CHAPTER 14
LARA
Nagliligpit ako ng ilang nagkalat na gamit dito sa loob ng bahay pag-alis ni Arkin. Masiglang hinugasan ko ang mga pinaggamitan ko sa pagluluto kanina, patingin-tingin rin ako sa cellphone dahil baka nag-message si Arkin.
Natapos ko na ang lahat ng gawain at naisip ko ng mahiga dahil anong oras na rin. Ngunit nakailang ikot na ako sa higaan pero hindi ako makatulog, wala naman akong iniisip na iba. Tiningnan ko ang cellphone, alas dose na ng madaling araw.
Matulog ka na Lara, bukas darating naman si Arkin.
Isip ko at pilit na pinikit ko ang mata ko, ilang sandali pa ay hindi ko na namalayan na nakatulog na ako.
---------
Nagising ako sa tama ng liwanag sa mata ko, pagtingin ko hindi ko pala naisara ang bintana. Umaga na at maliwanag na, pagtingin ko sa paligid tahimik.
"Arkin?" Tawag ko at bumango na ako, tiningnan ko ang oras sa cellphone. Alas otso na ng umaga.
Lumabas ako ng kuwarto, tahimik lang dito at walang bakas na may dumating dito. Wala rin message si Arkin sa akin, saglit na napaisip ako pero sa huli ay inisip ko na lang na baka may ginawa pa sila. Nagtungo ako sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush.
Naisipan kong bumili ng pandesal, sinigurado kong naka-lock ang pinto at iniwan ko na ito. Nakita ko si Lesly at mukhang antok na antok na dahil sa itsura nito.
"Lesly, magandang umaga." Nakangiting bati ko sa kanya at pilit na ngumiti siya sa akin.
"Good morning, antok na antok ako." Sabi niya at nilagpasan ako, gusto ko sanang magtanong kay Lesly, hindi ko na lang ginawa.
Nagpatuloy akong maglakad, naalala ko no'ng nagpunta kami sa palingke ni Mary, may nakita akong bakery. Bibili ako para pagdating ni Arkin may almusal siya.
Pagbaba ko at paglabas, nakita ko ang tindihan na may tatlong babae ang naroon at mukhang nagkukuwentuhan sila. Napansin ko na may dalang stayro yung isa at may nakalagay pandesal. Napangiti ako agad na lumapit.
"Magkano po ang padesal?" Tanong ko at natigil sila sa pag-uusap.
"Ilan bibilhin mo? Kuwatro ang isa, sa pugon ito at masarap siksik." Nakangiting sabi ng babaeng may dala ng stayro.
"Talag po? Sige ho pabili ako ng apat." Masiglang sagot ko at binaba ng babae ang stayro niya sa upuan.
"Ikaw ba 'yung nangungupahan sa tabi ni Lesly?"
Napaangat ang mukha ko at tumango sa babae na nasa tindihan.
"Opo, ako po saka 'yung asawa ko." Nakangiting sagot ko.
"Aa, nasaan ang asawa mo?" Tanong pa nito.
"Nasa trabaho pa ho." Magalang na sagot ko.
"Nasa trabaho pa? Ibig sabihin hindi pa siya umuuwi? Bakit panggabi ba siya?" Kuryos na tanong ng isang babae na naupo.
"Opo, panggabi siya. Doon po siya nagtatrabaho sa trabaho ni Lesly." Sagot ko at nagkatinginan silang apat kasama ang nasa tindihan.
Natigilan ako dahil sa tinginan nilang apat.
"Nako, ibig mong sabihin doon sa club? Eh, ano naman ang trabaho niya doon?" Tanong naman ng nagtitinda ng pandesal matapos i-abot sa akin ang binili ko.
"Helper po siya doon, tumutulong siya sa mga bubuhatin." Sagot ko at nakita ko na napangiti sila.
"Sigurado ka ba na 'yan ang trabaho niya? Baka naman iba ang binubuhat." Sabay tawa nila.
Kahit hindi nila direktang sinabi sa akin ay naunawaan ko 'yon at isa pa hindi naman 'yun magagawa ni Arkin sa akin.
"Sig ho salamat." Nakayukong sabi ko at tumalikod na ako.
"Bantayan mo yang asawa mo magandang lalaki pa naman siya!"
Malakas na sigaw pa ng babae at hindi ko alam kung sino doon ang nagsabi no'n. Binilisan ko na ang paglakad ko at nagbalik na ako sa bahay.
Tahimik ako habang nakaupo, nagtimpla ako ng kape pero hindi ko pa 'yun iniinom. Hanggang sa narinig ko sa may pinto na may nagsususi, napaayos ako ng upo. Pagbukas ay nakita ko agad ang antok na mukha ni Arkin.
Tumayo ako at sinalubong siya, agad na kinuha ko ang bag niya habang nag-aalis siya ng sapatos. Nakatingin lang ako sa kanya dahil parang ang tahimik niya, hindi katulad no'ng unang uwi niya.
"Halika magkape na tayo." Masiglang aya ko sa kanya.
"Matulog na muna ako."
Natigilan ako dahil sa malamig na boses na sabi niya, may kung ano akong naramdaman pero binalewala ko 'yun.
"O-okey lang, sige matulog ka na muna." Nakangiting sabi ko pero hindi na siya sumagot, nagtuloy siya sa kuwarto namin.
Nagbalik ako sa lamesa at ininom ko ang kape, ngunit lutang ang isip ko dahil sa nararamdaman ko.
Pagod lang siya Lara, mamaya paggising niya babalik rin ang lahat.
Huminga ako ng malalim at inubos ko na ang kape ko, tinabi ko ang pandesal na hindi ko naman nabawasan.
Nilibang ko ang sarili ko sa pagwawalis sa labas ng bahay namin, inalis ko ang mga ibang nakakalat doon banda sa may gilid dahil nasa pinakadulo kami ng apartment.
Sumapit ang gabi at ganun oras rin gumising si Arkin, nakapagluto na ako ng pagkain at babaunin niya. Naalala ko naman ang baunan niya, agad na binuksan ko ang bag niya para mahugasan 'yon pero wala doon ang lalagyan. Napalingon ako kay Arkin na tapos ng maligo at nagtungo sa kuwarto.
Hinintay ko ang paglabas niya, nakaayos na ang maliit na lamesa namin para sabay kaming kumain bago siya umalis.
"Halika na kumain na tayo." Nakangiting aya ko, tiningnan niya ako pero saglit lang at naupo na ito sa upuan.
Nilagyan ko ng ulam ang plato niya at nagsalin ako ng tubig sa baso naming dalawa. Nakikiramdam ako habang kumakain kami at naninibago ako dahil ang tahimik namin dati kasi kapag kumakain kami ay nag-uusap kami.
"Napagod ka ba kagabi?" nakangiting tanong ko at napansin ko na natigilan siya sa pagkain. "Ito pa may ulam pa." abot ko pa sa ulam, kumuha siya pero hindi siya nagsasalita.
Natapos na kaming dalawa kumain na wala man lang napag-usapan, tahimik na nagliligpit ako ng mga pinagkainan namin habang malalim na nag-iisip.
"Alis na ako." paalam niya na hindi ako tinitingnan.
"Nasaan pala ang lagayan mo ng pagkain?" tanong ko at saglit na parang nag-isip siya.
"Naiwan ko sa trabaho." malamig ang boses na sabi nito.
"aa, mag-iingat ka." nakangiting sagot ko at tumalikod na siya at naglakad. "Arkin!" tawag ko pa sa kanya at huminto siya sa paglalakad. "Kung may problema sabihan mo lang ako." sabi ko at hindi siya sumagot nagpatuloy ito sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit ko yun nasabi sa kanya, may kung anong bumabagabag sa dibdib ko dahil sa kinikilos ni, Arkin.
Wala na sa Arkin pero ako ito nanatiling nakatayo pa rin, nasa isip ko kung may problema ba si Arkin, sana naman hindi yon ganun kalala. Hihintayin ko na magsabi ka sa akin.