Rhian
Nagsisimula nang sumikat ang araw subalit wala pa ring Thymine na dumarating. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil kahit isa sa mga kasama namin, hindi siya nakita kagabi. Nasaan ba siya? Hindi niya ba alam na nag-aalala ako sa kanya?
Nagsisimula na akong kabahan, hindi niya pa kabisado ang mga pasikot-sikot sa bahay na 'to. Ligtas ka sana Thymine, kasalanan ko kapag napahamak ka. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko.
"Rhian, kumalma ka muna riyan. Kanina ka pa palakad-lakad, nahihilo na kami sa iyo. Kung hindi niya pa oras, makakaligtas siya. Huwag kang masyadong mag-isip ng kung ano," reklamo ng isa kong kasamahan.
Masisisi ba nila ako? Saka bakit ba nila ako kailangang tignan at usisain? Hindi naman dapat sila nahihilo kung hinahayaan lang nila akong makapag-isip. Problema ko ito, hindi kanila.
"Babalik din 'yon, alam kong makakaligtas siya. Huwag kang mabaliw diyan. Akala mo kasintahan kung mag-isip. Kung umasta ka, parang nanganganib ang mahal mo sa buhay," nainis na reklamo ng isang babae.
Sa pagkakatanda ko, bagong salta lang siya rito. Kung makapagsalita, akala mo matagal na siya sa bahay na 'to. Ang hilig makisawsaw! Hindi naman nila alam ang panganib sa lugar na ito.
Nainis ko silang tinignan. Kapag ako hindi nakapagtimpi rito, baka ako ang pumatay sa kanila at hindi si Kamatayan. Nag-aalala ako kay Thymine pero sinasabayan niya ako.
"Sa tingin mo, ligtas siya? Paano ka naman nakakasiguro sa kaligtasan niya? Nakita mo ba kung saan siya nagtago kagabi? Alam mo ba na wala si Kamatayan sa lugar niya? Sige nga, sabihin mo sa akin," naghahamon na tanong ko sa kanya.
Ang ayoko sa lahat, nakikisawsaw sa problema ko. Wala naman siyang maitutulong, nakikisabat pa. Mabuti sana kung alam niya kung nasaan ngayon si Thymine.
Saan ba kasi nagpunta si Thymine? Sinabi kong maghintay sa tabi ng hagdan, bakit bigla siyang umalis nang hindi nagpapaalam? Paano kung napahamak siya?
"Saang lupalop ka ba kasi nagpunta? Hindi kita mapoprotektahan kung malayo ka sa akin. Thymine, nasaan ka ba?" naiinis na bulong ko.
Wala akong naabutang Thymine na naghihintay pagkalabas ko ng palikuran. May isang lalaki lang na nakapagsabi sa akin na kanina pa raw umalis si Thymine, nababagot daw ito kaya sinabing maglilibot muna.
Sa sobrang pagkataranta ko no'n, bigla akong tumakbo at sinimulang hanapin siya. Hanggang sa kumagat ang dilim, hindi ko na siya nakita.
"Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag ikaw ang naging biktima ni Kamatayan. Isinusumpa ko na ako mismo ang papatay sa sarili ko kapag nangyari 'yon," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Nagtatagis ang bagang ko sa tuwing naaalala ito, nakita kong narito lang sa loob na pinagtataguan namin ang nagsabing maglilibot si Thymine.
Hindi ko na napigilan ang sarili at dinuro ito. Kapag talaga nalaman ko na pinaglalaruan niya lang ako kagabi, malilintikan siya sa akin. Nang dahil sa kanya, mapapahamak si Thymine.
"Hoy lalaki! Magsabi ka nga sa akin ng totoo. Talaga bang sinabi ni Thymine na maglilibot-libot siya? Umayos ka. Sumagot ka nang maayos o gigilitan ko 'yang leeg mo," pagbabanta ko rito at halos mamutla na siya.
Kilala akong mabait sa bahay na 'to at kilala rin akong isa sa pinakamabangis kapag ginalit. Hindi ko hahayaan na may naglalaro sa isip ko. Kung kinakailangan kong maging brutal, gagawin ko.
Umiling-iling siya sa itinatanong ko. Halata sa boses niya na kinakabahan. Dapat lang siyang matakot. Mapapatay ko siya kapag nalaman kong niloloko niya ako.
"H-Hindi ako nagsisinungaling sa iyo, totoo ang mga sinasabi ko. S-Sinabi talaga 'yon ni Thymine. Kahit tanungin mo pa siya. R-Rhia, hindi ako nagsisinungaling," nangangatog niyang paliwanag sa akin.
Tila nabingi ako sa mga sinasabi niya at agad siyang kinuwelyuhan. Sa tuwing dumadapo ang tingin ko sa kanya, nanggigigil ako.
"Sumagot ka nang maayos! Ayoko sa lahat na pinagloloko ako. Kung gusto mo pang mabuhay at magtagal sa lugar na 'to, magsasabi ka ng totoo," bulyaw ko sa kaniya.
Wala na akong pakialam kung maraming nakakakita sa akin ngayon, wala namang magtatangka na awatin ako. Alam nilang kapag galit na ako, hindi na mapipigilan.
May narinig akong biglang pumasok sa silid na pinagtataguan namin. Hinihingal ito at tila'y galing sa mahabang pagtakbo. Biglang sumama ang kutob ko sa sasabihin niya.
"Mga kasama, may pinatay na naman si Kamatayan. Nakita ko ang mga bangkay nila," pag-uulat niya sa amin.
Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng matinding kaba at nabitawan ang lalaking kinuwelyuhan ko kanina. Hindi. Mali ang iniisip ko. Hindi siya iyon. Rhian, umayos ka!
"S-Sila? Sino ang mga pinatay ni Kamatayan? Nakita mo ang katawan, hindi ba?" kinakabahang tanong ko.
Huminga muna siya nang malalim bago sumagot. Pakiramdam ko, bumabagal ang oras. Ang pagbuka ng bibig niya, sobrang bagal. Parang pinipigilan akong marinig ito.
"Dalawa ang pinatay ni Kamatayan. Isang babae at isang lalaki. Malinaw kong nakita ang bangkay nila. Nakakaawa," nanlulumo niyang sambit.
Alam kong kinakabahan ako sa posibleng sagot niya pero kailangan kong makasiguro. Saka na ako kakalma kapag hindi iyon si Thymine.
"Nasaan sila? Saan sila pinatay ni Kamatayan?"
Halos kapusin na ako ng hininga habang hinihintay ang sagot nito. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit sobra akong kinakabahan?
"Sa palikuran ng ikalawang palapag, malapit sa hagdan. Pupuntahan ba natin?" nagtatakang tanong niya.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa at kaagad na tumakbo palabas ng silid. Wala na akong pakialam kung naglilibot pa ba si Kamatayan, ang mahalaga makita ko si Thymine. At masigurado na ligtas siya.
Nararamdaman ko rin na sumusunod ang iba kong kasamahan, gusto rin yata nilang malaman kung sino ang mga pinatay ni Kamatayan.
Nasa ikalawang palapag kami nagtatago kanina kaya madali naming narating ang palikuran na nasa dulong bahagi ng palapag. Sa bawat paglapit ko sa palikuran, mas lalong bumibilis ang pagtibok ng puso ko.
May dugo pa sa pihitan ng pintuan kaya't nagdadalawang isip ako kung kaya ko bang buksan ito. Sa pagkakatanda ko pa, dito sa palikuran na 'to naligo si Thymine kanina. Tang ina! Huwag naman sana.
"Ako na," presinta ng isa sa mga lalaki naming kasamahan.
Kinakabahan ako, huwag naman sanang tama ang naiisip ko. Hindi ako sigurado kung kaya ko bang tignan ang mga pinatay ni Kamatayan.
"Umayos ka, Rhian. Buhay pa si Thymine at hindi sìya ang isa sa mga pinatay. Huwag kang mag-isip ng kung anong masama. Hindi napahamak si Thymine," pagkukumbinsi ko sa sarili.
Habang unti-unting bumubukas ang pintuan, tila ba may kung anong nakabara sa puso ko. Nahihirapan akong huminga, nakakakaba. Ngayon ko na lang ulit naramdaman ang bagay na ito.
Tuluyan na ngang bumukas ang pintuan ng palikuran at tumambad sa amin ang nakasukang itsura ng dalawa naming kasamahan.
Bahagya akong napakapit sa isa kong kasamahan at nagkataong si Wince ito. Mabuti na lang at siya ang narito. Mas mapagkakatiwalaan ko siya.
"Hindi ko kayang tignan, ayokong tignan kung sino ang mga pinatay. Ikaw na ang magsabi sa akin kung sino," mahinang bulong ko sa kanya.
Dahan-dahang lumapit si Wince at pikit-matang sinuri ang kasamahan naming pinatay. Pagkatapos nito, muli siyang bumalik at lumapit sa akin.
"Rhian, si Thymine..." nanlulumo niyang sambit.
Halos kapusin na ako ng hininga, para akong matutumba sa kinatatayuan ko ngayon. Nawawalan ako ng lakas. Ano bang nangyayari? Bakit ganito ang epekto sa akin?
Muli niya akong tinignan at sa pagkakataong ito, halos matumba na ako.
"Si Thymine, wala siya sa mga pinatay. Huwag ka nang mag-isip na may nangyaring masama sa kanya. Malakas ang kutob ko, buhay pa siya," nakangiti niyang sabi sa akin.
Para akong nabunutan ng malaking tinik sa narinig at muling nanumbalik ang lakas ko. May pag-asa pa, hindi pa patay si Thymine. Hindi siya ang naging biktima. Ligtas siya.
"Kung gano'n, nasaan si Thymine?" nagtatakang sambit ko sa kanila.
Nandito na kami lahat sa loob at pinagmamasdan ang nangyari sa dalawa naming kasamahan. Ang iba ay naglilibot. Wala akong gaanong nakikita na umiiyak, mukhang hindi nila gaanong kilala ang mga namatay.
May biglang tumawag sa pangalan ko kaya bigla akong napalingon. Pamilyar siya sa akin. May katangkaran at kasing-tangkad lang ni Trench.
"Rhian, si Thymine, nandito siya sa loob. Puntahan mo na," masayang sabi niya sa akin.
Bigla akong napatakbo sa kinaroroonan niya at dumungaw sa nakabukas na pintuan.
May isa pang silid sa palikuran kung saan nagbibihis ang mga naliligo. Dito ko nakita ang nakasiksik sa sulok na si Thymine.
Agad ko siyang nilapitan at pinaunlakan ng mainit na yakap. Pakiramdam ko, nawala lahat ng problemang iniisip ko kanina.
"Thymine, mabuti naman at ligtas ka," naluluhang sambit ko.