Chapter 50 - Dinner

Xena

Hindi ko mapigilan ang ma-frustrate at mainis.

Alam ko naman na galit sa akin si Mikey pero bakit tila ba pati si tadhana ay nakikisali at nakikialam na para bang kamping-kampi at pinagtutulungan ako ng mga ito?

Ba't gano'n? Ang unfair! Galit rin ba ito sa akin? Bakit kasi kung alin pa 'yong iniiwasan ko, 'yon pa rin 'yong pilit na nakakatagpo ko? Palagi na lang na hindi ako nai-inform kaya nagugulat na lang ako at nagmumukhang tanga.

Tuliro pa rin ako dahil sa nangyari at sa kaalaman na narito rin ito, hindi ko naman masisi si Coud dahil hindi naman ako pinilit nito, kusa akong sumama dahil akala ko ay makakalayo akong pansamantala at makakahinga kahit bahagya. Hindi namin pareho inaasahan ang nangyari.

Nagpaliwanag ito sa akin na ang alam nga raw talaga nito ay hindi pupunta ang kaibigan nito. Matagal na raw kasing nagyayaya at plano ang mini reunion na ito kasama ng mga dating kaibigan ng mga ito during highschool days, sa tagal ng pagyayayaan ay ngayon lang daw natuloy.

Tiwala si Cloud at confident itong yayain ako dahil ang buong akala nito ay hindi talaga sisipot si Mikey, tanggi raw kasi ito nang tanggi palagi. Sadya raw na hindi talaga sinabi ni Cloud sa kaibigan na pupunta ito dahil balak nga nitong isama ako. Pero ito nga, hindi nito akalain na biglaang magbabago ang isip ng kaibigan nito kung kailan nandito na kami.

Naniniwala naman ako kay Cloud, e. Wala naman itong dahilan para magsinungaling sa akin at alam nito ang sitwasyon ko, namin. Yes, mapang-trip ito at madalas ay maloko. Pero hindi sa ganito... hindi sa ganito kaseryosong bagay.

Wala naman na kaming choice ni Cloud kasi nandito na kami, sayang naman kung aalis pa kami at nakakahiya rin kung sakali. Saka ang sabi naman ni Mikey ay malaki itong lugar para sa aming lahat. Kahit na nga hindi talaga ako sang-ayon sa sinabi nito dahil para sa akin ay ang liit mismo ng mundo, paano kong nasabi? Simple lang, kung malawak ang mundo, paano kami nagkaroon ng koneksiyon ng hindi namin nalalaman—si Hero at bakit muling nagtagpo ang landas namin?

Puwede ko namang hilingin na umalis na lang kay Cloud pero pinili ko pa ring manatili kasama ito. Nakakahiya kung mag-iinarte ako at idadamay ito sa gulo namin ni Mikey. Ayokong i-spoil ang pagre-relax na nais nito kahit na alam kong hindi ako makakapag-relax, pati na rin ang pakikipag-bonding at reunion nito sa mga kaibigan na ang sabi nga nito ay ang dalang magkita-kita.

Naisip ko na lang na papanatilihin ko na lang ang distansiya ko kay Mikey as usual at hindi na lang ako hihiwalay kay Cloud para walang gulo kung sakali man.

"Okay ka lang ba talaga? Puwede naman tayong umalis at ituloy sa ibang resort 'to kung hindi ka okay," makailang ulit na tanong at suhestiyon na ni Cloud.

"Ano ka ba? Oo naman. Okay lang ako."

Tinitigan ako nito nang mapanuri. "Nahihiya ka lang magsabi, ramdam ko. Ako ba ang inaalala mo? Tsk. Lexy, naman."

Ngumiti ako rito kahit na parang dinadaga ang dibdib ko upang ipakita at makumbinsi itong wala lang sa akin ang nangyayari. "Okay nga lang. Ang kulit mo. Ang ganda rito kaya bakit mas pipiliin kong umalis?"

Pumalatak ito. "Konti pa. Baka sakaling makunbinsi mo na ako."

"'To parang ewan. Masyado kang nag-aalala. Akala ko ba magre-relax tayo? Chill ka lang, okay?" sagot ko kahit na sa sarili ko mismo ay hindi ko alam kung kaya ko bang pangatawanan ang sinabi ko.

Nag-igting ang panga nito. "Dmn. Chill? Paano akong magchi-chill? Pakiramdam ko ay para akong nakapagitan sa dalawang batong nag-uumpugan?"

Alam ko naman na nahihirapan din ito sa sitwasyon namin. Noon pa man, nahahati kasi ang loob nito dahil sa pareho kaming kaibigan nito at mas matagal na nitong kilala si Mikey. Pero nandito pa rin ito, ako ang sinasamahan. Alam kong iisipin ng kahit na sino na sa akin ito nakakampi dahil ako ang kasama nito. Pero hindi, sa totoo nga niyan ay kahit ako ang kasama nito ay alam kong naroon kay Mikey ang simpatya nito, sa mga salita pa lang nito na puro pabor sa lalaki, pati na sa mga kilos, sa mga panunukso at pag-uudyok nito sa akin palagi na mag-usap kami ni Mikey nang masinsinan. Alam na alam ko ang ibig sabihin ng mga iyon. Palagi kaya ako nitong pinapayuhan na akala mo ay kay tino-tino at sa mga naririnig ko sa bibig nito? Ramdam ko na ang gusto pa rin nito ay maging maayos ang mga bagay sa pagitan namin ni Mikey at kung maaari ay magkabalikan kami. And I won't deny na deep inside, I want it too. Badly. Pero hindi na iyon puwede. Malabo.

Tumayo ako at ipinatong ko ang kamay ko sa ulo nito. "Masyado kang intense. Relax, okay? Ako na ang nakikiusap sa iyo," balik ko sa laging sinasabi nito.

Halata ko ang pagka-stress nito, pero mukhang hindi nito iyon napapansin.

Tumingala ito sa akin at hinawakan ang kamay ko pagkatapos ay inalis nito iyon sa ulo nito, pinanatili lamang na hawak nito.

Ramdam ko ang init ng palad nito at napangiti ako sa isipin na kung puwede lang sigurong ihalintulad iyon sa pagkatao nito ay masasabi kong magkasing-init ang mga iyon. Dahil para sa akin, he's always warm and gentle.

Nakatitig lamang ako rito at gano'n din ito sa akin pagkatapos ay parang sumusukong mabigat na nagbuga ito ng hangin.

"Bakit naman kasi ako hindi magiging okay, hmm?" malumanay na tanong ko.

Kumamot ito sa batok. "Alam natin pareho na may problema kayo. Kaibigan mo ako, so no need to pretend when you're with me. Okay?"

Hindi ko mapigilang pansinin na ang dami ng mga pagkakapareho nito at ni Hero, bukod sa pagiging guwapo at mabait, parehong hero material ang datingan. Napakasuwerte ko sa mga ito.

Pinisil ko ang kamay nito. "Okay lang ako kahit na aaminin ko na nasa proseso pa talaga ako ng pagmo-move-on. I won't deny the fact that I'm still affected by his presence or I'm still hurting by just seeing him. Dahil ang totoo ay nasasaktan pa rin ako, pero kaya ko naman ang sarili ko," amin ko para i-assure ito.

Ngumiti na ito nang masuyo kaya gumaan ang pakiramdam ko.

"Okay. Sige na nga. I-enjoy na lang natin ang stay natin dito. Hindi ko na sasabihin na 'wag ka na lang magpaapekto dahil sabi mo nga, apektado ka pa rin."

Tumango-tango ako habang nakangiti rito, biglang lumapad ang ngiti nito pagkatapos ay pinisil nito nang nanggigigil ang pisngi ko.

Tinampal ko kaagad ang kamay nito at lumayo rito na ikinatawa lamang nito.

"Bwiset ka, masakit!" simangot na reklamo ko.

Tuwang-tuwa naman ang hitsura nito habang pinagmamasdan ako.

Napanguso na lang ako at inayos na lang ang dress na suot ko na kasama sa ipinabili nito. Mabuti na lang at hindi maikli, pero malambot ang tela at medyo manipis, hindi naman tipong makikitaan na ako pero dahil nilalamig ako ay nagpatong ako ng mahabang sweater.

"Okay ka na?" tanong nito kapagkwan.

Tumango lang ako.

"Ready?"

Ngumiti ako nang malapad.

Napailing ito pagkatapos ay hinila na ako para lumabas.

Hawak-hawak lang nito ang kamay ko habang naglalakad kami at wala akong maramdaman na pagkailang o ano mang malisya dahil alam ko namang wala lang din dito ang mga ganitong galawan. Parang kay Hero lang din, kaya sanay na ako.

Nang makarating kami sa pinakakusina ay naroon na rin pala ang ilan sa mga kaibigan ng mga ito at nagsisikain na. May mga kasama ring babae ang iba sa mga ito. Pero napansin ko na wala si Mikey sa mga naroon.

Hmm? Ito kaya? May kasama rin? Nasaan kaya ito? Kumain na kaya ito?

Dmn.

Napailing ako at yumuko.

Hindi ko na dapat pang inaalala ang mga gano'ng bagay, wala na dapat pa akong pakialam dito.

"Pare, rito na kayo umupo ni Alexena," malakas na tawag ni Eros.

Nakataas pa ang kamay nito upang kuhanin marahil ang atensiyon namin habang nakangiti.

Napatigil kami sa paglalakad at napatingin naman kami agad dito pati na ang ibang kumakain.

Inilipat ko ang mata kay Cloud, nakangiti ito at walang kibong nagpatuloy na sa paglalakad makalipas ang ilang sandali papunta sa direksiyon ng puwesto ni Eros. As usual ay hila-hila ako ni Cloud. Wala naman akong choice kundi sumunod dahil sabit lang ako at wala naman akong ibang kakilala sa ibang narito.

"Thanks, pare," sabi ni Cloud habang inaalalayan akong umupo sa tabi ni Eros.

Sinilip ni Eros ang mukha ko habang nakangiti pa rin. "Kumusta ang pamamahinga mo? Naging maayos ba?"

Bahagya ko itong nginitian at tumango.

Tumango-tango rin ito. "Mabuti. Mag-enjoy ka lang, ha? H'wag kang mahihiya sa akin o kahit na sino sa mga 'yan," tukoy nito sa mga kaibigan.

"S-Sige. Salamat."

"Pare, siya ang date mo?" tanong ng isang kaharap namin sa mesa.

Napalingon ako sa nagtanong.

Kayumanggi, matangkad at may hitsura, hindi gano'n kaguwapo pero malakas ang dating. Makinis ang balat at halatang hindi galing sa paghihirap. Pasimple kong pinasadahan ng tingin ang iba pang naroon, parang walang naiba dahil halos lahat ay mga gano'n ang datingan. Mga rich kid at malalakas ang dating.

"Yeah," natatawang sagot ni Cloud habang nilalagyan ng kanin ang plato ko.

Yumuko ako sa plato ko dahil naiilang na ako na nasa akin na ang atensiyon ng mga kasama namin.

Hays.

Ayoko talaga ng ganito sa totoo lang.

"Baka makasuhan ka ng child abuse, pare. May consent ba ng magulang niyan ang pagdala mo sa kanya rito?" tanong naman noong isang mestizo na halatang may ibang lahing nananalaytay sa dugo.

Napaangat ako ng tingin.

Luh? Ano ako bata?!

Nagtawanan ang iba pang nasa mesa kasama na ang dalawang katabi ko.

"Pero ang tangkad niya. Ilang taon ka na ba? Anong year ka na at ano ang course mo?" sunod-sunod na tanong naman noong isa pa sa akin.

Sasagot na sana ako pero inunahan na ako ni Cloud. "Gago kayo. Tigilan ninyo nga si Lexy. Matanda pa sa akin 'yan, it means matanda rin sa inyo."

Tiningnan ako ng mga ito nang hindi makapaniwala.

Parang mga tanga.

"Stop it. Huwag naman ninyong takutin at ipahalata na mga gago kayo," sabat ni Eros.

Biglang nag-peace sign ang mga ito sa akin at nagtawanan.

Napailing na lang ako at napangiti nang bahagya.

Mukhang makukulit ang samahang ito.

"Kain ka na. Huwag mo na lang mga pansinin," untag sa akin ni Cloud kaya napalingon ako rito.

Iminuwestra ko rin ang plato nito. "Ikaw rin."

Nag-umpisa na kami parehong kumain dahil gutom na rin at hindi na kami lumabas kanina.

Nasa kalagitnaan na ako ng pagkain nang abutan ako ng baso ng tubig ni Eros. "Tubig, baka nauuhaw ka na," nakangiting sabi nito nang malingunan ko.

Alanganin akong ngumiti bago tinanggap ang baso. "S-Salamat."

"Oy, oy. Teka nga lang, magkalinawan nga tayo, Eros," singit bigla ni Cloud.

Napatingin kami pareho rito ni Eros at tahimik na naghintay sa iba pang sasabihin nito.

Istrikto nitong tinitigan ang kaibigan. "Type mo ba si Lexy?"