Rhian
Pinipigilan ko ang sarili na ikuyom at magpakita ng kahina-hinalang galaw sa kanila nang pumasok ako sa kuwarto. Wala na akong ideya kung ilang minuto o oras na ba ang lumipas noong mawala ako. Hindi ko inaasahan na mangyayari ito. Ang gusto ko lang namang mangyari ay makapag-isip ako ng plano pero tila hindi talaga umaayon sa akin ang kapalaran.
Hindi ko na sinabi kung anong totoong nangyari kay Liam dahil sigurado na maraming magagalit sa akin. Mas mabuting ako na lang ang may alam. Hindi rin naman namin kailangan pa ng tulong niya kaya mas mabuting mawala na siya. Sumisiksik lang siya sa lugar na ito.
"Bakit ba ganiyan ang mga itsura ninyo? May nangyari bang hindi maganda noong umalis ako?" nagtatakang tanong ko sa kanila.
Hindi ko maintindihan kung bakit mukha silang balisa at hindi makatingin sa akin ng diretso. Ako ang may itinatagong sikreto at dapat na kabahan pero bakit parang nababaliktad ang lahat? Sandali nga, may hindi ba sila sinasabi sa akin na dapat kong malaman?
"Siya nga pala, nasaan si Thymine? Kamusta na ang kalagayan niya, bumuti na ba? Nasaan ba siya ngayon?" nagtataka kong tanong sa kanila.
Nakakainis talaga ang Liam na 'yan. Muntik nang mawala sa isip ko si Thymine dahil sa panggugulo niya sa akin. Bahagya akong nagpalinga-linga sa buong paligid pero hindi ko makita si Thymine. Alam kong nandito lang siya dahil masyado pa siyang mahina. Hindi siya makakaalis dahil sa kondisyon niya ngayon.
"Hindi naman siguro siya lumabas ng kuwarto para hanapin ako? Marami kayo rito. Alam niyong mahina pa siya kaya sigurado akong pipigilan niyo siyang umalis. Tama ako, hindi ba? Hindi siya lumabas ng kuwarto kaya nasaan siya ngayon?" muling pagtatanong ko sa kanila.
Bigla akong nakaramdam ng matinding kaba dahil sa posibilidad na 'yon. Hindi naman siguro 'yon gagawin ni Thymine dahil alam niyang mag-aalala ako. Hinihintay ko silang sumagot sa tinatanong ko subalit nananatili lang silang tahimik. Hindi ko alam kung pinaglololoko ba nila o nakikipaglaro lang sila sa akin.
"Ano ba talagang nangyayari sa inyo? Bakit kayo nagkakaganiyan? May hindi ba kayo sinasabi sa akin? Ano ba, wala ba akong kausap dito? Sumagot naman kayo," muling sabi ko.
Nagsisimula na akong mainis sa ipinapakita nila sa akin. Parang nakikipag-usapo ako sa hangin. Nakikita at naririnig nila ako pero hindi sila sumasagot. Anong kalokohan 'to? Siguraduhin lang nila na walang masamang nangyari kay Thymine dahil malalagot talaga sila sa akin.
"Inuulit ko, kamusta ang lagay ni Thymine? Nasaan siya ngayon dahil gusto ko siyang makita. Titingnan ko kung maayos na ba ang kalagayan niya," mahinahong tanong ko sa kanila.
Sinusubukan kong maging kalmado at pigilan ang pagkainis. Hnagga't maaari ayoko munang sumigaw ngayon. Napapagod na akong makipagtalo. Titingnan ko lang kung maayos na ang kalagayan ni Thymine. Bigla namang nagsalita si Wince pero hindi siya makatingin sa akin ng diretso.
"A-Ano kasi. Rhian. Nakita mo ba sa labas si Trench? Kanina pa siya sa labas pero hindi pa rin siya pumupunta rito. K-Kinakabahan na ako. Paano kung may masamang nangyari sa kaniya?" hindi mapakaling tanong sa akin ni Wince.
Ano bang ginagawa niya? Nagpapatawa ba siya? Tama bang sagutin ang tanong ng isa pang tanong? Nkakainis na. Ano ba talagang nangyayari sa mga tao rito at pakiramdam ko ay may itinatago sila sa akin?
"Alam mo, Wince, sagutin mo muna ang itinatanong ko. Hayaan mo, kapag nalaman kong nasa maayos na kalagayan si Thymine, ako mismo ang hahanap kay Trench. Importante siya sa iyo kaya biglang kaibigan mo ay hahanapin at titiyakin kong ligtas siya." mariing giit ko sa kaniya.
Bahagya akong nagpapalinga-linga sa buong paligid at nagbabakasaling matanaw ko si Thymine. Halos nasa katorse ka-tao kaming naririto kaya't imposibleng wala rito si Thymine. Sigurado akong nandito lang siya. Hindi ako p'wedeng magkamali.
"M-Mabuti naman kung ganoon. Natatakot kasi ako na baka nakasagupa na niya si Kamatayan kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik. S-Salamat talaga, Rhian," bulalas ni WInce.
Hindi ko na siya maintindihan. Hindi magaling si WInce na magtago ng sikreto at halata sa mukha niya na may hindi siya sinasabi sa akin. Sige lang, hahayaan ko sila sa pagtatago. Ako mismo ang gagawa ng paraan para malaman kung bakit sila nagkakaganito.
"Gusto niyong maglaro tayo, hindi ba? Hahanapin ko kung saan niyo tinatago si Thymine. Kapag nakita kong maayos na ang kalagayan niya, dadalhan ko kayo ng pagkain. Pero sa oras na may hindi magandang nangyari sa akin, isa sa inyo ang papatayin ko. Ang saya, 'di ba?" nakangiting sabi ko sa kanila.
Mas lalo silang nagdikit-dikit dahil sa sinabi ko at alam kong kinakabahan na ang ilan sa kanila ngayon. Kung wala silang itinatago sa akin ay hindi nila kailangang kabahan. Kung wala naman silang ginagawang masama, wala silang dapat na ikatakot.
"R-Rhian, kailangan mo ba talagang gawin ito? Magkakampi tayo rito, hindi ba? B-Bakit mo ba ito ginagawa sa amin? Sino ba si Thymine para protektahan mo siya nang sobra? Ano bang koneksyon mo sa kaniya?" kinakabahan man pero mariing tanong sa akin ng isa naming kasamahan.
Bahagya akong ngumisi nang marinig ito. Mas lalo akong natutuwa sa ipinapakita nila. Wala naman talaga akong balak na manakit. Sadyang nasira lang ang araw ko kaya ako nagkakaganito. Sinabayan pa ng pandedemonyo sa akin ni Liam kanina.
"Kilala niyo naman ako. Hindi ako nananakit nang walang dahilan. Gusto ko lang talagang makita ang kalagayan ni Thymine. Ano ba kasing itinatago niyo?" nagtataka kong tanong.
Pinipilit kong maging kalmado dahil ayokong lalo silang kabahan. Ayoko naman na hindi na sila magtitiwala sa akin dahil takot sila sa mga kaya kong gawin. Gusto ko pa ring maibalik ang dati naming samahan. Kaming lahat laban kay Kamatayan. Nagkakasundo at nagkakaisa.
"Kanina ko pa ito napapansin. Bakit kayo nagkukumpulan diyan sa kama? Sandali, tinatago niyo ba sa akin si Thymine kaya kung ano-ano ang mga sinasabi niyo? Mukhang itinatago niyo siya diyan," nagtatakang tanong ko sa kanila.
Kaya naman pala kahit anong paglilibot ng mata ko sa buong paligid ay hindi ko makita si Thymine. Sa ginagawa nilang ito ay mas lalo akong naghihinala na baka may masamang nangyari kay Thymine. Ito siguro ang dahilan kung bakit kanina pa sila hindi mapakali at hindi makatingin nang maayos sa akin.
"A-Ano bang sinasabi mo, Rhian? Wala kaming itinatago rito. M-Mas gusto lang naming magdikit-dikit para kung sakaling atakihin kami ni Kamatayan, mahihirap siyang pumatay. 'Y-Yon lang ang dahilan kung bakit kami nandito sa kama," kinakabahang paliwang sa akin ng isang babae.
Sa tingin niya ba mahina ang pagkakaintindi ko? Halatang tama ang iniisip ko dahil natataranta sila. Siguradong nasa likod ng kama si Thymine. Malakas ang pakiramdam ko na tama ang hinala ko. Hindi ako p'wedeng magkamali sa nabubuong teyorya sa isipan ko.
"Umalis kayo sa kama kung wala talaga kayong itinatago sa akin. Bumalik kayo sa p'westo niyo kanina. Ipakita niyo si Thymine dahil kung hindi, sisiguraduhin kong hindi na kayo magtatagal dito. Hindi na ako nakikipagbiruan sa inyo," mariing pagbabanta ko sa kanila.
Nakakainis! Pinipikon talaga nila ako. Ang dami na namang napag-usapan pero nilalayo lang pala nila ako. And daming oras na nasayang dAhil sa mga ipinaggagawa nila sa akin. Lalo akong naiinis dahil dito.
"W-Wala nga siya rito. B-Bakit ba ayaw mong maniwala sa amin? Nakita ko siyang lumabas sa kuwarto kanina. H-Hahanapin ka raw niya kaya hindi na namin pinigilan," nauutal na paliwanag ng isa pang lalaki sa akin.
Talagang sinasagad nila ang pasensya ko. Kung kanina pa nila nilabas si Thymine, hindi na mangyayari ito. Ang simple lang naman ng gusto kong mangyari pero hindi nila magawa. Hindi ko na alam kung anong dapat gawin sa kanila.
"Hanggang kailan kayo magsisinungaling sa akin? Talagang paninindigan niyo 'yan?" naiinis na tanong ko.
Hindi ko na kayang magpigil ng galit. Mukhang may masamang nangyari kay Thymine kaya ayaw nilang makita ko siya. Tang ina! Ako pa talaga ang lolokohin nila. Hindi na ako sigurado kung wala akong mapapatay kapag nakita kong hindi maayos ang kalagayan ni Thymine.
"Hindi talaga kayo makikinig saa kin? Kapag sinabi kong ilabas niyo si Thymine, ilabas niyo at ipakita sa akin. Magbibilang ako ng tatlo at kapag hindi niyo siya inilabas, may hindi magandang mangyayari sa kuwartong ito," mariing giit ko sa kanila.
Bakas sa mga mukha nila ang matinding takot at hindi na sila makapag-isip nang maayos. Kapag talaga may nangyaring masama kay Thymine, lintik lang ang walang ganti. Maraming nasayang na oras. Natulungan ko pa sana siya at hindi ganito. Bakit ba kailangan pa nilang itago?
Nanatili lang silang tahimik at nakatayo. Mukhang wala pa rin silang balak na sundin ako at talagang sinasagad nila ang pasensya ko. Tingnan natin kung hanggang saan sila dadalhin niyan.
"Isa," sambit ko sa kanila at ang mga loko, hindi pa rin umaalis sa kama.
Hindi ko na alam kung ano gagawin sa mga ito. Naiinis na ako. Halata namang natatakot na sila kaya bakit hindi na lang sila sumuko at ipakita sa akin si Thymine? Ano ba talagang problema nila?
"Dalawa," muling dagdag ko at sa pagkakataong ito ay natataranta na sila.
Ang iba ay nagdadalawang-isip na at unti-unting kumakalakas pero marami pa rin ang nanatiling magkakadikit. Hindi ko na kayang pigilan pa ito. Bahala na kung saan ako dadalhin ng galit ko. Binalaan ko na sila pero hindi sila nakinig.
"Talagang hindi kayo aalis diyan? Ano bang gusto niyong mangyari? Gusto niyo bang magpatayn muna tayo rito? Sige, kung 'yan ang gusto niyo, pagbibigyan ko kayo," naiinis kong sambit sa kanila.
Kahit si Wince ay nangangatog na rin dahil sa mga sinasabi ko at halos lahat sila ay biglang nakaramdam ng takot. Kanina pa nila sinasagad ang pasensya ko. Sinubukan ko naman maging kalmado pero walang nangyari. Hindi nila nilalabas si Thymine.
"R-Rhian, sandali lang. Bakit hindi mo sinara ang pintuan?" kinakabahang tanong sa akin ni Wince.
Balak niya ba talagang makipaglaro pa rin sa akin? Sa tingin ba nila nakikipagbiruan lang ako? Mukhang hindi talaga nila sineseryoso ang mga sinasabi ko.
"A-Ano na naman ba, Wince? Ano naman kung hindi ko isinara ang pintuan? Ilalabas niyo ba si Thymine kapag ginawa ko 'yon?" naghahamong tanong ko sa kaniya.
Ang dami nilang mga palusot para lang hindi ipakita sa akin si Thymine. May magbabago ba kung isinara ko ang pintuan? Nagpapatawa ba sila?
"R-Rhian... M-May tao sa likuran mo," natatakot na sabi ni WInce at bahagya pang itinuro ang likuran ko.
Takot na takot sila at halos magdikit-dikit na ulit. Sa tingin ba nila madadaan nila ako sa ganito? Hindi ako matatakukin. Malilintikan talaga sila sa akin kapag umabot ng tatlo ang bilang ko. Hindi ko na kayang magtimpi pa.
Akmang magsasalita na ako subalit biglang may kamay na humawak sa balikat ko. Sino na naman ba ito? Talaga bang nakahanda silang gawin ang lahat para hindi ko makita ang kalagayan ni Thymine?
"Kamusta? Gusto mo bang ako na ang magtuloy ng ikatlong bilang? Sabihin mo lang para mapatay mo na sila," mapang-asar na tanong nito sa akin gamit ang garagal na boses.
Biglang nagsitayuan ang balahibo ko at bahagya akong nakaramdam ng takot.
Unti-unti nitong hinahawakan at balikat koat kahit na isang kamay lang ang gamit niya ay sapat na ito para matigilan ako sa ginagawa.
"Natatakot ka na ba? Handa ka na bang harapin ang kapalaran mo? Namamangha talaga ako sa katapangan mo, Rhian," mahinang bulong niya sa tainga ko.
Bahagya niyang hinahaplos ang balikat ko paakyat sa leeg. Ang magaspang niyang mga palad ay mabilis na lumapat sa makinis at pinagpapawisan kong balat. Unti-unti kong naramdaman ang tulis ng kaniyang mga kuko nang bahagya niya itong idiin sa leeg ko.
"Nasaan ang duwag mong kasamahan? Ipakita mo siya at sabay ko kayang papatawan ng parusa. Sinabi ko naman kasi sa inyo, hindi niyo ako matatakasan. Hindi niyo matatakbuhan ang mga sarili niyong kamatayan," kalmado ngunit may pagbabantang sambit niya sa akin.
Sinubukan kong maging kalmado at bahagyang inaanalisa ang lahat. Nakapagtataka lang na hindi ganito ang kaba ko noong makita ko siya. Parang may mali sa mga nangyayari. Nararamdaman ko ito.
"Sino namang kasama ko ang gusto mong kasabay kong mamatay? Para naman makapaghanda ako," sarkastikong tanong ko sa kaniya pero may gusto akong kumpirmahin.
Bahagya siyang natigilan at dahan-dahan inihipan ng mainit niyang hininga ang tainga ko. Kinikilabutan ako sa ginagawa niya pero hindi ako masyadong kinakabahan. Alam kong hindi siya ang kinatatakutan ng lahat.
"Sino pa ba sa tingin mo? Si Liam lang naman ang kasama mo kanina," mahinang bulong niya sa akin.
Sa sinabi niyang ito ay tila biglang bumalik ang lakas ko. Agad akong umikot at akmang sisipain siya subalit hindi pa man umaangat sa ere ang paa ko ay nahuli niya kaagad ito. Hindi ako p'wedeng magkamali. Hindi siya ang nakita ko.
"Ayan ang gusto ko sa babae, palaban," nasisiyahan niyang sabi at bahagya pa akong nginisian nang nakakaloko.
Ang mga mata niya, nanlilisik ito. Nakahanda siyang pumatay anumang oras niya gustuhin. Nanganganib ang buhay naming lahat dahil nandito siya, kasama namin sa silid si Kamatayan. 'Yon ang gusto niyang paniwalaan ko pero nagkakamali siya.
Nginisian ko rin siya pabalik. Sa tingin niya ba talaga madadala niya ako sa pananakot niya? Nagpapatawa ba siya? Hindi niya ako masisindak.
"Kamatayan, mabuti naman at buhay ka pa. Kamusta? Bakit mo kami biglang binisita? Anong maipaglilingkod namin sa iyo?" mapang-asar na tanong ko sa kaniya.
Hindi ko hahayaan na matakot niya ako dahil kailanman ay hindi niya ako masisindak. Palagi kong naaalala na ako si Rhian, lahat ng imposible ay nagagawa kong posible. Hindi niya ako maiisahan.
Inis kong binawi mula sa kaniya ang kanang paa ko. Tapos na ang pagpapanggap niya. Hindi ko na hahayaan na may maloko pa sìyang iba. Wala siyang mapapala rito.
"Makakaalis ka na, hindi ka imbitado sa lugar na 'to. Hintayin mong kumagat ang dilim at do'n kami matatakot. Para sabihin ko sa iyo, hindi ka nakakatakot," mariing giit ko sa kaniya at bahagya pa siyang nginisian.
Halos magulantang naman ang mga kasamahan ko at hindi nila akalain na nakikipagmatigasan ako kay Kamatayan. Ganoon na ba ako kahina sa tingin nila? Lahat ay nakahanda kong gawin para makaligtas at matulungan si Thymine. Walang ibang p'wedeng makapigil sa plano ko.
Nakita ko rin na bahagyang sumilip si Thymine na ngayon ay nakaupo sa kama at bahagya pa siyang ngumiti sa akinm Mabuti naman at ligtas siya. Mas lalo akong hindi magiging mahina dahil nakita ko na ang ipinaglalaban ko. Ang dahilan kung bakit pilit akong lumalaban ng patayan.
"Tigilan na natin ang kalokohang 'to at umalis ka na agad bago pa ako mapikon sa iyo. Masyado na akong maraming iniisip na problema para dumagdag ka pa. Makakaalis ka na," diretsong sabi ko sa kaniya.
Bakas sa mukha ni Kamatayan ang labis na pagtataka at mukhang hindi niya talaga inaasahan ang mga sinasambit ko. Kung sa tingin niya kontrolado niya ang lahat ay nagkakamali siya. Hindi ako magpapadala sa mga ipinapakita niya sa amin.
"R-Rhian, saan ka ba humuhugot ng lakas ng loob? H-Hindi ka ba natatakot sa kaniya? Baka patayin ka niya," kinakabahang tanong ng isa kong kasamahan.
Bahagya ko lang sìyang nginisian. Hindi ko maintindihan kung bakit ba sila natatakot dito. Isa lang din naman siyang tao gaya namin at ang kaibahan lang ay may hawak siyang patalim. Pareho kaming tao. Parehong p'wedeng mamatay.
"Bakit ba kayo natatakot sa kaniya? Mukhang hindi niyo talaga siya kilala. Nakakaawa talaga kayo dahil ang dali niyong maisahan," mariing giit ko sa mga kasamahan ko.
Kilala ko si Kamatayan at hindi ako basta masisindak. Ibang Kamatayan ang nasa harapan ko ngayon. Hindi siya ang kinatatakutan ni Thymine. At mas lalong hindi siya ang pumapatay ng mga inosente tuwing gabi.
"A-Ano bang sinasabi mo? Nasisiraan ka na ba ng bait? Si Kamatayan ang nasa harapan mo kaya bakit hindi ka pa tumatakbo? P-Papatayin ka niya. Bakit nakatayo ka lang riyan?" kinakabahang sigaw ng isa pa naming kasamahan.
Mabilis akong humarap sa sinasabi nilang Kamatayan at bahagyang tumingkayad para maabot ang mukha nito. Unti-unti akong ngumisi bago bumulong sa tainga niya.
"Nakakagulat ba? Hindi mo yata inaasahan na makikilala kita. Trench, tama na ang pagpapanggap dahil hindi ikaw si Kamatayan. Kahit anong gawin mo, hindi mo siya magagawang gayahin" deretsong sambit ko sa kaniya at bahagya pang nilakasan ang boses para marinig nila ang sinasabi ko.
Hindi niya ako maloloko dahil pareho naming alam kung paano kumilos si Kamatayan. Kahit na magsuot pa siya ng nakakatakot na damit o gayahin ang kilos at boses ni Kamatayan, hindi niya ako kailanman maloloko.
"Ano? Trench, ikaw ba 'yan? Totoo ba ang sinasabi niya?" hindi makapaniwalang tanong ni Wince.
Unti-unti namang tinanggal ni Trench ang maskara niya at inalis ang mga kulay sa balat niya. Naiinis niya akong tiningnan. Sinasabi ko na nga ba tama ako. Hindi ako p'wedeng magkamali dahil alam ko kung totoong Kamatayan ang nasa harapan ko.
"Masaya ka na? Masyado kang pabida. Panira ka ng laro," naiinis na sambit niya sa akin.
Sa tingin niya ba talaga magagawa niya kaming lokohin? Mukhang pinaghandaan niya ito kaya hindi siya bumabalik sa kuwarto. Pinag-isipan niyang mabuti ang lahat pero ilang minuto lang ay nabuking ko na siya.
"Kahit kailan talaga Rhian, sinisira mo ang mga plano ko. Sana man lang nagpanggap kang hindi mo alam. Nakakainis ka. Ilang oras ko itong pinag-isipan pero nasayang lang ang lahat," pagrereklamo niya sa akin.
Natawa na lang ako sa inasta niya. Hindi ako makapaniwala na maiisip niya itong gawin kahit nasa gitna na kami ng panganib. Hindi niya man lamang inisip ang mararamdaman ng mga kasamahan namin. Ang iba sa kanila hanggang ngayon nanginginig pa rin ang mga tuhod.
"Kilala kita, mula ulo hanggang paa. Trench, wala kang maitatago sa akin. Sa susunod na gawin mo 'yan, siguraduhin mong hindi kita mabubuking," mariing giit ko sa kaniya bago lapitan si Thymine na ngayon ay nakaupo sa kama at nakangiti sa akin.