Chapter 38 - Decisions in the past

Xena

Naikuyom ko ang kamao ko.

Hindi ko talaga mapigilang mapikon, hindi lang kay Mikey at sa inaasta nito kung hindi mas lamang sa sarili ko.

"Babe?" untag ng tinig sa akin ni Hero.

Taka ko itong nilingon nang makitang nakakunot ang noo, lumunok muna ako bago nagtanong. "B-Bakit?”

Umiling ito at may pagtataka akong tiningnan. "Wala. Nakasimangot ka kasi riyan, e. Anong problema?"

Mabilis akong ngumiti nang pilit at umiling. "W-Wala. Wala naman. Ano naman ang magiging p-problema ko?"

May pagdududa ako nitong tiningnan. "Sure?"

"Oo naman."

Mula sa pagkakatingin sa mukha ay bumaba ang mata nito. "Hmm? E, bakit lukot na 'yang papel na hawak mo?" puna nito.

Napatingin ako sa hawak kong papel at... sh*t, bakit lukot nga?

"U-Uh... ano, s-sorry. I-print ko na lang ulit 'to." hindi magkandaugaga na sabi ko habang pilit na inuunat ang papel na wala nang pag-asang maging maayos.

Tumawa ito nang malakas. "Huy! Ano ka ba? Ano bang nangyayari sa iyo?"

Ano bang nakakatawa? Hays, isa pa itong nakakaasar, e.

Inis ko itong tiningnan. "W-Wala nga! Bakit ba?" napipikon kong tanong.

"Wala naman. Ba’t ba parang aburido ka nitong mga nakaraang araw?" usisa pa nito.

Ikinunot ko ang noo ko.

Bakit kailangan pa nitong mapansin iyon?

Nag-iwas na lang ako ng tingin sa huli kaysa sumagot.

Alangan namang sabihin ko rito na pinoproblema ko ang kapatid nito?

Hays. Kasi naman, e!

Kailan ba kasi mawawalan ng pag-asa at mapapagod ang puso ko sa pagmamahal sa lalaking 'yon? Kahit pa nga madalas na sakit ang nararamdaman ko? Bwiset na martir na puso ko na ‘to. Bakit hindi yata nagsasawang masaktan at maging tanga? Go lang nang go, kahit na nga madalas ako mismo ay umay na.

"Akala mo ba hindi ko napapansin? Pero simula noong dumating si Mikey ay may nagbago na sa iyo. Hindi ko alam kung masasabi ko bang maganda 'yon pero kita ko na nagkaroon nang ibang kulay ang mata mo pati na ang mga kilos mo. Hindi na katulad noong dati na ang consistent talaga na kaya mong maging kalmado sa iba’t ibang sitwasyon. Ngayon kasi, dumadalas na parang hindi mo na kontrolado ang emosyon mo pati na rin ang pag-init ng ulo mo. Hmm... mukhang siya lang talaga ang nakakapagpalabas ng totoong ikaw at mga emosyon mo na hindi mo ipinapakita sa kung sino lang," patuloy na pagpuna nito.

Hala. Totoo ba 'yon? Sh*t na ‘yan.

Naibalik ko ang tingin dito. "K-Kung anu-ano ang napapansin mo. Magtrabaho na nga lang tayo," tanging nasabi ko upang makaiwas sa usapan.

Napailing-iling ito. "Hindi ko na talaga kayo maintindihang dalawa. Ano ba? In denial ba kayo? ‘Yong isa may karay-karay kahit hindi naman talaga gusto tapos ‘yong isa naman kung umasta ay parang walang pakialam kahit na ang totoo ay nasasaktan na. Sa nakikita ko kasi at kahit hindi ko kayo tanungin, alam ko at ramdam ko na may something pa sa inyo pero pinipilit ninyong ignorahin pareho—lalo ka na. Huling-huli nga kita na apektado ka noong binanggit niya 'yong pangalang Lucy."

Tumawa ako nang pagak upang pagtakpan ang nararamdaman ko. “Something? Anong something ang pinagsasasabi mo?” pagmamaang-maangan ko.

“Huwag mong ibalik sa akin ang tanong dahil alam ko na hindi ka tanga para hindi mo malaman ang tinutukoy ko,” seryosong turan nito.

Bumuntung hininga ako bago sumimangot. "Wala naman talaga kasing something. Binibigyan mo lang ng kulay ang mga bagay. Nilalagyan mo at dinudugtungan mo ang kuwento kahit alam mong tapos na, matagal na. Saka anong hindi gusto ‘yong karay-karay? Are you serious? Girlfriend niya ‘yon,” pagdidiin ko sa ugnayan ng mga ito.

Nanatiling nakatitig sa akin si Hero.

“Kahit na ilang beses pa niyang itanggi na hindi sila mag-on, hindi ako tanga para magpaloko dahil ilang beses ko na silang nakitang naghalikan sa mismong harapan ko. Alam mo, ayoko nang umasa, Hero. Tanggap ko noon pa na hindi talaga kami para sa isa't isa. Kaya nga umalis ako noon at kaya nga pilit kong inilalayo ang sarili ko sa kanya ngayon, ‘di ba?" patuloy ko.

Pumalatak ito. "Pareho kayong nabubulag ng nararamdaman ninyo at ng gusto ninyong paniwalaan, alam mo ba 'yon? You're holding back, pero sa nakikita ko, hindi sa binibigyan ko ng katwiran, kahit na kasi may ibang kasama si Mikey ay nasa iyo naman ang tingin at atensyon niya."

Kung sana ay gano'n din ang nararamdaman ko at nakikita.

Pero hindi ko na yata makikita pa iyon dahil nagbago na ang pananaw ko. Minsan na kasi akong binulag, ginawang bingi at pipi ng mga nakita ko na inakala kong para sa akin, inakala kong magtatagal at inakala kong mananatili sa akin habang-buhay. Pero binasag ang lahat ng paniniwala ko nang nagising ako sa katotohanan at namulat ako sa kahibangan kong iyon. Kaya hindi na, hindi ko na talaga iyon uulitin pa.

Sarkastiko akong napatawa. "Talaga ba? Bakit hindi ko makita? Hindi ba nga kung sinu-sinong babae ang nakakasama? Sa iyo na rin nanggaling 'yon una pa lang at alam na alam mong babaero ang kapatid mo. Kaya paano, Hero? Sabihin mo sa akin, paano ko pa masasabing totoo 'yang sinasabi mo? Pati na ang sinasabi niya? Kung kitang-kita naman mismo ng mga mata ko ang ginagawa niya?" hindi ko na napigilang ibulalas.

"Paano mong makikita kung sa isang side ka lang palagi nakatingin? Alam mo ba ang dahilan kung bakit niya ginagawa 'yong mga nakikita mo? Alam mo ba ang naramdaman niya noong iniwan mo siya? Nagtanong ka ba sa kanya kung ano ang pinagdaanan niya noong mga panahon na bigla ka na lang nawala?"

D*mn. Sinusumbatan ba ako nito? Sinisisi? Nag-aaway ba kami?

Hays. Pati yata ito ay naiinis na sa kaartehan ko.

Inaamin ko, kasalanan ko rin naman kasi talaga ang lahat ng nangyayaring ito, ako ang puno’t dulo kaya magulo ang mga bagay.

Umiling na lang ako bago huminga nang malalim upang kumalma, ayokong magkasalubong kami nang mataas na emosyon at pagtaluhan ang bagay na ito.

Naiintindihan ko naman kasi ang ipinupunto nito. Pero dahil ako ang involve, syempre ay mahirap para sa akin na makita kung ano ba ang nakikita ng mga ito, lalo pa at ako naman ang nakaranas ng sakit na ayoko na talagang maulit pa na pagdaanan ko.

Mahabang katahimikan ang namagitan sa amin, nilimi ko muna ang mga dapat kong sabihin bago nagsalita.

"Wala nang saysay na alamin ko pa ang mga sinabi mo, Hero. Besides, mas okay kung naka-move on na siya sa taong mahal niya. Mas magiging masaya ako ro'n, kahit hindi niya pa ako mahalin. Atleast ‘pag gano’n kasi, alam ko na worth it naman pala 'yong lahat-lahat no'ng ginawa ko at pinagdaanan ko. Kahit 'yon lang, kuntento na ako."

Tumaas ang kilay nito. "Sa taong mahal niya? Ang tanong sino ba talaga ang mahal niya?"

Ngumiti ako nang mapait. "'Yong namayapa niyang kaibigan siyempre,” mabilis kong sagot.

Sino pa ba kasi?

"Sure ka? Nagtanong ka na ba? Nalaman mo na ba ang totoo? ‘Yong kuwento at side niya?"

Umiling ako.

"Alam mo, pareho lang kayong hindi makaahon sa ginagawa niyo, e. Mas lalo kayong nalulugmok dahil sa nakaraan. Pareho kayong nalulunod, pero minsan ba naisip mo na walang makakapagligtas at makakasagip sa inyong dalawa kung hindi ang sarili ninyo mismo? Or probably kayo pala ang makakapagligtas sa isa't isa?" tanong nito.

"Sorry, pero mahirap kasi, e. Mahirap para sa akin na basta na lang paniwalaan 'yong mga sinasabi niyo. Nakakatakot nang sumugal. Ayoko na, kapag natalo ako, baka wala nang matira sa akin. Ubos na ubos na ako, Hero. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin or rather, kung paano ko ulit pupulutin ang sarili ko sakaling lumagapak na naman ako sa kawalan. Kung dati kinaya ko at inasahan ko ang sarili ko, paano kung hindi na this time?" mahina kong sabi tanong.

"Masarap magmahal," seryosong sabi nito.

Alam ko naman. Alam na alam ko dahil naranasan ko na.

Halos lahat naman ng tao ang gusto ay magmahal o magbigay ng pagmamahal. But the thing is, sa ibinibigay natin, hindi talaga maiiwasan na maghangad at maghintay tayo ng kapalit, kahit pa nga hindi 'yon kasing timbang noong ibinigay natin.

Nag-iwas ako ng tingin. "Masarap nga. Masarap magmahal, pero mas masarap kung mahal ka rin ng taong mahal mo, masaya kapag gano’n. Masarap magmahal pero hindi iyon gano’n kasimple at kadali. Alam mo kung ano ang mahirap? 'Yong makatagpo ng taong mahal ka at mahal mo, hindi dahil sa hitsura, sa kung anong mayroon ka at kung ano ang kaya mong ibigay. Kundi dahil mahal ka lang, 'yong walang rason o dahilan."

Narinig ko ang pagbuntung hininga nito, akala ko ay hindi na ito magsasalita pa pero tumayo ito upang lumapit sa akin at hinawakan ang kamay ko.

"Alam ko. Alam ko 'yon. Hindi naman maiiwasan na masaktan at hindi rin puro saya kapag nagmahal ka. Pero gusto kong maging masaya ka na talaga, ‘yong totoo at hindi kunwari lang."

Natawa ako nang bahagya. "Okay naman ako, e."

Huminga ito nang malalim bago piniga nang madiin ang pisngi ko. "Kulit nito. Basta, dapat maging masaya ka na. ‘Yong totoo dapat, ha? Ayoko noong peke."

"Sapilitan dapat? A-Aw! Masakit!" reklamo ko nang hindi pa rin nito tinatanggal ang kamay sa pisngi ko, diniinan pa nito ang pagkakapisil at ini-stretch kapagkwan ang gawing labi ko.

Gusto raw akong maging masaya pero kung makapanakit naman, hays.

Ngumisi ito at binitawan naman na ako.

Nahimas ko tuloy ang nag-iinit kong mukha.

Sinamaan ko ito ng tingin.

D*mn this guy. Male version ng pinsan ko. Mapanakit din.

Nagulat ako at natigil sa paghaplos na ginagawa ko sa sariling pisngi noong iniumang nito ang mukha sa akin.

"Gumanti ka na," nakangiting udyok nito.

Inilapit pa nito lalo ang mukha sa akin kaya magkapantay na kami ngayon.

Umiling ako dahil hindi naman na gaanong masakit 'yong parte ng pisngi ko na pinisil nito, nag-iinit na lang ang pakiramdam.

Ngumiti itong lalo.

Napangiti na rin ako at sa halip na gumanti ay magaang hinawakan ko ang magkabila nitong pisngi. "Masaya naman ako, e. Hindi man kasing-saya ng iba, pero masasabi ko na masaya ako. Walang halong echos. Kaya huwag ka nang mag-alala pa sa akin, hmm?"

Ngunit bago pa makatugon si Hero sa akin ay natigilan kami pareho noong biglang bumukas ang pinto at iniluwa si Mikey. Parang napapaso tuloy na binitawan ko si Hero.

Lito na nagpalipat-lipat ang tingin ni Mikey sa amin, napansin ko ang agarang paglunok nito at nagtagis din ang bagang.

Umayos na ng tayo si Hero, pero wala pa ring nagsasalita sa aming tatlo.

Sh*t, bakit sobrang ang awkward? Saka bakit ganitong makatingin si Mikey, para kaming nahuli na aktong gumagawa ng kababalaghan?

Nasa pinto pa rin si Mikey at nakahawak sa seradura.

Tumikhim si Hero para basagin ang katahimikan. "K-Kapatid, napabalik ka?" may pagkaalanganin sa tinig na tanong nito.

Kumurap-kurap si Mikey bago tuluyang pumasok, naglakad ito papalapit sa gawi namin.

Napigil ko ang paghinga ko habang patuloy ito sa paglapit.

Nag-iwas ito ng tingin. "S-Sorry sa istorbo. Naiwan ko lang 'to, binalikan ko lang," sabi nito bago dinampot ang telepono nito na nakalapag pala sa mesa ko.

Sumulyap ito sa akin nang mabilis pero nag-iwas din kaagad ng tingin.

Napalunok ako noong makaramdam ng kirot sa dibdib ko.

Ni ayaw na ba talaga ako nitong tingnan man lang?

D*mn, ito naman ang gusto ko! Pero sa tuwing ginagawa nito ang sa tingin ko ay nararapat lang, bakit nasasaktan ako? Bakit umaasa pa rin ang puso ko na ang mga kabaligtaran na lang sana ang gawin nito?

Sh*t, self! Kailan ka ba magtitino?

Kay Hero ko na lang itinuon ang paningin ko.

Namulsa ito. "Akala ko nakabalik ka na kaagad at kasama mo na si Miranda, ang bilis kako."

Umalis na si Hero sa tabi ko at sa halip ay naupo sa harap ng sariling mesa nito.

Ipinagpatuloy ko na lang ang pag-aayos ng mga papel sa mesa ko at hindi na pinansin pa ang mga ito.

Hays. Ngayon pa lang ay sobrang ilang na ilang na ako. Paano pa 'yung araw-araw ko itong makikita at makakasama sa iisang opisina?

Anong gagawin ko? Tatakbo na naman ba ako?

Pero hindi naman nareresolba ang problema kapag gano'n na naman ang ginawa ko.

Bumuntung hininga ako.

Inabala ko na lamang ang sarili ko sa buong umaga.

Dumaan ang maghapon pero hindi na bumalik si Mikey.

Dumating ang kinabukasan, nagpunta na si Miranda at nag-ayos ng gamit ng mga ito, ngunit wala ni anino ng boss nito na nakita ko.

Hindi ko tuloy mapigilang isipin kung nasaan ba ito? May ka-date kaya ito? Si Lucy ba ulit? Seryoso na kaya ito sa babaeng 'yon?

Napangiti ako nang mapait.

Hindi ko man gusto pero bakit may panghihinayang akong nadarama? Na sana ako 'yong kasama nito, na sana ay wala kaming problemang ganito? Na sana ako 'yong inaalagaan nito at inaasikaso, katulad na lang noong magkasama pa kami dati?

Mahirap mang aminin pero nakaka-miss din pala 'yong simpleng lambing at pagiging makulit nito. Pati na 'yong lahat-lahat mismo rito.

Hindi ko mapigilang mag-isip kung tama ba ang naging desisyon ko noon, pero sabi ng iba, malalaman mo lang daw na tama ang naging desisyon mo kung naging masaya ka sa bandang huli. Sa kaso ko, iyon ang akala kong tama pero bakit hindi naman ako naging masaya, sa halip ay nasaktan ako at nakasakit din ako ng iba?