CHAPTER 6

LARA

Natapos ko na ang mga ginawa ko at kasalukuyang nagpapahinga ako habang nakaupo sa mahabang plastik na upuan. Nakangiting pinagmamasdan ko ang loob ng bahay namin, may sapin na ang semento kaya gumanda na ang sahig at naging malinis tingnan.

"Tao po,"

Napalingon ako sa pinto dahil sa nagsalita at napangiti ako dahil asawa 'yun ni Caloy.

"Mary ikaw pala." Nakangiting tumayo ako pinuntahan sa pinto, napansin ko na may dala siyang mangkok na may takip.

"May niluto akong gulay, dinalhan kita." Nakangiting sabi nito at lumibot ang mata nito sa loob.

"Nako, salamat." Abot ko sa mangkok, ginataang kalabasa siya na may sitaw at alimasog.

"Wala 'yon, medyo madami kasi naluto ko at naalala ko kayo." Sagot niya.

"Halika maupo ka na muna, pasensya ka na wala akong maalok sa'yo hindi pa ako nakakapagluto." Nahihiyang sabi ko.

"Huwag muna isipin 'yun, gusto lang rin kitang pasyalan dahil alam kong mag-isa ka ngayon dito."

"Salamat pala kung ganun." Sagot ko na naupo kaming dalawa.

"Maayos na ito at luminis na, sigurado akong kapag nakapasok na si Arkin ng trabaho ay makakabili pa kayo ng ibang gamit." Muling sabi nito na nakamasid sa bawat paligid.

"Oo nga, sana nga may makita siya na trabaho. Gusto ko nga rin sana maghanap para magtulungan kaming dalawa." Seryosong sabi ko.

"Bakit hindi ka maghanap ng trabaho? Bata ka pa naman at walang anak, isa pa ang ganda mo pa."

Nag-init ang magkabilaan kong pisngi dahil sa sinabi ni Mary, hindi lang isang beses akong napuri ng iba at maraming beses na rin. Kaya nga sabi sa amin sa probinsya, hindi na raw sila magtataka na magustuhan ako ni Alfred na anak ng mayor.

"Hindi naman masiyado pero salamat." Nahihiyang sabi ko.

"Oo, talagang maganda ka at kahit morena ka. Ilang buwan lang sigurado akong puputi ka, madali ka matatanggap sa mga trabaho kasi may katangkaran ka rin." Puri pang muli niya sa akin.

"Salamat, pero sa susunod na lang kailangan ko munang kausapin si Arkin tungkol diyan." Sabi ko.

"Sabagay, si Arkin rin magandang lalaki bagay kayong dalawa. Kaya dapat alagaan mong mabuti at bantayan 'yan baka mamaya ay umaaligid sa kanya."

Natigilan ako dahil sa sinabi niya at hindi ko maunawaan ang sinasabi niya at mayamaya'y napangiti siya.

"Ibig kong sabihin, baka may magkagusto sa kanya alam mo na maraming tukso sa paligid." Nakangiting paliwanag niya, dito naunawaan ko na ang sinasabi niya at napangiti.

"May tiwala ako kay Arkin, pero yung may magkagusto sa kanya alam kong totoo 'yun dahil kahit sa probinsiya namin ay maraming nagkakagusto sa kanya." Nakangiting kuwento ko.

"Talaga? Pero sa'yo ayos lang 'yun?" Nanlalaki ang matang tanong nito.

"Oo ayos lang naman, normal naman na may magkagusto sa kanya at alam ko 'yun. Dahil may tiwala kami sa isa't isa." Nakangiting sabi ko.

"Haay, sige na nga. Ano, gusto mo ba maglakad-lakad sa palingke gusto mo ba sumama pupunta ako ngayon doon."

"Talaga? Sige sama ako." Mabilis na sagot ko dahil ang palingke talaga ang gusto kong makita dito sa lugar na 'to para malaman ko na.

"Kung ganun halika na, umalis na rin si Arkin. Hindk siya nasamahan ni Caloy may lakad kasi mamaya siya mamaya pagtapos ko mamalingke, pero binigyan siya ng address at sinabi kung sino ang hahanapin niya."

"Salamat pala kung ganun, sana makarating siya at makita ang pupuntahan niya." May pag-aalalang turan ko.

"Oo naman, makakarating yun at mukha namang matalino ang asawa mo." Nakangiting sabi nito at natigilan ako dahil sa sinabi niyang asawa.

"Ang totoo niyan hindi pa kami kasal." Seryosong sabi ko na kinalingon niya sa akin, dahil nasa pinto na kami at isasara ko na ang pintuan.

"Aa... Ayos lang 'yan, ganun na rin 'yan mag-asawa na kayo. Pero payo ko lang sa'yo, huwag ka muna magbubuntis lalo na kung wala pang maayos na trabaho si, Arkin." Paalala nito sa akin.

"Salamat, naisip ko na rin yan at si Arkin." Sagot ko at ni-lock ko na ang pinto.

"Alas diyes pa lang ng umaga pero sobrang init na." Mahinang sabi ni, Mary.

Naglakad na kaming dalawa pero napahinto ako ng bumukas ang pinto at nakita ko sa gilid si, Lesly. Napatingin siya sa akin at nginitian ako at tumango. May hawak itong cellphone na nasa tenga niya.

"Yeah, I'm sure siya na ang katapat niyang kibabaliwan mo."

Nadinig kong sabi ni Lesly sa kausap nito sa cellphone, napatingin ako kay Mary.

"Kilala mo siya?" Tanong niya sa akin ng makalagpas na kami sa bahay ni Lesly.

"Oo, nakilala ko namin siya. Lesly ang pangalan niya." Sagot ko habang patuloy na naglalakad at malapit na kami sa hagdan pababa.

"Aa... Himala yata at nakikipagkilala 'yan, parang wala kasi yang pakialam sa mga tao sa paligid niya at hindi yan nambabati sa mga tao dito. Kaya iniisip ng lahat ay masungit siya, pero ngayon nakakapanibago dahil nakipag-usap siya sa inyo."

"Ganun ba? Mabait naman siya sa tingin ko." Sabi ko.

"Hindi ko lang alam, saka balita ko sa club yan nagtatrabaho at ibig sabihin lang no'n puro lalaki ang nakakasama niya gabi-gabi." Mahinang kuwento niya sa akin.

Hindi ako sumagot dahil wala akong maisip na isasagot, isa pa hindi ko pa lubos na kilala si Lesly kaya hindi ako puwede magbigay ng opiniyon tungkol sa pagkatao niya. Tahimik na naglalakad kami at tinandaan ko ang bawat dinaraanan namin at nilalagay ko sa isip ko ang mga palatandaan.

"Nandito na tayo, Lara."

Napalingon ako sa paligid at napapngiti ako sa mga nakikita ko, ang daming paninda dito at talaga namang ang sarap mamili dito, iniwan ni Arkin ang pera para kung sakali na may bibilhin ako.

"Ang ganda dito Mary, nakakalibang lang ang mga paninda dito ang dami." natutuwang sabi ko sa kanya habang naglalakad-lakad kami.

"Oo sinabi mo pa, kaya nga minsan talagang marami akong nabibili." nangingiting sabi niya at napangiti na rin ako.

Naging masaya ako sa pag-ikot dito sa palingke at medyo pinigilan ko ang sarili ko dahil baka mamaya maparami ang mabili ko, kailangan namin dahil wala pang trabaho si Arkin.

"Tara na at medyo mainit na." aya na sa akin ni Mary, muli ay naglakad na kami ulit. Hindi naman ganun kalayo ang palingke at puwede itong lakarin.

Naghiwalay na kami ni Mary, umakyat na ako sa itaas kung saan naroon ang inuupuhan namin. Hindi naman ganun karami ang binili ko mga pagkain at ulam, may mga maaaring i-ulam na hindi mapapnis dahil wala naman kaming rerfregerator.

Pagliko ko matapos umakyat ay natigilan ako dahil nakita ko si Arkin at Lesly na magkausap at mukhang nagkakasiyahan silang dalawa.