CHAPTER 16
LARA
Maaga akong nagising para mag-init ng tubig upang pagdating ni Arkin ay makakainom na siya ng kape. Kahit medyo masakit ang ulo ko dahil hindi ako nakatulog kagabi ng maayos ay ayos lang naman.
Ala sais ng umaga at medyo malamig ang panahon, nagsalang na ako ng tubig sa kalan. Sumilip ako sa bintana at medyo maliwanag na sa labas, natigilan ako ng makita ang card na binigay sa akin nang lalaki kagabi. Binalewala ko na lang 'yun at naghilamos na ako ng mukha.
Lumipas ang oras at inabot na nang alas siyete ng umaga pero wala pa rin si Arkin, narinig ko ang pagtunog ng cellphone ko. Akala ko tawag text lang pala 'yon.
Hindi ako uuwi ngayon marami kaming ginagawa, dito na ako matutulog at diretso na ako papasok mamaya. Huwag mo na akong hintayin.
Ito ang nabasa ko sa message ni Arkin sa akin, nakaramdam ako ng lungkot pero wala akong magawa. Agad na nagreply ako at sinabi ko na ayos lang, sabi ko mag-ingat at kumain ng mabuti saka magpahinga. Naghintay ako ng reply pero wala na akong nakitang message niya ulit, gustuhin ko mang tawagan nahiya ako dahil baka busy siya.
Kahit na alam kong para sa amin ang ginagawa ni Arkin, hindi ko maiwasan na hindi malungkot dahil hindi ko siya nakita ngayon. Bukas ko pa ulit siya makikita.
Hayaan mo na Lara, para sa inyo ang ginagawa ni Arkin.
"Tama!" Mahinang wika ko at naisip ko na lumabas magpunta kila Mary, para naman malibang ako.
Paglabas ko ng pinto saktong nakita ko si Lesly, binubuksan niya ang pinto. Ngumiti siya sa akin.
"Magandang umaga." Bati ko sa kanya at nabuksan na nito ang pinto.
"Good morning rin, Lara." Bati niya rin sa akin. "Sa'n punta mo?"
"Aa, diyan kila Mary." Sagot ko at tumango siya.
Lalagpasan ko na siya ng maisip kong magtanong kay, Lesly.
"Aa... Lesly, puwede bang magtanong?" Lakas loob kong tanong sa kanya at nakangiting tumango siya.
"Oo naman." Sabi niya.
"Kamusta si Arkin doon sa trabaho niya? Hindi ba siya nahihirapan doon?" Tanong ko.
"Aa si, Arkin. Ayos naman siya doon at hindi nahihirapan, isa pa bihira lang kami magkita kasi magkaiba naman ang trabaho namin." Sagot ni Lesly.
"Ganun ba? Sige, salamat." Sabi ko at tumango lang siya, naglakad na ako papunta sa hagdan.
Nagpunta ako kila Mary, nakita niya agad ako dahil naroon ito nagdidilig ng halaman.
"Lara napasyal ka? Halika pasok ka." Aya nito sa akin.
"Hindi kasi umuwi si Arkin, kaya naisip ko pumasyal sa inyo." Sagot ko pero napansin ko na natigilan si, Mary.
"Paanong hindi umuwi, bakit daw?" Takang tanong nito.
"Aa, nag-message siya sa akin. Hindi nga raw siya makakauwi ngayon marami daw silang ginagawa, doon na rin siya matutulog. Yon ang message niya sa akin," kuwento ko at napatango lang si, Mary.
"Teka, sandali. Magtitimpla ako ng kape." Paalam niya.
Napalibot ang mata ko sa paligid, maraming tanim silang mga halaman at yung iba ay may bulaklak na. Naupo ako sa kahoy na upuan, may maliit na lamesa rin dito na gawa rin sa kahoy.
Mayamaya'y bumalik na si Mary, may dala siyang dalawang tasa na kape at may pandesal rin.
"Nakakahiya naman, pero salamat kasi hindi pa ako nagkakape." Sabi ko pagkalapag ni Mary.
"Ayos lang 'yan, mabuti nga napasyal ka. Nagkaroon ako ng kausap, puro chismosa lang ang mga nakakausap ko dito sa lugar natin." Natatawang sabi ni Mary at napangiti na lang rin ako.
"Pumasok si, Caloy?" Tanong ko paghigop ko ng kape.
"Oo kanina pa, tulog naman ang mga bata."
"Kaya pala, mabuti at may anak ka may kasama ka kapag nasa trabaho ang asawa mo." Sabi ko.
"Tama ka sinabi mo, pero sandali. Bakit hindi ka na lang magtrabaho? Para naman malibang ka habang wala pa kayong anak."
"Gusto ko rin sana, pero sasabihin ko muna kay Arkin. Kung pumayag siya magtatrabaho ako para madali kami makaipon para sa pagpapakasal namin." Nakangiting sabi ko.
"Magpapakasal ba kayo talaga?"
Natigilan ako dahil sa sinabi ni Mary, seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa kape.
"Oo dahil yon ang usapan namin ni Arkin, kaya kami nagpunta dito sa Maynila kahit pa alam kong galit na galit sa akin ang ama ko." Sagot ko balewala sa kakaibang naramdaman ko sa tanong ni, Mary.
"Ikaw ba, Lara. Kung sakaling malaman mo na may ibang babae ang asawa mo o si Arkin, anong gagawin mo?"
Napatingin ako sa kanya at hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng kaba sa dibdib ko. Pero ngumiti ako para mabalewala 'yon.
"Aa, siguro..." Sabi ko pero wala akong maisip na isasagot dahil hindi pumasok sa isip ko na magagawa 'yon ni Arkin.
"Sa akin, mas pipiliin kong manahimik na lang. Dahil kung sa akin pa rin siya umuuwi, hindi ko na kailangan pang magsalita dahil baka kung magsalita pa ako baka iwanan niya ako." Seryosong sabi ni Mary at humigop ng kape.
Pumasok naman sa isip ko ang sinabi ni Mary, nauunawaan ko ang sinabi niya at masasabi ko na kung gaano niya kamahal ang asawa niya.
"Ano ba namang usapan 'to."
Napalingon ako kay Mary na biglang tumawa pero nakita ko sa mata niya na may konting luha sa gilid ng mata niya.
"Siguro ganun talaga ang ibang mga babae, kasi nga mahal nila ang asawa o nobyo nila." Mahinang sagot ko at hindi ko alam kung bakit ko 'yon nasabi.