Thymine
Sa sinabing ito ni Trench, bigla akong napaisip nang malalim. Hindi ko ito inaasahan. Walang tigil sa sunod-sunod na mabibilis ang pagtibok ng puso ko. Kinakabahan ako sa mga posibleng panganib na kaharapin ko mamaya.
"Walang kasiguraduhan ang sinasabi sa iyo ni Trench. Pinaglalaruan ka lang niya at kinakagat mo na ito. Thymine, umayos ka! Walang mangyayaring masama sa iyo ngayon," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa mga oras na 'to. Dapat na ba akong tumakas at kalimutan ang lahat? Sa nasaksihan ko kagabi, hindi malabong mas brutal pa ang maranasan ko sa kamay ni Kamatayan.
"Ano ba, Thymine! Umayos ka. Wala si Kamatayan. Hindi siya totoo. Imahinasyon mo lang ang lahat. Ayusin mo ang pag-iisip mo. Ano ba?" naiinis na sigaw ko.
Kanina pa ako paulit-ulit na naglalakad dito sa isang silid ng mga panauhin. Gulong-gulo na ang isipan ko, masyadong nagiging kumplikado ang lahat. Kahit na alam kong totoo si Kamatayan at sasaktan niya ako, hindi ko pa ring maiwasang na lokohin ang sarili ko.
Walang tao sa silid na 'to dahil abala silang lahat sa paglilibot. Paminsan-minsan ay nasasabunutan ko ang sarili ko sa sobrang pagkainis. Wala akong maisip na solusyon. Paano ko na matatakasan si Kamatayan gayong hawak at kontrolado niya ang buong lugar? Nakapaimposibleng mangyari.
"Bakit ko ba kailangang maranasan ang bagay na ito? Naging mabuti naman akong tao sa kapuwa ko. Bakit kailangang humantong ang lahat sa ganito?" wala sa sariling bulalas ko.
Ano ba naman kasing kasalanan ang nagawa ko sa nakaraan kong buhay? Bakit nagkamalas-malas na ang kapalaran ko ngayon? Wala akong tinatapakan na tao pero bakit ganito ang isinukli sa akin?
Hindi na ako p'wedeng humingi ng tulong kay Rhian dahil nangako na ako sa sarili ko na kaya kong tumayo sa sariling paa. Kaya kong maging ligtas sa paraang alam ko at walang tulong mula sa iba.
"Matuto kang tumupad sa mga binitawan mong salita, Thymine. Hindi ka hihingi ng tulong mula sa iba. Kaya mo itong malampasan," muling pagkukumbinsi ko sa sarili.
Pero paano ko gagawin 'yon? Wala naman akong maisip na solusyon kung paano matatakasan si Kamatayan mamaya. Wala akong laban sa kanya. Mahina ako. Isa lamang akong hamak na laruan para sa kanya.
"Tang inang buhay naman 'to! Mag-isip ka naman, Thymine! Hindi p'wedeng wala kang gagawin. Hindi ka pa p'wedeng mamatay! Hindi sa lugar na ito," naiinis na sigaw ko sa sarili ko.
Sa dinamirami namin, bakit ako pa ang naisip na patayin mamaya? Ano bang basehan niya? Bakit ako? Anong kasalanan ang ginawa ko sa kanya?
Saktong nahagip ng mata ko ang bintanang nakasara. Natatakpan ito ng pulang kurtina. Humampas ang malakas na hangin kaya't bahagyang umangat ang kurtina at tumambad sa akin ang nakatagong bintana.
"Sandali... Paano kung?" nagtatakang tanong ko sa sarili na tila may nabubuong konklusyon sa isipan ko.
Napangiti na lang ako sa aking isipan dahil may biglang akong naisip na plano. Wala man itong kasiguraduhan pero kailangan kong subukan. Wala naman sigurong mawawala sa akin.
"Kailangan kong subukan," determinadong sabi ko.
Unti-unti akong lumalapit sa kurtina. Kaunting distansiya na lang at siguradong mararating ko na ito. Kaunti pa. Sige lang, Thymine. Kaunti na lang.
Mas binilisan ko pa ang mga hakbang ko, kailangan kong makarating agad sa bintana. Ito lang ang naiisip kong paraan para makatakas nang hindi nila namamalayan.
Kaunti na lang, malapit na ako. Abot-kamay ko na ang tagumpay. Kailangan ko na lang itong abutin, kaunti na lang at tiyak na mabubuksan ko na.
Nakahanda na ako sa posibleng mangyari, bahala na kung saan ako dadalhin ng walang kasiguraduhang plano na 'to. Kailangan kong sumugal.
Bubuksan ko na ang bintana, kaya ko 'to. Hinahawi ko na ngayon ang nakasarang na kurtina. Sige lang Thymine, kaya mo 'yan. Ipagpatuloy mo.
Lumalakas na ang kabog ng dibdib ko, namumuo na rin ang pawis ko. Pinipihit ko na ang bintana para bumukas, napapikit na lang ako habang ginagawa ito. Kaunting sandali na lang.
Tuluyan na itong bumukas at sumampal sa akin ang malamig na simoy ng hangin. Nanatili pa rin akong nakapikit at ninanamnam ang init ng araw. Parang kailan lang noong huli ko itong naramdaman. Pero...
Isa....
Dalawa...
Tatlo....
Tang ina! Bakit parang nasusunog yata ang balat kom Tumitindi ang init, nakakapaso na ito. Hindi ko inaasahan ang ganito kainit na pakiramdam.
Hindi ko na ito makakayanan pa at akmang imumulat ko na ang mga mata ko subalit may tumulak sa akin. Bumagsak ako sa sahig at do'n ako bumalik sa tamang pag-iisip. Pakiramdam ko ay nawala ako sa ulirat dahil sa nangyari.
Agad na sinira ng babae ang bintana at muling itinakip ang kurtina. Mariin ako nitong tinignan sa mga mata at naiinis akong binulyawan.
"Ano bang ginagawa mo, Thymine? Nahihibang ka na ba talaga at gusto mong mamatay? Paulit-ulit kong sinasabi sa iyo na hindi mo p'wedeng masilayan ang labas, mapapahamak ka. Bakit ba ayaw mong makinig? Bakit ayaw mong maniwala?" naiinis na singhal niya sa akin.
Ang mga mata niya, punong-puno ng pag-aalala. Kahit na sinisigawan niya ako, hindi ko maramdaman ang kanyang galit. Alam ng isip at puso ko na hindi niya ako kayang saktan. Nag-aalala lang siya sa akin.
"Ano, titignan mo na lang ba ako? Bakit ba ganyan ka? Parati mo na lang akong pinag-aalala. Balewala ba sa iyo ng atensyon na ibinibigay ko? Ano bang problema mo?" dagdag niya pang sambit sa akin.
Hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Naluluha ako. Naaalala ko na si nanay at nangungulila na ako sa kanya. Dalawang araw pa lang kaming hindi nagkakasama subalit gusto ko na ulit siyang makita. Gusto ko na siyang yakapin nang mahigpit.
"Thymine, hanggang kailan ka ba magiging ganyan? Bakit hindi ka na lang maniwala at magtiwala sa akin? Poprotektahan kita, hindi kita pababayaan. Panghawakan mo ang mga pangako ko," pagpapaliwanag niya sa akin.
Bakit ba ganito sila? Sa halip na hayaan na lang nila ako, bakit kailangan pang protektahan? Hindi naman ako espesyal. Bakit ganito sila mag-aalala sa akin?
Hindi naman ako babae na kailangan ng proteksyon at mas lalong hindi ko kailangan ng atensyon. Ang gusto ko lang ay makalabas sa bahay na 'to, gusto ko lang makauwi sa bahay. Iyon lang, ayoko nang mapahamak pa rito.
Bahagya niya akong tinulungan makatayo at inilahad niya pa niya ang kanyang kamay. Sa bawat galaw niya, hindi ko maiwasang mapaisip na ano bang nagawa kong kabutihan sa kanya. Bakit siya ganito kung mag-alala sa akin.
"Halika, tutulungan kita. Kailangan mo munang malaman ang mga misteryo sa bahay na 'to. Ipinapangako ko, magkasama tayong lalabas sa bahay na 'to. Hindi kita iiwan," nakangiti niyang sambit.
Ilang beses ko na siyang sinusubukang palayuin, bakit nandito pa rin siya? Ano bang mayroon sa akin at gustong-gusto niya akong protektahan?
"Kailangan na nating makalabas sa silid na 'to, mas lalong magiging delikado kung magtatagal pa tayo. Maraming mata si Kamatayan sa paligid, mas lalo ka nilang pag-iinitan. Huwag kang magpakita ng kahinaan kung gusto mong makaligtas," pagpapaalala niya sa akin.
Hindi na ako nagdalawang-isip at agad na kinuha ang kamay niya. Kailangan ko ng kakampi, kailangan ko siya. Kahit na pagbaliktarin ang mundo, kailangan ko si Rhian. Masakit mang isipin pero kailangan ko ng tulong niya.
"Ako ang napiling patayin ni Kamatayan mamayang gabi, anong gagawin ko? Natatakot ako. Hindi ko alam kung magiging ligtas ba ako," kinakabahan tanong ko sa kaniya.
Nginitian lang niya ako. Sa ngiti ng labi niya ay mababakas ang matinding kumpiyansa. Hindi ba siya natatakot para sa magiging kapalaran ko?
"Nakalimutan mo na bang ako si Rhian? Lahat ng imposible ay kaya kong gawin. Magtiwala ka, makakaligtas ka mamaya," mariing giit niya sa akin.