Chapter 3: KABANATA 2 : Kalmado
“TALAGA lang ha!?” hindi makapaniwala na react ni Kyzer sa kwento ni Kylie.
“Kyzer, totoo 'yon. The one who saved me was wearing a nun suit, imposible nga pero nakita ko, nakita ng dalawang mga mata ko kung paano siya nakipaglaban sa kumag na ‘yon!” Tila naiinis na nitong giit sa kaniya.
Tinitigan lamang niya ito ng mataman.
“Hindi na mahalaga kung ano pang nakakatwang nangyari, ang importante ay hindi ka tuluyang napahamak, hija.” Boses iyon ng papalapit nilang ama na si Kieran.
Sabay silang napatingin dito.
“Next time, you and Mike need to be extra careful. Even though we have blotted the bad guy it doesn't mean that we can be complacent,” wika pa nito nang huminto sa kanilang harapan.
Dinala niya ang tingin sa driver ni Kylie na naroon at tahimik na nakamasid sa kanila simula pa kanina.
“Kuya Mike, sa susunod doblehin mo ang pag-iingat kay Kylie.” Bilin niya habang matamang nakatitig dito.
“Yes, Sir Kyzer, pasensya ka na po ulit sa nangyari kanina,” pagsang-ayon at paghingi nito ng dispensa.
Si Kylie naman ang binalingan niya pero para tingnan lamang ito bago kumilos upang umalis.
“Kyzer, oras na ng dinner. Bakit hindi ka na lang dito kumain?” ang kanyang ama.
Independent siya at namumuhay ng bukod sa mga magulang niya.
Hindi niya masasabi kung ano ang mga maaaring mangyari kung dito siya sisiksik gayong hindi madali ang kanyang trabaho.
“Kailangan ko ng umuwi, Dad. Marami pa akong kailangan tapusin.” Pagtanggi niya sa alok nito at hindi na hinintay na makapagsalita pa ito.
Lumakad na siya palabas sa doorway ng mansion nila habang kinukuha ang lighter at sigarilyo sa bulsa.
Nagsindi siya noon at hinithit-buga iyon habang patungo sa garage kung saan nandoon ang kotse niya.
NAPATITIG si Kyzer sa TV nang makita ang balita.
Nakunan ng isang news scooper ang isang car accident.
Bigla ay naalala niya ang aksidenteng naganap sa kanila ni Kylie ilang taon na rin ang nakaraan.
Napasandal siya sa backseat ng sofa habang binubura ang nakaraan sa kanyang alaala sapagkat pinasasakit noon ang ulo niya.
Bahagya siyang napakislot at napaangat ang likod nang biglang tumunog ang kanyang cellphone sa ibabaw ng center table.
Kinuha niya iyon at sinagot nang makitang si Eynon ang tumatawag.
“Hmmm. . . ?” aniya.
“Anong hmmm? Kanina ka pa namin inaantay ni Naylor, nakailang rounds na kami sa billiard, naubos na rin namin 'yong alak na in-order namin, anong oras ka pa ba pupunta rito? Kapag pauwi na kami?”
Napasandal ulit siya sa backrest ng sofa habang isinusuklay ang mga daliri ng kaliwang kamay sa buhok niya.
“Ang totoo n'yan paalis na ako,” tugon niya na sinundan na ng pagtayo.
“Hay naku! Bilisan mo lang, alamo naman 'tong isa rito masyadong balisawsawin pagdating sa ganitong lakaran,” reklamo nito na ang tinutukoy ay si Naylor.
Tinapos nito ang tawag.
Napailing siya.
Ibinalik niya ang cellphone kung saan ito kinuha kanina tapos ay ang sigarilyo at lighter naman ang dinampot.
Sinindihan iyon at hinithit-buga bago lumakad palabas ng bahay niya.
“KUMUSTA naman si Kylie?”
Napahinto si Kyzer sa gagawin sana niyang pagtumbok sa cue ball nang marinig ang tanong na iyan ni Eynon.
Tiningnan niya ito ng masama at ito naman ay napangisi sa kaniya.
Si Naylor ay napatingin sa kanilang dalawa at tahimik na nakikinig habang nakamasid.
“Pambihira, masama bang kumustahin si Kylie?” napapailing na tanong pa ni Eynon sa kanya nang mapansin ang masama niyang tingin at ang hindi pagtugon dito.
Dinampot niya ang sigarilyo sa ashtray saka hinithit iyon tapos ay iniabot dito kay Eynon.
Napakunot ang noo nito.
“Ano namang gagawin ko r'yan?” tanong nito sa kanya.
“Baka gusto mong sipsipin o di kaya ay nguyain,” sarkastikong tugon niya rito.
“Alamo namang hindi ako nagyoyosi,” angal nito sa kanya.
Eksakto, kaya nga ibinigay niya iyon dito para asarin ito.
“Mamili ka, hihithitin mo ito o itong cue stick na hawak ko ang ipapahithit ko sa'yo?” seryosong tanong niya rito.
“Grabe ka naman, Kyzer! Bakit ba kapag si Kylie ang pinag-uusapan natin ansungit mo sa ‘kin, paano magkaka-boyfriend 'yang kapatid mo kung ganiyang binabakuran mo siya?” tanong nito sa kaniya habang kinukuha ang yosi sa kamay niya.
“Wala akong pakialam!” inis na tugon niya saka ipinagpatuloy ang ginagawa kanina.
Napailing na lang si Eynon tapos ay sinubukang hithitin ang sigarilyo.
Nagkanda-ubo ito at naluha ang mga mata.
Tiningnan niya ito at umiling lamang bago ipinagpatuloy ang pagsipat sa mga billiard balls sa pamamagitan ng cue ball.
“Sa comfort room ko na lang tatapusin ito.” Paalam ni Eynon sabay talikod sa kanila.
Noon lumapit si Naylor sa kaniya.
“Nabalitaan ko ang nangyari kay Kylie, kumusta naman siya?” tanong nito.
Tiningnan niya ito, akala niya ay magpapapanis na lamang ito ng laway hanggang sa umuwi sila.
“Ayos naman s'ya. Pinag-iingat na lang namin s'ya kase the police didn't catch the guy who dared to abduct her because there were no leads to identify the suspect kase, even the plate number of his car wasn't obtained, bukod sa hindi malinaw ang CCTV footage ay mukhang gumamit siya ng blankong plaka, ibig kong sabihin, pekeng plaka,” kalmado na sabi niya rito bago yumukod at tumira.
“Hindi ka ba nag-aalala na maaaring maulit ang nangyari sa kanya?”
Inihinto niya ulit ang pagtira matapos makitang pumasok ang bola sa isa sa mga corner pockets.
Tumuwid siya ng tayo at humarap ng diretso kay Naylor.
“Sino bang Kuya ang hindi nag-alala sa kapatid niya? Naaasar pa nga ako dahil kahit ako nahihirapan ding tukuyin ang identity ng lalaking iyon,” aniya habang titig na titig dito.
Hindi ito agad nagsalita bagkus ay kinuha ang bote ng alak na nakapatong sa gilid ng billiard table.
Tumungga ito roon.
“Bakit naman ganoon ka kay Eynon?” tanong na naman ni Naylor sa kanya matapos ibalik ang bote ng alak sa kinalalagyan. “Kapag nagtatanong siya tungkol kay Kylie?” dugtong pa nito.
Ngumisi siya.
Tumira ulit siya at gaya kanina ay pumasok ulit ang bola.
“Masyado kase siyang makulit,” tugon lamang niya habang patuloy sa pagsipat sa sunod na bola.
“Kyzer, marami ring naging girlfriend si Eynon pero tingin ko desidido naman s'ya kay Kylie.”
Inihinto niya ang ginagawa nang marinig ang sinabi nito.
“Naylor. . . !” bigkas niya sa pangalan nito sa inis na tono. “Sa totoo lang,” pagpapatuloy niya. “Nakikita ko ang sarili ko sa kanya. Paano ako makakatiyak na hindi niya igagaya ang kapatid ko sa mga naging girlfriends niya?” seryosong tanong niya rito.
Tiningnan lamang siya nito.
Nang makita niyang pabalik na si Eynon ay ipinagpatuloy niya ang pagbi-billiard.
Habang ang isip niya ay kalmadong nag-iisip kaugnay sa nangyari kay Kylie.