Third Person
Gulat na gulat sina Rhian at Thymine dahil sa sitwasyon nila ngayon. Hindi nila inaasahan na makakaharap nila nang malapitan si Kamatayan. Kinakabahan sila ngayon, wala silang ideya kung paano matatakasan ang papatay sa kanila.
Nakangisi nang nakakaloko si Kamatayan at bahagya pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa itak. Muli niyang pinasadahan mula ulo hanggang paa ang dalawa at hindi niya mapigilan ang sarili na ngumisi.
Kahit na nakakaramdam din ng matinding pagkatakot, pinipilit pa rin ni Rhian na maging matatag para sa kanila ni Thymine. Hindi niya p'wedeng ipakita na wala silang laban kay Kamatayan. Kailangan niyang makaisip ng paraan para makaligtas sila.
"Kamusta? Ako si Kamatayan. Ang lahat ng mga tinutugis ko, tiyak na may paglalagyan. Nakahanda na ba kayo?"
Nararamdaman na ni Thymine na kaunting sandali na lang ay siguradong mamamatay na siya sa takot o sa kamay ni Kamatayan mismo. Gusto niyang sumigaw at humingi ng tulong sa iba pero hindi sìya makapagsalita. Ang tanging nagagawa niya lang ay humawak nang mahigpit kay Rhian.
"Thymine, makinig kang mabuti. Pagbilang ko ng tatlo, tatakbo tayo. Anuman ang mangyari, huwag kang lilingon sa likuran. Naiintindihan mo ba ako?" mahinang bulong ni Rhian kay Thymine.
Bahagyan namang tumango ang binata at hindi na nagreklamo pa dahil sa nararamdamang takot. Si Rhian ang pinagkakatiwalaan niya sa mga oras na ito at dito rin siya humuhugot ng lakas para lumaban.
Nakangisi pa rin si Kamatayan at tila ninamnam nito ang putaheng nasa harapan niya. Pinagmamasdan niya lang ang dalawa at wala siyang kamalay-malay na may nakahanda itong plano.
Tumingin si Rhian kay Thymine at palihim niyang kinurot ang balat nito sa braso na siyang hudyat na ito na ang unang bilang. Kinakabahan sila sa gagawin pero wala na silang ibang pamimilian. Siguradong mamamatay sila kapag walang ibang ginawa.
Nag-unat muna si Kamatayan ng dalawang braso niya at inayos nito ang pagkakatayo. Unti-unti niya ring inaalis ang mga nabasag na obra sa pagitan nila. Malakas ang loob niyang gawin ito sa pag-aakalang takot na takot na ang mga papatayin niya.
Samantala, inayos naman nila Thymine at Rhian ang kanilang pagkakaupo at ito ang tanda ng ikalawang bilang. Isang bilang na lang ang kailangan nilang perpektong gawin upang tuluyang makatakbo.
"Dapat lang kayong matakot at masindak sa akin. Kahit na anong gawin niyo, wala kayong mapapala. Dito sa bahay ko na ito kayo mamamatay," mariing giit nito at akmang iwawasiwas na ang hawak na itak nang biglang sumigaw si Rhian.
"TATLO!" buong lakas na sigaw ni Rhian at bigla silang kumaripas ng takbo ni Thymine.
Halos madapa na ang dalawa sa pagmamadali subalit hindi ito naging hadlang para unti-unti silang makalayo kay Kamatayan. Hindi na rin nila alintana kung ano ang magiging reaksyon ni Kamatayan sa ginawa nila. Ang tanging nasa isip lang nila ay tuluyang makalayo.
"Tumakbo lang kayo hangga't gusto niyo. Kahit saan kayo magtago ay siguradong mahahanap ko kayo. At sa oras na mangyari 'yon, hindi ako magdadalawang-isip na patayin kayo," bulyaw ni Kamatayan at nagsisimula na ring maglakad bitbit ang kanyang itak.
Hindi pa rin tumitigil sa pagtakbo ang dalawa kahit na narinig ang sinabi ni Kamatayan. Nanginginig man ang kanilang katawan dahil sa takot, kailangan nilang magpakatatag para makaligtas. Hindi sila dapat magpaapekto sa mga salitang binitawan ni Kamatayan.
"Thymine, huwag kang lilingon sa likod. Kahit anong mangyari, hindi ka titingin sa kanya. Kailangan nating makalayo agad. Huwag kang magpapadala. Magiging ligtas tayo," hinihingal na paalala ni Rhian.
Lumiko sila sa isang pasilyo at saktong nakita nila si Wince na nasa labas ng isang silid. Agad silang nilapitan nito at nag-aalalang tinignan. Sa itsura ni Rhian, alam na ni Wince kung anong nangyayari.
"Rhian, dito. Nandito ang grupo, bilisan niyo! Pumasok na kayo habang wala pa siya. Siguradong susundan niya kayo. Tara na sa loob," natatarantang sambit ni Wince at agad na binuksan ang pintuan ng silid.
Hindi naman inaksaya nina Rhian at Thymine ang pagkakataon. Agad nilang binilisan ang pagtakbo at hindi na nagdalawang-isip na pumasok sa silid. Kailangan nilang magtago. Hindi na ligtas sa labas gayong hinahabol na sila ni Kamatayan.
Agad namang pumasok si Wince at isinara ang pintuan ng silid. Halos lahat sila ay kabado sa mga posibleng mangyari. Hindi nila alam ang eksaktong gagawin kung sakaling makaharap si Kamatayan. Ang tanging magagawa lang nila sa ngayon ay magtago.
Namumutla na si Thymine sa sobrang takot at agad na nawalan ng malay. Sinaklolohan sila ng mga kasamahang lalaki at kaagad nilang binuhat si Thymine papunta sa higaan. Masyado itong napagod at natakot dahil kay Kamatayan.
"Ayos lang ba kayo, Rhian? Anong nangyari sa inyong dalawa ni Thymine? Bakit bigla kayong nawala kanina? Naglilibot pa naman si Kamatayan. Nakita niyo siya, tama ba ako? Kaya balisa ka pa rin hanggang ngayon," nag-aalalang tanong ni Wince.
Nagpakawala si Rhian nang malalim na buntong-hininga bago humarap sa mga kasamahan niya. Hindi niya pa gustong pag-usapan ang nangyari sa kanila.
"Alam ko, nakaharap namin si Kamatayan. Sìya ang dahilan kung bakit nagkaganito si Thymine," mahinahong paliwanag ni Rhian at kinuha ang iniabot sa kanyang silya.
Agad namang naging interesado ang mga kasamahan nila sa narinig. Tila gustong malaman ng mga ito ang mga nangyari sa naging engkwentro ni Rhian kay Kamatayan. Umaasa sila na sa impormasyong ito ay makakaligtas din sila.
"Anong itsura ni Kamatayan? Nakakatakot ba siya? Ang sabi ng mga kasamahan natin, palagi raw itong may bitbit na itak. Totoo ba 'yon o kuro-kuro lang?" nagtatakang tanong ng isa nilang kasamahan.
Hindi na lang ito pinansin ni Rhian at sa halip ay nilingon niya si Wince. Mas lalo lamang matatakot ang mga kasamahan niya kapag sinabi niya ang tungkol kay Kamatayan.
"Ilang ang namatay? Ilan ang nabawas sa grupo natin?" nagtatakang tanong ni Rhian kay Wince.
Tila hindi inaasahan ni Wince ang itatanong ni Rhian kaya't bigla siyang natigilan. Hindi niya alam kung dapat niyang sabihin kay Rhian ang nalalaman niya. Ayaw na niyang dagdagan pa ang mga iniisip nito.
"Wince, tinatanong kita. Ilan ang nabawas sa grupo natin? Ilan ang nabawian ng buhay sa kamay niya?" pag-uulit na tanong ni Rhian.
Mababakas ang labis na pagkainis sa mukha ni Rhian at tila biglang umikli ang pasensya nito. Gusto niyang malaman kung ilan na ang napatay ni Kamatayan nang sa gayon ay makagawa siya ng paraan para singilin ito.
"Ah, kasi ano..."
Hindi alam kung ni Rhian kung matutuwa ba siya sa pinaggagawa ni Wince kaya't sinamaan niya ito ng tingin. Bahagyang nagpunas ng pawis si Rhian at muling tinignan ang kinakabahang si Wince.
"Inuulit ko, ilang ang nabawas sa grupo natin. Wince, huwag mong sagarin ang pasensya ko. Gusto ko lang malaman," naiinis na sabi ni Rhian.
Sa sobrang kaba na nararamdaman ni Wince ay wala na siyang nagawa kung hindi sabihin kay Rhian ang totoo. Wala rin ngayon si Trench na magtatanggol sa kanya. Wala siyang ibang magagawa kung hindi makisama.
"T-Tatlo. Tatlo ang nabawas sa grupo natin. Isang matandang babae at dalawang binatilyo. Hindi agad sila nakatakbo kaya nahuli sila ni Kamatayan. Wala akong nagawa para iligtas sila," nanlulumong sambit ni Wince.
Hindi na nagulat si Rhian sa narinig at sa halip muli na naman siyang nagtanong kay Wince. Muli niyang naalala ang pagiging makasarili ng isa nilang kasamahan. Ang taong palaging nagsasabi na tutulungan sila.
"Nasaan ang magaling na si Trench? Bakit wala siya rito sa silid? Hindi ba siya raw ang magliligtas sa atin?" makahulugang tanong ni Rhian.
Bahagyang napalunok si Wince sa narinig. Alam niyang hindi niya na magagawang makapagsinungaling sa harap ni Rhian ngayon. Kinakabahan siya sa posibleng maging alitan sa pagitan ni Trench ay Rhian.
"W-Wala, hindi na siya bumalik simula nang umalis kanina. Hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. Naiwan ako para iligtas ang iba pa nating kasamahan," pag-aamin niya kay Rhian.
Sakto namang may narinig silang mahihinang katok sa pintuan. Nagtinginan ang iba at tila nag-iisip ang mga ito kung bubuksan ba ang pintuan. Wala silang ideya kung sino ang nasa labas.
"Huwag niyong ituloy. Walang magbubukas ng pintuan," mariing giit ni Rhian.
Agad namang may umapela sa isa sa mga kasamahan nila. Bahagya pa itong tumayo upang harapin si Rhian. Sa paraan ng pagduro niya ay mababakas ang pagkainis.
"Bakit naman hindi natin bubuksan ang pinto? Binuksan namin kanina kaya nakapasok kayo, hindi naman yata patas kung hindi natin bubuksan. Anong malay natin na may nangangailangan din ng tulong," pangangatuwiran ng isang babae nilang kasamahan.
Bahagya silang nilamon ng katahimikan. Samantala, mas lalong lumalakas ang mga katok. Ang tunog din nito ay animo'y may ipinapahiwatig na hudyat.
Isa...
Dalawa...
Tatlo...
Nawala ang mga katok. Nagsimula silang makaramdam ng kaba at pinipigilan ang paghinga. Si Rhian ang unang nakabawi sa kanila at matatag nitong hinarap ang babae kanina.
"Sige, buksan mo. Walang sisihin kung si Kamatayan ang bubulaga sa iyo. Binalaan na kita," mariing giit ni Rhian at bakas sa mukha ng babae ang pagkatakot.
Walang ibang nangahas na magsalita at lumapit sa pintuan. Lahat sila ay nanatili sa mga puwesto at kapuwa naghihintay sa susunod na gagawin.
"Walang magbubukas, makinig kayo kay Rhian. Magtiwala tayo sa kanya dahil pareho sila ni Trench. Mas malakas ang pakiramdam nila kung nasaan si Kamatayan kumpara sa akin," mariing pag-uutos ni Wince sa mga kasamahan nila.