Chapter 36 - Heartbeat

Xena

Dahil mukhang wala man lang itong nahimigan na kahit ano sa sinabi ko ay naiikot ko na lang ang mata ko. "Na na-miss mo rin ako! Ano ka ba naman?! Ang tagal kaya nating hindi nagkita! Hindi mo ba ako na-miss kahit kaunti lang?!"

Sa halip na sumagot ay tumawa ito at pinisil muli ang pisngi ko.

Hindi makapaniwala ko itong tiningnan. "Hala siya. Ayaw akong sagutin.”

“Na-miss siyempre, sobra. Kailangan pa bang itanong ‘yon?”

“Talaga ba?” paninigurado ko.

"Yeps."

"Parang hindi naman..."

"Oo nga kasi, kahit na mamatay pa 'yong ilaw ng mga kapit-bahay mo."

Natawa ako at nailing-iling. "Grabe ka. Idinamay mo pa 'yong mga taong walang muwang."

"Ikaw kasi, ayaw pang maniwala. Iyan tuloy. Pero, kumusta ka naman?" usisa nito sa huli habang nakatunghay sa mukha ko.

"Maayos naman."

Lumayo ito nang bahagya at inayos ang pagkakatali ng buhok nito na nagusot. "Hmm? Totoo ba? Kung maayos ka, bakit kaya ako pilit na kinokontak at pinapapunta ni kuya Dale dito? Parang may kakaiba sa tono niya, e. Care to explain what's going on?"

Nanlaki ang mata ko. "Kinontak ka ng pangit na 'yon? Paano ka niyang nakontak?"

"Well, he has his ways. Pero balik tayo sa usapan, care to explain what's going?" ulit na tanong nito.

Napailing ako.

Napaka talaga no'ng isang 'yon. Daldalito!

"Baka nabaliw lang si pangit, alam mo naman ‘yon may isang turnilyo sa utak na kulang at nawawala.”

"Really? But with his tone? He seems worried,” tanong nito na mukhang hindi naniniwala sa sinabi ko.

Tumango ako. “I’m perfectly fine. Dahil ba ro’n kaya ka biglang napabalik dito?”

“Bukod sa nami-miss kita, siyempre ay nag-aalala rin ako sa iyo.”

Napahinga ako nang malalim. “Naabala ka pa, hindi mo na dapat pinansin ‘yong kabaliwan ni pangit. Tinawagan mo na lang sana ako, alam ko naman na busy ka, e.”

Ngumiti ito. “Okay lang, balak ko rin naman kasing magbakasyon, and I think, ito na 'yong pagkakataon na 'yon. Isasabay ko na. Hmm, saan ka pala nanggaling at madaling araw ka nang nakauwi, ha?” pag-iiba nito sa usapan.

Nakagat ko ang labi ko. “Uh... Kasama ko sina Hero...” nag-aatubili kong sabi habang binabantayan ng tingin ang reaksiyon nito pagkabanggit ko sa pangalan ni Hero.

Tumango-tango ito. "Oh, I see. Kumusta naman siya?" kaswal na tanong nito.

Naikurap-kurap ko ang mata ko at pilit na hinahanap pa rin sa mukha nito ang emosyon na gusto kong makita.

Bakit wala akong makitang hint na naging apektado ito sa pagbanggit ko sa pangalan ni Hero?

Patuloy na tiningnan ko ito nang mataman. "A-Ayos naman din siya. Do you want to do some catching up with him? Labas tayo minsan?” tanong ko, nagbabaka-sakali na may makitang ibang reaksyon dito.

Pero lumipas pa ang sandali ay wala talaga akong makita.

Wala na ba itong nararamdaman para kay Hero? O sadyang magaling lang itong magtago?

Noon nga, ni hindi ko napansin na may pagtingin ito kay Hero. Kung hindi pa si Hero ang nagsabi sa akin baka hanggang ngayon ay wala pa rin akong kaalam-alam.

Hays. Bahala na nga si Hero na umayos ng gusot sa pagitan ng mga ito.

Nagkibit-balikat ito. "Puwede naman din. Pero teka pala, balik tayo sa usapan, nabanggit ni kuya Dale si Mikey, related daw sina Hero at Mikey sa isa't isa? Mag-step brother talaga sila?" balik nito, hindi ko alam kung gumaganti ba dahil sa pagbanggit ko kay Hero dahil bigla rin nitong binanggit si Mikey.

Pero kasalanan ‘to talaga ng pangit na kapatid ko, e.

Napakadaldal naman kasi nito kahit kailan. Hays.

"Kumusta naman kayo? Masama pa rin ba ang ugali? Maayos na ba kayo?" patuloy na tanong nito.

Hindi ako makasagot.

"Huy, Xena! Nagtatanong ako. 'Langya naman, sumagot ka," untag nito sa akin.

Napahinga ako nang malalim.

Sa tono nito ay kailangan kong sumagot nang matino, kung hindi ay baka bigla na lang ako nitong batukan. Magaan pa naman ang pingkok nito at may pagkabrutal.

"Hindi ko alam sa totoo lang. Magulo pa rin, katulad noong dati. Walang nagbago sa pagiging malakas mang-asar pati na sa pagiging malandi. Alam mo naman kung gaano 'yon kalandi noon pa man. Dumoble nga lang yata ngayon."

"Talaga? Naks. Level up ba?" parang natutuwa pang tanong nito.

Hays.

"But seriously, simula noong naging kayo noong college tayo, sa iyo ko na lang nakita kung paano lumandi si Mikey. Ikaw na lang ang nakikita kong nilalandi no'ng lalaking 'yon. Naging focus masyado sa iyo," natatawa nitong turan.

Nilandi nga pero hindi naman minahal. Ang saklap ng gano'n.

"May pagkaabnormal lang 'yon kaya ako nilalandi noon dati. Saka alam mo ba ngayon na bukod pa sa may lumalandi na sa kanya na nilalandi rin niya ay may nilalandi pa siyang iba? At hindi lang 'yon isa, kundi sangkaterba," pagbabalita ko rito.

"Iba rin... pero teka, updated ka yatang masyado? Sadyang curious lang ba 'yan? O baka naman interesado ka kaya alam na alam mo ang happenings?" may panunukso sa tinig na tanong nito.

Sumimangot ako.

Sino naman ba kasi ang masokistang magiging interesado kung masasaktan ka rin lang sa makikita at malalaman mo?

Definitely, hindi ako gano'n.

"Hindi ako curious at lalong hindi interesado. Sadyang alam ko lang, kasi nga ako 'yong inuutusan niya noong mga nakaraan para padalhan ng bulaklak at kung anu-ano pa 'yong mga babae niya. Sa totoo lang, sa dami nga ay hindi ko na matandaan 'yong pangalan ng iba," pagtatanggol ko sa sarili ko.

Napangiwi ito. "Aw. Ang gulo nga pala," naiiling na komento nito.

Sumandal ako sa upuan bago tumingin sa kisame at nagbuga ng hangin.

Lumipas ang sandali na walang nagsasalita sa amin, tanging ang ingay na nanggagaling sa TV ang pumupuno sa paligid.

"What are you thinking?" pagbasag nito sa katahimikan.

Sinulyapan ko ito mula sa pagkakatingin sa kisame. "Puwede ba akong maging honest for once?" tanong ko bago ibinalik ang tingin sa kisame.

"About what?"

"Sa nararamdaman ko."

"Shemay. Don't tell me..." hindi nito maituloy na sabihin.

Bahagya akong nangiti. "Gano'n pa rin ang nararamdaman ko para kay Mikey. Ang totoo, hindi naman talaga ako naka-move on at hindi rin nakalimot. Ang pinoproblema ko, paano kung maging tanga na naman ako sa mga ipinapakita niya sa akin? Engot pa naman akong tunay basta pagdating na sa lalaking 'yon," amin ko.

Alam ko naman kasi na safe ang lahat ng bagay na sinasabi ko rito kaya okay lang if I would let my guard down, kahit na saglit lang. Isa pa, tiwala ako rito na hindi ako nito basta-basta na lang huhusgahan.

"Nakapag-usap na ba kasi kayo nang matino tungkol sa nakaraan?" tanong nito.

Napangiti ako nang mapait. "Parang hindi naman na kailangan iyon. I want him to be happy, Zelle. Iyon lang ang gusto ko, sapat na sa akin iyon.”

Titiisin ko na lang ang sakit.

"Gusto mo siyang sumaya. E, ikaw naman? Kailan mo balak intindihin ang sarili mo? Kailan mo balak na maging masaya?" tanong sa akin nito.

Kinagat ko ang labi ko at hindi tuminag sa pagkakatingala sa kisame.

"You live a life full of guilt dahil sa nagawa mo noon. Iniwan mo kaming lahat. Nasaktan mo, nangyari na at tapos naman na. Nagawa mo na ‘yong tingin mong dapat ay ginawa mo para kay Mikey at kung ano ang makakabuti sa kanya. Pero bakit hanggang ngayon ay hindi mo magawa ‘yong bagay na para naman sa sarili mo?" patuloy nito.

D*mn.

Hindi ko magawang tumugon.

Naikurap-kurap ko na lang ang mata ko.

"I love you, Xena. Alam mo naman 'yon, 'di ba? So please, be happy," masuyong sabi nito bago ako niyakap nang maingat.

Isa ito sa mga iniwan ko noon na hindi ko man lang naisip ang mararamdaman bago ako nagdesisyon. F*ck. Paano ko nagawang gawin iyon dito nang dahil sa pagmamahal ko kay Mikey?

Lumunok ako para mawala ang bikig sa lalamunan ko.

Pinakawalan na ako nito at tinitigan sa mata. "I really want you to be happy. Kung sa tingin mo ay hindi talaga kayo ni Mikey ang nakatadhana. Then maybe you should start opening your eyes and heart, para makita mo kung sino 'yong laging nandiyan at nakasuporta sa iyo."

Is she talking about Hero?

"Si Hero?" pagsasatinig ko sa naisip ko.

"Yes, si Hero," diretsang sang-ayon nito.

Hindi ko napigilang mapatawa. "The f*ck, Zelle? Are you serious?”

“Seryoso ako.”

Hala siya.

Nagtatalo ang isip ko kung magpapaliwanag ba ako tungkol sa totoong namamagitan sa amin ni Hero o hahayaan kong si Hero na lang ang gumawa niyon.

Iniling-iling ko ang ulo ko. “Pakiramdam ko ay incest kapag nangyari 'yon. Kapatid na ang turing ko kay Hero. Magkaibigan lang kami no'n. Hindi man naniniwala ang marami, pero 'yon ang totoo."

Iniiwas nito ang mata bago nagkibit-balikat at napabuga ng hangin. "Okay. Pero sana ay maging maayos na ang lahat,” turan nito.

Sana nga, pero paano?

Pinaglaruan ko na lang ang mga daliri ko.

Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko.

Paano ba kasi? Wala na akong maisip.

Huminga ako nang malalim bago ito tiningnan at nginitian. "Kararating mo lang, pero puro problema at drama ang pinag-uusapan natin," pagpapagaan ko sa atmosphere.

Tumawa ito. "Napansin mo pala. Matulog na nga lang tayo,” yaya nito.

“Sige, mamahinga lang ako saglit at maglilinis pa ako ng katawan bago matulog.”

“Sige. Una na ako,” sagot nito at naghikab pa.

Nasundan ko na lamang ito ng tingin.

Bumuntung hininga ako nang makapasok na ito ng kuwarto.

Ibinaling ko ang tingin sa TV na nakabukas pa rin.

Hindi ko naman naiintindihan ang palabas kaya pinatay ko na lang.

Makalipas ang ilang sandali ay nagdiretso na rin ako sa kuwarto para maglinis ng katawan at nagbihis bago humiga sa kama.

Pinatay ko ang ilaw bago tumulala sa dilim.

Hindi ko mapigilang patuloy na mag-isip.

Bakit gano'n? Bakit hindi puwedeng patayin na lang ang nararamdaman para hindi na nahihirapan pa ang mga tao?

Bakit walang switch ang puso para madali lang na i-off kapag sobra ka nang nasasaktan? Para puwede ring maipahinga kapag pagod na at para ma-i-charge na rin kung sakali mang paubos na ang lakas.

Hays. Bakit hindi na lang gano'n kadali?

D*mn. It sucks to continue living your life while deep inside you're dying. 'Yong ubos na ubos na ang pag-asa sa isip mo at malapit ka nang bumigay, pero kabaliktaran naman ang nararamdaman ng tanga mong puso dahil kahit na nasasaktan, kailanman ay hindi pa rin yata nawawalan ng pag-asa kahit na sobrang sawa ka na, kahit ayaw mo na, kahit na pigilan mo pa o kahit na sobra ka nang nasasaktan at kahit na alam mong 'yong mga bagay ay wala namang kasiguraduhan at pagtutunguhan. 'Yong kahit na sa huli ay matatalo ka pa rin.

Nakakainis lang dahil para nang may sariling isip ang puso, 'yong tipo na hindi ito ang napapasunod mo, kung hindi ikaw ang pinapasunod nito—isang araw ay magigising ka na lang, malalaman at maramdaman mong tumitibok na pala ito pero hindi na pala para lang sa sarili mo, kung hindi para na sa ibang tao. ‘Yong nasa katawan mo nga ito pero mas matimbang na pagmamahal na ang iniuukol nito sa taong may kakayahang pabilisin ang tibok nito sa isang iglap, walang hirap at walang kakurap-kurap.