Thymine
Matapos ang madamdaming pag-uusap ay muli kaming sumama ni Rhian sa paglilibot ng grupo. Nasa malapit lang naman sila sa kinaroroonan namin kanina kaya hindi na kami gaanong nahirapan pa.
Iniiwasan ko na rin ang makaramdam nang pagkailang sa tuwing magkasama kami ni Rhian at may mga matang nakatingin sa paligid. Wala naman sigurong masama sa ginagawa niyang pagtulong sa akin. Isa pa, si Rhian lang naman ang tanging nakakausap ko rito nang matino.
Halos pasado alas-dos na ng hapon subalit hindi pa rin tapos ang walang kamatayang paglilibot na 'to. Nananakit na ang talampakan ko sa tagal ng paglalakad at para kaming nasa prusisyon. Hindi ko talaga akalain na ganito kalaki ang bahay ni Kamatayan.
"Rhian, hindi ko akalain na madali lang ulit kayong magkakasundo ni Thymine. Ang buong akala ko pa naman ay matatagalan ang pagbabati niyo dahil iniwan mo siya," hindi makapaniwalang bulalas ng isa naming kasamahan.
Bahagyang kaming natigilan sa paglalakad dahil sa sinabing ito. Ang mga kasama namin ay mariin kaming tinignan ni Rhian. Ang mga titig nila, tila hindi sila makapaniwala. Ano bang mga sinasabi nila? Bakit ako iiwan ni Rhian? Sa anong dahilan?
"Tama na 'yan, huwag kayong makialam sa mga buhay nila. Magpatuloy na tayo sa paglalakad, kaunti na lang at matatapos na tayo. Maglakad na lang tayo nang matiwasay," mariing giit ni Wince nang mapansing may namumuong tensyon kaya itinigil nila ang ginagawang pagtitig sa amin.
Hindi rin nakatakas sa mga matako ang iilang palihim na nagmamasid. Pasimple nila kaming tinitignan na tila may ginawang masama. Bakit ba ganito sila? Hindi ko maintindihan ang mga pinaghuhugutan nila sa buhay pero sa puntong ito ay dapat nagtutulungan kami.
"Tama na muna. Hanggang dito na lang at paglilibot natin. Sana'y kahit papaano ay natandaan niyo ang mga dinaanan nating lugar. Maligo na kayo at nakahanda na rin ang mga gamit sa palikuran," mariing giit ni Trench bago kami tuluyang iwan.
Puno ng mga antigong gamit ang ika-apat na palapag. Malaki ang espasyo ng palapag na ito at may tatlong pasilyo. Kung susumain, sa ganitong lugar mainam na magtago mula kay Kamatayan. Mas mabilis kaming makakatakas kung magkataon.
"Rhian, dito na lang kaya tayo magtago mamayang gabi? Mukhang mahihirapan si Kamatayan na makita tayo. Tignan mong mabuti, marami tayong mga pasilyo na p'wedeng takbuhan. Ano sa tingin mo?" mahinang bulong ko sa kanya.
Pasimple akong hinatak ni Rhian palayo sa mga kasamahan namin. Mababakas ang sobrang pag-iingat niya at sinisiguradong hindi nila mapapansin ang pagkawala namin. Ano bang nangyayari? May masama ba sa sinabi ko?
"Hindi tayo maaaring magtago sa palapag na ito, masyadong delikado. Ang palapag na ito ang pinakahuli mong pagtataguan. Hindi ito ligtas na pagtaguan kung gusto pa nating mabuhay," mahinang paliwanag sa akin ni Rhian habang lumilinga sa paligid.
Naguguluhan ko siyang tinignan. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya. Paanong naging delikado? Ano ba talagang panganib ang naghihintay sa amin dito sa ikaapat na palapag?
"Ano bang problema? Mukha namang mas ligtas tayo rito. Maraming pasilyo. Marami tayong pagtataguan at hindi tayo basta makikita. Hindi gaya sa ibang palapag, hindi niya agad tayo rito makikita," pangangatuwiran ko sa kanya.
Umiling siya at bahagyang hinawakan ang mga braso ko. Wala talaga akong ideya sa mga nangyayari. Ano bang ibig niyang sabihin? Wala akong maintindihan.
"Nagkakamali ka sa iniisip mo. Hindi ligtas sa palapag na 'to. Makinig kang mabuti sa sasabihin ko, Thymine. Kailangan nating makaalis sa palapag na 'to bago kumagat ang dilim. Naiintindihan mo ba ako?" natatarantang sabi ni Rhian.
Hindi ko alam kung bakit, pero dahil sa sinabi ni Rhian ay bigla akong sinalakay ng matinding kaba. Kinakabahan ako, hindi ko alam kung anong dahilan. Sa paraan pa lang ng pagsasabi niya, alam kong hindi na kami ligtas dito.
"Thymine, kailangan nating magtago. Huwag kang bibitaw sa akin. Hindi tayo ang magiging biktima niya. Makakaligtas tayo," determinadong sambit ni Rhian.
Agad niya akong hinatak at sabay kaming tumakbo papunta sa kung saan. Ramdam ko ang malakas na kabog ng mga dibdib namin at pareho kaming kabado sa mga oras na 'to. Walang kasiguraduhan kung anong magiging kapalaran namin ngayong gabi.
Tumigil kami nang may makita si Rhian na naglalakihang mga obra sa paligid. Nakasandal ito sa mga pader at hindi nakasabit. Sa posisyon nito, hindi malabong magkasya ang dalawang tao. Mukhang alam ko na kung anong tumatakbo sa isip ni Rhian.
Agad siyang lumusot sa espasyo ng mga obra at pader. Tama nga ang hula ko, may sapat itong laki para makapagtago kami. Sinenyasan niya rin ako na sumunod at do'n kami umupo.
Pareho kaming hinihingal nang tuluyang makaupo at kapuwa hinahabol ang mga hininga. Hindi ko akalain na gano'n ang magiging epekto ng sinabi ni Rhian. Madilim na sa buong paligid at siguradong lumabas na si Kamatayan.
"Dito muna tayo pansamantalang magtatago. Hindi pa ligtas sa palapag na 'to. Sa bawat gabing lumilipas, itong palapag ang iniiwasan kong puntahan. Pero wala na tayong magagawa, nandito na tayo," nababahalang sambit ni Rhian.
Nagtataka ko siyang tinignan. Hindi ko alam ang eksaktong nangyayari. Naguguluhan ako sa mga ikinikilos niya. Bakit bigla siyang nataranta?
"Ano ba talagang nangyayari? Bakit kailangan nating tumakbo at magtago? Bakit ganoon na lang ang kaba mo? Kanina ko pa napapansin 'yan nang makarating tayo sa palapag na ito," naguguluhang tanong ko sa kanya.
Nagpakawala siya nang malalim na buntong-hininga bago muling magsalita at sagutin ang tanong ko. Hindi ko maiwasang kabahan sa mga ikinikilos ni Rhian.
"Hindi lang sa gabi nagpapakita si Kamatayan, lumalabas din siya sa mga oras na 'to. Nandito si Kamatayan, nandito siya sa ika-apat na palapag " nababahalang sabi ni Rhian.
Sa sinabi niyang ito ay muli akong sinalakay ng matinding kaba. Tila muling nagsimulang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Kaya pala kanina pa balisa si Rhian. Wala man lamang akong kamalay-malay na nasa panganib pala kami kanina pa.
"Hindi lang ako ang nakakaalam na narito siya. Tatlo kaming may kakayahan na maramdaman kung nasaan si Kamatayan. Isa na ro'n si Trench, alam niyang narito rin si Kamatayan," muling dagdag ni Rhian.
Ang kaninang kaba na nararamdaman ko ay biglang napalitan ng inis. Kaya naman pala pinatigil kami ni Trench sa paglilibot dahil nararamdaman niya na nasa malapit lang si Kamatayan. Hindi ko talaga siya maintindihan, ang buong akala ko pa naman ay tutulungan niya kami.
"Bakit hindi niya sinabi sa atin? Bakit mag-isa lang siyang umalis? Tang ina! napakamakasarili niya. Bakit ganoon siya, Rhian? Hindi niya man lamang sinabihan ang iba," naiinis kong sambit at ikinuyom ang kamao ko.
Hindi na dapat nabubuhay ang mga makasariling tao at puro pansariling kapakanan lang ang iniisip. Wala silang lugar dito sa mundong 'to. Nagtatangis ang bagang ko, nakakapanggigil! Hindi ko siya mapapatawad.
"Tang ina! Si Kamatayan, nandito siya! Mga kasama magtago na kayo! Iligtas niyo na ang inyong mga sarili, umalis na kayo sa palapag na 'to. Bilisan niyo! T-Tang ina, nandito na siya!"
Magkakasunod na sigaw ang naririnig namin ngayon sa hindi kalayuan at tila ito na ang hudyat na nandito na si Kamatayan. Kinakabahan ako para sa kaligtasan ng iba naming kasamahan. Wala silang kamalay-malay na nanganganib na sila.
"Bakit hindi na lang siya tumakbo? Mas lalo siyang mapapahamak kung sisigaw siya. Makukuha niya lalo ang atensyon ni Kamatayan. Mas lalo sila nitong tutugisin at hindi titigilan hangga't humihinga pa," nababahalang sambit ni Rhian.
Maya-maya pa ay may narinig kaming daing, para itong tinutusok ng kung ano. Namimilipit ito sa sakit at nararamdaman ko ito mula sa mga daing niya. Hindi ko mapigilan ang sarili, sobra na akong kinakabahan.
"R-Rhian? Anong nangyayari? Bakit may mahihinang daing? Sino 'yong nasasaktan? L-Ligtas lang ba sila? Nakatakas ba?" kinakabahang tanong ko at bigla na lang tinakpan ni Rhian ang bibig ko.
Naririnig ko na naman ang mga yabag at palakas ito nang palakas. May sumasayad din na patalim sa sahig, papunta ito sa direksyon namin. Hindi ako p'wedeng magkamali dahil dalawang beses ko na siyang nakita.
Kinakabahan na ako, sobrang bilis ng pagtibok ng puso ko. Pilit naman akong pinapakalma ni Rhian at pinaparamdam niya na maayos lang ang lahat. Pero hindi ko pa rin maiwasang kabahan, alam kong nasa malapit lang siya.
Sobrang lakas ng mga yabag at mas lalo itong lumalapit sa direksyon namin. Palapit nang palapit. Ang matalas na bagay na sumasayad sa sahig ay mas lalong lumilinaw sa pandinig ko. Tang ina!
Isa...
Dalawa...
Tatlo...
Tang ina! Nasa harapan na namin si Kamatayan. Tanging mga naglalakihang obra na lang ang pumagitan sa amin. Tang ina! Anong gagawin ko? Walang tigil sa magkakasunod na mabibilis na pagtibok ang puso ko.
Hindi ko na mapigilan ang sarili ko, pawis na pawis na ako. Ayoko na, para na akong hihimatayin sa sobrang kaba. Hindi ko kayang makita siya. Papatayin niya ako. Hindi na kami ligtas dito.
Hinampas ni Kamatayan ang mga obra gamit ang itak niya. Paulit-ulit. Hindi siya tumitigil hanggang sa tuluyang mabasag ang mga obra. Napahawak ako nang mahigpit kay Rhian, para na akong maiihi sa takot. Hindi ko na kayang pigilan pa.
Tuluyanng nabasag ang mga obra at tumambad sa amin ang nakangising mukha ni Kamatayan. Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig.
Hindi ko maramdaman ang paligid. Wala akong ibang marinig kung hindi ang sunod-sunod na pagtibok ng puso ko. Sobrang bilis. Hindi na ako makapag-isip pa.
"Kamusta? Ako si Kamatayan. Ang lahat ng mga tinutugis ko, tiyak na may paglalagyan. Nakahanda na ba kayo?"