Chapter 37 - Ignoring game

Xena

Binuksan ko ang pinto ngunit natigilan ako sa maikling sandali dahil sa naabutan kong tao na naroon-si Mikey, prente itong nakaupo sa silya na naroon palagi sa harapan mismo ng mesa ko.

Lumunok ako dahil inunahan na ako ng kaba bigla, lalo pa nga at tumitining sa isipan ko ang huli naming pag-uusap at hindi namin pagpapansinan pagkatapos niyon kahit na madalas ang pagpunta nito rito kay Hero dahil sa pag-uusap tungkol sa project na hawak sa kasalukuyan ng mga ito.

D*mn. Pero bakit kasi ang aga nitong narito ngayon? May usapan ba ito at si Hero? Bakit wala pa si Hero?

Pasimple akong humugot ng hangin.

Hindi ko alam kung nagulat din si Mikey katulad ko pero kung nagulat man ito ay hindi ko na iyon napansin pa at nahalata dahil hindi naman ako nito pinansin, ni hindi nga ito nag-angat ng tingin kahit na alam ko na alam naman nito at ramdam nito na may dumating na ibang tao. Imposible kasing hindi nito narinig ang pagbukas ko ng pinto. Hindi ito bingi sa pagkakaalam ko.

Lumipas ang sandali ngunit patuloy lang ito sa pagtingin sa kung ano man na nasa teleponong hawak nito na tila ba napakaimportanteng bagay niyon kung aalisin man nito ang mata nito sa hawak.

Iniiwas ko na lang ang tingin ko kahit na hindi naman ito nakatingin, hindi ko rin ito binati kahit na alam kong ang bastos ng magiging dating ko dahil kahit na saan man tingnan ay isa pa rin ito sa mga boss na kailangan kong igalang at isa lamang akong hamak na empleyada na pinapasuweldo.

Naglakad na ako papalapit dito kahit na hindi naman talaga ito ang sadya kong kailangang puntahan kundi ang mismong puwesto ko kung saan ay ang lapit-lapit lang nito.

At dahil ang aga pa at wala pa si Hero ay mas ramdam ko tuloy ang presensya ni Mikey na parang pinupuno ang buong silid.

Gusto ko tuloy magsisi kung bakit ba masyado yata akong napaaga ng pasok ngayon. Dapat yata ay nagpa-late na lang ako.

Kaasar. Ang hirap kasing ignorahin ng presensya nito sa totoo lang at ang hirap magkunwari na hindi ko ito nakikita.

D*mn this feeling. Ayaw pa kasing maglaho.

Hays. Kailan kaya ako makaka-get over at masasanay? Gayong kahit nakiusap ako na layuan ako nito ay alam kong magtatagpo at magtatagpo pa rin ang landas namin dahil sa koneksyon naming pareho kay Hero.

Hangga't maaari kasi ay ayoko na talagang magpaapekto pa sana, kahit na sa simpleng presensiya lamang nito na nakakalunod katulad ngayon, dahil ako lamang ang nahihirapan at nasasaktan.

Pero sa ayaw at sa gusto ko ay talagang kailangan ko nang masanay na huwag maging apektado sa tuwing magkukrus ang landas namin. Mahirap man pero kailangang kayanin ko.

Para maliko ang isip ko kahit papaano ay kinalikot ko na lang ang mga gamit ko, nagpunas ako ng mesa bago ko binuksan ang computer ko. Inayos ko rin ang mga papel na nakatambak sa lamesa ko upang umaliwalas man lang tingnan, pati na ang iba't ibang ballpen ay itinabi ko sa lagayan dahil nagkalat pala ang mga iyon sa drawer ko. Inilagay ko sa kanya-kanyang lugar ang mga gamit.

But, d*mn! Kahit sa mga simpleng bagay at gawain ay hindi ko mapigilang paganahin ang isip ko at i-relate ang sitwasyon ko kaya ako paulit-ulit na nasasaktan.

Dahil sa ginagawa ko ay napaisip ako na hindi lang pala ang mga bagay ang dapat na may nilulugaran, kundi pati na mismo ang tao-katulad ko. Kailangan kong lumugar kung saan ba ako nararapat kahit na mahirap isipin at tanggapin, kahit pa nga minsan ay hindi ko talaga alam kung saan ba ako talaga nararapat dahil nalilito ako sa nagtatalong puso at isip ko. Nadadala kasi ako sa mga kilos at salita ni Mikey.

Naalala ko tuloy ang sinabi nito na magiging kanya raw ulit ako.

Nakakatawang isipin, pero kanya naman ako dati pa, kahit pa hindi nito iyon sabihin, but the sad thing is, ito lang naman ang hindi naging akin kailanman.

Ang saklap.

Pasimpleng sinulyapan ko ito.

Ang lapit lang nito pero tila kay layo rin.

Ang lapit lang nito pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito puwedeng abutin, kung dati ay ang namayapa at mahal nitong kaibigan ang nakapagitan sa amin, ngayon ay nadagdagan pa nang nadagdagan nang iba't ibang rason, isama pa 'yong huling naging pag-uusap namin kaya ganitong wala kaming pansinan ngayon.

Pero mas mainam na rin siguro 'yong ganito kami. 'Yong walang pansinan at parang may makapal na pader na nakaharang sa amin, na hiling ko ay huwag na sanang matibag pa.

Ang kailangan ko ngayon ay mag-ingat, kung matitibag kasi ay baka tuluyan na akong umasa at sa huli ay masasaktan na naman ako. Parang wala akong pagkakatuto. Pero ang hirap kasi, paano ba ang hindi umasa? Lalo pa nga sa tamis ng mga salita nito pati na ng galawan na kung hindi ka mag-iingat ay talagang mahuhulog ka kaagad.

Ipinagpatuloy ko na lang ang pag-aayos ng mga papeles sa mesa ko, ubos na ang dapat kong gawin pero wala pa rin si Hero.

What should I do next?

Paano ko aabalahin ang sarili ko? O dapat na umalis na lang muna ako at iwan itong si Mikey na mag-isa rito sa opisina?

Wala talaga kasing nagtatangkang magsalita sa aming dalawa mula pa kanina, tila ba nagpapakiramdaman lang, maingat pati yata ang marahang paghinga. Hindi ko na nga rin ulit ito tinapunan ng tingin kahit na ang totoo ay kita ko ito sa peripheral na abala pa rin sa pagtingin ng kung ano sa telepono nito.

Ano kaya 'yon? O baka naman dapat ang tanong ay sino kaya 'yon? Sino ang ka-chat o ka-text nito at hindi ito makabangat man lang kahit saglit? Si Lucy kaya?

Naikuyom ko ang mga kamao ko.

D*mn.

Kinagat ko ang labi ko at tahimik na huminga nang malalim.

Bakit ko pa ba kailangang isipin 'yon? Dapat ay hindi ko na iniisip o pino-problema pa ang mga gano'ng bagay. Wala na dapat pa akong pakialam.

Tsk. Napakasutil ko. Ang sarap kong kurutin para matauhan.

Natigil ang pag-iisip ko nang biglang may nagbukas ng pinto at may pumasok.

Nakahinga ako nang maluwag nang bumungad 'yong lalaking kanina ko pa hinihintay.

Sa wakas ay dumating na si Hero!

"Good morning, Babe," bati nito bago isinara ang pinto.

Ngumiti ako. "G-Good morning!" ganting pagbati ko.

Lumipat ang mata nito kay Mikey na tahimik pa ring nakaupo sa harapan ko. Nakatingin na rin ito ngayon sa bagong dating at hindi na nakatutok sa telepono nito.

Napaawang tuloy ang labi ko.

Aba't! Ano ang ibig sabihin no'n? Sadyang ayaw talaga ako nitong pansinin?

"Oy, kapatid! Aga, ah. Good morning!" masiglang bati ni Hero sa lalaki.

Sa halip na sumagot ay walang kalatoy-latoy na tumango lamang si Mikey kay Hero at ngumiti nang malamya.

Kumunot tuloy ang noo ko.

Teka nga, may sakit ba ito?

Dumiretso si Hero papunta sa mesa nito at ibinaba ang mga dala sa lamesa. "What brought you here? Sa pagkakatanda ko ay wala naman tayong meeting ngayong araw na 'to? O nakaligtaan ko lang?" may pagtatakang tanong ni Hero.

Umiling si Mikey. "Wala naman. May sasabihin lang ako kaya sinadya kita."

Umupo na si Hero at tumango-tango. "Gano'n ba? Ano 'yon? Teka, bakit ba parang ang tamlay mo? May sakit ka ba?"

Pinagmasdan ko si Mikey upang makumpirma ang sinasabi ni Hero, kapansin-pansin na parang stress ang hitsura nito at parang ang tamlay nga, ngunit ganunpaman ay hindi naman iyon nakabawas sa kaguwapuhan nitong taglay.

Itinaas ni Mikey ang braso sa mesa ko at sinapo ng kamao nito ang sentido habang nakatingin kay Hero. "Wala naman. Pagod lang 'to."

"Are you sure?" paninigurado ni Hero.

"Oo."

"Puwede ka namang mag-leave muna kung gusto mo. Magpahinga ka. Baka masyado ka nang stress," payo ni Hero.

Umiling si Mikey. "No need. Kaya ko naman. Don't worry about me. Wala lang 'to. Malayo 'to sa bituka," tugon nito na hindi ko alam kung biro dahil wala naman akong nahimigang biro sa boses nito.

Patuloy lang ako sa tahimik na pakikinig habang nag-aayos ng mga gamit.

"Ikaw ang bahala. Ano na nga pala 'yong sasabihin mo?" usisa ni Hero.

"Naisip ko lang kasi, since may mga bagay na kailangan kong i-consult sa iyo, tapos kailangan pa kitang tawagan o minsan puntahan nang personal dito, bakit hindi na lang muna kaya kami mag-opisina rito ni Miranda pansamantala? Isa pa, mapapadalas na rin 'yong meeting dahil sa project na hawak natin, kaya mas mainam talaga kung malapit lang ako para 'di hassle na papunta-punta pa ako rito," suhestiyon ni Mikey.

Napatigil ako sa ginagawa ko. Literal. At halos malaglag ang panga ko sa narinig.

D*mn. Is he serious?

Napabaling ang tingin ko kay Hero nang tumawa ito. Parang masaya ito sa narinig at walang kamalay-malay sa pagtutol na nararamdaman ko.

"Sure," walang pakundangang pagpayag nito.

Holy shiz!

Bakit ito pumayag agad?! D*mn. Paano na ang gagawin ko nito? Hindi naman ako makakatutol dahil wala akong K, emplayada lamang ako kaya dapat ay lumugar ako at huwag dapat mag-inarte!

Hays. Mag-resign na lang kaya ako nang tuluyan para matapos na ang lahat ng ito?

Kapag kasi nanatili ako ay literal na araw-araw ko itong makikita. Hindi lang makikita, kundi makakasama rin! Hindi lang saglit dahil kung minamalas ay mula umaga hanggang hapon iyon sigurado!

D*mn it! Ito na ba ang sagot sa kagustuhan kong masanay sa presensya nito? Ba't ang bilis naman yatang masyadong ibigay ng langit sa akin ng gusto ko? Sign ba ito na talagang wala kaming pag-asang dalawa kahit gapurit lang?

"Pansamantala lang naman ito, hanggang sa matapos lang 'yong project na hawak natin," turan ni Mikey.

"Okay lang, ang laki-laki naman nitong opisina para sa dalawang tao or if you want some privacy puwede naman akong magpalinis ng isang kuwarto na bakante para maging opisina ninyo ni Miranda," generous na alok ni Hero, na para sa akin ay iyon na yata ang pinaka-the best na nasabi nito.

Ibinaba ko ang kamay ko sa ilalim ng mesa at napa-cross finger, humihiling na sana ay pumayag si Mikey sa alok ng kapatid nito, parang hindi pa kasi ako handa na makasama ito araw-araw sa isang opisina lang, kailangan ko pa ng kaunting panahon.

Inilibot ni Mikey ang mata sa loob ng opisina. "Okay na kami rito. Panandalian lang naman, habang inaasikaso lang naman natin 'yong project."

Naibaba kong bigla ang mga kamay ko na joint force pang naka-cross finger kanina, ipinatong ko na lang ang mga iyon sa hita ko.

Gaano naman kaya katagal ang panandalian?

"Kayo ba? Kung hindi kayo komportable na nandito kami, then, hihiwalay na lang kami," tanong at dugtong pa nito.

Umiling kaagad si Hero. "Hindi naman, bakit naman kami hindi magiging komportable? 'Di ba, Babe?" tanong sa akin ni Hero.

Nag-angat ako ng tingin.

Ayokong sumang-ayon pero paano ko ba sasabihin 'yon at isasatinig? Saka ano ang paliwanag na ibibigay ko kapag tinanong ako kung bakit ko sinasalungat ang suhestyon at gusto ni Hero?

"O-Oo naman," napipilitan kong sagot, kaysa naman magpaliwanag nang nandito si Mikey.

Lumawak ang ngiti ni Hero. "Then settled na. Kailan niyo ba balak na lumipat?" usisa ni Hero sa kapatid, parang excited pa.

"Baka bukas? Tatawagan ko si Miranda para makapag-ayos nang mga dapat na dalhin."

"Okay, nga pala tuloy na 'yong company outing natin next month na napag-usapan sa board meeting noong nakaraan. Tama naman kasi na kailangan din ng mga empleyado na ma-pamper at i-treat once in a while for their hard work and for their loyalty sa company. We need to make them feel na sila ang asset ng organization natin and deserve rin nilang makapag-relax kahit na papaano, syempre ganon din tayo, we also need to take a break, kaya the management will join them."

Management daw.

Sh*t. Ibig lang sabihin no'n ay kasama si Mikey! Paano na ako? Hindi na lang ba dapat akong sumama para naman lumaki kahit papaano ang mundo na ginagalawan naming dalawa?

"Awesome," sagot ni Mikey.

"Babe?" biglang tawag at pagbaling ng atensyon sa akin ni Hero.

Nilingon ko ito. "Y-Yeah? Do you need anything?"

Ngumiti ito sabay iling. "No. Sasabihin ko lang na isama mo sina Zelle at Cloud," suhestyon nito.

Napangiti ako nang alanganin. "Uh... ano... t-titingnan ko, baka kasi busy sila."

"Sayang naman. Mas okay sana kung kasama sila, alam ko na mas magiging masaya ka kapag nando'n sila lalo pa at nito lang ulit kayo nagkita-kita," tila ba nanghihinayang na turan nito.

D*mn. I'll surely be happy. Pero ando'n din si Mikey, kaya hindi ko alam kung paano pa ako magsasaya.

Bumaling naman ito kay Mikey. "Ikaw naman, kapatid. Isama mo siyempre si Miranda pati na si... ano na nga ba ang pangalan noong kasama mo noong in-invite kita noong tumugtog kami? Siya rin 'yong kasama mo noong nag-family dinner tayo noong bagong dating ka, 'di ba?"

Yumuko ako, kung puwede lang ay ayoko na sanang marinig pa ang usapan.

Mas nabubuhay kasi lalo ang pagnanais ko na huwag na sanang sumama at mamahinga na lang sa bahay.

"Lucy," sagot naman ni Mikey.

Nakagat ko ang labi ko at nagbaba ng tingin, nagkunwaring may hinahanap sa drawer ko.

So, nakilala na pala ito ng pamilya ni Mikey.

But, I wonder... magiliw din kaya ang naging pakikitungo ng ina nito rito? Boto kaya ito sa babae para kay Mikey?

Argh! What am I thinking?

"Isama mo siya. Mas marami, mas masaya," turan ni Hero na akala mo ay napaka-bright noong ideya na naisip nito.

Hays. Ano naman kaya ang ikinasaya no'n? Sa halip na maging masaya, baka nga maging magulo. As in, literal na gulo, lalo pa nga at ang sama palagi ng tingin sa akin noong babaeng 'yon, na sa una pa lang ay parang kay bigat na ng loob sa akin.

Tumango si Mikey. "Okay. Aalis na rin ako, 'yon lang ang isinadya ko at babalik na ako sa opisina namin, ipapaayos ko na ang mga gamit ni Miranda."

Kahit hindi ako mag-angat ng tingin ay alam kong tumayo na ito dahil kita ko ito sa peripheral, tanda na paalis na ito.

"Okay. Basta magkakasama na lang tayo rito at kasyang-kasya naman tayong apat dito, e."

Kainis. Ano ba 'yang mga suggestion na 'yan ni Hero? Talagang kailangan pang ulitin? Sadya ba itong nang-aasar?

"Okay," tugon ni Mikey bago tumalikod at katulad nang mga nakaraang araw ay hindi na naman ako pinansin.

Inis! E, ano naman kung hindi ako nito pansinin?

Pero ang totoo ay gusto kong magpapadyak bigla at magsintir.

F*ck. Bakit kailangan ko pang makaramdam ng ganito? E, ito naman ang gusto ko, 'di ba? 'Yong wala kaming pansinan at 'yong tila ba may mataas na pader sa pagitan namin. Pero sa halip na matuwa ako ay bakit apektadong-apektado ako? Kabaligtaran ng mga nararamdaman ko?

Naiinis ako, naaasar at higit sa lahat ay nasasaktan.

Punyeta, ano ba talaga, Alexena? Ayusin mo ang mga desisyon mo sa buhay, girl!