PAUNANG SALITA
TIIM BAGANG na pinigil ni Kyzer ang mga luha na gustong maglandas sa kanyang mga mata habang tinatanaw ang paglapat ng dahon ng pintuan sa Emergency Room ng ospital na kinaroroonan niya.
Iyon na lamang ang bukod tangi niyang nagawa nang mga oras na iyan, ni hindi na niya kaya pang ihakbang ang kaniyang mga paa, pakiwari niya ay namimigat ang mga iyon.
“Kylie. . . !” nanginginig ang boses na sambit niya sa paanas na paraan. “Please, lumaban ka! “ dugtong pa niya na hindi na napigil ang maluha.
Ilang sandali siyang natulala sa kinatatayuan niya habang nag-iisip ng malalim kaugnay sa nangyari kung bakit humantong si Kylie rito.
Napailing-iling siya sa isip na napakabilis lamang ng mga pangyayari.
Pagkaraa’y kumilos siya at tiningnan niya ang kanyang mga kamay na nagpupulas sa dugo ni Kylie.
Nanginginig ang mga iyon at hindi niya mapigilan.
Muli siyang napatiim bagang at hindi na napigil ang mapahagulhol.
Buong buhay niya ay noon lamang siya nakadama ng ganun katinding takot.
Muli siyang tumingin sa Emergency Room.
“Please. . .” anas pa niya bago nanlalata na napasandal sa dingding doon sa hallway at padausdos na napaupo.
Ilang sandali din siyang nanatili sa kaniyang ayos bago kumilos at kinuha ang cellphone sa kanyang bulsa upang ipaalam sa mga magulang ang nangyari.
Hawak na niya ang cellphone ngunit hindi niya iyon magawang pindutin upang i-dial ang numero ng kanyang mga magulang.
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin, kung paano ipapaliwanag sa mga ito nangyari kay Kylie.
Nagpatuloy siya sa pag-iyak habang tinititigan ang nanginginig na mga kamay kung saan hawak ang kanyang cellphone na nang sandaling iyan ay nabahiran na ng dugo sa kanyang kamay.
Hinawakan niya iyon gamit ang libre niyang kamay upang pigilan ang panginginig noon.
Napasinghap siya habang napapatiim bagang nang hindi umubra ang nais niya.
Hanggang sa bigla ay mapapiksi siya nang tumunog ang cellphone na hawak niya.
Kaagad niyang tiningnan kung sinong tumatawag.
Napalunok siya nang makita ang pangalan ng kanyang ina.