Chapter 6

Madilim ang loob ng bahay. Sa sobrang katahimikan ay tila naririnig ko ang pagtibok ng puso. O tama pa ba ang naririnig ko? Akala ko kasi ay huminto na sa pagpintig ng puso ko.

Napabaling ang paningin ko sa silid ni Gabriel. Himala. Tahimik ang kuwarto niya. Kapag ganitong oras kasi, nagsisimula na siya sa paglalaro niya ng apoy. Huh! Wala sigurong gustong pumatol sa kanya sa gabing ito. Akala ko, hindi na siya mauubusan ng babae.

Pagod akong tumungo ng kusina. Balak kumuha ng tubig mula sa refrigerator para matighaw ang nanunuyo kong lalamunan. Pagbukas ko ng fridge ay namataan ko kaagad ang mga beer in can ni Gabriel. Parang hinihila ng inuming iyon ang mga kamay ko. Kumuha ako ng isa. Hindi naman siguro mahahalata ng manyak na iyon na binawasan ko ang mga beer niya.

Binuksan ko ang isang lata. Agad na tumungga. Mapait ang lasa. Tinungga ko ulit. Gumuhit ang lamig sa lalamunan ko. At parang hindi na siya kasing-pait ng una kong tinikman iyon. Kaya nilagok ko na iyon ng diretso. Nagulat ako sa sarili ko nang mapansin na mauubos ko na agad ang isang lata ng beer, samantalang ngayon ko lang naman ginawa ito. Hindi ako umiinom. Kahit inaaya ako ng mga kasamahan ko sa opisina na magpunta sa bar at uminom ng alkohol ay hindi ko pa nagawa.

Kumuha pa ako ng isang lata ng beer. Umupo ako sa harap ng dining table. Tinunggang muli ang laman at para bang uhaw na uhaw pa rin ako. Siguro ganoon talaga ang beer. Kapag natikman mo na, babalik-balikan mo na. Hahanap-hanapin mo.

Hindi ko na namalayan ang oras. Ilang basyo ng lata na rin ang nasa harapan ko ngayon. Wala na nga akong malasahan. Parang tubig na lang ang iniinom ko. Mas nalalasahan ko pa ang alat ng mga luhang dumadaloy na pala mula sa mga mata ko. Humahalo iyon sa inumin ko.

"Anong mayroon? Birthday mo ba? Bakit nag-ce-celebrate kang mag-isa?"

Si Gabriel iyon. Hindi ko namalayan na nasa gilid ko na siya.

Inirapan ko siya. "Babayaran ko na lang ang mga nainom ko…" Bigla akong sininok. ‘Shit naman. Bakit ba kanina pa ako sinisinok? Inom naman na ako nang inom, ah.’

"Mayroon pa ‘kong isang case riyan. Gusto mo sa ‘yo na rin?"

Napaangat ang tingin ko kay Gabriel. Nakataas ang gilid na isang labi niya, nakapamaywang ang isang kamay, walang damit pang-itaas at boxer shorts lang ang suot niya. Isang nakakainis at buwisit na borta!

"S-Sige! ‘Labas mo!" hamon ko sa kanya. Akala ba niya ay uurungan ko siya.

Nagsalubong ang mga kilay ko nang makita ko siyang papalapit sa akin. Umupo siya sa silyang katapat ko.

"Mas masarap uminom kapag may kasama," sabi ni Gabriel. Inagaw niya ang beer na hawak ko at saka niya diretsong ininom. "Hindi ko alam na malakas ka palang uminom." Pinasadahan niya ng tingin ang mga naubos ko.

Napanguso ako. Ano ba ang isasagot ko sa kanya? Hindi ko rin alam. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Parang uhaw na uhaw ako.

"None of your business!" sabi ko sa kanya. Muli akong napasinok.

"Lasing ka na, Kara," aniyang nagbukas ng isang lata at saka uminom din.

Paano ba masasabi na lasing ka na? Iyong susuray-suray? Iyong hindi na alam ang mga sinasabi? Eh, bakit ako, alam na alam ko pa kung ano ang ginagawa ko? Alam na alam ko na naiinis ako sa kanya kahit pa sinasamahan niya ako ngayon.

"G-Gabriel! Nagko-condom ka ba?" diretso kong tanong sa kanya.

Hindi siya agad nakasagot. Pinagmasdan lang muna niya ang mukha ko. "Why? Is it important to you?" seryoso niyang tanong.

"Paano kapag nakabuntis ka? Paano kapag may isang buhay kang mabuo sa tiyan ng babaeng hindi mo naman totoong gusto? Paano kung ayaw ka nang pakawalan ng babaeng nabuntis mo?" Napakuyom ang kamao ko. "Ganoon mo na lang ba iiwan ang taong mahalaga sa ‘yo? Para sa babaeng nabuntis mo? Para sa bata? Dahil iyon ang tama? Dahil kailangan mong panagutan ang kasalanan mo. Kasi... Iyon ang tama! K-Kahit na may isang tao kang masasaktan.. Kahit na..." Hindi ko na napigilan ang sarili ko na mapahagulgol. Kanina ko pa pinipigilan ang sarili ko kung bakit ngayon pa sa harap ng isa ring gago ako nagpakita ng kahinaan ko.

"On the first place, kung ayaw mo sa isang tao, hindi ka na mag-aaksaya pa ng panahon sa kanya. Gamitin mo siya, kung game siya. Pero hanggang doon lang iyon. No strings attached," parang ekspertong sabi ni Gabriel.

Napaangat ako ng tingin sa kanya. Walang pakialam kung hilam ng luha ang mga mata ko. "Ano iyon? Gamitan? Parang isang bagay lang na pagkatapos gamitin ay itatapon mo na lang?" Mapakla akong natawa. That's the typical Gabriel Ballarat. "Kaya walang totoong nagmamahal sa ‘yo, Gabriel." Pinunasan ko ang luha ko at muling uminom.

"Hindi naman ako nasasaktan na kagaya mo," pagdidiin niya.

Napatingin ako sa kanya nang mariin. Hindi siya umiwas, bagkus ay sinalubong ang mga tingin ko. Ang dating mapang-asar na Gabriel, ngayon ay walang kangiti-ngiti at seryosong nakatitig sa akin.