Chapter 5

Hindi ko alam kung anong oras na. Malamig na ang hangin at iilan na lang ang mga tao sa paligid. Nandito pa rin ako sa parking lot sa labas ng restaurant. Nagbabakasakali ako na babalik si Nicolo. Baka mapag-isip isip niya na mali ang nagawa niya. Baka bumalik siya at hanapin ako at sabihin na nagsisisi siya na iniwan niya ako rito.

Narinig ko ang pagtunog ng cellphone ko. Nagmamadali akong sinagot iyon. "Nic! Nic, nasaan ka? Nic, please mag-usap naman tayo! Mahal kita. Pakakasal naman ako sa ‘yo, eh. Makinig ka naman muna sa akin. Huwag namang ganito... Nic please, huwag mo 'kong iiwan..." halos desperadang pakiusap ko kay Nic.

"Kara? Kara, umiiyak ka ba?" boses mula sa kabilang linya.

Napapikit ako nang marinig ko ang pamilyar na tinig na iyon.

"Kara, answer me. Where are you? Bakit ka umiiyak?" tanong ulit ng lalaking ni sa panaginip ay ayaw kong marinig ang tinig.

Hindi ko na sinagot ang mga tanong ni Gabriel at pinatay ang tawag. Wala siyang pakialam sa buhay ko at wala siyang karapatang malaman kung ano ang nangyayari sa akin!

Ibinulsa kong muli ang cellphone at niyakap ang sarili. Pinahid ko ang mga luha kong hindi ko namalayan na tumulo na pala.

Tatawagan ko si Nicolo. O kaya ay pupuntahan ko siya sa bahay nila. Hindi puwedeng matapos ang gabing ito na hindi kami nagkakaayos. Subalit muling tumunog ang cellphone ko.

‘Bakit ba ako kinukulit ni Gabriel? Hindi ba siya makaintindi na wala siyang pakialam sa akin?’

"Ano ba? Tigilan mo na ako!” bulyaw ko kay Gabriel na nasa kabilang linya. “Huwag mo na akong kulitin! Mula ngayon, wala na akong pakialam sa ‘yo! Ayaw ko nang makita ang pagmumukha mong hayop ka! Sana bangungutin ka sa pagtulog–" Natigilan ako nang may marinig akong paghikbi ng babae sa kabilang linya. Tiningnan ko ang screen ng cellphone at tila nahulog ang puso ko sa gulat.

Shit! Hindi si Gabriel ang kausap ko. Kundi si... "L-Letty?"

"I-I'm sorry, Kara. Hindi ko naman sinasadya ang nangyari. Nakalimot kami pareho ni Nic. Pero pakiusap, ibigay mo na lang siya sa akin. Para na lang sa magiging anak namin..." umiyak na sabi ni Letty.

Akala ko, mahina lang ang pagsabog ng bombang inihagis sa harapan ko kaninang kaharap ko si Nicolo. Nang bigla niya akong iwan na naguguluhan at litong-lito. Iyon pala, mayroon pang kasunod. Mayroon pang mas masakit.

Ano ba? Ano ba ang nangyayari? Is this some kind of a joke? A prank? Niloloko ba nila akong lahat? Bakit parang totoo? Bakit parang sasabog ang dibdib ko?

"Kara, mahal ko na si Nic. Ayaw niya akong pakasalan dahil ikaw lang daw ang babae para sa kanya. Pero paano naman ang magiging anak namin? Maawa ka naman sa bata..." muling sabi ni Letty.

So, magkakaanak na pala sila. Ako ang kasintahan, ako ang pinangakuan pero iba ang inanakan. Wow! Wow lang talaga!

"Sa ‘yo na siya, Letty! Sa ‘yong, sa ‘yo na siya!" matigas ang tinig na lumabas sa bibig ko. Pinindot ko ang cellphone at pinatay iyon. Nagpupuyos ang damdamin ko sa nalaman.

Sa dilim ng gabi, sa malakas na ihip ng hangin, sa ilalim ng nagkikislapang mga bituin sa langit, napaupo ako sa isang tabi. Panay ang daloy ng luha ko. Hindi ako makahinga sa sobrang sikip ng dibdib ko.

Kaya pala. Kaya pala ganoon si Nic kanina.

Sila ni Letty.

Shit!

Wala akong maapuhap na ibang kasagutan sa tanong na nagsusumiksik sa utak ko. Ang tanong kung bakit nangyari ito? Ang tanong kung ano ang naging pagkukulang ko.

Nakagat ko ang labi ko. Sobrang diin hanggang malasahan ko ang dugong nagmumula sa sarili kong bibig.