Thymine
Hindi ko inaasahan na magagawa ito ni Trench sa amin. Marami sa mga kasamahan ko ang sobrang natakot at hindi na alam ang gagawin. Ang buong akala nila ay si Kamatayan na ang kaharap. Hindi sila nakapag-isip nang maayos at tinatakasan ng lakas dahil sa ginawa ni Trench.
"Hindi ko maintindihan , Trench. Bakit kailangan mong gawin ang bagay na 'yon? Hindi mo ba alam na kanina pa ako nag-aalala sa iyo kasi hindi ka pa bumabalik dito. Ang buong akala ko ay may nangyari nang masama sa iyon. Tapos ganito ang malalaman ko?" hindi makapaniwalang tanong ni Wince.
Maging siya na itinuturing na matalik na kaibigan si Trench ay nagawang lokohin. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil halos magkahawig si Trench at si Kamatayan. Kung hindi nga lang dahil sa sinabi ni Rhian ay hindi mapapanatag ang loob ko. Ang buong akala ko pa naman ay sinundan niya kami ni Rhian para patayin.
"Ano ba, Trench? Bakit ba ayaw mong sagutin ang mga itinatanong ko? Wala ba talagang halaga ang pinagsamahan nating dalawa? Wala ba akong halaga sa iyo? Magkasalita ka naman. Ang hirap nang intindihin ang lahat. Bakit mo ba ginawa 'yon?" muling pagtatanong ni Wince.
Halatang nasaktan siya dahil sa ginawa nang kaibigan. Ang kilala naming Wince ay kalmado at hindi sinisigawan si Trench pero ibang pagkatao niya ang nakikita namin ngayon. Hindi siya kailanman naging ganito.
"Tama na 'yan, Wince. Nangyari na ang lahat. Hindi na ito maibabalik pa," pag-aawat ng isa naming kasamahan sa kaniya.
Binalot ng matinding katahimikan ang lahat. Bakas pa rin ang matatalim nilang tingin sa isa't isa na animo'y pinapatay ang kasamahan sa mga isipan nila. Hindi ko inaasahan na magiging ganito ang kahihinatnan ng lahat. Talagang maraming naapektuhan sa nangyari.
Nakita kong naglalakad na papalapit sa akin si Rhian kaya bahagya akong ngumiti sa kaniya. Mabuti na lang at naagapan ang sugat sa ulo ko kaya hindi na ito lumala. Ipinagpapasalamat ko rin na walang masamang nangyari sa mga kasamahan ko kahit na nataranta silang lahat kanina noong dumating si Rhian.
"P'wede bang wala munang lumabas sa inyo ngayon? Natatakot ako na mabawasan na naman tayo. Pakiusap, huwag muna kayong umalis. Mas malakas tayo kapag magkakasama. Magagwa nating malabanan si Kamatayan," nakikiusap na sabi ng isa naming kasamahan na babae.
Tuluyan nang kumagat ang dilim at sa pagkakataong ito ay magkakasama na kaming lahat. Isinara na nila ang pintuan at mga bintana bago umupo sa mga silya. May mga naiwan ding nagbabantay sa gilid ng pintuan nang sa gayon ay masigurado na walang basta makakapasok sa loob.
"Huwag kang mag-alala, Dahlia. Wala munang ibang lalabas ngayong gabing ito. Nawala na si Liam ngayong araw kaya hindi na muna dapat tayo mabawasan pa. Kumalma na muna kayo dahil walang ibang masamang mangyayari ngayon. Ipinapangako ko 'yan," naniniguradong sabi ni Rhian.
Nararamdaman ko pa rin ang tensyon sa pagitan nilang dalawa Trench pero hindi ko na ito ipinahalata pa. Mas mabuti na huwag muna silang mag-usap ngayon dahil siguradong wala itong magandang pupuntahan. Pareho silang may sama ng loob sa isa't isa.
"Siguro naman mas magiging ligtas na tayo sa pagkakataong 'to. Marami tayo at hindi basta magagalaw ni Kamatayan. Hindi niya tayo mapapatay nang madalian. Rhian, tama ba ako? Tama ba ang pagkakaintindi ko?" nagtatakang tanong ng isa naming kasamahan.
Sa halip na pagtuunan ng pansin ang lalaki ay ako ang hinarap ni Rhian. Mabilis siyang umupo sa tabi ko at nginitian ako. Puno ng pag-aalala ang mga mata niya dahil sa nakita niyang sugat sa ulo ko. Kung hindi siguro ito naagapan kanina, siguradong magwawala si Rhian. Mabuti na lang at kahit papaano ay naging maayos ang lahat.
"Thymine, ayos na ba ang pakiramdam mo? Kumikirot pa ba ang sugat? Lalag-" Hindi pa man ito natatapos sa pagsasalita subalit pinigilan ko na siya.
Heto na naman siya sa sobrang pag-aalala sa akin. Hindi ko maiwasang mailang dahil sa ginagawa niya. Pakiramdam ko tuloy siya ang lalaki at ako ang abbaeng inaalagaan niya. Bakit ba kasi ipinanganak na matapang si Rhian? Nababaliktad tuloy ang sitwasyon namin.
"Rhian, maayos na ang pakiramdam koat hindi mo na kailangan na mataranta pa. Maraming salamat sa pag-aalala mo pero maayos na talaga ang pakiramdam ko. Tinulungan ako ng mga kasamahan natin kanina kaya huwag ka nang magalit sa kanila," nakangiting sambit ko sa kaniya.
Bahagya naman siyang natigilan dahil sa sinabi ko. Hindi niya siguro inaasahan na tinulungan ako nina Wince kanina. Ako ang nahihiya kanina sa ginawa ni Rhian. Wala namang ginawang masama sa akin ang mga kasamahan namin pero pinagbuntungan niya ng galit at inis. Nakakahiya dahil ginagawa niya ito para protektahan ako.
"Sigurado ka ba riyan? Magsabi ka lang kung kumikirot pa. Handa akong makipaghabulan kay Kamatayan para lang makakuha ng yelo na ilalagay sa sugat mo," nag-alalang sabi nito.
Hindi ko maiwasang matawa sa mga nakahandang gawin ni Rhian para sa akin. Hindi naman kasi talaga niya kailangan na gawin pa ito at isakripisyo ang buhay niya para sa ikabubuti ng kalagayan ko. Hindi ko na alam kung paano ako makakapagpasalamat sa kaniya.
"Magpahinga ka na muna. Masyado ka nang napagod sa sobrang pag-aalala sa akin. Ligtas naman tayo sa ngayon. Hindi p'wede na ako lang ang magiging malakas habang nanghihina ka," pangangatuwiran ko sa kaniya.
Ang iba sa mga kasamahan namin ay bahagyang nag-iwas ng tingin. May mali ba sa sinabi ko? Hindi rin nakatakas sa paningin ko ang pasimpleng pagngiti ng ilan sa kanila. Ano bang problema nila? Wala naman ako naalala na may may sinabi akong iba. Nag-aalala lang ako kay Rhian.
"Hindi naman problema sa akin ang pagtulong ko sa iyo. Masaya ako na nakikitang ligtas ka at lumalaban. Hindi mo kailangang mahiya dahil kusang-koob akong tutulong. Kahit na hindi mo sabihin, darating ako kapag kinakailangan," mariing giit niya.
Nginitian ko na lang siya at bahagyang tinapik ang likuran niya, "Hindi mo na kailangang mag-aalala sa akin, maayos na talaga ang kalagayan ko. 'Di ba ligtas ako kapag nariyan ka? Magkasama tayong dalawa ngayon kaya wala kang dapat na ikabahala," naniniguradong sa kaniya.
Sa halip na makipagmatigasan pa ay nginitian na lang niya ako pabalik. Masaya siya ngayon dahil nagtitiwala na ako sa kaniya. Wala naman akong ibang magagawa dahil sadyang mabait sa akin si Rhian at palagi siyang nariyan sa tuwing kailangan ko ng tulong. Hindi ko maisip kung anong mangyayari sa akin kung wala siya.
"Sabi ko naman sa iyo Rhian, kami ang bahala kay Thymine habang wala ka. Hindi lang namin naiwasang matakot sa iyo kanina dahil baka kung anong gawin mo kapag nalaman mong may sugat siya sa ulo. Nataranta kami kaya kung ano-anong bagay ang mga sinabi namin para lituhin ka," pagpapaliwanag ni Wince.
Kumalma na rin ito makalipas ang ilang minuto pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin pinapansin si Trench. Naninibago ako dahil ngayon ko lang sila nakitang hindi nag-uusap. Madalas kasi na sila ang namumuno sa grupo kung anong dapat na gawin.
"Tss," naiinis na sambit ni Trench at bahagyang nag-iwas tingin.
Nagulat ako nang biglang magsalita ito at mariin kaming tiningnan ni Rhian. Ano bang problema niya sa amin? Wala naman akong masamang ginagawa sa kaniya. Hindi ko na nga siya pinapansin kanina pero bigla siyang magsasalita.
"Kung ako sa iyo pare, mananahimik na lang ako. Huwag mo nang dagdagan pa ang tensiyon sa paligid namin. Hayaan mo na lang siya. Intindihin natin ang sitwasyon na pinagdaraanan niya ngayon," mabilis na sabi sa akin ng katabi kong lalaki nang mapansin niyang bahagya kong tinitigan si Trench.
Tinapik ko ang braso ni Rhian dahil baka kung ano pang gawin nito. May punto ang kasamahan namin. Wala namang mangyayari kung hindi na namin papansinin pa si Trench. Masyado pang mainit ang ulo nito sa ngayon kaya mas mabuting huwag na kaming dumagdag pa.
Hindi na lang namin ito pinansin pa at nagpuloy na lang sa pag-uusap. Hindi ko maintindihan pero sobrang saya ko ngayon at pakiramdam ko ligtas ako. Parang walang panganib na naghihintay sa amin sa labas ng kuwartong ito. Ang sarap sa pakiramdam. Kahit sandaling panahon lang ay pakiramdam ko bumalik na ako sa dati kong buhay.
"Hanggang kailan ba tayo magtitiis at pipiliting lumaban sa lugar na ito? Wala na ba talagang ibang paraan? Ayokong mawalan ng pag-asa pero habang tumatagal ang pananatili natin rito ay lumiliit din ang tiyansa nating makalabas nang buhay," nagtatakang tanong ni Dahlia.
Lahat kami ay nakaupo at kapuwa naghihintay sa mga susunod na mangyayari. Walang kasiguraduhan ang buhay namin sa loob ng bahay na ito. Walang makapagsasabi kung hanggang kailan kami makakaligtas. Hindi namin hawak ang sariling kapalaran kahit na pilitin pang labanan ito.
"Huwag kayong mag-aalala. Sigurado ako na mayroon pang mga paraan. Nakapasok tayo rito nang hindi natin nalalaman ang dahilan kaya malakas din ang kutob ko na makakalabas tayo. Kailangan lang nating maghintay May tamang panahon para sa lahat," pagpapaliwanag ng isa pa naming kasamahan.
Noong una ay hindi ako naniniwala na may pag-asa pang makakalabas kami sa lugar na ito lalo na noong nakita kong may pinatay mismo sa harapan ko. Nawala na ang pag-asa ko noon pero dahil sa ginagawang pagliligtas sa akin ni Rhian ay pilit akong lumalaban. Kailangan kong lumaban kahit na anong mangyari.
"Nararamdaman ko na hindi magtatagal ay matatapos na ang lahat ng ito. Makakawala rin tayo sa kamay ni Kamatayan at babalik sa dati nating mga buhay. Kumapit lang kayo at huwag panghinaan ng loob. Kailangan nating lahat na maging matatag," mariing giit ni Rhian sa amin.
Muling binalot ng matinding katahimikan ang buong lugar pagkatapos no'n. Ang iba sa amin ay tumayo at naglakad-lakad muna sa buong paligid upang magpalipas ng antok. Ang iba naman ay ipinikit ang mga mata habang nakatingala sa kisame na animo'y naghihintay ng isang himala.
"Mga kasama, may nakita akong liham. Pumunta kayo rito at tingnan niyo ang nakasulat. Baka may makita tayong impormasyon sa liham na ito kung paano makakalabas o kung paano mapapatay si Kamatayan," anunsyo sa amin ni Dahlia na ngayon ay kasalukuyang nakatayo sa may aparador.
Nnag marinig iyon ay tila biglang nagising ang mga diwa namin. Kaagad kaming nagkumpulan sa tabi ng aparador maliban kay Trench na nananatiling nakaupo sa kaniyang silya. Determinado na kaming may mahanap na kahit na maliit na detalye tungkol sa kung papaano kami makakaligtas.
"Saan mo naman nakuha ang bagay na 'yan? Wala naman sigurong bomba na basta na lang sasabog kapag binuksan natin, hindi ba? Ang hirap lang magtiwala sa mga bagay na narito," nag-aalalang tanong ng isa naming kasamahan kay Dahlia.
Mabilis naming siyang pinalibutan habang naghihintay na malaman kung ano ang nakasulat sa liham. Sa tagal ng pagpapaikot-ikot namin sa buong lugar, ngayon lang ako nakakita ng liham. Malakas ang kutob ko na mayroong kung anong nakasulat sa loob nito.
"Rhian, ikaw na ang bumasa. Lakasan mo ang pagkakabigkas para marinig naming lahat. Kailangan nating malaman kung anong nilalaman niyan para malaman kung kapaki-pakinabang ba," sambit ni Wince at mabilis na iniabot kay Rhian ang liham.
Bahagya niya muna itong tiningnan bago ibigay kay Rhian. Hindi na kami makapaghintay na malaman kung anong nasa loob nito. Pakiramdam ko biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko sa sobrang kaba.
"Sandali, bakit may pangalang Kamatayan na nakaimprenta sa labas ng liham? Hindi kaya para kay Kamatayan 'to? Ano sa tingin niyo?" nagtatakang tanong ng Wince.
Nakita niya kasi ang pangalang Kamatayan matapos iabot kay Rhian ang liham. Halatang kinakabahan na tuloy ang ilan naming kasamahan ngayon. Posibleng may koneksyon kay Kamatayan ang liham na hawak ni Rhian ngayon. Maaari rin itong magbigay sa amin ng impormasyon na kailangan namin ngayon.
"Mas maganda nga kung para nga kay Kamatayan 'to. Babasahin ko na para malaman na namin kung anong nilalaman. Huwag muna kayong maingay," mariing sabi ni Rhian.
Unti-unti niyang binuksan ang papel at hindi pa man niya ito tuluyang nababasa ay nararamdaman kong kinakabahan na rin ang marami sa amin. Maraming mga posibleng nakasulat sa loob ng papel na 'yon. Maaaring hindi namin inaasahan ang mga malalaman.
"Hindi ko alam kung paano sisimulan ang liham na ito. Masyado na akong nasasaktan sa mga nangyayari at hindi ko na alam ang gagawin ko. Naguguluhan na ako," pagbabasa ni Rhian na sa palagay ko ay ang unang pangungusap.
Mas lalong bumibilis ang pagtibok ng puso ko. Hindi ko na maiwasang makaramdam ng kaba sa mga oras na ito. Siguradong konektado ito sa naging buhay ni Kamatayan. Malakas ang kutob ko na may ibang taong nakakakilala sa kaniya.
"Palagi mo na lang akong nasasaktan. Pinipilit ko namang maging sapat at kailanman ay hindi ako nagreklamo sa mga utos mo pero hindi na kita maintindihan. Nagtitiis ako pero hindi mo man lamang ito pinahahalagahan. Ano bang dapat kong gawin?" dugtong pa ni Rhian.
Saglit namang napatigil si Rhian sa pagbabasa nang pigilan siya ni Wince. Ang iba sa amin ay nadismaya dahil maaaring makatulong sa plano namin ang impormasyon mula sa liham na ito.
"Dapat ba talaga nating basahin ang liham na 'yan? Paano kung may hatid pala 'yang kapahamakan? Malalagot tayo kung magkataon. Itigil na kaya natin? Baka mas lalo tayong mapahamak," nag-aalalang sambit nito.
Bahagyang natigilan ang lahat dahil sa sinabi niya. Ang iba ay napaisip na maaaring mas lalo silang pag-initan ni Kamatayan kapag nalaman nitong binasa nila ang liham.
"Posible 'yang sinasabi mo Pero maaari rin na ang liham na ito ang huling baraha natin sa laro. Magagamit natin ang nilalaman ng liham na ito laban kay Kamatayan. Hindi ba maganda ang bagay na 'yon?" pangangatuwiran ko sa kanila.
Hindi kami dapat na basta sumuko na lang. Hawak na namin ang liham na maaaring makatalo kay Kamatayan. Hindi naman p'wede na basta na lang kaming tumigil at sumuko dahil sa sinabi ni Wince.
"P-Pero paano kung tama nga ang sinasabi ko? Mapapahamak tayo dahil sa ginagawa niyo," dagdag pa ni Wince.
Muling nagpatuloy sa pagbabasa si Rhian at hindi na pinansin ang mga sinasabi ni Wince.
"Palagi akong umiiyak sa bawat sulok ng bahay na 'to. Pinipilit kong magpakatatag pero nanghihina na ako. Napuno na ang katawan ko ng mga pasa dahil sa pagmamaltra-"
Hindi na natuloy ni Rhian ang binabasa dahil mabilis na hinablot ni Wince ang liham na isinulat sa papel. Ano bang problema niya? Bakit niya ba ito ginagawa? Nakakainis naman. Ang ganda na sana ng kuwento.
"Wince, ano ba? Ibalik mo sa akin 'yan! Hindi ko pa tapos basahin. Patapusin mo na muna ako bago mo kuhanin. Ano ba?" naiinis na sambit ni Rhian.
Nakipagmatigas pa ito kay Wince subalit hindi niya makuha ang papel. Pilit na inilalayo ito Wince nang sa gayon ay hindi niya makuha. Nanatiling nakatayo ang mga kasamahan namin dahil hindi nila alam kung sino ang papanigin. Sa tingin niya ay parehong may punto ang dalawa.
"Sinabi kong tama na ang pagbabasa! Rhian, isipin mo naman ang kapakanan ng mga kasamahan natin. Lahat tayo ay posibleng mapahamak dahil sa liham na 'yan," singhal ni Wince.
Hindi naman nagpatalo si Rhian dito. Pilit din siyang lumalaban para mabawi ang liham at ituloy ang binabasa kanina. Gusto ko silang pigilan pero masyadong maraming tao at baka isipin nila na pinapanigan ko na naman si Rhian.
"Wala naman kasiguraduhan na mapapahamak tayo. Wince, ito na ang pagkakataon para makilala natin si Kamatayan. Magagawa na natin siyang tanggalan ng maskara. Makakalabas na tayo. Ano bang mali roon? Ibalik mo na sa akin 'yan," pangangatuwiran ni Rhian.
Hindi nakinig si Wince sa mga paliwanag ni Rhian at kaagad na pinunit ang papel. Unti-unti itong lumalapit sa bintana at mukhang may plano na ito. Ano ba talagang tumatakbo sa isip niya? Hindi ko siya maintindihan.
"Hindi mo 'yan itatapon sa labas. Ibibigay mo 'yan sa'kin at babasahin ko. Makikinig ka sa akin, WInce. Ibalik mo na 'yan," mahinahon ngunit may diin na sambit ni Rhian.
Tila walang naririnig si Wince at unti-unti nitong binuksan ang bintana. Akmang pipigilan ko na siya pero hinawakan ako ng katabi kong lalaki sa magkabilang braso. Hindi ko na naman maintindihan ang lahat. Ano bang nangyayari?
"Thymine, hayaan mo na sila. Huwag ka nang makigulo pa. Pareho silang may mga ipinaglalaban kaya mas mabuti na wala kang papanigan," mariing giit nito sa akin.
Patuloy pa rin si WInce sa ginagawa niya at hindi pinapakinggan ang mga sinasabi ni Rhian. Kahit anong pagkukumbinse nito sa kaniya ay hindi niya pinakikinggan. Halatang determinado na siya sa gusto niyang mangyari.
"Nakalimutan mo yatang gabi ngayon. Maaaring buksan ang bintana kapag gabi, tama ako, 'di ba? Wala ka nang magagawa pa, Rhian," mapang-asar na sambit ni Wince at mabilis na inihulog sa labas ang papel.
Tumama sa mga balat namin ang malamig na simoy ng hangin. Tanging madilim na kalangitan lang ang natatanaw namin sa bintana. Ito pala ang itsura sa labas ng bahay. Kapareho lang din ng totoong mundo na ginagalawan namin. Ngunit ang kaibahan ay wala silang pinagdaraanan na matinding panganib.
Naiinis na lumapit si Rhian kay Wince na ngayon ay nakatayo sa gilid ng bintana. Mabilis niyang isinara ang dalawang bintanang nakabukas at ipinagsiklop ito para muling isara. Bakas sa mukha niya ang pagkadismaya dahil sa ginawa ng kaibigan.
Matapos ito ay hinarap niya si Wince at mariing tiningnan."Sana tama ang naging desisyon mo. Alam na sana natin kung sino si Kamatayan pero sinayang mo," mariing sabi niya bago ito talikuran.