CHAPTER 15

LARA

Imbes na pumasok sa loob ng bahay ay naisipan ko na lang maglakad-lakad dahil sa gusto kong i-alis sa isipan ko ang kaganapan kanina sa amin ni, Arkin.

Medyo malamig ang hangin sa labas dahil siguro disyembre na, kahit gabi ay maraming tao sa paligid. May mga nagtitinda rin sa mga gilid, marami rin mga kabataan ang mga palakad-lakad.

Hindi ko na namalayan na medyo malayo na pala ang narating ko, pero alam ko naman ang lugar at street na dadaanan ko siguro magtatanong-tanong na lang ako.

Napansin ko na isang parke ang nadaanan ko. Medyo madilim pero may ilaw naman sa mga poste, sapat na para kahit paano ay makita ko ang palaruan ng mga bata sa loob.

Kapag nagkaanak na kami ni Arkin, dito namin sila ipapasyal.

Napangiti ako sa naisip ko at napasandal ako, napalingon ako sa likuran ko. Kotse pala ang sinandalan ko, pero mukhang nakaparada lang ito dahil patay naman ang ilaw. Muli kong binalik ang atensyon ko sa parke na nababakuran ng matataas na rehas, dito naman sa labas ay may mga ilang puno.

Masayang nakamasid lang ako sa loob na may ilang pang mga bata ang naglalaro nang biglang may tumunog. Bigla akong napaalis sa pagkakasandal ko sa kotse at napalakad papunta sa harapan, napatakip ang kamay ko sa mata ko ng umilaw ang harapan.

Ilang saglit lang ay inalis ko ang kamay ko dahil mukhang walang balak na patayin ng kung sino man ang nasa loob ang ilaw. Sinisino ko ang sakay ng kotse, ngunit natigilan ako dahil seryosong nakatingin sa akin ang dalawang pares ng mga mata niya.

Mayamaya'y umalis ako sa gitna ng ilaw at lumakad ako sa gilid, naisip ko na baka aalis na siya. Hindi ko alam na may tao pala doon sa loob, akala ko aandar ang kotse pero bumukas ang pinto. Napasunod ang mata ko sa paglabas ng tao doon, matangkad siya at sigurado akong kasing taas niya si Arkin.

"P-pasensya na, akala ko walang tao sa loob." Yuko ko agad at hingi ng pasensya, dahil baka pagalitan niya ako dahil sa pagsandal ko sa kotse niya dahil mukha pa naman 'yon mamahalin.

Nagtaka naman ako dahil hindi siya nagsalita, pansin ko na patingin-tingin siya bawat paligid. Sumunod ay ako ang binalingan niya, akala ko artista ang nakita ko dahil magandang lalaki ito lalo na sa suot nitong damit.

"Palagi ka bang nandito?"

Napaangat ang balikat ko dahil sa baritonong boses nito kaya hindi ako agad nakasagot.

"Bago lang ako dito pasensya na." Nahihiyang sagot ko at napansin ko na tiningnan niya ako ng maigi.

Hanggang sa may dinukot siya sa tagiliran niya at napatingin ako sa inabot niyang maliit na parang card. Nagtataka na tiningnan ko 'yon.

"Tawagan mo ako kapag may nakita kang dalawang lalaki na laging tumatambay dito. Huwag kang mag-aalala may malaking halaga ang kapalit niyan."

Nakatingin lang ako dito sa lalaki at naguguluhan ako sa sinabi niya.

"S-sige," sagot ko na lang at inabot ang card.

Tumalikod naman ito at binuksan na ang pinto ng kotse.

"By the way, what is your name?"

"Ha? Aa... Lara." Sagot ko at yumuko.

"Tandaan mo ang pangalan ko, Seth." Sabi niya at pumasok na ng tuluyan sa loob ng sasakyan.

Naiwang natitigilan ako dahil sa hindi inaasahang nangyari ngayong gabi. Naisipan ko na umuwi na dahil anong oras na.

------------

CELINE

"Mukhang nasa mood ka ngayon?"

Natigil ako sa mahinang pagkagat sa daliri ko dahil sa malalim na pag-iisip ko sa nangyari kagabi. Ngumit ako kay Lesly na hindi ko namalayan na narito na pala siya sa loob ng opisina ko.

"Yes, nasa mood talaga ako ngayon." Nakangiting sagot ko at umayos ako ng upo.

"I feel you, so... Masarap ba siya?"

Napapangiting naiiling ako sa tanong ni Lesly pero tumango ako at sinabayan niya ng mahinang pagtawa.

"Sinasabi ko na, pero sandali. May nilagay ka ba sa inumin ni Arkin?" Maya'y tanong nito at napasandal ako sa upuan.

"Yeah, kaya naman naangkin ko siya at pakiramdam ko damang-dama ko pa rin ang nangyari sa amin." Napapapikit na sabi ko dahil nilagyan ko ang iniinom ni Arkin para ganahan siya at tamaan siya ng init ng katawan.

"Gosh, grabe ka. So, pagtapos no'n anong nangyari? Sigurado akong hindi 'yon makapaniwala na may nangyari sa inyo."

Hindi ako sumagot kay Lesly at naalala ang mukha ni Arkin pagkatapos ng may mangyari sa amin.

"Huwag na natin 'yang pag-usapan, nakita mo na ba siya? Saka 'yung pinapagawa ko sa'yo tungkol doon sa kinakasama niyang babae?" Pag-iiba ko sa usapan namin ni, Lesly.

"Oo nakita ko ng dumating siya at hindi man lang ako pinansin, pero wala na siyang magagawa dahil naangkin mo na siya." Sabi ni Lesly.

"Well, sa akin na talaga siya. Hindi ako papayag na hindi siya mapunta sa akin, total hindi naman sila kasal ng babae na 'yon at wala silang anak." Seryosong sagot ko.

"Okey sige, ako ng bahala kay Lara. Ngayon ipakita mo kay Seth na hindi lang siya ang lalaking kababaliwan mo." Natatawang sabi pa ni Lesly bago lumabas ng pinto.

Naiwang tahimik ako habang nag-iisip, dahil simula kagabi ng maramdaman ko si Arkin. Iba yung naramdaman ko sa kanya, hindi ko maipaliwanag pero gusto kong maramdaman ulit 'yon sa kanya.

Mayamaya'y nakarinig ako ng katok sa pinto at bumukas 'yon, si Arkin at halatang bagong ligo ito. Kahit hindi mabango ang mga ginagamit niya sa katawan ay para sa akin ay ang bango-bango no'n. Maayos ang suot nito na pantalon na maong na medyo luma na at t-shirt na itim. Seryosong nakatingin lang siya sa akin.

"Mabuti at dumating ka na, may pupuntahan tayo kaya magpalit ka na ng damit mo." Sabi ko habang nakatingin sa cellphone na hawak ko.

"Gusto kong pag-usapan 'yung nangyari kagabi."

Natigilan ako dahil sa sinabi ni Arkin at napaangat ang mukha ko.

"Bakit may dapat ba tayong pag-usapan?" Seryosong sagot ko. "Wala ako sa mood sa ganyang usapan, yung nangyari kagabi ay pareho nating gusto." Sagot ko lang at binaba ko ang cellphone ko.

Napansin ko na yumuko siya at parang may iniisip, matapos ay naglakad na ito at kinuha ang paper bag na nasa upuan. Binibilhan ko siya araw-araw ng isusuot niya sa tuwing aalis kami.

Pinagmamasdan ko lang siya habang nagpapalit ng damit, tumayo ako ng huhubarin niya ang t-shirt niya. Paglapit ko sa kanya ay ako ang nagtaas ng t-shirt niya. Titig na titig ako sa labi niya, akmang hahagkan ko 'yun ng umiwas siya.

"Maaari mo akong iwasan ngayon o sa mga susunod na bukas, ngunit hanggang kailan? Alam kong nagustuhan mo rin ang nangyari sa atin kagabi. Hindi ako nagsisi kagabi, Arkin." Yakap ko sa hubad niyang katawan.

"Paano kung mabuntis kita?"

Napaalis ako sa pagkakayakap sa kanya.

"Mabuntis? Why not? Pananagutan mo naman ako hindi ba?" Sabi ko at napatitig siya sa akin.

"May nobya ako at magkasama kami sa iisang bahay, mag-iipon lang ako para sa kasal namin." Sagot niya at bahagyang lumayo ako sa kanya.

"Kung ganun bakit hinayaan mo ang nangyari sa atin? Paano kung mabuntis mo talaga ako? Ano, pababayaan mo lang ako ganun ba 'yon Arkin dahil may babae kang mahal?" Inis na sagot ko.

"Alam kong nagkamali ako kaya humihingi ako ng tawad sa'yo, kaya kung maaari huwag na sana ulit mangyari ang nangyari sa atin kagabi." Sagot nito.

"No," sagot ko at muling lumapit ako sa kanya.

Hinalik-halikan ko ang leeg niya at ang pisngi niya, kahit umiiwas siya ay pilit na hinalikan ko siya sa labi. Dinala ko ang kamay niya sa likod ko, akala ko talagang hindi ko siya mapapasunod pero naramdaman ko na lang paggalaw ng labi niya at napangiti ako ng tagumpay.