May lumabas sa kuwartong iyon?
Nakarinig na ako ng mga yabag at halos magulantang ako sa narinig. Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig. Hindi ko inaasahan ang mga naririnig ko ngayon. Nawawala ang pagkainosente ko dahil sa kanila. Nakakainis naman!
"Kamusta na 'yan? Kumikirot pa rin ba? Hayaan mo, hahanap ako ng mainit na tubig para maibsan ang sakit. Huwag kang mag-alala dahil hindi ko hahayaan na masaktan ka pa. Kaya mo pa bang maglakad? Ako na lang ang kukuha, " nag-aalalang sambit ng isang lalaki.
Halos pigil ang paghinga ko dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kung sakaling mabisto nila ako. Pamilyar ang boses ng lalaki pero hindi ko maproseso nang maayos ang lahat. Pakiramdam ko ay may ideya ako sa pinag-uusapan nila o sadyang marumi lang talaga ang utak ko.
"Medyo kumikirot pa rin. Bakit ba kasi ang laki niyan? Ang tagal tuloy maghilom ng sugat dahil sa pinsalang binigay mo. Kung umulos ka pa kagabi, para kang isang tigreng nagwawala. Tingnan mo tuloy ang nangyari sa akin," pagrereklamo pa ng isang babae.
Sa sobrang pagkagulat ay agad kong naitulak ang pintuan at hindi ko sinasadyang matapilok kaya't nahuli nila ako. Halos hindi ako makahinga dahil sa nangyari. Hindi ko magawang mai-angat ang katawan ko dahil sa sobrang kahihiyan.
"Wince? Anong ginagawa mo rito?" hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Rhian.
Tama ako, si Rhian nga ang babaeng nagsasalita kanina. Agad kong sinulyapan ang kasama niyang lalaki na ngayon ay halos mamula na sa kahihiyan. Hindi ako makahinga. Totoo ba itong nakikita ko? Hindi, hindi ko kayang paniwalaan. Hindi ito maproseso ng utak ko.
"Inuulit ko, anong ginagawa mo rito? Wince, bakit nagtatago ka riyan sa gilid? Sinusundan mo ba kami?" pag-uulit ni Rhian at sa puntong ito ay may inis na sa kaniyang tinig.
Nakakahiya! Pakiramdam ko ay isang malaking kasalanan ang pagtatago ko para hindi nila makita. Bakit ba naman kasi sa lugar na ito pa ako dumaan? Hindi sana ito mangyayari kung nanahimik na lang ako sa loob ng silid. P'wede bang ibalik ang oras?
"K-Kayo, anong ginawa niyo sa silid na 'yan? Rhian, bakit nakabuka 'yang mga hita mo? Anong malaki ang nakapinsala at kumikirot 'yan? T-Totoo ba ang mga narinig ko? R-Rhian," hindi makapaniwalang tanong ko.
Gumawa ba sila ng milagro kagabi? Kaya ba hindi sila nakabalik sa silid dahil may iba silang pinagkakaabalahan? Hindi ako makapaniwala. Posible ba na mangyari ang bagay na ito? Alam kong malapit sila sa isa't isa at laging pinagtatanggol ni Rhian si Thymine pero hindi sumagi sa isipan ko na darating sila sa puntong ito. Talaga bang may nangyari sa kanila?
"B-Bakit hindi kayo sumasagot? Tama ba ang pagkakaintindi ko? R-Rhian, totoo ba? Nanggaling kayo ni Thymine sa kuwarto ng milagro at doon kayo nagpalipas ng gabi?" muling tanong ko sa kanila.
May nangyari sa pagitan nina Rhian at Thymine. Bakit ang hirap nitong paniwalaan? Baka naman pinagsamantalahan siya ni Thymine? Tama. Kahit na matapang si Rhian ay babae pa rin siya at nanghihina pagdating sa kama. Pero hindi, mukha naman siyang masaya ngayon. Mababaliw na ako sa kaiisip!
"Wala ka nang pakialam pa kung ano man ang nangyari sa amin. Thymine, halika na at hahanap pa tayo ng mainit na tubig. Hayaan mo na siya. Siya rin naman ang dahilan kung bakit kailangan nating pagdaanan ito," sambit ni Rhian bago hatakin si Thymine.
A-Ano? Bakit parang kasalanan ko ang lahat? Mga katawan nila 'yan kaya dapat mas naging maingat at nagpigil sila. P'wede naman silang bumalik sa kuwarto pero ito ang mas napili nilang gawin. Marami ring kuwarto sa bahay na ito na p'wede nilang pagtaguan. Ano ba naman 'yan Rhian, bakit bigla kang naging marupok?
"Ikaw lang ang dapat na sisihin, Wince. Kung hindi ka nag-eskandalo, hindi mangyayari ito. Sisihin mo ang sarili mo. DIyan ka na," diretsong sabi ni Thymine.
Paika-ikang naglalakad si Rhian at sa tuwing mawawalan ng balanse ay agad siyang inaalalayan ni Thymine. Totoo nga ang lahat. May nangyaring kababalaghan at hindi ko ito kaagad mapaniwalaan. Naging kasalanan ko pa kung bakit nangyari 'yon sa kanila. Juskong buhay naman ito, nakababaliw!
"Seryoso ba itong nakikita ko? Sina Rhian at Thymine ay nanggaling sa kuwarto ng milagro? Anong ginawa nila roon? Nakakasira ng utak! Mababaliw ako sa kanilang dalawa," hindi makapaniwalang sabi ko bago sampalin ang sarili ko.
Kailangan kong ipagbigay-alam ito sa mga kasamahan namin. Hindi na birhen si Rhian, naisiping na siya ni Thymine. Sigurado akong hindi rin sila maniniwala sa balitang ito. Kailangan ko nang magmadali.