Chapter 49 - Fate
Xena
Nakakatukso ang offer nito, lalo pa nga at parang bitin na bitin ako sa pag-upo at sa pamamahingang ginawa namin na saglit na saglit lang talaga.
Ngunit sa halip na sunggaban ang alok nito ay humalukipkip ako habang nakatingin dito bago napangiti.
Lagi itong nang-aasar pero alam na alam din nito kung paano alisin at burahin ang pagkaasar ko. Lagi itong nangti-trip pero pagkatapos akong pag-trip-an ay gagawa naman ito ng paraan at ako naman ang pasasayahin at papangitiin. Hindi man ito palaging nasa tabi ko, pero alam ko, kahit noon pa mang nag-aaral kami kung gaano ito mapagkakatiwalaan at maaasahan sa lahat ng bagay. Maloko ito at palabiro, oo. Pero never pa akong nadismaya rito 'pag tungkol na sa seryosong bagay ang usapan.
I'm so happy that I do have a friend like him. Na kahit lumipas pa ang ilang taon na hindi kami nagkasama at isa ito sa mga taong nasaktan ko, still, heto pa rin ito, ito pa rin 'yong Cloud na sobrang maalaga, maaasahan at mabuting kaibigan. Ito pa rin 'yong Cloud na ang tanging hangad para sa akin ay maging masaya ako.
Hindi ko mapigilang isipin kung ano ba ang magandang bagay na nagawa ko sa past life ko para biyayaan ako ng mga kaibigan at mahal sa buhay na sobra-sobra ang pagmamahal at pag-aalalaga sa akin.
Malas man ako sa pag-ibig, pero blessed at suwerte naman ako sa mga kabigan at pamilya.
Ang mga ito ang treasure ko.
"Ang tagal naman, sasampa na lang ba naman, e. Huy! Nangangawit na ako rito sa posisyon ko, sumampa ka na sa likod ko," reklamo at utos ni Cloud na nagpagising sa lumilipad kong diwa.
Lalo akong napangiti dahil sa sinasabi nitong posisyon nito mula pa kanina. "Sino ba kasi ang may sabing mag-squat ka riyan?"
"Ang sabi mo kasi napapagod ka. Pasan na. Bilis."
"Oo nga sinabi kong napapagod ako, pero kaya ko namang lumakad. 'Di ako lumpo at lalong wala tayo sa K-Drama para ipasan mo pa ako," tanggi at tugon ko sa alok nito bago ito nilampasan.
Sinadya kong bagalan ang paglakad upang makahabol ito sa akin, hindi nga ako nagkamali dahil hindi nagtagal ay narinig ko ang pag-angil nito bago sumunod sa akin.
Napangiti ako.
Ngunit nang tuluyan na itong makaagapay ay pilit na pinalitan ko ng kaseryosohan ang ngiti sa mukha ko.
"I'm trying to be nice here, pero ang mean mo. 'Yong ibang babae kapag inalok ko ng gano'n, baka naglambitin na agad sa leeg ko."
Unggoy ba at maglalambitin?
Pinigilan ko ang matawa.
"Samantalang ikaw? Inalok ka na't lahat, hinintay at nangawit na ako sa pag-squat, pero talagang nagawa mo pa akong lagpasan lang at iwan?" hindi makapaniwalang turan nito.
Pilit na pinanatili kong seryoso ang hitsura ko bago ito tiningnan sa mukha. "I'm not like them. Si Alexena ako. Saka 'di ba nga sabi mo, alam mong wala namang epekto sa akin ang kaguwapuhan mo kahit na ano pa ang gawin mo, kaya nga ako ang isinama mo rito dahil safe ka sa akin, 'di ba?"
"Oo nga, sinabi ko 'yon. Kaya lang, hindi ko alam kung matutuwa ba ako o dapat bang mainsulto ako sa kawalan ko ng dating at appeal sa iyo. Wala ba talagang epekto kahit na ano ang gawin ko? Kahit maging sweet at nice ako?"
Hindi ko na napigilan ang matawa sa outburst nito.
Pumalatak ito. "Ang galing. Sa halip na kiligin sa gesture ko, talagang tinawanan lang ako. Tao ka ba?"
Kinagat ko ang labi ko upang mapigilan kahit na papaano ang pagtawa pero ang hirap. "E, nakakatawa ka naman talaga kasi."
Sumimangot ito at hinawakan ang kamay ko. "Halika na nga, baka hindi kita matantiya at lunurin na lang kitang babae ka."
Tatawa-tawang nagpahila naman ako rito papunta sa sasakyan upang kuhanin ang ilang gamit na naiwan namin.
Nang makarating na kami sa villa na sinasabi nito ay agad naman akong napahanga sa labas pa lang dahil sa simpleng hitsura ng pagkakagawa pero iba ang ganda at dating sa akin, lalo na ng mga muwebles ng upuan, lamesa at hagdan na naroon na nakakuha kaagad sa atensiyon ko na siguradong hindi biro ang presyo.
Maganda at malaki rin ang villa na halatang ginastusan, hindi lang ang mismong villa kundi pati na rin ang mga bagay na nasa loob niyon, mayroong mga paintings na nakasabit sa dingding na for sure ay hindi mumurahin, mayroon ding mga vase na antique sa paningin ko at mga halaman na nakatanim sa paso na akala ko sa malayuan ay plastic pero noong lapitan ko na at salatin ay totoo pala.
Sa pagsunod ko kay Cloud ay nasilip ko na may sarili rin palang pool sa loob mismo ng villa, na maaaring gamitin ng mga bisita kung ayaw ng mga itong lumabas kapag gustong magbabad sa tubig ngunit ayaw magbabad sa sikat ng araw.
Napakaaliwalas ng kabahayan at kapansin-pansin ang kalinisan, ang kintab-kintab nga rin ng tablang sahig na aming nilalakaran.
Sa dami ng mga magagandang bagay na napansin ko ay lalong tumitibay ang paniniwala ko na tama talaga ang naging desisyon ko na sumama kay Cloud.
Parang gusto ko na ngang magpaiwan at huwag umuwi, kung ganito ba naman kasi ang makikita ko araw-araw at titirhan.
Hawak pa rin ni Cloud ang kamay ko habang patuloy kami sa paglalakad. Dahil abala ang mata ko sa kung anu-anong nakikita ko ay hindi ko napansin nang bigla itong huminto kaya nabunggo ako sa likod mismo nito.
Napasimangot ako bago hinilot ang ilong ko na napipi na yata.
Hays.
Sisitahin ko na sana ito nang biglang may bumati rito.
"Pare," sabi ng tinig.
Sumilip ako habang nakahawak pa rin ako sa ilong ko at naghihilot, agad na nakita ko ang isang matangkad na lalaki na nakaharang sa harap ni Cloud.
In fairness, guwapo ito. Kulot ang buhok na bagay na bagay naman sa mukha nitong kay amo.
"Pare," ganting-bati naman ni Cloud bago nag-fist bump ang mga ito.
Pagkatapos ng batian ng mga ito ay napatingin sa akin ang lalaki nang gumalaw ako nang bahagya, nahiya naman ako kaya umalis na ako sa pagkakasilip at nagtago na lang sa likod ni Cloud.
"Sino 'yang bata na 'yan? Anak mo? Laki na, ah. Dalaga na," narinig kong tanong nito.
Bata? Ako ba ang tinutukoy nito?
Tumawa si Cloud bago ako nilingon, pagkatapos ay hinila ako sa tabi nito upang iharap sa kausap nito. "'Di ko 'to anak at lalong hindi na 'to bata. Huwag ka dahil siya ang date ko."
Ngumiti ang lalaki bago naglahad ng kamay sa akin. "Gano'n ba? Eros pala. Ano ang pangalan mo?"
Ay, ang ganda ng name. Bagay sa hitsura nito ang pangalan nito, kulang na lang ay arrow at wings and voila! He's cupid na!
Gusto kong matawa sa iniisip ko.
Kaya sa halip na tanggapin ang kamay nito ay iniiwas ko ang tingin dito at ibinalik ang tingin kay Cloud na nakangiti lang.
Kalaunan nang hindi pa rin ako bumabangat ay iniabot na nito sa kamay nang kaharap namin ang kamay ko. "Alexena, pare," salo ni Cloud sa akin.
Napangiti lalo ang lalaki. "Nice name," komento nito bago binitawan at ibinalik agad ang kamay ko sa pagkakahawak ni Cloud.
Kimi akong ngumiti. "S-Salamat."
"Nasaan ang kasama mo, pare?" tanong naman dito ni Cloud.
"Wala," natatawang sagot ni Eros.
"Talaga ba? E, 'yong iba? Nasaan sila?" dagdag na usisa pa ni Cloud na parang nakalimutan nang magpapahinga kami.
Hays. 'Di lang talaga mga girls ang machika.
"Nagpapahinga na sa mga kuwarto nila, mga pagod sa biyahe."
"Ah, gano'n ba? Nga pala, ayos 'tong lugar. Ang ganda," puri ni Cloud habang inililibot ang tingin sa paligid.
Which is totoo naman talaga at super agree ako, pero hindi pa kaya matatapos ang mga itong mag-usap?
Mauna na kaya ako sa kuwarto na naka-assign sa amin? Nangangawit na kasi ako, e. At gusto ko nang patulan ngayon ang alok ni Cloud na pumasan ako rito.
"Salamat. Malaki-laki rin ang kinailangang ilabas na pera, nangutang pa ako kay erpats dahil kinapos ako."
Napatingin ako kay Eros.
Ah. So, ito pala ang may-ari?
"Mababawi mo rin 'yon."
"Sana nga. Kung hindi, lugi lang naman ang kababagsakan ko."
"Hindi 'yan. Tiwala lang. Basta siguraduhin mong angat ang serbisyo sa mga guest para maiba kayo sa ibang beach resort at dayuhin," payo ni Cloud.
"'Yon nga ang target ko," sang-ayon naman ni Eros.
Ayoko mang putulin ang usapan ng mga ito ay pasimpleng hinila ko nang bahagya ang damit ni Cloud para kuhanin ang atensiyon nito, dahil mukhang na-miss ng mga ito ang isa't isa at magtatagal pa ang chikahan ng mga ito ay magpapaalam sana ako na mauuna na.
Lumingon naman kaagad ito sa akin at sinenyasan ko na ilapit ang ulo sa akin. "Saan ba 'yong room natin? Mauuna na ako sa iyo," mahinang tanong ko.
Natawa ito bago binalingan si Eros na nakangiting nakamasid sa amin. "Mauna na kami, pare. Pagod 'to sa biyahe pagpapahingahin ko na muna," sa halip na magpaiwan ay pagpapaalam nito sa kaibigan.
Ngumiti ang kaharap namin. "Of course. Of course. Enjoy your stay here at welcome pala sa resort."
"Salamat," sabay na sambit namin ni Cloud.
Hinila na ako nito at nagtungo kami sa room na naka-assign para sa amin.
Sa totoo lang ay hindi ko alam kung para saan ba 'tong pinuntahan namin na 'to ni Cloud, wala naman din itong nababanggit. Ni hindi ko rin kilala ang mga kasama namin. Basta ang sabi lang nito ay makakapag-enjoy at relax daw kaming dalawa kaya hindi na rin ako nagtanong pa dahil pabor iyon sa akin.
Nang mabuksan nito ang pinto ay dumiretso kaagad kaming dalawa sa kama, sakto at dalawa naman pala katulad na lang nang sinabi nito kaya tig-isa kami.
Prenteng humilata ako at pumikit.
"Matutulog ba muna tayo?" tanong nito.
Dumilat ako at lumingon dito, nakadapa na ngayon ito sa sariling kama na inoukupa.
"Nagugutom ka ba?" balik-tanong ko.
"'Langya. Pagkain agad ang naisip," tukso nito.
Sumimangot ako. "Nagtatanong lang ako, malay ko ba kung gusto mong kumain, willing naman akong samahan ka."
"Sus. Palusot pa. Baka ikaw ang gutom," patuloy na panunukso nito.
Inalis ko na ang tingin ko rito at bumalik sa pagkakapikit. "Ikaw na nga lang ang inaalala, pinagbibintangan mo pa ako. Sira-ulo, bahala ka riyan. Matutulog na muna ako."
Nanahimik naman ito.
Ngunit hindi pa nagtatagal ay may narinig na akong mga katok sa pinto, hindi na ako dumilat pa dahil tinatamad na ako. Ayoko rin kasing magbukas ng pinto ang sarap-sarap ng pagkakahiga ko, e. Saka mas malapit naman kasi ang puwesto ni Cloud roon kaysa sa akin, kaya ito na ang bahala ro'n.
Pagkatapos ng ilang sandali ay narinig kong bumukas ang pinto at may kinausap si Cloud, nakinig lamang ako sa mga ito.
Dumilat ulit ako nang marinig na tapos na ang mga itong mag-usap at saktong pabalik na si Cloud sa kama nito, umupo ako at tiningnan ito.
"O, mga damit mo," sabi nito sabay abot ng mga paper bags sa akin.
Napangiti ako at napailing.
Mayayaman nga naman, basta may pera instant ang mga bagay at ang bilis.
"Bakit?"
Ngumisi akong lalo. "Masaya lang ako dahil may generous at mayaman akong kaibigan na katulad mo.
Natawa ito. "Baliw k—" naputol ang iba pang sasabihin nito nang may kumatok ulit sa pinto.
"May nakalimutan siguro 'yong kausap mo kanina na nag-deliver ng mga ito," tukoy ko sa mga gamit na nasa loob ng paper bag.
"Siguro nga. Saglit lang."
Nagkibit-balikat na lang ako at hinayaan itong buksan ulit ang pinto, hinalungkat ko naman ang mga bags na inabot nito sa akin.
"H-Hey? Akala ko ba ay hindi ka a-attend?" rinig kong tanong ni Cloud.
Automatic na napatigil ako sa ginagawa ko.
Bigla akong kinabahan.
Dahan-dahan na lumingon ako sa direksiyon ni Cloud para makumpirma ang hinala ko pero hindi ko kita ang kinakausap nito dahil hindi gaanong nakabukas ang pinto.
"Nagbago ang isip ko. Gusto ko munang mag-relax. Teka, may kasama ka raw?" tanong noong napakapamilyar na tinig.
Napalunok ako at naikurap-kurap ko ang mata ko.
Dmn.
Is this real?
Sht! Sobra ko kasing kilala ang boses na iyon!
Lumingon sa gawi ko si Cloud na parang kinakabahan, nakita ko pa ang paglunok nito.
Dahan-dahang lumuwang ang awang ng pinto at nakita ko ang taong gusto at hindi ko gustong makita at the same time.
Gulat ang nakabadha sa mukha nito nang makita ako, pero napalitan din iyon kaagad ng pagkakakunot ng noo habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa amin ni Cloud.
Alam ko naman na ayaw na rin nito akong makita.
Nakaramdam na naman ako ng hindi ko na dapat pang nararamdaman na kirot kaya nag-iwas na agad ako ng tingin.
Ramdam ko ang tensiyon sa kuwarto, walang nagtatangkang magsalita sa aming tatlo.
Gusto kong mawala na lang bigla na parang bula.
Nakakainis.
Ayoko sa ganitong sitwasyon.
Tumikhim bigla si Cloud. "Aalis na lang kami kung hindi ka komportable, Miks"
Napatingin ako kay Cloud.
Sang-ayon ako sa sinabi nito, mas okay nga naman 'yon. Ayoko na ng gulo, tama na.
Tumikhim din si Mikey bago sumagot. "No need. It's fine, besides, malaki naman itong lugar para sa ating lahat," malamig na sagot nito bago tumalikod at walang paalam na umalis.
Naiwan kaming tahimik ni Cloud, hindi pareho malaman kung ano ang sasabihin at gagawin.
Huminga ako nang malalim.
Gusto rin daw nitong mag-relax. Pero paano?
Paano pa namin gagawin 'yon kung nandito kami pareho?
And I don't think na magagawa pa namin 'yon gayong alam namin na narito kami pareho na ano mang oras ay maaaring masalubong ang isa't isa, sa ayaw o gusto man namin.
Dmn fate.
Palagi na lamang naglalaro, pero bakit gano'n, palagi rin ay ako ang naiipit, tapos sa huli ay lugi at talo?