KABANATA 1 : Unang Pagkikita

NASAPO ni Kyzer ang masakit na ulo. Matindi ang hang over niya buhat sa paglalasing kagabi.

Inihimpil niya ang kanyang kotse sa gilid ng kalsada upang saglit na mag-yosi sa isip na maiibsan noon ang nararamdaman niyang pananakit sa ulo.

‘Buwisit!’ inis na aniya sa kanyang isip sabay sapo sa noo. ‘Heto na naman po tayo Kyzer!’ sermon niya sa sarili.

Kumuha siya ng sigarilyo at sinindihan iyon tapos ay agad na nag-hithit-buga.

Wala siyang choice kundi pumasok ngayon sa opisina kahit mabigat ang pakiramdam niya dahil madami siyang reports na kailangan matapos sa araw na iyan dahil ilang linggo din siyang pa-easy-easy.

Isa siyang Intelligence Officer sa Eastland HeadHunters Intelligence Agency.

Ang ahensya na ito ay nasa ilalim ng lokal na pamahalaan at nagbibigay ng secret intelligence service.

Mas pinili niya ang propesyong ito kaysa sa business ng kanilang pamilya.

Entrepreneur ang kanyang ama at isang multi-millionaire pero mas pinili niya ang simpleng pamumuhay.

Nasa intelligence profession ang kanyang puso at wala sa pagnenegosyo.

Napabuntong hininga siya at akmang ilalagay ang sigarilyo sa ashtray nang matigilan dahil sa babaeng naka-white nun suit na tumayo sa tapat ng kanyang car window.

Tinted iyon kaya hindi siya nito makikita sa loob.

Inayos nito ang kasuotan sa harap ng kanyang car window sa side niya at sinipat ang sarili.

Wala sa loob na napaawang ang bibig niya nang ngumiti ito na animo’y nakikita siya.

Bigla ay nakalimutan niya ang nararamdaman na sakit sa kanyang ulo.

Angelic ang mukha nito at napaka-cute sa pagkakangiti.

Habang nakatitig dito ay napakunot ang noo niya.

Teka, parang nakita na niya ito. Pamilyar ang mukha nito sa kaniya.

Saglit niyang kinapa sa isip niya kung kailan at saan ba niya ito nakita.

‘Haist! Bakit parang humihina na ata ang memorya mo, Kyzer!?’ inis na tanong niya sa sarili nang hindi ito maalala.

Naudlot siya sa pag-iisip at napamata nang kumilos ito’t bumuga ng hangin sa tapat ng palad nito upang maamoy nito ang sariling hininga tapos ay ngumiti ulit sa harap ng kanyang car window na wari ba ay sinasabing presko ang amoy ng hininga nito.

Napangiti siya at napailing habang nakamasid lamang sa ginagawa nito.

Kapagkuwan ay dinikdik niya sa ashtray ang sigarilyo bago ibinaba ang salamin ng kanyang car window.

Natigilan si Sister at hindi nakakibo hanggang sa unti-unti ay mahantad ang kanyang mukha sa paningin nito.

Napatitig ito sa kaniya ganoon din siya rito.

Ngumiti siya sa nun sister na ito nang ganap na maibaba sa car window.

“Hi, Sister! I can help you in ensuring that your breath doesn’t stink, kiss me.” Preskong utos niya dito na sinundan ng pagkindat ng kaliwa niyang mata.

Tila naman natilihan ito at agad na tumalikod.

Nagmamadali itong lumakad palayo, na muntik pa nga nitong ikadapa.

“Ops! Ingat ka, Sister, have a wonderful day!” nakatawang sabi niya rito pero hindi siya nito pinansin.

Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makatawid ng kalsada at makapasok sa loob ng simbahan.

Kaagad siyang napaantanda ng krus. Hindi niya napansin kaagad na nasa tapat pala siya ng isang simbahan.

Napangiwi siya nang maalala ang kumikirot na ulo.

Ganunpaman ay pinasya niyang ipagpatuloy ang pagmamaneho patungo sa kaniyang workplace.

“MUKHANG malawak ang ngiti natin ngayon, Sir Sea. Inspired?” nakangiting puna ni Naylor sa kanya nang makasalubong ito sa hallway habang patungo siya sa opisina niya.

Tinawag siya nito sa kaniyang code name imbes na Kyzer.

“Sana lamang ay may maging inspiration ako,” sabi naman niya habang patuloy sa paglakad.

Naramdaman niya ang pagsunod nito.

“Sa dami ba naman ng mga babae who are obsessed with you, not one of them has ever inspired you?” tumatawang tanong nito sa kanya.

Huminto siya at nilingon ito, huminto rin ito sa paglakad.

“Paano ba ma-inspire kahit walang babae sa buhay, susubukan ko,” kunwa’y seryosong turan niya rito.

“Bakit ako ang tinatanong mo?”

“Because you always appear inspired, even though no woman is obsessed with you.”

Natamimi ito matapos ang sinabi niya pero nanatiling nakangiti bagama’t naging manipis iyon kaysa kanina.

Napabuntong hininga siya at napailing.

Pambihira, nagjoke siya pero hindi ito natawa.

“Masakit talaga ang ulo ko,” pagkuwa’y sabi na lamang niya. “Wag mong seryosohin ang sinabi ko, nagbibiro lang ako.” Ngumiti siya rito.

“Hangover na naman?” nakakunot ang noo na tanong nito.

Nagkibit balikat lang siya.

Napailing ito. “Si Eynon, nag-aaya mamayang lumabas, tingin ko makakasama ako,” seryoso ng sabi nito. “Sige na, magtrabaho na tayo.” Agad itong tumalikod at tinugpa ang exit way ng kanilang detachment.

Napailing siya at napasunod ng tingin dito sa kaibigan.

Palagi itong absent sa gimikan nilang tatlo. Makasama man ay parang katawang tao lamang naman nito ang naroon at ang isip ay kung saan nandoon.

Ano kayang nakain nito ngayon?

NAPAKISLOT si Kylie nang biglang huminto ang kotse niya, naiidlip na pa naman siya ng sandaling iyan.

“Kuya Mike, anong nangyari!?” maang na tanong sa driver niya.

Nilingon siya nito sa backseat. “May huma—” Naputol nito ang pagsasalita nang kalampagin ng isang lalaki ang car door sa side nito sa driver seat.

Tumahip ang dibdib niya.

“Kuya Mike, bakit ba?” nababahala ng tanong niya.

“Hindi ko rin po alam, Miss Kylie. Siya ang biglang huminto ng hindi man lang nagbigay ng signal kaya bahagya nating nasalpok ang hulihan ng kotse niya.”

Napakunot ang noo niya. “Ano!?” wala sa loob na naitanong niya habang iginagala ang tingin sa labas ng sasakyan.

Hindi matao sa lugar na iyon at tila nga walang nakakapansin sa kanila.

“Kakausapin ko ba, Miss Kylie? Baka lalong magalit eh.”

“Sandali, tatawag muna ako sa police para mas sigurado tayo.” Pigil niya rito.

Tumango lang ito.

Kinuha niya ang cellphone at tumawag sa 117 hotline.

Muntik pa siyang mapatili nang kalampagin ng lalaking sa labas ang sasakyan sa side niya.

Sinubukan niya itong tingnan sa mukha upang kilalanin ang hitsura pero nahirapan siya dahil nakasumbrero ito, sunglasses at facemask pa. Kahina-hinala ang itsura nito.

Sinagot ang tawag niya at agad siyang humingi ng saklolo sa dispatcher ng 117. Kaagad niyang ibinigay ang lokasyon at sinabi ang kasalukuyang sitwasyon.

Bigla ay napatili siya nang biglang mabasag ang salamin ng car window sa side ng driver seat at bago pa man makakilos ang kanyang driver ay naunahan na ito ng lalaking ito.

Kinulata nito ng baril ang kanyang driver na agad na nawalan ng malay.

Natuog siya at hindi nagawang gumalaw kahit pa nga naririnig niya ang boses ng 117 dispatcher sa kabilang linya.

Matapos nitong i-unlock ang car door control ay tinungo nito ang pinto ng kotse sa side niya at binuksan iyon sabay umang ng baril sa kaniya.

“Wag kang papalag kung gusto mo pang mabuhay,” kalmadong banta nito sa kanya.

Lalo siyang nanigas at nawalan ng lakas sa kinauupuan, ni hindi magawang umiyak dahil sa labis na takot habang nakatulala rito.

Dahil natulala siya nang mga sandaling iyan ay hindi niya nagawang mag-react agad nang bigla na lamang ay maalis sa paningin niya ang lalaking ito dahil sa paghila rito ng estrangherang babae.

Imposible ang puwersa nito at nagawa pang makipagbuno sa lalaking ito sa kabila ng ayos sa putting kasuotan nito.

Natigil lamang ito nang bigla itong tutukan ng lalaking ito ng baril na mabilis nitong nakuha matapos mabitawan kanina.

Napataas ang mga kamay ng babaeng ito dahil diyan.

Noon naman sila nakarinig ng sirena ng paparating na police mobile.

Mabilis na pumuslit pabalik sa sasakyan nito ang lalaki at nagmamadaling tumakas.

Noon lamang nanumbalik ang kaniyang lakas nang lapitan siya ng kanyang tagapagligtas.

“Ayos ka lang ba!?” kalmado ang boses na tanong nito sa kaniya, babaeng-babae ang boses, malayong-malayo sa tila bruskong kilos nito kanina.

Parang hindi nito ininda ang ginawang pakikipaglaban sa lalaking nagtangka sa kanya.

Hindi siya nakapagsalita pero hindi niya napigil ang sariling suyurin ito ng tingin.

Lumapit ang mga pulis kaya umalis ang babaeng ito upang bigyan ng espasyo ang mga ito para mas makalapit at makausap siya.

“Ma’am, ayos ka lang po ba?” tanong ng isa sa mga unipormadong pulis sa kanya.

Nagawa niyang umiling at sinulyapan ang kanyang driver na noon ay wala pa ring malay.

Napalunok siya upang alisin ang panunuyo ng kanyang lalamunan.

“K-Kailangan po ng driver ko ng paramedic,” bagkus ay sabi niya nang makita ang pagdurugo sa sentido ng kanyang driver.

“Nakatawag na po kami, Ma’am. Sandali lamang po ay darating na ang paramedics,” wika naman nito.

“Ma’am, maaari n’yo po ba kaming samahan sa presinto para magbigay ng statement sa pangyayaring ito, at para makapag-pa-blotter na din kayo,” suhestiyon naman ng isa sa mga pulis na ito.

Tumango siya pero agad na napagala ang paningin nang hindi na makita sa paligid ang babaeng nagligtas sa kaniya.

Nakadama siya ng panghihinayang, ni hindi man lamang niya nagawang pasalamatan ito sa ginawang pagligtas sa kanyang buhay.

Baka kung hindi ito dumating, malamang ay natangay siya ng lalaking iyon at hindi niya alam kung saan na siya dinala.