Chapter 48 - Invitation

Xena

Kalaunan ay pinakawalan din ako nito at inayos ang buhok kong medyo nagulo nito. "Nagmumukmok ka na naman dito," pag-iiba nito sa usapan kapagkwan.

Ngumuso ako. "Hindi kaya," tanggi ko.

Tiningnan ako nito nang hindi naniniwala. "Hindi raw."

Umirap lang ako.

"Sabagay, uso yata 'yan e, 'no? May kakilala pa kasi akong isa na ganyan din, nagmumukmok."

Bumalik kaagad ang tingin ko rito, nakita ko ang ngisi sa mukha nito at ang tingin nito na parang inaasahan na ang paglingon kong muli rito.

Tss.

I rolled my eyes. "Come on! Don't say bad words," hiling ko.

Mabilis na tinakpan ko ang tenga ko nang makitang lumaki ang ngisi nito at bubuka na naman ang bibig nito upang maglabas ng mga karumal-dumal na salita na iniiwasan kong marinig.

Nakakainis ito. Hindi ba nito nakikita na nahihirapan akong makalimot at mag-move on?

Pilit na tinanggal nito ang mga kamay ko pero mabilis na ibinalik ko lang din.

"I'm trying to move on, okay? So please let me. Stop mentioning anything that will start a fire inside my head and in an instant will burn all of me. Please! La la la la, la la la la," naiinis kong litanya at pag-hum ng kanta sa dulo para lang hindi ko na marinig pa ang sasabihin nito.

Tumigil din ako kalaunan at kinagat ko ang labi ko, pinipigil ko ang kung ano mang damdamin na umaahon na naman sa dibdib ko kahit na ayoko. Paulit-ulit kasi na nananakit sa akin at ayaw akong tantanan.

Nakita ko ang paggalaw nito at itinaas ang kamay na parang sumusuko kapagkwan, marahil ay naawa na sa akin.

Simangot na huminga ako nang malalim bago tinanggal ang mga kamay ko at tinalasan ito ng tingin.

"Woah! Woah! Easy. I didn't mention anything yet."

"At gusto mo pa nga talagang i-mention, alam mo namang I'm still trying my best here to move-on, sadista ka rin e, 'no?" paasik kong tanong.

"Sorry na..."

Huminga ulit ako nang malalim at pilit na kinalma ang sarili ko upang hindi ko ito masakal ng tuluyan.

"Ganito na lang, why don't we go out? Kaysa binuburo mo ang kaputian mo rito? Sayang naman at nakatago."

"Saan naman tayo pupunta aber? Sa mall? Ayoko ro'n. Nakaka-stress, ang daming tao. I'd rather stay here," tanggi ko.

"Wala naman akong sinabing sa mall, patapusin mo muna kasi ako."

Humalukipkip ako. "Saan ba kasi?"

"Uy, interesado. Trip na trip mag-move on, ah? Soul searching ang peg?" tukso nito.

"Ang tino mong kausap. Ang seryoso ng tanong ko."

Tumawa ito nang naaaliw. "Masyado kang intense, hindi ba puwedeng mag-joke?"

Sobrang seryoso ko itong tiningnan bago itinuro ang mukha ko. "Mukha ba akong nakikipagbiruan?"

Napakamot ito sa ulo. "'To naman, masyadong serious sa life. Sige na, seryoso na. Sa beach sana kita yayayain, para maaliw at makapag-relax ka naman."

Bigla akong na-excite at nawala ang asar ko rito dahil sa walang kakuwentahan nitong kausap.

"Talaga? Sino ang kasama natin? Isama natin sina Zelle at Hero?"

Tila nag-isip ito at kumamot sa batok kapagkwan. "Actually, invited lang din kasi ako sa pupuntahan sana natin. Isasama kita kasi wala naman akong date na maisasama, wala akong mahagilap."

Panandaliang natigilan ako at napakurap-kurap, ngunit nang makabawi ako ay sinapok ko na lang itong bigla.

Hindi kaagad ito naka-react at napangiwi na lang dahil mukhang katulad ko ay hindi rin nito inaasahan ang ginawa ko. "Dmn! Bakit mo ako sinapok?"

Tinaasan ko ito ng kilay. "So, gano'n? Kasi wala ka lang mahagilap na date?"

"Ang gaan ng kamay mo. Kung hindi ka lang maganda at maputi," bulong pa nito sa bandang huli na akala yata nito ay hindi ko maririnig.

"Nagrereklamo ka? May sinasabi ka ba?" mataray kong tanong.

Mabilis itong umiling at lumayo na sa akin, 'yong hindi ko kaagad ito maaabot.

Natakot yata na ulitin ko ang pagsapok na talagang gagawin ko kung hindi ito magtitino.

"Hindi. 'To naman. May narinig ka ba? Ikaw talaga... ang ganda-ganda mo talaga, Lexy," sarkastikong sagot nito.

"Magtino ka nga, Ulap."

"Matino naman ako, e. Kaso mapanakit ka," sagot nito habang hinihimas 'yong parte ng ulo nito na masakit siguro.

Pinagmasdan ko lang ito.

"Tayong dalawa lang ang pupunta, saka na lang tayo lumabas nina Kuya Hero pagkatapos na lang no'n, saka wala naman si Zelle at naglalagalag pa, hindi ba?"

Umirap ako. "Bakit ako pa ang isasama mo? Guwapo ka, 'di ba? Saka marami naman kayong babae riyan na papayag sigurado, isang yaya ninyo lang."

"Ninyo? Sinong ninyo?" tanong nito.

"Hindi ka ba magtitigil?" may pagbabanta na tanong ko.

Natawa na ito. "Magtitino na. 'To naman, laging intense."

Napabuga ako ng hangin.

Nakakaubos ito ng pasensiya at energy.

"So, bakit nga ako pa ang isasama mo? At bakit parang sure ka nang papayag ako, aber?" tanong ko kapagkwan.

"Hmm, ikaw kasi ang gusto kong kasama. Bakit ba? Saka ayoko talagang magsama ng kung sino lang, e ikaw kasi, alam kong wala namang epekto sa iyo ang kaguwapuhan ko kahit na anong gawin ko kaya safe ako sa iyo."

"Ayos ka rin talaga e, 'no?"

"Mainam na ang nag-iingat. Kapag iba ang isinama ko baka mapikot pa ako nang wala sa oras, alam mo naman ang alindog na taglay ko," turan nito bago nagpogi sign.

Umismid ako sa sinabi nito. "Ang hirap maging pogi, 'no?"

Nagkibit-balikat ito. "Naku. Sinabi mo pa."

Hindi na ito nahiya. Kayabang talaga ng bugok.

Bored ko itong tiningnan. "Sige na lang. Oo na lang. Kunwari sumang-ayon ako. Pero, ilang araw naman tayo ro'n sa sinasabi mo kung sakali?"

"Sasama ka na? Payag ka na?" excited at natutuwa na tanong nito.

Hays. Parang bata.

"Sagutin mo muna ang tanong ko."

"Hindi ko pa sure, e. Mga limang araw siguro?" halata ngang hindi sigurado na tugon nito.

Napakurap-kurap ako.

Lima talaga? Nahiya pa ang mga itong gawing pito para buo na sanang isang linggo.

"Gano'n katagal?" namamangha kong tanong.

"Yeah. Ayaw mo ba? Makakapag-relax at mag-e-enjoy ka."

Wala naman akong sinabing ayaw ko, gusto ko kaya! Gustong-gusto! Lalo na kung libre, mas makakapag-relax at enjoy ako sigurado no'n.

"All expenses paid?"

Napangisi ito. "Oo naman. Pati susuotin mo sagot ko, ayos ba?"

Ay, sosyal. Ang galante yatang masyado ng bugok na 'to?

"Bakit? Ano ba ang kailangang isuot do'n?" usisa ko.

"Hmm? Puwede namang wala, tutal beach naman, e. Game ka ba?" sa halip na sagutin ako nang matino ay malokong sabi nito.

Sinamaan ko ito ng tingin. "Manyak."

"E, ano ba kasi ang isinusuot ng mga tao kapag nasa beach?"

Iniikot ko ang mata ko. "Swimsuit."

"Alam mo naman pala, e. Bakit itinatanong mo pa kasi? Hays, mga tao nga naman, alam naman 'yong sagot, nakukuha pa talagang magtanong."

Napatunganga ako noong kumpirmahin nito at sang-ayunan ang sagot ko.

Tae. Alam kong swimsuit ang isinusuot sa beach, pero gano'n din ang kailangan naming isuot do'n?

Parang ayoko na yatang sumamang mag-relax, mas okay yata na narito lang ako sa bahay.

"O, bakit ganyan ang hitsura mo? Wala nang atrasan 'to, sagot ko lahat pati swimsuit mo," puna nito at pilit na sinisilaw ako sa salitang sagot daw nito ang lahat.

Mapapasubo pa yata ako.

"Kailangan ba 'yon? Hindi naman siguro 'yon required. Walang pakialaman ng suot. Saka hindi naman ako magsu-swimming. 'Di naman ako marunong lumangoy," diskumpiyado kong sagot.

"E, 'di tuturuan kita, problema ba 'yon?" suhestiyon nito, na mukhang lahat ng sasabihin ko ay may solusyon ang loko.

"Puwede naman sigurong naka-shorts at t-shirt lang."

Umiling-iling ito. "No. Huwag kang kj, beach 'yon tapos naka-shorts ka? Magpakita ka naman ng kaunting skin, huwag kang madamot."

Hala, sira-ulo talaga itong tunay.

"Don't worry, hindi naman sa whole duration ng pag-stay natin doon ay kailangang nakasuot ng swimsuit. Baka naman magkapulmonya tayo 'pag gano'n. May mga certain activities lang na gano'n ang suot natin," paliwanag nito.

Medyo nakahinga ako nang maluwag.

'Yon naman pala kasi.

"Ano? Gora na? Sasama ka na at magsusuot ka ng swimsuit 'pag kailangan?"

"Puwede bang i-skip na lang 'yong part na magsusuot ng swimsuit?" alanganin kong sagot na patanong.

"Hindi puwede. Ikaw kasi ang ibabandera ko, pero siyempre... ang kaguwapuhan ko pa rin ang magdadala sa ating dalawa," mayabang na pahayag nito.

Hanep talaga 'yong utak nito at pag-iisip, puro hangin ang laman.

Tumayo na ito kaya napatingin ako rito.

"Uuwi ka na?" maang na tanong ko.

Umiling-iling ito bago ako hinila patayo. "Nope. Aalis na tayo. Kaya magbihis ka na," sabi nito bago ako itinulak papunta sa kuwarto.

Hala...

"N-Ngayon na?"

Tumango-tango ito. "Yes," sagot nito habang tulak-tulak pa rin ako.

"A-Akala ko naman nagpaplano ka pa lang?"

"Nope. Mag-empake ka na ng ilang pirasong damit na komportable ka, ako na ang bahala sa iba para konti lang 'yong dala natin papunta ro'n. Pakibilisan na lang ang pagkilos, please," hiling nito at inabot ang seradura ng pinto upang pagbuksan ako nang makarating na kami sa tapat niyon.

Sinunod ko na lamang ito at namili na ng damit na gagamitin ko.

Nagsuot lang ako ng shorts na hindi masyadong maigsi ngunit kapansin-pansin pa rin ang puti at haba ng mga binti ko, tinernohan ko iyon ng sando na pinatungan ko naman ng long sleeves na hindi kakapalan ang tela at itinupi ang mga manggas niyon.

Pagkatapos kong magpalit ng damit ay naghanap naman ako ng pangsapin sa paa na komportable at babagay sa pupuntahan namin, napili ko ang isang sandalyas na kulay brown na talaga namang nagpatingkad pa lalo sa kulay ng paa ko.

Nang makuntento na ako sa hitsura ko ay lumabas na ako.

Nang makita ako ni Cloud ay agad na ngumisi ito, lalo na nang bumaba ang tingin nito sa binti ko.

Dmn. Bakit pakiramdam ko ay aasarin na naman ako nito?

"Hanep. Wow sa legs, matagal ko ring hindi nasilayan 'yan," komento pa nito bago sumipol.

Hays.

Tumayo na ito at hinawakan ako sa kamay. "Tara na? Miss na may nakaka-wow na legs?" tirada ulit nito na kay sarap lang katayin.

Umirap ako. "Gusto mo ng magic? Para mapa-wow ka talaga?"

Huminto ito at tumingin sa akin. "Marunong ka?"

Ako naman ang ngumisi at itinaas ang isang kamao ko. "Oo. Marunong. Kita mo 'tong kamao ko? It can create hundreds of stars once na nag-land ito sa face mo. Wanna try?" nakakaloko kong tanong.

"Ah. No. Ayoko na pala. Sabi ko nga hindi ako mahilig sa magic. Tara na lang, alis na tayo. Ikaw talaga, laging ang intense. Chill."

Napailing na lang ako.

Tumawa naman ito at hinila na ako, binitbit din nito ang isang back pack na dala ko. Isa lang dahil ito na nga raw ang bahala sa isusuot ko para wala na raw kaming masyadong maraming bitbit, nang makarating na kami sa sasakyan nito ay napansin ko na ito rin ay halos walang dala.

Habang nasa biyahe kami ay ipinaliwanag agad nito sa akin na isang kuwarto lang ang gagamitin naming dalawa since lahat daw ng may mga karay ay sa iisang room lang mag-i-stay kasama ang mga date na dala. Hindi na ako umangal, wala naman akong nakikitang masama saka dalawa naman daw ang kama na in-assure nito sa akin.

Medyo mahaba rin ang naging biyahe bago kami nakarating sa Subic, pero pagdating namin sa beach resort na sinasabi nito ay hindi namin natiis ang ganda ng paligid kaya nag-ikot kaagad kami, apura lang ang hila nito sa akin.

Nang magtagal ay may tinawagan ito at may inutusan para bumili ng mga gagamitin naming dalawa.

Hindi ko na ito pinansin, pinagsawa ko na lang ang mata ko sa paligid na sobrang nakaka-relax.

Nakakatuwa lang, kahit na pagod kasi ay nakaka-enjoy talaga ang tanawin at parang nakakapawi ng ano mang pagod at alalahanin.

Napangiti ako.

Mukhang tama nga na sumama ako rito kay Cloud.

"Ang sarap dito," turan ko nang makaupo ako sa tabi nito upang magpahinga saglit.

Sa totoo lang ay gusto ko na lang humiga sa buhanginan na inuupuan namin ngayon, ang puti-puti kasi, nakakaengganyo at parang kay linis-linis.

This is heaven!

Lumingon ito sa akin at hinawi ang buhok kong tinatangay ng mabining hangin.

"Tapos mas gusto mo pang umatras at magmukmok kanina?" sabi nito na naiiling.

Lumabi ako. "Malay ko ba kasi? Pero nakaka-relax talaga kapag may dagat, 'no? Sobrang appreciated ko kahit na 'di ako marunong maglangoy."

"Don't worry tuturuan kita."

"Ang tanda ko na, matuto pa kaya ako?"

Tumayo na ito at inilahad ang kamay sa akin.

Ngumuso ako. "Namamahinga pa 'yong tao, e," reklamo ko.

Natawa ito sa hitsura ko at sapilitan na hinila na ako patayo. "Doon ka na magpahinga sa room natin. Mamaya na lang tayo bumalik dito."

"Napapagod pa ang binti ko dahil sa paglalakad natin. Ipapahinga ko na muna. Saglit pa, please?"

Ngunit sa halip na pilitin ako na maglakad ay napatanga ako rito nang tumalikod ito sa akin at nag-squat.

"Get on my back."