CHAPTER 18

Gabi na at lumabas na ako pintuan dahil oras na ng pagpunta namin sa trabaho ni Arkin. Gusto kong makita si Arkin at makausap ng maayos, dahil hindi ako mapalagay sa pag-iisip lang.

Saktong pagsarado ko ng pinto ay lumabas si Lesly, langhap na langhap ko ang mabangong amoy niya. Ang ganda rin ng suot niyang pantalon na hapit sa kanyang balakang, nakasandals rin ito na medyo mataas kaya tumangkad ito lalo. Nahiya pa ako dahil simpleng bistida lang ang suot ko, wala akong ibang damit kung hindi puro bistida dahil ito ang hilig kong suotin.

"Tara na?" Aya na sa akin ni, Lesly.

Tumango ako at naglakad na kami, bit-bit ko ang paper bag na naglalaman ng pagkain para kay, Arkin.

"Ano yang dala mo?" Nakangiting tanong ni Lesly sa bit-bit ko habang pababa kami ng hagdan.

"Pagkain para kay, Arkin." Nakangiting sagot ko at tumango lang si, Lesly.

Pagbaba namin at paglabas ng apartment ay marami ang napapatingin sa amin at tingin ko ay nagbubulungan sila.

"Huwag mo silang intindihin, mga walang magawa sa buhay ang mga 'yan. Kaya ako, kapag dumaraan dito bingi-bingihan ako." Nakangiting sabi ni Lesly sa akin.

Tumango lang ako at nagpatuloy na kaming maglakad, hanggang sa huminto kami sa kanto. Akala ko sasakay kami sa taxi pero hindi dahil may dumating na kotse sa harapan namin, nagtataka na napatingin ako kay Lesly.

"Service ko 'to huwag kang mag-aalala."

Hindi na ako sumagot at sumunod aa kanya pagpasok sa loob, magkatabi kami sa likuran. Tahimik na nakaupo lang ako at pinagmamasdan ang kabuan dito, napansin ko na dumukot si Lesly sa maliit niyang bag at nilabas ang cellphone nito. Binaling ko ang atensyon ko sa labas ng bintana, hindi ako nag-message kay Arkin dahil gusto ko siyang supresahin.

Hindi na ako mapakali dahil sa excited at kabang nararamdaman ko, hanggang sa huminto na ang kotse. Napalingon pa ako at nakita ko na maraming kotse ang naka-park dito at masasabi ko na puro 'yon mamahalin.

"Halika na." Aya na sa akin ni Lesly, lumabas na rin ako ng kotse.

Paglabas ko ay gumala ang mata ko sa paligid, maganda at malinis ang paligid. May mga maliliit na ilaw sa mga puno na siguro ay nagsisilbing design na rin. Doon banda sa may gitna ay may babasagin na pinto na kulay itim.

"Lara,"

Napalingon ako sa mahinang pagtawag sa akin ni Lesly, ngunit naagaw ng atensyon ko ang lalaking lumabas sa kotse. Titig na titig ako ng lumakad ito papunta sa kabila ng kotse at binuksan 'yon. Ang lakas ng tibok ng puso ko at kahit iba ang suot nito ay hindi ako maaring magkamali sa lalaking nakikita ko ngayon si, Arkin.

"Ark--" hindi ko natapos ang pagtawag ko dahil sa may buhat itong babae. Hindi ko alam pero pakiramdam ko nanghina ako bigla.

Napaharap sila sa amin at kitang-kita ko ang gulat sa mga mata ni Arkin ng makita ako. Hindi ko magawang gumalaw, pakiramdam ko may mabigat na nakalagay sa mga paa ko.

"Come on, Arkin." Wika ng babae na humilig pa sa dibdib niya.

Muntikan ko ng mabitawan ang dala ko dahil sa kirot na biglang naramdaman ko. Parang hindi ako nakita ni Arkin dahil tumalikod ito at balewalang naglakad ito papunta doon sa may entrance.

"Lara?"

"Ha?" Nagising ang diwa ko sa pagtawag ni Lesly sa akin, hindi ko siya tiningnan dahil tinatago ko ang mata ko na dama ko ang pamumuo ng luha.

"Ayos ka lang ba?" Tanong niya sa akin.

"Halika na puntahan na natin si Arkin, akala ko siya 'yung nakita ko kanina kamukha lang pala niya." Nakangiting sabi ko at nilalabanan ko ang luha ko, inisip ko na hindi si Arkin ang nakita ko kahit alam na alam ko na siya 'yon.

Tiningnan lang ako ni Lesly at tumango, naglakad na siya at sumunod ako sa kanya. Pilit na inaalis ko sa isipan ko ang nakita ko kanina dahil wala lang 'yon.

"Dito ka lang muna tatawagin ko siya." Paalam sa akin ni Lesly.

Dinala niya ako dito sa mukhang silid pero wala namang higaan pero maraming damit ang mga narito at puro seksi na kasuotan. Ako lang at nandito at paglingon ko sa likuran ko may malaking salamin doon, tiningnan ko ang sarili ko. Isang simpleng babae na walang kadating-dating, naalala ko 'yung babae na karga ni Arkin. Maganda siya at seksi. Napatayo naman ako ng makita ko sa salamin si, Arkin.

"Arkin!" Masayang sambit ko at agad na lumapit sa kanya at yumakap ako sa bewang niya.

Wala akong naramdaman sa kanya dahil hindi siya gumagalaw.

"Pasensya ka na kung binigla kita dito, namiss na kasi kita." Wika ko at umalis na ako sa pagkakayakap sa kanya, pinunasan ko rin ang konting luha sa mata ko.

Naalala ko naman ang dala ko na pagkain, agad na kinuha ko 'yun sa upuan.

"Umuwi ka na."

Natigilan ako sa paghawak sa paper bag dahil sa sinabi niya.

"Oo, uuwi rin ako. Dinalhan kita ng pagkain baka nagugutom ka na," balewala ko sa sinabi niya at kinuha ko ang paper bag at inabot 'yon sa kanya.

Kinuha naman niya pero tumalikod na siya sa akin at nagsimulang maglakad.

"Arkin, sandali." Mahinang sabi ko at huminto siya sa paglakad. "May problema ka ba? Sabihin mo sa akin, mauunawaan ko naman. Saka 'yung nakita ko kanina wala 'yon sa akin huwag kang mag-aalala." Pilit ang ngiting sabi ko sa kanya.

Pero wala akong narinig na sagot mula sa kanya, iniwan niya ako na wala man lang akong narinig mula sa kanya.

Ano bang nangyayari Arkin? Bakit ganito ka na sa akin?

Nanlalambot ang tuhod ko at pumatak ng kusa ang luha ko, tumingala naman ako para pigilan ang luha ko.

"Lara nakausap mo na ba?"

Napatalikod ako ng pumasok si Lesly, mabilis na pinunasan ko ang luha ko at humarap sa kanya.

"Oo, nakausap ko na siya. Salamat, sige uuwi na ako anong oras na rin." Nakangiting sabi ko.

"Ihatid na kita." Sabi pa ni Lesly.

"Hindi na ako na lang nakakahiya naman sa'yo, ituro mo na lang sa akin ang sasakyan ko." Sagot ko at tumango siya.

Lumabas na ako ng Club at pakiramdam ko hinang-hina ang katawan ko. Parang mas gusto kong maglakad-lakad lang muna para mawala itong sakit na nararamdaman ko ngayon.