Rhian
Hindi ko maintindihan kung ano bang nangyayari sa kaniya o kung bakit niya ako pinigilan. Wala namang kasiguraduhan kung mapapahamak ba kami sa nilalaman ng liham na 'yon. Kaunti pa lang ang nababasa ko pero hindi ko na natuloy pa. Nakakainis talaga! Nanghihinayang ako sa mga posible naming malaman tungkol kay Kamatayan.
"Masaya ka na ba? Panalo ka. Hindi na tayo mapapahamak dahil sa liham. Hindi na rin natin malalaman kung may posible bang kahinaan si Kamatayan. Ang galing!" sarkastikong sabi ko at bahagya pang pumalakpak.
Hindi ko matanggap na basta na lang mawawala ang isang bagay na maaaring makatulong sa amin. Ang buong akala ko ay tinatakot niya lang ako pero hindi sumagi sa isapan ko na itatapon niya talaga ang papel. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa kaniya.
"Ginawa ko lang iyon para sa kaligtasan natin. Anong malay natin na biglang lumabas si Kamatayan habang binabasa natin ang liham na iyon? Ano na lang ang mangayyari sa atin? May mga mamamatay na naman," mariing giit niya sa akin.
Naiintindihan ko ang ipinupunto niya pero masyado na itong hindi makatotohanan. Hawak na naman ang baraha na makakapagpahina sa kalaban pero hinayaan niya lang itong mawala. Hindi niya man lamang inisip ang mga kasamhan niyang umaasa sa liham na iyon.
"Tama na. Sumasakit lang ang ulo ko sa tuwing iniisip ang bagay na 'yan. Naitapon mo na kaya ano pa bang magagawa ko? Wala na ang liham kaya kahit sisihin pa kita riyan, wala na akong mapapala," bulalas ko habang pinipigilan ang pagkuyom ng kamao.
Naiinis akong umupo sa silya at ipinakita ko pa na labag sa loob ko ang ginawa ni Wince. Kung wala pala siyang balak na basahin, sana hindi na niya ibinigay sa akin ang liham. Hindi ko na mapigilang mainis kay Wince. May pagkakataon na kami para malaman kung anong kahinaan ang tungkol kay Kamatayan pero sinayang niya.
Nakakainis! Hindi siya nag-iisip! Ako ang nanghihinayang sa nangyari. Ang tanga niya!
"Rhian, kumalma ka muna. Palipasin mo muna ang galit mo. Sigurado ako na makukuha ulit natin ang papel. Magtiwala ka. Nandito lang sa bahay na ito napunta ang liham kaya sigurado akong magagawa natin itong makuha pabalik," pagpapakalma sa akin ni Thymine.
Huwag talagang magpapakita sa akin 'yang si Wince na nagsisisi sa ginawa niya. Na sana hindi na niya lang itinapon ang liham. Na sana nakinig na lang siya sa akin. Na sana hindi na siya nakipagmatigasan pa. Kapag nagkataon na mangyari iyon, kakalbuhin ko talaga siya.
"Tama na 'yan, Rhian at Wince. Wala tayong makukuhang maganda kung mag-aaway lang kayo. Kailangan niyong magkasunod para matulungan kaming mga kasamahan niyo. Hindi dapat tayo magtanim ng galit o sama ng loob sa isa't isa. Dapat ay nagkakaisa tayo," pangangatuwiran ni Dahlia.
Hindi ko naman gusto magalit sa kahit sino sa kanila. Nakakainis lang kasi ang ginawa ni Wince. Basta na lang siyang nagdesisyon nang hindi tinatanong ang kagustuhan ng mga kasama namin. Hindi ako maiinis nang ganito kung lahat sila gustong itapon ang liham at ako lang ang nagpupumilit na basahin ito.
"Bakit hindi pa kayo magpatayang dalawa? Matira ang pinakamatibay. Tutal kanina pa kayo naiinis sa isa't isa," biglaang sabi ni Trench at bahagya pang tumayo.
Nagpapatawa ba siya? Akala ba niya nakalimutan ko na ang ginawa niya sa amin? Kung magsalita siya riyan akala mo kung sinong hindi kinaiinisan. Nakakainis! Mas lalo niya lang pinapataas ang dugo ko.
"Titingnan namin kung sino ba talaga sa inyo ang dapat naming pakinggan. Ipakita niyo kung gaano kayo kalakas. Tama na ang puro salita, ipakita niyo sa gawa. Kukuha na ba ako ng kutsilyo para masimulan niyo na?" nakangising tanong nito sa amin.
Talagang seryoso siya sa sinasabi? Paano kung siya ang saksakin namin ni Wince at pagtulungan? Baka nakakalimutan niyang hindi lang ako kay Wince naiinis. Masyado na akong pinipikon ng dalawang 'to. Humanda silang dalawa kapag napuno ako. Nakakainis!
"Bakit kaya hindi na lang ikaw ang makipagpatayan? 'Di ba ikaw si Kamatayan? Bakit hindi mo panindigan?" mapang-asar na tanong ni Thymine.
Lahat kami ay nagulat nang biglang magsalita si Thymine at sinabi ito. Ang iba kanina na walang pakialam sa mga nangyayari ay biglang naging interesado. Hindi namin ito inaasahan. Ang kilala naming Thymine ay nananahimik lang sa isang tabi sa mga ganitong pangyayari.
"Bakit natahimik ka? Ito naman ang gusto mo, hindi ba? Binibigyan ka na namin ng pagkakataon para maging si Kamatayan. Anong malay namin na ikaw pala talaga si Kamatayan at nagpapanggap ka lang na kasamahan namin?" makahulugang tanong ni Thymine.
Hindi ko inaasahan ang ginagawang pagtatanong ni Thymine. Bahagya akong nagulat at napatingin sa kaniya. Siya ba talaga ito? Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko. Talaga bang si Trench ang kausap niya?
"Pinipilit mong pag-awayin sina Rhian at Wince para makalimutan namin ang ginawa mo. Sa tingin mo ba may magbabago pa? Kahit na anong gawin mo ay hindi na mabubura sa mga isipan namin na nagpanggap kang si Kamatayan. O baka naman palabas mo lang din ito para hindi ka namin mabuko," dagdag pa niya na siyang ikinabigla ng lahat.
Seryoso? May lakas nang loob si Thymine na tanungin ng gano'n si Trench? Sandali nga, kailan pa ito nangyari? Hindi ko kayang paniwalaan. Natutuwa ako na unti-unti na siyang nagkakaroon ng lakas ng loob na lumaban. Parang kailan lang ay natatakot siyang makipag-usap kay Trench.
"Ano? Bakit hindi ka makasagot? Tama ba ang mga sinasabi ko?"
Sa halip na mangamba ay napangisi na lang si Trench. Halatang hindi niya inaasahan ang mga sinabi ni Thymine pero pinilit niyang maging kalmado. Bahagya pa siyang bumalik sa pagkakaupo at muling binalingan ng tingin si Thymine.
"Nakakamangha naman ang katapangan mo. Hindi ko alam kung saan ka humuhugot ng kapal ng mukha. Matapang ka kasi nasa malapit lang si Rhian? Nakakamangha ka naman." mapang-asar na sambit nito.
Inaasahan ko na matatakot si Thymine pero nagkamali na naman ako. Hindi ko na alam kung paniniwalaan ko pa ba ito. Talaga bang si Thymine ang kaharap namin ngayon? Anong nangyari at naging ganito siya?
Nginisian niya rin pabalik si Trench na siyang hindi namin inaasahan. Ang iba sa mga kasamahan ko ay bahagya pang napatakip ng bibig sa sobrang pagkagulat. Nagsisimula nang mabuo ang tensiyon sa pagitan nina Thymine at Trench. Marami sa amin ang naghihintay sa mga susunod na mangyayari.
"Pasensiya na. Hindi ko rin kasi alam kung saan nanggagaling ang kapal ng mukha mo. Sandali, makasarili ka rin pala, 'di ba? Ikaw ang namumuno sa grupo pero wala ka sa tuwing kailangan namin ng tulong? Nauuna ka pang tumakbo para tumakas. Kakaiba!" natatawang sambit ni Thymine.
Tila hindi inaasahan ni Trench ang sasabihin nito at bahagyang kumuyom ang kamao niya. Pakiramdam ko ay tatakasan ako ng diwa dahil sa mga sinasabi ni Thymine. Natutuwa ako na kaya na niyang lumaban. Maganda ito para kung sakaling makaharap ulit namin si Kamatayan ay magagawa na niya itong matakasan.
"Ang makabagong pinuno na unang inililigtas ang sarili ay nasa harapan na natin. Hindi ko alam kung dapat pa ba natin siyang pagkatiwalaan pero mas mabuting mag-ingat kayo sa tuwing nasa malapit siya. Hindi natin alam kung kailan siya aatake," mariing giit ni Thymine.
Akmang lalapit na si Trench subalit pinigilan siya ni Thymine. Alam kong naiinis na siya at gusto nang suntukin si Thymine. Hindi ko na sana siya pipigilan para makita kung hanggang saan ang kayang gawin ni Thymine pero ito na mismo ang pumigil kay Trench.
"Pare, walang personalan. Sinasabi ko lang ang nalalaman ko. Hindi mo naman ako masisisi dahil ikaw mismo ang nagpakita ng ugali mo. Ito ang mga ipinapakita mo sa amin kaya huwag kang magtaka na ganito ang iniisip namin. Gaya ng lagi niyong sinasabi, walang dapat na pagkatiwalaan sa buong lugar na ito," nakangiting paliwanag ni Thymine.
Halos mamula na ang kamay ni Trench sa sobrang pagpipigil ng inis niya. Namumula na rin ang tainga nito at anumang sandali ay maaari niyang suntukin si Thymine. Halatang nagpipigil siya dahil siguradong maraming makakakita kapag may masama siyang ginawa kay Thymine ngayon.
"Isang salita mo pa, malilintikan ka na sa akin. Sinabi ko na sa iyo na dapat ay matuto kang lumugar. Nakalimutan mo na ba? Wala akong pakialam kung palagi kang inililigtas ni Rhian. Kung siya ang pinagkukuhanan mo ng lakas, papatayin ko na kayo nang sabay," naiinis na sambit ni Trench.
Hindi ko maintindihan pero natutuwa ako sa nangyayari kay Trench. Nakakatawa ang itsura niya at halatang nagpipigil sa galit. Kahit na anong pagpapakita niya ng pananakot ay hindi na ito umuubra sa akin. Kung sabagay, hindi naman talaga ako takot sa kaniya. kahit na magpatayan kaming dalawa ay hindi ako aatras.
"Sino ba ang nag-iwan sa mga kasamahan niya at hindi man lamang nagbigay ng babala na nasa malapit lang si Kamatayan? Sa pagkakaalam ko kasi hindi ako 'yon. May mga namatay pa naman dahil hindi siya nagsabi na nasa malapit si Kamatayan. Sino ba ang taong iyon?" makahulugang tanong ni Thymine habang nakatingin kay Trench.
Sa pagkakataong ito ay hindi na talaga nakapagpigil ng galit si Trench. Akmang susuntukin na niya si Thymine subalit naunahan ko siya. Alam kong seryoso na siya sa gagawing pagsuntok pero hindi ko hahayaan na masaktan niya si Thymine. Wala naman itong masamang sinasabi kaya wala siyang karapatan na saktan ito.
"Ano bang pakialam mo? Hindi ikaw ang isyu rito, Rhian. Huwag mo akong pigilan. Dapat na magtanda iyang si Thymine. Matuto siyang lumugar at itikom ang madaldal niyang bibig," naiinis na sambit niya habang pilit akong itinutulak palayo.
Mas lalo niya lang ipinapakita sa lahat na may katotohanan ang mga sinasabi ni Thymine. Hindi naman siya magiging ganito kung hindi siya wala siyang ginawang mali. Naglalabasan na ang mga sikreto niya kaya umiinit ang ulo. Hindi ko siya masisisi lalo na kung totoo ang mga ibinibintang sa kaniya.
Nasalag ko ang kamao niya at inis siyang tiningnan. Hindi niya dapat saktan ang taong wala namang masamang ginagawa sa kaniya. Alam kong nasa tama si Thymine kaya ipagtatanggol ko siya. Lalo na noong iniwan kami ni Trench nang hindi sinasabi na nasa malapit si Kamatayan. May mga namatay nang dahil sa kapabayaan niya.
"Nakalimutan mo na ba ang kasabihan sa bahay na 'to? Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong gumawa ng gulo. Totoo naman ang mga sinasabi niya kaya bakit ka nagagalit? Wala siyang tinatapakan na tao kay kumalma ka. Kung wala kang masamang ginawa, hindi mo papansinin ang mga sinasabi ni Thymine," makatuwirang sambit ko sa kaniya bago bitawan ang kamao niya.
Naiinis na naglakad papunta sa pintuan si Trench at lahat nang makita niyang bakanteng silya ay hinahagis niya. Para siyang nasisiraan ng bait ngayon. Hindi niya ba inaasahan na ipamumukha ko rin sa kaniya ang ginawa niya? Siya ang may mali kaya dapat lang na panagutan niya ito. Hindi 'yong siya pa ang nagagalit.
"Sige lang, magkampihan kayong lahat! Diyan naman kayo magaling. Tingnan lang natin kung hanggang saan kayo dadalhin ng tapang niyo. Kaya ba kayo niyang pakain at iligtas sa kamay ni Kamatayan? Sumagot kayo. Sabihin niyo lang kung hindi niyo na kailangan ng tulong ko," naiinis na sigaw ni Trench.
Tahimik lang siyang pinagmamasdan ng lahat at hinahayaan. Walang nagtangkang umawat pa sa kaniya. Ang matalik na kaibigan niya na si Wince ay nananahimik lang nakaupo sa isang tabi. Waka siyang kakampi ngayon dahil siya ang gumawa ng dahilan para pagdudahan namin siya.
Muli siyang tumingin kay Thymine at mariin itong tiningnan. "Nakalimutan mo na siguro ang babala ko. Tingnan lang natin kung makaligtas ka pa rin ngayon gabi. Matapang ka, hindi ba? Tingnan lang natin kung makikita ka pa naming buhay bukas," mariing giit ni Trench bago lumabas ng silid.
Sa sinabi niyang ito ay kaagad kong kinausap si Thymine. Alam kong seryoso ang sinabi ni Trench at wala itong halong pagbibiro. Kilala ko siya at hindi niya ito basta sasabihin para takutin si Thymine. Kahit na galit siya ay hindi niya ito gagawin.
"Thymine, anong babala ang sinabi sa iyo ni Trench? Sigurado akong hindi siya nagbibiro. Sabi mo sa akin para matulungan kita. Hindi ka nag-iisa dahil kasama mo ako. Hindi kita iiwanan ngayong gabi. Kaya anong sinabi niya sa iyo?" nag-aalala kong tanong sa kaniya.
Kung ano mang babala iyon ay kailangan naming maagapan kaagad. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa kaniya ngayon. Makakaligtas siya ano man ang mangyari. Ipinapangako ko iyan.
Nagkawala muna siya ng malalim na buntong-hininga bago sumagot sa akin. "Ako raw ang papatayin ni Kamatayan. Rhian, kinakabahan ako sa posibleng mangyari. paano kung totoo iyon? Ano nang gagawin ko? Ayoko pang mamatay," natatakot na sambit ni Thymine.
Kung kanina ay palaban ito sa pagsasagot kay Trench, ngayon ay para na itong maamong tupa. Bumalik na siya sa dati at hindi ko maiwasang maawa sa kaniya. Bumabalik na naman ang takot na palagi niyang nararamdaman.
"Huwag kang matakot. Thymine dahil hindi kita pababayaan. Kung totoo nga na ikaw ang nakatakdang patayin ni Kamatayan, mas mabuting huwag kang lumayo sa tabi ko. Mas magiging ligtas ka kapag kasama mo ako. Magiging maayos din ang lahat," paniniguradong sabi ko sa kaniya.
Alam kong natatakot siya na posibleng mangyari ang sinabing babala sa kaniya ni Trench. Lahat naman kami ay matatakot kung malalaman na kami ang papatayin. Normal lang iyon sa lugar na ito pero wala namang kasiguraduhan ang lahat.
"Kailan ba kita binigo? Magkasama tayo ngayon kaya magiging maayos lang ang lahat. Hindi makakalapit si Kamatayan sa iyo ngayong gabi. Nakahanda akong makipaglaban sa kaniya para lang makaligtas ka. Huwag ka nang mag-alala pa," dagdag ko pa.
Mabuti naman at kumalma ito pagkatapos kong sabihin iyon. Kaagad na bumalik ang sigla sa kaniyang mga mata dahil dito. Bigla namang lumapit sa direksyon namin si Wince. Hindi ko alam kung ano na namang tumatakbo sa isip nito pero masama ang pakiramdam ko.
"Tama ba ang narinig ko? Si Thymine ang nakatakdang patayin ni Kamatayan ngayong gabi? Siya ang mamamatay?" hindi makapaniwalang tanong nito.
Ano bang problema niya? Nananahimik na kami rito pero heto na naman siya at gumagawa ng eskandalo. Hindi pa rin ba siya natatapos? Hinayaan ko na nga ang pagtapon niya sa liham. Nakakainis na siya.
"Bingi ka ba? Sinabi na ni Trench kanina kaya bakit kailangan pang ulitin? Hindi naman mangyayari ang bagay na iyon dahil nasa tabi ako ni Thymine. Hindi siya masasaktan kaya wala kayong dapat na ipag-alala," pagpapaliwang ko sa kaniya.
Kaagad na nagbulungan ang mga kasamahan namin sa narinig. Nababakas ko na ang matinding takot sa mga mata nila. Mukhang ito pala ang gustong mangyari ni Wince. Sumusobra na siya. Kapag hindi talaga ako nakapagtimpi siguradong makakatikim na siya sa akin.
"Wince, p'wede ba? Kung wala kang magandang gagawin ay manahimik ka na lang. Umupo ka sa isang tabi. Huwag kang makikinig sa usapan ng iba. Masyado kang pakialamera. Alam mo ba 'yon?" naiinis kong sambit sa kaniya.
Maayos na sana ang lahat kanina noong nananahimik lang siya sa isang sulok. Walang problema at ingay pero hindi siya mapakali. Gumagawa na naman siya ng pag-aawayan namin. Sinasagad na niya ang pasensya ko.
"Wala namang masama sa sinasabi ko. Hindi ba ikaw na ang nagsabi na kapag nasa tama ka, huwag kang tumigil? Wala akong ibang gusto kung hindi kaligtasan ko at ng mga kasama ko. Sa tingin mo ba may mali akong ginagawa?" pangangatuwiran niya.
Nagsisimula na akong mainis sa pagmumukha niya. Kung umasta siya parang sinong santa na hindi makabasag-pinggan at walang ginawang masama sa buong buhay niya. Sa tingin iya ba siya lagi ang nasa tama? Nagpapatawa ba siya?
"Sabihin mo lang kung kailan mo gustong magpatayan tayo para kunin ko na ang kutsilyo. Naghahanap ka ng away kaya bakit hindi na natin simulan ngayon? Matira ang pinakamatibay. Ano sa tingin mo?" naghahamong sabi ko sa kaniya.
Sa halip na matakot ito ay muli na naman siyang nagsalita. Nakakapikon na talaga ang babaeng 'to, makakatikim na siya sa akin. Hindi niya alam kung kailan dapat na itikom ang bibig. Masyado siyang maraming sinasabi.
"Mga kasama, hindi dapat natin ito balewalain. Kung si Thymine ang nakatakdang patayin ngayong gabi, nanganganib tayong lahat dahil kasama natin siya. Hindi tayo magiging ligtas kung nasa paligid sila. Mapapahamak tayo dahil kina Rhian at Thymine!" nababahalang sambit ni Wince.
Ano bang gusto nitong palabasin? Tang ina kang Wince ka. Sa oras na may hindi magandang mangyari sa amin ni Thymine, babalatan kita ng buhay. Kung ano-ano na lang ang pumapasok sa makitid mong utak. Nakakainis ka! Ang sarap mong gilitin sa leeg.
"T-Totoo ba 'yon, Wince? Baka patayin din tayo ni Kamatayan pagkatapos niyang patayin si Thymine. N-Natatakot ako. Ayoko pang mamatay. Hindi pa ito ang oras ko," nababahalang sabi ni Dahlia.
Bahagya namang tumango si Wince bilang pagsang-ayon dito. Hindi na talaga ako natutuwa sa kaniya. Kinukuha niya ang simpatya ng mga kasamahan namin para pagkaisahan kami. Nakakasira ka ng ulo, Wince. Nanggigigil ako sa iyo!
"Rhian, umalis na kayo sa silid na 'to. Ayaw pa naming mamatay kaya kung maaari lang, lumayo na kayo ni Thymine. Huwag mo na kaming idamay sa kamalasan niyo. Umalis na kayo rito. Pakiusap," natatakot na sambit ng isa naming kasamahan.
Agad na sumang-ayon ang lahat ng kasamahan namin at pilit kaming pinapalabas ni Thymine sa silid. Tang ina! Ito na nga ba ang sinasabi ko. Ano ba talagang problema sa amin ni Wince at ginagawa niya ito? Maayos naman ang pakikitungo ko sa kaniya.
"Umalis na kayo rito! Huwag niyo kaming idamay sa kamalasan niyo. Kayo ang nakatakdang patayin kaya magtago kayo sa ibang lugar kung gusto niyong makaligtas. Huwag dito. Madadamay kaming mga inosente," mariing giit ng isa pa naming kasamahan.
Tang ina ka, Wince! Kasalanan mo ang lahat ng 'to. Ikaw lang ang dapat na sisihin kung bakit nangyayari ang bagay na ito. Nananahimik lang si Thymine pero dinadamay mo. Mapapatay talaga kita!
"Rhian, anong gagawin natin?" natatakot na sambit ni Thymine.
Agad kong kinuha ang kamay ni niya at magkasama kaming pumunta sa may pintuan. Ito ang gusto nilang mangyari kaya wala na akong ibang magagawa pa. Kailangan kong umasa sa sarili kong lakas para makaligtas kami ni Thymine ngayong gabi.
Bago ko pihitan ang pinto ay lumingon muna ako kay Wince at matalim na tiningnan ang mga mata niya. "Tandaan mo itong sasabihin ko. Sa oras na may mangyari sa'ming masama, titiyakin kong mananagot ka. Ikaw lang ang dapat na sisihin. Ikaw ang may responsibilidad sa lahat," mariing giit ko bago isara ang pintuan ng silid at lumabas.